Miyerkules, Hulyo 8, 2015

Ilang mga Katanungan Ukol sa Pamimilosopiyang Pilipino: Isang Diskusyon Gamit ang Email


            Totoo ngang makapangyarihan ang teknolohiya sa panahong mayroon tayo ngayon. Halos hindi na natin maisip ang ating mga sarili labas at kalas sa mundong teknolohikal. Nguni’t sa halip na batikusin, bakit hindi natin ito pakinabangan upang mapalawak ang ating diskursong pilosopikal.
            Gamit ang kompyuter at internet, sumubok akong mag-udyok ng isang katanungan ukol sa matatawag na pilosopiyang Pilipino/Filipino. E-mail ang naging lunsuran ng nasabing malayang talakayan kaya mabilis at hindi na kinakailangang magkatagpo-tagpo nang personal ang mga kasali. Inilunsad ko ang katanungan sa ust-philodept@groupspaces.com, kung saan nagpapadala ng mensaheng elektronik sa mga kasapi ng Departamento ng Pilosopiya ng UST si Dr. Paolo A. Bolanos—ang Chairperson ng nasabing departamento. Sinimulan ko ang pagtatanong ukol sa pananaw nila sa “Pilosopiyang Pilipino/Filipino”. Mayroon ba nito? At, ano para sa kanila ang kahulugan nito?

Narito ang ilan sa kanilang mga kasagutan:


Pamimilosopiya at Pagsusulat ng mga Pilipino Bilang Pilosopiyang Pilipino



Dr. Romualdo E. Abulad, SVD

“Ang tanong ko ay ito: Mayroon bang mga Pilipinong nagpipilosopiya at sumusulat ng mga aklat at journal articles? Kung mayroon, ano pa ang maitatawag sa mga ito kung hindi Pilosopiyang Pilipino?”

Ang Pamimilosopiyang Filipino Bilang Kulang sa “Sulat-Basa-Debate”



Dr. Paolo A. Bolanos, PhD.

“Maraming salamat sa katanungan mo Emman. Sa gustuhin man natin o hindi, mananatiling buhay na katanungan ito para sa ating mga Pilipinong pilosopo. Kung ganoon nga, dapat nating bigyang pansin ang katanungan na ito. Meron nga bang pilosopiyang Pilipino? 

“1. Para sa akin, hindi na isyu kung meron o wala bang Pilipinong namimilosopiya. Alam na natin ang sagot dito. Sang-ayon ako kay Br. Romy sa aspeto na ito. Marahil pwede pa natin dagdagan ang kanyang sinabi.

“2. Ano nga ba ang pilosopiya? Paano nga ba ang mamilosopiya? Sa tingin ko, kinakailangan nating bigyan ng kahulugan kung ano sa tingin natin ang pilosopiya. Ang pilosopiya ba ay "sistematiko"—gaya ng mga karaniwang ginagawa ng mga taga Europa, Inglaterra, o Estados Unidos? Kinakailangan ba na ang pilosopiya ay katulad ng agham na may "sigurado" (ito ang paniniwala ng mga syentipiko) na metodo? Kung ganito lamang ang pilosopiya, paano natin maipapaliwanang ang relasyon nito sa relihiyon, literatura, at sining? Siguro kung mas naiintindihan natin kung ano ang relihyon, literatura, at sining, baka mas mauunawahan natin kung ano ang pilosopiya. Ano nga ba ang kanilang pagkakahalintulad?

“3. Katulad ng relihyon, literatura, at sining, ang pilosopiya ay isang uri ng "pag-tingin" sa mundo. Katulad ng mga ito, ang pilosopiya ay isang makataong pamamaraan sa pagbigay hugis o kahulugan sa kung ano ang "Meron"—parehong "pisikal" at "metapisikal." Mas mahirap patunayan ang metapisikal na realidad, ngunit marami ding mga pilosopo ang naniniwala dito. Sa kabilang banda, mas madaling patunayan ang pisikal, at sa tingin ko walang aangal (maliban na lamang kay Descartes) na ang "gutom" ay pisikal natin na nararamdaman. Ito ang dahilan kung bakit may ideya tayo ng gutom at nabigyan pa natin ito ng pangalan. Ito marahil ang ibig sabihin ni Spinoza sa "parallelism between mind and body," at hindi "dualism" (Descartes). 

