Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Kasaysayan ng Kanluraning Pilosopiya. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Kasaysayan ng Kanluraning Pilosopiya. Ipakita ang lahat ng mga post

Sabado, Abril 12, 2014

Ang Modernong Panahon sa Kasaysayan ng Pilosopiyang Kanluranin

Panimula
Sa pagkamatay ni William of Ockham noong 1349, ang kaisipang Skolastiko ay nawalan na ng pinakamahusay na pala-isip, at siya na ring naging tanda ng pagtatapos ng kaisipang Midyebal. Wala nang ibang maituturing na mahalagang pilosopo hanggang sa dumating ang kapanahunan ni Francis Bacon na nagsimulang maglimbag ng mga kaisipan noong 1600s. Matagal-tagal naghintay ang mundo ng pilosopiya upang magkaroon ng panibagong simula sa hinahangad nitong makarating sa katotohanan.  
           
Habang nagpapa-change oil at nagpapalinis ng makina ang pilosopiya nang mga panahong iyon, ang yugto ng kasaysayan na tinatawag na Renaissance ang namamayani. Ang terminong Renaissance ay literal na nangangahulugang “muling pagsilang” at ginagamit na pantawag sa panahong 1350 hanggang 1650. Sa totoo lamang, hindi naman tumigil sa pag-iisip na maka-midyebal ang mga tao noong unang araw ng Enero taong 1350. Subalit, sa mga panahong ito, isang bagong damdamin ang umuudyok sa mga palaisip at maging sa kanilang kultura. Ang panahong ito ang itinuturing na pagka-gising ng pag-iisip sa tao mismo na mistulang nakalimutan noong Gitnang Panahon. Masyadong nahumaling ang mga pilosopo sa panahong midyebal sa reyalidad ng Diyos, kalangitaan, at mga bagay na metapisikal; at mistulang kapalaran nitong makalimutan ang usapin tungkol sa tao mismo.

            Sa mga panahong ito nadiskubre ni Christopher Columbus ang mas maiksing ruta patungo sa India na siya na ring nagdala sa kanila sa pagkakadiskubre sa Bagong Mundo. Maaari siguro nating gamiting simbolo ng Renaissance ang paglalakbay at pagkakadiskubre ni Columbus sa western hemisphere. Ang Bagong Mundo ang nagpalawak ng abot-tanaw ng mga Europeo noong panahong iyon, na siya na ring nagtulak sa kanila na baguhin ang mga napaglumaan nang mapa. Gayundin, ang mga palaisip noong panahon ng Renaissance ay handang handa na rin sa pagbabago dulot ng paglawak ng kaalaman sa literatura, relihiyon, medisina, ekonomiya, syentia, at pilosopiya.

Ang Pilosopiya sa Panibagong Simula

Mahahati sa dalawa ang mga mithiin ng mga pilosopo sa modernong panahon. Una, nagnanais silang talikuran ang mga pinaniniwalaan ng nakaraan. Dahil sa mga natuklasan ni Galileo Galilei, ang mga syentipikong kaalaman ni Aristoteles ay lubhang napaglumaan. Dahil dito, maging ang kanyang pilosopiya ay unti-unti na ring napaglumaan. Dahil ang mga paniniwala at teolohiya ay nakasandig sa pilosopiya ni Aristoteles, maging ang mga ito ay naging kaduda-duda sa mata ng mga modernong pilosopo. Para sa kanila, walang dapat tanggapin kung hindi ito mapapatunayan gamit ang katwiran.

