Sabado, Marso 29, 2014

SOBRANG INIT, PAWIS HANGGANG SINGIT


“Sobrang init!”
Mabenta na naman ang mga malls. Init na init kasi ang mga tao sa kanilang mga bahay. Aktibo ang mga protons, neutrons, at electrons (‘di ko alam ung tungkol sa quarks e), nagtatakbuhan kaya naman pawisang-pawisan. Sa sobrang init, pawis hanggang singit. 
Ano nga ba ang magandang gawin kapag ganitong napaka-init? Kahit maligo ka ng maya’t maya wala pa ring pagbabago. Minsan nga pinapawisan ka na rin habang naliligo. Kung pupunta ka naman sa mall mapapagastos ka lang. Sa panahong sunod sunod ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin, kailangang maghigpit ng sinturon. Nakamamatay ang pabasta-bastang paggastos.
Minsan nakakaisip na akong bumili ng centralized aircon. Sosyal yun. Naka-aircon ang buong bahay. Pero hindi lang siguro hangin ang dapat nating ikondisyon. Dapat rin siguro nating ikondisyon ang ating mga sarili. Kung mainit na ang panahon, hindi na maganda kung mainit pa rin ang ating ulo. Kung pawis na pawis na tayo, hindi na siguro mainam kung magrereklamo dahil lalo tayong gagastos ng lakas at lalo tayong pagpapawisan.
Dapat bawasan ang reklamo ngayong tag-init. Kaya nga marahil tinawag na “tag-init” dahil marami ang init kapag ganitong panahon. Kaya aani talaga tayo ng init.
Kung tutuusin, tayo din naman ang dahilan ng sobra sobrang init na ating nararanasan ngayon. Tayong mga tao ang gumastos ng mga panlaban ng mundo sa sobrang init ng araw. Tapon dito, tapon doon. Sunog dito, sunog doon. Putol ng puno dito, putol ng puno doon. Saan na nga tayo dinala ng mga ito? Tayo rin ang gumawa ng batong ipupukpok sa ating mga ulo.
Sobra ang init dahil napasobra rin tayo sa ating galing. Ito na siguro ang tamang panahon para tayo ay magbawas ng kayabangan. Hindi lahat ng yaman ng mundo ay dapat nating gastusin ayon lamang sa ating “pagnanais”. Hindi ito basta basta ginagamit para sa pansariling kapakanan. Hindi tayo dapat maging “manggagamit”.
Ngayon, balikan natin ang tanong. “Ano nga ba ang magandang gawin kapag ganitong napakainit?” Tularan natin ang ginagawa ng mga tao sa bukid, sumisipol sipol. Hinahayaang dumating ang hangin. H’wag nating pilitin ang kalikasan na umayon sa ating kagustuhan. Kung hindi pa kaya ng electric fan na tularan ang natural na haplos ng hangin, hindi tayo dapat mayamot. Naging mailap na sa atin ang kalikasan. Masyado na ang ating panghuhuli sa kalikasan para ilagay sa sitwasyong pwedeng manipulahin. Babalik lang ang tiwala nito sa atin kung makikipagkaibigan tayo dito.
Kailangan ng mainit na pagtanggap sa katotohanang tayo ang may gawa ng mga ito. Palakpakan natin ang ating mga sarili. Ito na ang bunga ng ating mga “pinagpaguran”. Maunlad na ang mundo. Pero, bagay pa ba ito para sa tao?

Huwebes, Marso 20, 2014

PAGTATAPOS AT PAGSISIMULA ANG GRADUATION

DAHIL MAY MGA UPUANG MONOBLOC SA HARAP NG GRANDSTAND

Magsisimula na ang mga seremonya para mga magsisipagtapos sa UST. Bukas, magdaraos ng Baccalaureate Mass. Handang handa na ang mga upuang monobloc sa harapan ng grandstand. Malamang, pinaplantsa na rin ng mga graduates ang kanilang susuoting uniporme na mapupuno ng mga sulat-mensahe galing sa kanilang mga kaklase. 