“4. Ngunit ang isyu natin ay hindi si Descartes o Spinoza, kung hindi ang tanong: Ang mga Pilipino ba ay tumitingin sa mundo at sinusubukan nilang bigyang hugis at kahulugan ang kung ano man ang kanilang namamalasan? Dagdag dito, sa kabila ng namamalasan ng mga Pilipino (sa larangan ng politika, buhay-publiko, buhay-pribado, buhay-pansarili) nagiging aktibo ba ang pag-aasam nila ng kalayaan, hustisya, at ang pakiramdam ng pagkaka-sapi (sense of belonging)? Ito marahil ang dahilan kung bakit may relihyon, literatura, sining, at pilosopiya. Ang mga ito ay mga paraan ng "paghahanap." Ito marahil ang katangian ng tao. Tao nga ba ang Pilipino?

“5. Pwede rin naman natin tingnan ang pilosopiya sa kanyang "akademikong" anyo. Sa tingin ko, "akala" lang natin na may Griyego, Aleman, o Pranseskanong pilosopiya sapagkat meron ang mga kulturang ito ng kasaysayan ng kanilang "pagtining sa mundo." Ang kanilang intelektuwal na kasaysayan ay nababasa natin sa kanilang mga naisulat, at dahil meron silang mga naisulat, nagkaroon sila ng mga magbabasa. Dahil meron nagsulat, nagbasa, at nagsulat ulit, nagkaroon ng debate at diyalogo, humantong man ito sa pagkakasundo o hindi pagkakasundo. Ngunit ganoon talaga ang akademikong anyo ng pilosopiya. Tanungin natin ang mga sarili natin kung meron na ba tayong dinamikong kultura ng "sulat-basa-debate." Binabasa ba natin ang sinulat ng ating mga kapwa Pilipinong pilosopo at hindi ba tayo natatakot magbigay ng opinyon natin sa mga ito sa pamamagitan din ng pagsusulat? Kaakibat ng pamimilosopiya ang kasaysayan—ito ang dahilan kung bakit kailangan natin ang magsulat; and mga sinusulat natin ay galamay ng ating mga alaala. Bilang mga pilosopo, sa ganitong paraan lang tayo magugunita ng susunod na salinlahi. Kaya salamat sa mga estudyante nila Confucius, Buddha, at Socrates—kung hindi dahil sa kanila ang imahen at mga turo ng mga sinaunang guro na ito ay mabubura sa memorya ng sangkatauhan. Kung wala pa tayo sa lebel na ito (o kaya kulang pa), sa tingin ko mahabang panahon pa bago natin masasabi, na may tiwala sa ating sarili, na meron ngang pilosopiyang Pilipino.” 

Mapangilatis na Talakayan at Hindi Isang Sistematiko ng Pangangailangan ng Pamimilosopiyang Pilipino



Jovito V. Carino, Ph.D. Candidate

“Salamat Emman. Isinusulat ko ang e-mail na ito habang iniisip ko na kunwari ay may kaharap ulit tayong malamig na bote ng serbesa. :-)
“Mahirap dagdagan pa ang nauna nang sinabi ni Dr. Abulad at Dr. Bolaños. Higit pa sa sapat ang mahahalagang puntong inilahad nila. Nais ko na lamang magbigay ng komento sa tanong. 
“Una, saan ba nanggagaling ang tanong at ano ang layon nito? 
Ikalawa, ano kaya ang palagay na nakapaloob sa paggamit ng salitang "pilosopiyang Filipino/Pilipino"
“Kung ang diin ng tanong ay pilosopiya bilang pamimilosopiya, sa tingin ko ay wala namang masyadong problema. Mas mayaman ang sinabi ni Dr. Abulad at Dr. Dr. Bolaños tungkol dito. Panig ako sa lahat ng sinabi nila. 
“Sa isang banda, kung ang diin ng tanong ay "pilosopiyang Filipino/Pilipino" bilang sariling atin, ibig sabihin, bilang isang sistema ng kaisipan na magtatanyag ng ating identidad bilang Filipino, sa tingin ko, isang maselang usapin ito na kailangang isailalim sa masusi at palagiang talakayan. Gayunman, sabi nga ni Dr. Bolaños, ang ganitong talakayan, hindi ang sistema ng kaisipan, ang posibleng panggalingan ng pilosopiyang Filipino o, sa ganang akin, ng pamimilosopiyang Filipino. 
“Sa puntong ito, maaari na tayong umorder ng isa pang bucket ng serbesa upang masimulan na ang palitan ng kuro tungkol dito. 
“Sabi nga natin sa Matabungkay, tamang-tama...: -)”

