Malamang naitanong mo na rin sa isang punto ng iyong buhay ang katanungan tungkol sa Diyos. Hindi ito malayo sapagkat parang natural na sa taong maghanap ng kasagutan dito. Para bang hindi malulubos ang pag-unawa ng isang tao sa kanyang pagkatao kung hindi niya mauunawaan ang katanungan tungkol sa Diyos. Kung si San Agustin naman ang tatanungin, mistulang itinanim ng Diyos sa kaibuturan ng tao ang kahiligang (inclination) hanapin Siya.
Wala sigurong seryosong palaisip ang magsasabing madaling sagutin ang katanungang ito. Kaya nga hanggang ngayon ay isa pa rin itong malaking bugtong na mahirap sagutin. Sa aking palagay, nahihirapan tayong sagutin ang tanong dahil hindi natin nauunawaan ang ibig sabihin ng mismong katanungan. Kaya nga, hindi siguro tayo mag-aaksaya ng oras kung pagmumuni-munihan natin ang kahulugan ng mismong tanong tungkol sa Diyos. "Mayroon bang Diyos?" Ano ang ibig iparating ng nasabing katanungan? At, ano ang kondisyon ng posibilidad ng pagsagot natin dito?
Ang salitang "mayroon" ay nakaugat sa mga salitang "may" at "roon". Tumutukoy ito sa pagka-naroon o pagka-narito. Karga-karga ng salitang "mayroon" ang pagiging nasa isang lugar o pagiging nanduroon at hindi nandirito.
Sa konteksto ng nasabing kahulugan ng "mayroon" bilang nasasa-isang-lugar, maaari ba nating gamitin ito upang itanong ang "mayroon bang Diyos?"? Naroroon ba ang Diyos at hindi nandirito? O di kaya ang kabaliktaran nito, nandirito ba ang Diyos at hindi nandoroon?
Sa ideya natin ng isang Diyos bilang walang limitasyon, hindi maaaring gamitin ang kahulugan ng "mayroon" bilang "nasasa-isang-lugar". Walang "roon" ang Diyos. Kapag nandoon Siya at wala dito, nagkakaroon Siya ng limitasyon. Kung magkaganoon, labag ito sa pagiging ng isang Diyos. Kaya nga, humanap pa tayo ng kahulugan ng "mayroon" na nababagay sa Diyos.
Ang salitang "mayroon" ay ginagamit din upang magpakita ng "pag-iral". Minsan itinatanong natin, "mayroon ka bang alagang pusa?" Ibig sabihin, inuusisa mo ang pag-iral ng isang alaga na kabilang sa kategorya ng mga pusa na inaari mo. Sasagot ka naman, "Oo, mayroon!" O hindi kaya, "Wala!" Kaya mo itong patunayan sa pamamagitan ng pagpapakita ng iyong tunay na alagang pusa. Pwede ring ipakita mo ang litrato ng iyong alagang pusa. O di kaya ay humanap ka ng katiwa-tiwalang tao upang magpatunay na "mayroon" (umiiral talaga) ang alaga mong pusa.
Ngayon, ganito ba ang kahulugan ng katanungang "mayroon bang Diyos?"? Ibig sabihin ba nito ay mayroon bang "pag-iral ang Diyos na pwede mong maipakita, o pwede mong ipakita ang litrato, o di kaya ay patunayan ng isang taong nakakita na sa Kanya? Malamang-lamang, hindi ito maaari. Kung ang Diyos ay umiiral, magiging kontradiksyon sa kanyang essensya ang pagkakaroon ng "hitsura". Kung Siya ay hitsurang lalaki, magkakaroon siya ng limitasyon. Sa ibang paliwanag, magkakaroon Siya ng "hindi". Kung ang Diyos ay nasa anyo ng isang lalaki, nalimitahan Siya at naging "hindi" babae. Kaya, hindi maaaring maipakita ang "hitsura" ng Diyos. Ang Kanyang uri ng pag-iral ay hindi maaaring maipakita.
Samakatuwid, ang mga taong nagtatanong ng "mayroon bang Diyos?" na ang layunin ay mapatunayan ito sa nibel ng syentia ay hindi talaga nauunawaan tamang kahulugan ng tanong. Isang pagkakamali ng kategorya ang kanilang ginagawa. Wala sa kategorya ng mga "maipapakita" ang pagpapatunay sa Diyos. Hindi mo pwedeng ilagay sa laboratoryo ang Diyos at obserbahan sa paraang kontrolado. Kaya maghanap pa tayo ng posibleng kahulugan ng katanungan tungkol sa Diyos.
Makakatulong sigurong usisain muna natin ang pag-unawa natin sa uri ng ating mismong inuunawa. Ano ba itong "Diyos" na ating inuusisa? May kutob akong makakatulong kung banggitin sa puntong ito ang ibang katawagan sa "Diyos". Ginagamit rin ang katagang "Maykapal" na tumutukoy din sa Diyos. Isa itong nabuong kataga upang ihambing ang Diyos sa tao. Ibang-iba ang tao sa Diyos. Ang tao ay may mga limitasyon, samantalang ang Diyos ay wala. Ang tao ay may simula at katapusan, ang Diyos naman ay laging nananatili. Kaya ang tao ay "maynipis", samantalang ang Diyos ay "Maykapal".