Marami na naman akong makakasalubong bukas na pugto ang mata. Lungkot na lungkot dahil hindi na sila malimit magkikita ng kanilang mga dabarkads. Hindi na sila makakapag-usap ng matagal-tagal, na sa totoo lamang yung mga kaibigan din naman nila ang kalimitang pinagtsitsismisan. Kung sino ang wala, sya ang pagtatawanan. Hehe! 

Magtitira naman kayo ng luha para sa Commencement Exercises (na tinatawag naman sa UST na Solemn Investiture). Ito yung araw na magsusuot sila ng itim na toga at sumbrerong may borloloy. Tatanggap din sila ng nakarolyong papel na kunwari'y diploma dahil hindi pa nagagawa ang tunay na diploma. Hindi pa siguro napipirmahan ng Rector dahil abala sa pagmimisa at CBA negotiation. 

Marami ring imbetadong speaker na dadaanin sila sa mga quote, malakas na boses, at makisig na damit. Ilan sa kanila hindi naman sila ang nagsulat ng talumpati. Ipinasulat sa kanilang ghostwriter na dalubahasa sa cut-and-paste. Bilang pagpapakita ng appreciation, prinaktis na rin ng mga magsisipagtapos ang pagpalakpak at pagtayo. Ilan lamang yan sa mga eksena sa Graduation. Tinatawag itong "pagtatapos" sa wikang Filipino. Commencement exercises naman sa wikang ingles na ibig sabihin ay "pagsisimula". Bakit kaya ganun? Siguro nga, isa itong pagtatapos at pagsisimula.

Pagtatapos ng pagpupuyat para magbasa at gumawa ng term paper. Pagsisimula naman ng pagpupuyat para sa utos ng manager na wala namang overtime pay.

Pagtatapos ng pagsisip sa mga teacher upang makakuha ng magandang grade at maging cum laude. Pagsisimula naman ng pagsisipsip sa employer para makakuha ng mabilis na promotion.

Tapos na rin ang pagtambay sa lovers' lane, pagkain kay Ate Eva ng mga putaheng may corn at carrots, pagtulog sa de-aircon na library, at pagpapractice ng social dance sa plaza mayor. Magsisimula namang tumambay sa Starbucks para magmukang sosyal. 

Tapos na rin ang paghihirap ng mga magulang upang maigapang ang kanilang pag-aaral. Simula naman ng kanilang kalbaryo dahil wala silang makitang trabaho. O kung may trabaho man, kakarampot naman ang sweldo. 

Kaya, hwag ninyong sanang kalilimutan ang mga pangaral ng unibersidad sa inyo. Unang una na dyan ang 3Cs: Commitment, Competence, at Compassion. Kung paano kayo payayamanin ng mga yan, diskobrehin nyo na lang. Pangalawa, ipakita ninyo ang ibig sabihin ng motto ng UST: Veritas o Truth. Kahit maraming beses kayong nangopya ng inyong assignment at sa mga pagsusulit, i-push nyo pa rin ang pagiging makatotohanan. At pangatlo, Karunungang may dangal. Kapag naging OFW na kayo sa Dubai o Singapore, wag kalilimutan ang mga yan. 

Hwag nyo ring kalilimutan ang mga itinuro ng mga propesor ninyong pag-iisip na kritikal. Kung natutunan nyo talaga ang mga tinuturo nila, humanda na kayo. Malamang-lamang isusuklam kayo ng mga obispo at babansagan kayo ng Varsitarian na "Lemons and cowards". :)


Panghuli, magpapirma na kayo ng mga clearance bago pa kayo maghabol sa mga administrator na mamamasyal na sa Boracay. Good luck sa buhay! Lagi nyong tatandaan ang sinasabing kabataan ang pag-asa ng bayan. Kayo ang pag-asa ng nasa transisyong bayan. Kayo yun! Dati kami ang mga kabataan. Kaya, hwag nyo kaming tularan. :)

Martes, Marso 11, 2014

Sa Pagitan ng Pagdududa at Paniniwala

NAPAKARAMING PAKPAK


Tinigilan ko na
ang kahumalingan ng pakikipagmagalingan sa Diyos.

Napakaraming kapwa ang dapat mahalin,
pagyamanin at mapagyaman din;
Napakaraming pagkakataon na makisalamuha,
upang makihati sa Buhay na kamangha-mangha;
Napakaraming talento at aginaldo
upang dumunong at gamitin ng wasto.