            Pangalawa, ang pangunahing tema ng modernong panahon ay ang paghahanap ng perpektong pamamaraan sa pilosopiya. Hindi sapat na talikuran ang nakaraan kung wala ka namang mahusay na maipapalit. At, paano nga naman malalaman na “mas mahusay” ito kung wala kang pamamaraan upang makilatis ang mga kaisipan? Kaya nga, ang modernong panahon ay nagsimula sa isang pagkahumaling sa paghahanap ng pamamaraang maaaring gamitin sa pahahanap ng kaalaman at katotohanan. Mayroon bang katotohanan na hinding hindi mapagdududahan? Ito rin ang dahilan kung bakit umusbong nang saganang sagana ang epistemoholiya (pag-aaral sa kaalaman) noong mga panahong ito. Kaya nga lamang, sila na rin ang nakadiskubre na wala namang pamamaraan na makatutuklas ng katotohanang hindi mapagdududahan (indubitable truths). Ito ang dahilan kung bakit ang paghahanap sa nasabing pamamaraan ay nagpapatuloy hanggang sa panahong kasalukuyan.

            Dalawang pamamaraang pilosopikal ang nanguna noong modernong panahon hanggang sa pagdating ni Immanuel Kant. Ito ay ang kaisipang rasyonalismo at ang kaisipang empirisismo. Ang pangunahing naghihiwalay sa dalawang nasabing kaisipan ay ang pinagmumulan ng ating mga kaalaman. Saan nga ba nanggagaling ang mga bagay na alam natin? Para sa mga rationalist, may mga kaalaman na a priori. Kapag sinabing a priori na kaalaman, ito ang klase ng kaalamang na ang katotohanan ay maaaring malaman bago o hiwalay sa karanasan. Halimbawa, para sa mga rationalist ang mga prinsipyo sa lohika at matematika ay kayang malaman kahit hindi ito maranasan. May ilang rationalist din ang magsasabi na maging ang pagpapatunay sa Diyos, metapisika, at etika ay kasama sa larangan ng a priori.

            Sa kabilang banda, ang mga empiricist naman ay nagtuturo na ang kaalaman ng tao tungkol sa mundo ay a posteriori, galing sa karanasan. Halimbawa nito ay ang kaalamang “matamis ang asukal”. Hindi mo malalaman ang tunay na lasa ng asukal kung hindi mo ito naranasan. Para sa mga empiricist, lahat ng kaalaman ng tao ay galing sa karanasan.

            Kahit na mistulang napakadaling sabihin ng kaibahan ng empirisismo at rasyonalismo, ibang iba pa rin ito pagdating sa pilosopiya ng iba’t ibang palaisip sa modernong panahon. Kaya nga, mahalagang isa-isahin ang mga pilosopo upang makita natin at makilala ang kanilang dakilang pag-iisip. Una nating pag-uusapan si Thomas Hobbes (1588-1679). Kikilalanin natin ang kanyang buhay at itutuon natin ang usapan sa kanyang kaisipang pulitikal.

Si Thomas Hobbes
           
Ipinanganak si Hobbes sa Englatera, sa isang katulong sa bukid na hindi nakapag-aral. Sa tulong ng kanyang mga kamag-anak, nag-aral siya sa Unibersidad ng Oxford kung saan skolastiko pa rin ang klase ng edukasyon na pangunahing itinatanghal ang lohika at pilosopiya ni Aristoteles. Dahil hinding-hindi siya nasiyahan sa kultura ng edukasyon doon (na kailangan nilang i-memorize), binatikos niya ang unibesidad sa kanyang mga sinulat. Pagkatapos niyang makuha ang diploma, nagtrabaho siya bilang tutor ng mga mayayamang pamilya. Itong pagiging tutor niya sa mayayamang pamilya ang nagbigay sa kanya ng pagkakataong makapaglakbay at makasalamuha ang mga prominenteng tao noong panahong iyon.

            May tatlong mahahalagang nakaimpluwensya sa pilosopiya ni Hobbes. Una, andyan ang pagkaka-diskubre niya sa mga sinulat ni Galeleo. Ito ang naging modelo ng pilosopiya ni Hobbes. Pangalawa, andyan din ang pagka-diskubre niya sa Euclidean geometry noong 40 years old siya. Ang pagiging masistema ni Euclid ang magiging impluwensya kay Hobbes. At pangatlo, andyan ang civil war sa Englatera na nagsimula noong 1642.