Galing sa kahulugan ng Diyos bilang "Maykapal" maaari na nating itanong ang paraan ng pagtatanong na nararapat sa katanungan tungkol sa Diyos. Ano ba ay nilalayon ng pag-uusisa tungkol ng pagka-mayroon ng Diyos? Nilalayon ba nitong bigyan ng hangganan ang pag-unawa sa Diyos? Ang konsepto ba ng Diyos bilang "Maykapal" (o punong-puno kumpara sa manipis na posibilidad ng tao) ay may kung anong implikasyon sa ating kasalukuynang pag-uusisa? Kung ang pag-uusisa nga natin ng "Sino ako?" ay hindi pa rin malubos-lubos, paano pa kaya kung ang inuusisa natin ay lampas pa sa tao? Kaya nga, kung ang pagtatanong na "mayroon bang Diyos?" ay naglalayong malubos ang pag-unawa sa Diyos sa pamamagitan ng depinisyon, lalabas na hindi ito posible. Sapagkat, mistulang bahagi ng Kanyang pagka-Diyos ay hindi maikukulong. Kung tatangkain nating ikulong sa Diyos, lagi tayong hahantong sa "kulang-pa-rin" o "hindi-ko-pa-rin-sigurado". Ito ang tinatawag ni Roque Ferriols na "pagka-alanganin". Lalabas na ang mga nasabing paglalarawan sa Diyos ay "alangan" pa rin o hindi pa rin swak sa Totoong essensya Niya.
Ngayon, balikan natin ang nakabitin nating mga katanungan. Paano nga ba itinatanong ang katanungang "mayroon bang Diyos?"? Ano ang ibig nitong iparating? At, ano ang kondisyon ng posibilidad ng pagsagot natin dito? Una, lumalabas sa ating pag-uusisa na ang katanungan tungkol sa Diyos ay hindi maaaring itanong na para bang gusto mong ituro ang Diyos at sabihing "heto Siya." Taliwas sa pagka-Diyos ang pagiging naituturo. Kaya nga, kung ituturo nating "mayroong Diyos" sa paraang kaya mo Siyang ipakita o bigyan man lamang ng hitsura, lalabas na isa itong kahangalan kung hindi man katangahan. Pangalawa, matingkad ang karga-kargang kahulugan ng pangalan ng Diyos bilang "Maykapal". Ang Diyos bilang hindi malubos-lubos, siksik-liglig-at-umaapaw na pag-iral, at hindi mahuli-huli sa isang konsepto at depinisyon, ay dinadala tayo sa isang mapagkumbabang pag-urong. Dinadala tayo ng ating pagkaunawa sa Maykapal sa isang pag-amin na hindi natin Siya mauunawaan ng lubos. Sanakatuwid, itinutulak nitong iwanan ang mayabang na layuning maunawaan ang Diyos. Pangatlo, na may kaugnayan sa dalawang nauna, lumalabas na ang kahulugan ng katanungan tungkol sa Diyos ay itinatanong subalit malinaw na walang kongkretong sagot. Hindi mo ito pwedeng masagot ng "Oo, mayroon" o hindi kaya ay "Walang Diyos" at kaya mo itong mapatunayan gamit ang siguradong-siguradong lohika at ebidensya. Makukutuban natin sa mismong tanong ("mayroon bang Diyos?") na ipinakikita lamang nito ang halaga ng "hindi-ko-alam" o ng hindi masasabi.
Kung tama ang ating mga pagninilay-nilay sa itaas, bakit hanggang ngayon ay marami pa ring nagtatanong ng katanungan tungkol sa Diyos? Bakit hindi na lamang ito iwanan at taguriang walang kwentang tanong? Babalik tayo sa kahalagahan ng katanungan. Mahalaga pa ring dumaan ang isang tao sa pagkabalisa na sagutin ang mismong tanong, maunawaan ang kahulugan at kawalang kahuhulugan ng nasabing katanungan upang siya mismo ang makaunawa ng kahiwagaan nito. Maaaring malaman niya sa mababaw ng pagkaalam na walang siguradong sagot sa katanungan tungkol sa Diyos, pero hindi pa rin ito pumasok sa kanyang pagkamalay (sa mayamang kahulugan nito). Mahalagang banggitin sa puntong ito ang kaibahan ng "kaalamang-larawan" at "kaalamang-karanasan". Ang una ay tungkol sa pagkakaalam galing marahil sa kanyang pagbabasa, pakikinig, naikwento sa kanya, o di kaya ay itinuro lang sa kanya. Ang pangalawa naman ay pagkamalay na nanggaling sa mismong karanasan. Ibig sabihin, siya mismo ang nakaalam noon at tumalab sa kanyang pagmamalay. Ibang-iba nga ang kaalamang-larawan sa kaalamang-karanasan. Kaya, sige, itanong at danasin ang pagtatanong tungkol sa Diyos. Mayroon bang Diyos? Ewan! Baka! Nakabitin ang sagot. Masasagot lamang ito ng mismong nagtatanong at nababalisa.
ITUTULOY....