Subalit
sa napakaraming kaya kong gawin;
Mistula akong bawang na sahog sa bawat ulam--
Walang sariling maihahain
Dahil sa aking pagmamagaling.

Matipuno akong naghahangad lumipad
Sa bawat regalo Niyang pakpak,
Ngunit nagdulot ito ng sugat
Dahil sa magkakatunggaling pigkas.

Ito ba?
Ganito ba talaga dapat?

Nabasag ang katahimikan ng simpleng katotohanan--
Hindi kayang kamkamin ng aking mga kamay,
Lahat Niyang kaloob na nais kong isupot.

Napakaliit ng aking mga kamay.

At sumuko na rin ang napapagal kong puso:
Sa unang pagkakataon nakita ko ng buong buo,
Bumabaha ng pagmamahal, sobra-sobra para sa akin!

Para kanino ako babangon?
aking sagot,
aking handog.
Kailangan ko ng direksyon.

Lunes, Marso 10, 2014

Ilang Minuto sa Hustisya ni Plato

Alas nueve  na ng gabi natapos ang aming klase sa Graduate School. Pinag-uusapan namin ang konsepto ng “hustisya” sang-ayon kay Platon. Dahil ganadong ganado ang aming propesor, hindi namin namalayan na baka kami na ang magsarado ng UST.


Pero, sa hinaba haba ng usapin ng hustiya, paglabas mo ng classroom doon mo pala talaga mauunawaan ang ibig sabihin nito.
Napadaan ako sa Nagtahan. Maraming mga dalagita ang nagtitinda ng sampaguita. Siguro, sa sobrang bango ng inilalako nilang sampaguita, maging yung isang mistisang dalagita ay isinakay na rin sa tintadong tintadong kotse.
Hindi mo na kailangan ng Bagyong Yolanda para matauhan na may mga taong kailangang tulungan. Imumulat lamang natin ang ating mga mata, may mga taong walang makain, walang disenteng tirahan, walang wala. Mas malala ito dahil araw araw nila itong nararanasan. Routine kung baga. Pero, mukang wala tayong pakialam.
Ito siguro ang inilalarawan ni Platon na “highly partitioned nation” noong nilalait niya ang Athens nang panahon niya. Ang kawalan daw ng hustisya ay bunga ng pagkakawatak watak ng mga tao. Kawalan ng paki-alam.
Sa tingin ko, ganyan rin ang ating lipunan. Hindi naman siguro tayo bulag para hindi makita ang pangangailangan ng iba. Pero, ano ang ating ginagawa? Wala. O kaya, yung usong uso ngayon sa FB, "Ipagdadasal ko na lamang sila."
Hindi ko sinasabing masama ang magdasal. Mabuti ito. Pero, hindi sapat ang dasal lamang. Kailangan din ng aksyon. Hindi sapat ang lumuhod lamang sa harap ng krus o di kaya ay sa harap ng tabernakulo na may lamang wafer na pinaniniwalaang "body of Christ" para maibsan ang gutom ng iba. Sabi nga ng mga jejemon, kilos kilos din pag may time. Kung ayaw nating mapabilis ang pagsakop ng mga taga-Mars sa ating planeta, tumulong din tayo. :)


#PilosopiyaSaGilid #Plato #Justice #PilosopiyangPilipino

Sa Pagsakay sa Dyip


Malupit pala kapag inabutan ka ng rush hour sa may U-belt (Legarda, Recto area). Nagsimulang mag-abang ng masasakyan nang 6pm. Nakasakay sa siksikang jeep nang 7:30pm. Makikipagpalitan ka talaga ng mukha sa mga commuter. Kapag tumigil ang jeep o fx, para kaming mga piranha na nakikipag-agawan.

Bakas sa hitsura ng mga tao ang pagkabagot, baka manunuod pa sila ng Juan dela Cruz. Iniisip ko yung game ng Ginebra. At, nakasakay na nga ako. Ginamit ko na ang diskarte ni Shaider sa pagsakay. Tinalon ko na, parang pagsakay ni Shaider sa Babilos.