Ang Pulitikal na Pilosopiya ni Hobbes: Ang Leviathan

            Nabuhay si Hobbes sa panahong magulo sa Englatera. Naipit siya sa isang civil war sa pagitan ng mga may hawak ng trono at ng mga kontra sa pamumuno ng monarkiya. Bumabalimbing si Hobbes sa maraming pagkakataon, pero laging mali ang kanyang timing. Ang mga karanasan niyang ito ang nagbigay sa kanya ng tatlong kaisipan:

1.      Kung saan man walang matibay na pamahalaan, mayroon ring kaguluhan.
2.      Ang kaguluhan ay dapat iwasan sa anumang pamamaraan.
3.      Mawawala ang kaguluhan kung ang pamahalaan ay malakas.

Ang tatlong kaisipang ito ang pinaka-balangkas ng kaisipang pulitikal ni Hobbes.

State of Nature

            Sinimulan ni Hobbes ang kanyang librong Leviathan sa isang pagsasalarawan ng tinatawag niyang “state of nature”, ito raw ang kondisyon ng buhay ng tao bago magkaroon ng tinatawag nating lipunan o gobyerno. Nagbigay ng isang thought experiment si Hobbes. Ano raw ang magiging sitwasyon natin kung walang pamahalaan? Ang tawag niya dito ay “state of nature”. Sa ganitong sitwasyon, lahat tayo ay “pantay-pantay” at may “karapatan” sa kung anumang kailangan natin para maka-survive. Kung talagang nakikinig tayo sa sinasabi ni Hobbes, hindi niya sinasabing pantay-pantay tayo sa pisikal na bagay. Ang gusto niyang sabihin, kapag walang lipunan, walang ispesyal na karapatan, pribilehiyo, restriksyon, ranggo, o kahit na istado ng buhay. Ang natatanging “karapatan” sa ganitong sitwasyon, sang-ayon kay Hobbes, ay nakabase sa lakas ng isang tao. Sabi nga ni Hobbes, “every man has a right to everything; even to one’s another’s body”.
            Kung totoo ang sinasabi ni Hobbes na lahat tayo ay maka-sarili, gusto parating makauna, siguradong hindi madaling mabuhay sa “state of nature”. Kung ang sinasabi ni Aristoteles ay natural sa tao ang makisalamuha sa ibang tao, kabaligtaran dito ang pilosopiya ni Hobbes. Para sa kanya, kung walang nagkondisyon sa ating sikolohiya na dapat tayong makisalamuha sa ibang tao, walang wala tayong simpatya sa mga katulad nating tao. Natural daw tayong egoists. Ang pag-iisip sa kapakanan ng iba, para kay Hobbes, ay hindi natural na emosyon.