Pagbabanggaan ng Ideya at Argumento Batay sa Kalagayan ng Sariling Lipunan



Dr. Oscar R. Diamante, Ph.D.

“Emman,
“Ayon sa napapansin ko sa mga pilosopong Aleman, Amerikano, Greek, Ingles, atbp, mga pilosopong binabasa natin, ang kanilang mga binabanggit ay mga bagay na nasa kultura at kasaysayan nila. Sila-sila rin mismo ang nagbabanggaan ng ideya at argumento. Kinikilala nila ang nagawang teorya at sistema ng pag-aaral ng kapwa nila Aleman, Amerikano, o Europeo. Halimbawa, hindi lingid kina Gadamer (at mga kaklase nito) ang mga ideya, kritikal na argumento at bagong pamamaraan nila Husserl, Kant at mga Neo-Kantian, Hegel at mga Hegelian, atbp. Kaya sila ang naging batayan ng mga kritikal na pag-iisip ng mga namimilosopiya ng sumunod na generasyon. Mga halimbawa na binabanggit nila ay hango rin sa kanilang karanasan sa loob ng kanilang milieu at karanasan. Kaya kitang-kita na hindi banyaga ang mga ideya, pamamaraan at halimbawa na kanilang binibigkas.
“Ang mga ganyan ang hindi pa lubos na nakikita sa mga Pilipinong namimilosopiya. At least, ang pag-order ng beer upang lalong ganahan sa diskusyon tungkol sa pilosopiya at anuman ay angking Pinoy.
“Iyan lamang po ang aking opinyon. Salamat.”

Katanungan Tungkol sa Kondisyon ng Posibilidad ng isang “Dalisay” na Paraan ng Pamimilosopiyang Pilipino

Dr. R. Abulad

“May isa lamang akong pahabol. Suspetsa ko lang naman ito. Hindi kaya ang tanong na: "Mayroon bang Pilosopiyang Pilipino?" ay nagbabadya ng isang nakatagong presuposisyon ukol sa pilosopiya—na ito ay buhat sa Griyego at kung gayo'y maka-Kanlurang katanungan? Ang kahigtan siguro nina Gautama ng Indiya at Confucius ng Tsina ay nag-iisip lamang sila buhat sa kanilang kinaroroonan sapagkat hindi pa nila naririnig ang mga sinasabi nina Platon at Aristoteles. Sa kabilang dako, tayong mga pilosopo ng kasalukuyang panahon ay tila hindi na maaaring mag-isip nang hindi nababahiran ng mga naunang pilosopo—taga-Kanluran man sila o taga-Silangan. Makatarungan bang umasa na may dalisay na paraan ng pamimilosopiyang Pilipino? Mayroon ba nito?”


Kaunting Paglalagom

May ilang mahahalagang kaisipan at mga katanungan ang maaari nating pagnilayan buhat sa mga kasagutan ng mga kasama ko sa departamento ng Pilosopiya. Magagamit natin ang mga ito sa mga susunod nating pagsusulat ukol sa pilosopiyang Filipino at pamimilosopiya sa Pilipinas.

Una, malinaw pa sa sabaw ng pusit na nanatiling walang nag-iisang depinisyon ang pagpapangalang “Pilosopiyang Filipino”. Kung sasabihin nating “Ang pilosopiyang Pilipino ay walang iba kundi ang pamimilosopiyang ang namimilosopiya ay Pilipino”, sapat na ba ang depinisyong ito para sa ninanais nating uri ng pamimilosopiya? Kailanga pa nating gumugol ng maraming oras ng pagmumuni-muni at balitaktakan ukol sa usaping ito.