Sa unahang bahagi ng jeep ako napasakay. Libre ang amoy ng alimuom. Buti na lang at hindi na masyadong matrapik sa Aurora Blvd. Epektibo rin naman kahit paano ang Bus ban sa Maynila. Nabawasan ang mga G. Liner (Gapang Liner daw ibig sabihin nun) na ginagawang terminal ang kalsada.




Kaso sobrang lakas ng sound sa jeep. Sa aking palagay, kung nasa kabilng jeep ako, malamang eksakto ang lakas ng sound. Imaginin nyo na lang kung gaano kalakas yun para sa amin na nakasakay sa loob. Kinabog ang nananahimik kong tutuli.

Humanga ako sa drayber na kayang kayang marinig ang “bayad po”. Agad agad naka-akma ang pag-abot ng barya. Kaya nga lamang tuwing sumisigaw ng “Ma, sukli ko po?”, mahirap ata marinig dahil sa lakas ng sound. Hehe!

Pagkarating ko sa bahay, isang galong tubig ang aking nainom. Pampalit yun sa mga ipinawis ko.

Masaya pa rin ang karanasan sa kalsada. Konteng training pa at maaari na akong maging ninja. Magagamit ko yun kapag panahon na at sasakupin na ng mga taga-Mars ang mundo.

Linggo, Marso 9, 2014

NinjaProblems


Gutom na gutom ako kanina pagkatapos ng klase (12-1pm). Pero nagsasawa na akong kumain sa Ate Eva’s. Memorized ko na ang lasa ng sisig at kung anu ano pang ulam doon na may corn and carrots sa gilid. Siguro ganun rin ang nararamdaman ng mga varsity player ng UST na libre kumain dun. 

Wala naman akong budget para kumain sa tokyo tokyo o kaya sa pancake house sa car park. Kung mapapadaan ka sa mga kainang yon, masasabi mong marami rin namang mayaman o nagyayaman yamanan sa USTe. Umuwi na lang ako. Mahirap kumain sa UST eh. Kung mayroon silang sossy problems, meron naman akong “ninja problems”. 

Pag-uwi, may nadaanan akong Chinese restaurant sa may Santa Mesa. Malapit lamang siya sa linya ng mga motel. Madalas tinatawag na “biglang-liko”, malamang dahil urban story na maraming biglaang lumiliko na lamang sa mga establishment doon para magpalamig, pwede ring para magpainit. Kung ano man ginagawa dun, bahala na sila dun. Ingat lang sana sila at baka ma-Bayola. 




Nakita ko sa simpleng resto ang tagline na “Mura na, masarap pa!” Dahil wala akong pera, bawal talaga ang magkunwaring mayaman. Pumarada ako sa gilid. Madaming kumakain. Karamihan nakamotor. Siguro naniningil sila ng pautang, naisipang magmerienda. Pwede ring nagkarera, nanalo yung isa ng 100 piso, inilibre yung mga natalo niya. Nakiupo na rin ako.

Masarap ang hitsura ng mami. Parang cheap na version ng Ma Mon Luk. Cheap rin yun, pero mas cheap pa dun. Tapos tumaas ulit ako ng kamay para humingi ng siopao bola bola. Paborito ko yung bola bola, tapos may itlog na medyo maalat. Swabe ang kombinasyon. 

Seryoso ang mga kumakain. Puro nakatungo at humihigop ng mainit na sabaw ng mami. Hindi na iniisip na baka sabaw iyon ng nilagang medyas. Binudburan ng chili sauce. Nakakagana kasi ang maanghang. Kaya siguro kada table mayroong chili sauce, para ganahan kumain at umorder pa lalo. 

Sa hapag-kainan ng mahihirap, siguro bawal maglagay ng chili sauce. Bawal ganahan dahil wala namang pambili. Dadaanin na lang sa inum ng tubig, didighay, at sasabihin sa sariling “salamat! busog na ako.” 

Nilagyan ko rin ng chili sauce yung mami ko. Dalawang patak lang, mapapasipol ka na sa anghang. Dahil gusto kong sumarap yung mami, lalong di ko makain dahil sa napasobrang anghang. Hehe. Bakit ba naman iba’t iba ang timpla ng chili sauce na yan. Sa iba, kahit ilang sandok na ang ilagay mo hindi pa tatalab. Ito naman, ilang patak lang iinit na ang katawan mo. Kaya siguro napaparami ang bumibiglang liko. Chili sauce ang may kasalanan. 

