Martes, Disyembre 12, 2017

ANG "SULIT" SA "PAGSUSULIT"

Ang salitang ugat ng “pagsúsúlit” ay “súlit”. Isa itong sinaunang tagalog na, ayon sa UP Diksiyonaryong Filipino ay mayroong limang kahulugan. Una, “súlit” ang tawag sa anumang itinakdang pamantayan na dapat lampasan. Nagsasagawa ng pagsúsúlit pagkatapos ng mahabang pagsasanay (sa paggamit ng kamagong halimbawa) upang masukat kung talagang umabot sa itinakdang pamantayan. Dumadaan din sa “pagsúsúlit” ang isang diyakono bago siya ordinahang pari upang talagang makilatis kung pasado siya sa criteria na itinakda ng Simbahan.

Pangalawa, ang “súlit” ay nangangahulugan ring “paliwanag o pagpapaliwanag”. Kaya, kapag sinabi sa iyong “magsúlit ka!”, maaaring ibig sabihin nito ay “magpaliwanag ka!”

Pangatlo, ang “súlit” ay maaari ding mangahulugang “pagsasauli nang maliwanag sa anumang hiniram”. Sa aspekto ito, kapag sinabi sa iyong “magsúlit ka!”, ibig sabihin nito ay “isauli mo nang maliwanag ang bagay na iyong hiniram!” Kapag halimbawa ipinahiram sa iyo ang taxi at nagkasundo kayo sa isang presyo (P1,500 sa isang araw halimbawa), nagsúsúlit ka sa may-ari dahil sa bagay na iyong hiniram.

Pang-apat, ang “súlit” ay may kahulugan ding “antas ng pakinabang sa puhunan”. “Súlit” ang iyong nagastos o ipinamuhunan kung patas naman ang iyong napakinabangan mula dito.

At, panghuli, ang salitang “súlit” ginagamit rin bilang pantukoy sa “pagsasanay sa komedya, o sa ibang mga bagay”.

Mayroong sala-salabid na kahulugan na maaari nating maunawaan mula sa sinaunang paggamit ng salitang “pagsusulit”. Sa pilosopiya ng wika, hindi lamang kahulugan ang karga-karga ng isang salita; sa halip, mayroon din itong aspekto ng kairalan. Ibig sabihin, maaari nating maunawaan ang kairalan o diwang sinauna mula sa paraan ng pagpapakahulugan nila sa salita. Maaari nating maunawaan ang nakaraan upang malaman natin kung ganito pa rin ito umiiral sa kasalukuyan. Maaari din nating maunawaan ang kasalukuyan sa pamamagitan ng isang penomenolohiya ng wika. Ano ba ang dating ngayon sa atin ng salitang “pagsúsúlit”? Ano ba ang kahulugan ng salitang ito sa ating kasalukuyang kairalan?

Sa ngayon, bahagi pa rin ng kamalayang Filipino ang kahulugan ng pagsúsúlit bilang “itinakdang pamantayan na dapat lampasan”. Kaya nga naririnig pa rin natin hanggang ngayon ang mga salitang pasado na ibig sabihin ay “nakalampas sa pamantayan” at bagsak na ibig sabihin naman ay “mababa o hindi nakalampas sa pamantayan”. Mayroon din tayo ngayong naririnig na katawagang pasang awa o “pasado dahil sa awa” na hindi natin naririnig sa sinaunang kahulugan ng salitang pagsúsúlit. Ibig sabihin ng “pasang awa” ay mababa ang kalidad o hindi talaga nakalampas sa itinakdang pamantayan, subalit, dahil sa emosyon ng awa, binulag nito ang tagapagsúlit upang palampasin na lamang. Hindi mahirap maunawaan kung bakit umiiral ang ganitong kalakaran ng “pasang awa” sa lipunang Pilipinas dahil na rin sa konsepto ng “hiya” at “pakikisama”. Wika nga minsan, “palampasin mo na lamang”; kahit hindi tama sa pamantayan ang ginawa. Kung minsan, sa lipunang meron tayo ngayon, mas mahalaga ang konsepto ng samahan kaysa konsepto ng hustisya. Maraming tao ang handang ikumpurmiso ang tama (ang itinakdang pamantayan), dahil nasanay na rin sigurong palampasin sa maliliit na pagsúsúlit sa paaralan. Kaya, pagdating sa mas malalaking pagsúsúlit sa buhay, lusot pa rin ang hinahanap upang makalampas sa itinakdang pamantayan, at hindi ang tamang daan.

Tungkol sa pangalawang kahulugan ng pagsúsúlit bilang “paliwanag o pagpapaliwanag”, bihira na itong ipakahulugan sa kasalukuyang kairalan na maaaring ugatin natin sa sistema ng edukasyon na masyadong nakapanig sa kabisoteng pagsúsúlit. Ulitin mo lamang ang itinuro ng propesor at sigurado na ang pagpasa. Subukan mo namang pagpaliwanagin kung bakit naging ganoon ang sagot, at bakit hindi ganito, malamang iba na ang magiging resulta. Sa kasalukuyang kairalan, ang salitang “pagsúsúlit” ay bihira nang mangahulugang “pagpapaliwanag”; mas madalas ito ay pagmememorya.

Tungkol naman sa pangatlong kahulugan ng pagsusulit bilang “pagsasauli nang maliwanag sa anumang bagay na hiniram”, bihira na rin itong ipakahulugan sa kasalukuyang kairalan na maaari naman nating ugatin malakas na sense entitlement (patatawarin sa ginamit kong salita) ng mga tao ngayon. Hindi na marahil tinitingnan bilang “hiram” o “utang na loob” sa guro ang kaalaman sapagkat, unang-una ay bayad naman ang mga ito. Sa taas nga naman ng tuition fee at kung ano-ano pang “other fees”, sino bang mag-aakalang ang itinuturo ay pahiram lamang kahit may bayad?

Kaya, may kaugnayan dito ang pang-apat na kahulugan ng “súlit” bilang “antas ng pakinabang sa ipinamuhunan”. Sinusukat ng guro ang antas ng pakinabang sa kaniyang ipinamuhunang pagod, oras, at talino sa pamamagitan ng pagsúsúlit. Subalit, aspektong ito, hindi na lamang guro ang nagbibigay ng pagsúsúlit, maging ang mga estudyante na namuhunan sa tuition fee ay sinusukat din kung nasúlit nila ang kanilang ibinayad.    

Sa limang kahulugan ng salitang “pagsúsúlit”, malamang ang pinakahindi masyadong nakarating sa kasalukuyang kairalan ay ang kahulugan nito bilang “pagsasanay sa komedya…”. Malamang, unang dahilan na nito ay ang pagkalaos na ng komedya sa kasalukuyan. Dahil sa pagsulong ng telebisyon, mistulang kapalaran ng entablado na mapaglumaan, at kasama nitong napaglumaan ang panlimang kahulugan ng pagsúsúlit.

Sa bandang huli, ang hirap sulitin ng salitang “pagsúsúlit”. Napakaraming bagay na maaari nating mahugot mula dito. Tama na muna siguro; aral na muna tayo at baka wala tayong maisagot sa mga nakatakdang pagsúsúlit. Ang sigurado lamang natin: numero lamang ang kalimitang nakikitang resulta ng ating pagsúsúlit, hindi ito ang sukatan ng ating pagkatao.