Pangalawa, mahalaga ang kritisismo sa uri nating pamimilosopiya sa Pilipinas. Bukod sa hindi natin binabasa at pinag-uusapan ang mga sinulat ng mga naunang Pilipinong pilosopo, kung binabasa man natin sila at nagsusulat tayo tungkol sa kanila, kulang na kulang tayo sa kritisismo. Mistulang takot tayong makipag-balitaktakan at magbigay ng mahahalagang puna. Marahil ay epekto ito ng ating kultura ng “pakikisama”. Ayaw nating magbanggit ng puna, kahit alam naman nating dapat itong sabihin, sapagkat ayaw nating sumama ang loob ng pinupuna natin. Nabanggit ng mga kasamahan ko sa departamento ang kahalagahan ng kritisismo. Hindi uunlad ang mga bagay na ating pinag-uusapan kung puro na lamang pag-uulit at mga papuri sa kanilang mga nagawa ang ating gagawin. Alin bang aspekto ang hindi napag-usapan ng mga pilosopong nauna sa atin? San bang punto medyo sumablay ang kanilang mga teorya? Angkop ba ang kanilang mga naging pamamaraan base sa ating kinasasadlakang lipunan?

Pangatlo, lumilitaw sa diskusyon sa itaas ang katanungan tungkol sa isang “dalisay” na Pilipinong pamimilosopiya. Kailangan bang sariling-sarili natin ang istilo at mga konsepto upang matawag na Pilosopiyang Pilipino? Ibig ba nitong sabihin na hindi natin kailangang tingnan ang mga ginalugad ng mga banyagang palaisip? Maingat ngang itinanong ni Abulad, posible ba o meron ba nito? Dito mahalagang basahin ang mga tekstong nagpapaliwanag ng “pantayong pananaw” at maging ng mga komokontra dito. Tayong mga nagsisimula pa lamang sa larangan ng pamimilosopiyang Pilipino ay kailangan nang maghalwat ng maaalikabok na primaryang batis tungkol sa debateng ito. Andiyan ang mga sinulat nina Leonardo Mercado, Florentino Timbreza, Virgilio Enriquez, at Virgilio Almario ukol sa kahalagahan ng pagsisimula sa sariling atin. Mahalaga din ang mga nasulat nina Emerita Quito at Alfredo Co tungkol sa kahalagahan ng komparatibong analisis. Makatutulong din ang mga nasulat tungkol sa pagsasakonteksto ng ng pilosopiyang kanluranin na pinasimulan nina Leonardo de Castro, Rainier Ibana, Manuel Dy, Romualdo Abulad, at marami pang iba. Kailangan na rin nating sundan ang mga pagtitipon ng mga akdang naisulat ng mga nauna sa atin tulad ng ginawa nina Rolando Gripaldo, Romualdo Abulad, Alfredo Co, at F.P.A. Demeterio.

Pang-apat, mahalaga rin sa mga nabanggit sa diskusyon sa itaas ang pakikinig sa ibang larangan tulad ng agham-panlipunan at agham-tao. Hindi nakakulong sa departamento ng pilosopiya at mga komperensiyang pinasisinayaan ng mga dalubhasa sa pilosopiya ang mahahalagang kaisipan na makakatulong sa ating pamimilosopiya sa Pilipinas. Kailangan nating makipag-diyalogo sa ibang mga disiplina (interdisciplinary approach). Kailangan rin nating basahin ang mga pagsusuri ng mga konseptong Pilipino na ginawa nina Dionisio Miranda (Theology), Albert Alejo (Philosophy), Prospero Covar (Psychology), Reynaldo Ileto (South East Asian Study), Zeus Salazar (History), Virgilio Enriquez (Psychology), Virgilio Almario (Literature), Efipanio San Juan (Literature), at marami pang iba.

Samantalang ginagawa natin ang ating mga dapat gawin sa pagpapaunlad ng pamimilosopiyang Pilipino, halina at tayo muna ay makipagbalitaktakan sa mga diskursong may kinalaman dito, harap-harapan man o online.