85 pesos ang binayaran ko. Mami, siopao, at maliit na RC cola. Libre na dun ang kalamansi, extra sabaw, at sound sa radyo na si Nikoleyala at papa jack ang nag-iingay. 

Sulit na sulit ang kain ko sa chinese chinesan na restaurant. Kahit mga Chinese ngayon kinokopya na. Bahagi pa rin ito ng aking paghahanda na maging isang ganap na ninja.

SA MGA GOODBYE PHILIPPINES


Dumarami na sa mga kaibigan ko ang nag-iisip mangibang-bansa. Marami sa mga ito ay mapagmahal naman sa bayan. Pero, para sa kanila, pahirap nang pahirap na ang buhay dito sa sariling bayan. 

Sa UST na lamang, tatlong taon nang hindi tumataas ang sweldo ng mga propesor at instruktor. Matagal-tagal na rin kumpara sa bilis ng pagtaas ng mga gastusin sa Maynila. Hindi raw magkasundo ang Faculty Union at Administration ng paaralan sa kanilang CBA. Hindi ba kayo marunong mag-usap? Baka naman hindi kayo nag-uusap dahil pareho lamang kayong nagsasalita, walang nakikinig. Taon taon nagtataas ang tuition fee ng mga estudyante at ang pinangangalandakan ninyong dahilan ay pag-aayos ng mga facilities at pagbibigay ng umento sa sweldo ng mga guro. Anyare, Dre?! 


Kaya hindi ko na rin masisisi ang mga taong gustong mangibang bansa. Sabi nga, ibon mang may laya, gugusuhin pa ring lumipad papuntang Dubai o Australia kahit tourist Visa, TNT ang labas. Walang rhyme. Kung sabagay, kailangan pa ba ang rhyme ng simurang kumakalam? 


Wala na ba talagang pag-asa sa Pilipinas? Ilan sa mga sintomas na sinasabi nila ang hirap ng buhay dito sa atin. Andyan na rin ang mataas na krimen. Marumi na rin dawa ng hangin. Magaling lang daw kumaltas ng buwis wala namang nakikitang serbisyo. Sobra pa ang traffic. At ang pinakadahilan talaga ng iba, sobrang sikat na ni Deniece Cornejo. Nakakautas na. 


Pero, para sa akin, mas masarap pa ring mamuhay sa bansa natin. May thrill. Ayaw ko ng kwentadong buhay sa ibang bansa. Kapag narito ka sa Pilipinas, para kang nasa isang suspense movie. Habulan ng pulis at holdaper o kaya bahay na nababagsakan ng bundok ng basura. Pwede rin palang comedy. Manuod ka lang sa kongreso at senado, matatawa ka na. Araw araw pa. 


Maganda na rin ang mga nangyayari sa ating bayan. Kung pupunta ka raw ng Davao at isa kang smuggler, humanda ka kay Mayor. Pumasa na rin ang pamimigay ng pills at condom. Maganda yun. Ayos lang kalimutan ang land reform, pero wag kalimutan ang condom. 


Kaya siguro dumarami ang nagnonoovena kay St. Jude Thaddeus, patron ng mga nawawalan na ng pag-asa. Diyos na mahabagin, kaawaan mo po kami! 


Makapunta nga sa POEA bukas. May bakante kayang trabaho sa Shqiperia? O kaya sa Djibouti? :)

WELCOME TO GILIDSOPHIA

PANIMULA: ANG PILOSOPIYA SA GILID-GILID

Sapagkat nagsisimula tayo, marahil kailangan nating ipaliwanag ang ano at layunin ng blogspot na ito. Bakit "gilidsophia"? Ano ang nais kahantungan ng gawaing ito?

