Lunes, Mayo 4, 2015

Ang Patikim na Pagkakaisa Tuwing may Laban si Pacquiao

Kung mayroon mang magandang naipakita ang katatapos lamang na laro nina Mayweather at Pacquiao, ito ay ang pagkakaroon isang “patikim” ng pagkakaisa ng mga Pilipino. Kahit paano ay nagkaroon tayo ng isang “national sentiment” (gamit ang termino ni Jose Rizal) kahit na sa ilang oras lamang. Kailangan natin ang mga ganitong pagkakantaon para sa tinatawag ni Benedict Anderson na “imagined community” o ni Fredric Jameson na “glimpses of utopia”. Subalit kung talagang mulat tayo sa nangyari, mas lutang dito ang talagang pagkontrol sa sikolohiya nating mga Pilipino ng mga nagpapatakbo ng negosyong ito. Mahusay ang pagkakagawa ng “emosyon” upang maramdaman nating “pangangailangan” na maging updated sa gawa-gawaang rivalry nina Pacquiao at Mayweather. Parang mga "willing victims" na naman tayo ng mga negosyanteng-bampira na walang ginawa kundi sipsipin ang dugo ng ating pagkatao. 



Malamang hindi tayo aangal dahil pakiramdam naman natin ay nakinabang tayo sa panonood ng itinuring nating “kailangang mapanood”. 'Yan ang ating lipunan. Sa kasalukuyang lipunan na ang lohika ay ang paglago lamang ng tubo, at walang pagpapahalaga kung kapakanan at kahulugan man ng pagkatao ang masasakripisyo, nagiging posible ang mga ganitong pangyayari. Sa kahit ano mang lipunang pinatatakbo ng salapi, nasasakripisyo ang pagkatao. Pera ang nagiging panginoon habang nawawala ang halaga ng tao.



Reipikasyon at alyenasyon ang tawag dito ng mga Marxistang pilosopo. Reipikasyon sapagkat ginagawang walang buhay ang tao, ginagawang komoditi na magagamit lamang kung kinakailangan ng tubo. Alyenasyon naman dahil hindi na natin malaman ang talagang halaga natin bilang tao. Dahil sa “fetish” na binubuo ng mga industriya ng kultura sa ating mga sikolohiya, ang ating pagkatao ay handang ipagpalit para lamang sa hatak ng “huwad na pangangailangan”. Ano ang dapat nating gawin?
Kailangan nating wasakin ang ilusyon na nilikha at patuloy na nililikha ng industriya ng kultura. Sa pamamagitan ng mapanuring mentalidad at mapagpalayang sensibilidad, hihina ang epekto sa atin ng konsumerismong lipunan. Hindi ito simpleng solusyon. Hindi sapat na gustuhin lamang. Kailangan nito ng tunay na pag-alam sa kaso ng lipunan. Hindi sapat ang paminsan-minsang “pagkakaisa” tuwing may laban si Pacquiao o ang Gilas Pilipinas. Kailangan magkaisa rin tayo sa pagdama sa ating kinasasadlakang kalagayan.
Mangahas mag-isip. Maging mulat sa kalagayan ng bayan. Maging mapanuring mamamayan. Ito lamang ang solusyon upang umunlad ang lipunan.