Unang una, hindi nagnanais bumuo ng isang sistemang pilosopikal ang blogspot na ito. Para sa may-akda nito, ang pamimilosopiya ay walang kongkretong sistema. Isa itong paglalatag ng sarili sa kalawakan ng katotohanan, na siya ring susi sa pagpasok niya sa kalaliman ng mga nilalang at kalaliman ng kanyang sarili. Kaya nga ang pamimilosopiya ay hindi paghahanap ng isang pambihirang sistema. Sinasabi lamang nito na buksan mo ang iyong sarili, pasukin mo ang iyong sarili, at tingnan mo ang iyong dinamismo para sa pagkaunawa. Kung ang pinagkakaabalahan mo ay pagbubuo ng Pilosopiyang Pilipino para kang isang taong tingin ng tingin sa salamin at abalang-abala kung mukha na ba siyang Pilipino. Wala namang masama dito. Kaya nga lamang, kailangan tayong mamulatan na lampas pa sa paghahangad ng sariling pilosopiya ang mismong gawaing pamimilosopiya.

Nagsisimula sa pinakamalapit sa iyong katotohanan, sa iyong sarili, at sa pinakamalalim na katotohanan nitong sariling ito ang gawaing pilosopikal. Ang simula mo ay ang iyong sarili bilang walang alam pero nais makaalam ng mga bagay-bagay.

Ngayon, hindi natin kayang malaman ang lahat. Iwanan natin sa ibang tao ang pag-alam tungkol sa mga tandang, tungkol sa mga tala, tungkol sa mga makina, tungkol sa pagpapaganda, tungkol sa mga langgam, at marami pang iba. Palibhasa ay napakayaman ng mundo, hindi natin kayang maranasan at mapag-isipan ang lahat. Kaya nga, sa blogspot na ito, sisikapin nating magsimula sa mga bagay na malapit sa atin. Sa mga bagay na sumasagi sa ating karanasan. Sa gilid mo. Sa kanan, kaliwa, itaas, at ibaba mo. Parating may sasaging karanasan na naghihintay mapag-isipan.



Ito ang kahulugan ng salitang "gilidsophia". Sa ating mga paninilay-nilay tungkol sa pagkain ng siomai, pagsakay sa jeep, panghuhuli ng isda, pagsimba sa Quiapo, pamamalengke, pagiging isang tatay, at iba pa (parating mahalaga ang "at iba pa"), nagnanais itong kalabitin ang mga makakabasa at gisingin sa kalaliman ng mga ordinaryong karanasan na madalas pa sa malimit ay hindi nabibigyang atensyon.

Kung saan man tayo dadalhin ng gawaing ito ay hindi pa rin alam ng may-akda. Mas mahalaga sigurong iwanang bukas ang posibilidad ng gawaing ito. Mas mahalaga para sa may-akda ng blogspot na ito ang gawing lehitimo ang isang ordinaryo. Isang bukas na pakikipagtagpo sa katotohanan ang nais isagawa nito.

Hindi natin ito gagawin upang magmukhang "cute" sa paningin ng mga may alam. O hindi kaya ay magdunung-dunungan at sabihing "Alam ko ang lahat. Ako lamang ang iyong pakinggan." Hindi ito isang paligsahan kung sino ang pinakamagaling mag-isip. Ginagawa natin ito dahil bahagi tayo ng sangkatauhan na naghahabol sa katotohanan.



Gagamit tayo ng wikang nauunawaan sa gilid-gilid. Wika sa kanto. Harinawa ay madala natin si Kant sa kanto, si Socrates sa market, si Hedegger sa street corner. Marami nga sigurong dalubhasa at dalubguro ang matatawa kung gagamit tayo ng wika na ginagamit sa kanto sa ating pamimilosopiya. Maaaring sabihing hindi naman iyon nasa nibel ng akademikong pagsusulat. Subalit, kung ating pakikinggan at hindi pagtatawanan ang wika sa gilid-gilid, marami rin tayong matututunan.

Para sa may-akda, ang pamimilosipiya ay dapat kauna-unawa sa tao. Hindi dapat ito nalalambungan ng sopistikadong wika na hindi naman nauunawaan ng tao. Kung ang pilosopiya ay naipapahayag sa wika ng karaniwang tao, nagagawa nito ang kanyang layunin.

Hanggang dito na lamang ang paglalarawan ko sa "gilidsophia". Harinawa ay dalhin tayo ng mismong pinag-iisipan sa pag-iisip at pagkaunawa. Maligayang araw!

Welcome to GILIDSOPHIA.