Natural Laws
            Ngayon, ang kaisa-isahang dahilan kung bakit hindi magulo ay ang pagkakaroon ng tinatawag niyang jus natural (“natural laws”). Ang paggamit niya ng salitang “natural law” ay walang kaugnayan sa paggamit ng mga pilosopong midyebal. Kapag ginamit, halimbawa, ni Santo Tomas ang salitang “natural law” ibig sabihin niya ay iyong mga batas na totoo sa kahit anong lugar, oras, at kalagayan. Para naman kay Hobbes, ang mga batas na ito ay pangkalahatan na siyang nadiskubre nating mga tao batay sa pagkaunawa natin sa mundo. Nagsisimula raw lahat tayo sa premise na: Gusto kong mag-survive. Nanggaling dito, nakuha natin ang batas nagsasabing: Lahat tayo ay dapat maghangad ng kapayapaan at sundin ito, at kung ayaw mong sumunod dito, maghanda kang depensahan ang sarili mong kapakanan sa kahit anong pamamaraan. Kung talagang nakikinig tayo kay Hobbes, ang sinasabi niya dito ay walang taong makakayanang umiral sa napakabrutal na mundo kung hindi siya proprotektahan ng isang gobyerno. Kahit sa ordinaryo nating mga karanasan, sabihin na nating ikaw ang pinakamalaking bully, kailangan mo pa rin ng mga makakasama para mas maging astigin ka. Kung mag-isa ka lamang, kahit gaano ka pa kalakas, wala wala kang magagawa.
            Ngayon, hango sa naunang batas na kailangan nating maghangad ng kapayapaan, makakakuha ulit tayo ng isa pang kautusan: kailangan isuko mo ang iyong mga pansariling karapatan, gayundin ang lahat ng miyembro ng nasabing pamahalaan, upang mapanatili ang kapayapaan. Kung titingnan natin, parang “makasariling” golden rule ito, dahil sinusunod natin ang batas hindi dahil gusto nating maging “mabuti”, kundi ang paghahangad ng kung anumang makakabuti sa kanya. Kung totoo ang sinasabi ni Hobbes na lahat tayo ay egoists, ibig sabihin iniisip lamang natin ang sarili nating kapakanan, paano tayo makakasiguro na lahat ay susunod sa mga napagkasunduan? Para makasigurado na lahat tayo sa susunod sa nagpagkasunduan na iiwasan nating gumamit ng pwersa sa isa’t isa, “there must be coercive power, to compel men equally to the performance of their covenants” (Leviathan, 15). Ito ang gampanin ng gobyerno.
            Ang tawag ni Hobbes sa gobyernong ito ay “artificial man” o kaya ang dakilang “Leviathan” (ibig sabihin malaking tao). Minsan tinatawag din niya itong “ang diyos na mortal”. Kaya naman paboritong-paborito si Hobbes ng mga pinunong diktador. Ang kaisipang ito ang nagpasimula ng tinatawag sa pilosiyang social contract theory. Sa ganitong teorya, ang gobyerno ay hindi itinuturing na itinatag ng Diyos, kundi ginawa lamang ng tao upang magbigay ng siguridad na mapipigil ang ating pagka-makasarili.

Social Contract
            Upang mabuhay sa mundo nang payapa, kailangan nating isuko ang ating mga karapatan sa isang pinuno o isang kalipunan ng mga pinuno. Sanasabi ni Hobbes na parang pagpirma ito sa isang kasunduan:

   I authorize and give up my right of governing myself, to this man, or to this assembly of men, on this condition, that thou give up thy right to him, and authorize all his actions in like manner (Leviathan, 17)      

Taliwas sa magiging “social contract theory” ni John Locke and Jean Jacques Rousseau, ang kontrata ay sa pagitan ng mga tao (at hindi sa pagitan ng gobyerno at ng mga myembro). Kaya nga lamang, kapag pinili na natin kung sino ang magiging pinuno natin, wala na daw tayong karapatan pa na makialam. Ipinapaubaya na natin ang lahat sa napagkasunduang pinuno.
Kailangang linawin sa parteng ito na walang partikular na uri ng gobyerno na iniidorso si Hobbes. Kahit na pabor siya sa isang malakas na lider, bukas si Hobbes sa posibilidad ng pagkakaroon ng assembly. Gayunpaman, hindi pabor si Hobbes sa paghahati ng kapangyarihan. Sang-ayon sa kanya, ang gyera na nangyayari sa Englatera noong panahong iyon ay bunga ng paghahati-hati ng kapangyarihan sa pagitan ng hari, mga katiwala (lords), at ng House of Commons.
            Base sa kanyang karanasan, nasabi ni Hobbes na mas mabuti pang magkaroon ng pinaka-masamang diktador kaysa naman walang pamahalaan, o di kaya ay magkaroon ng mahina at walang alam na pinuno.


Emmanuel C. de Leon
Unibersidad ng Santo Tomas
Departamento ng Pilosopiya
 

ARISTOTELES: ANG PAGHAHANAP SA TOTOONG-TOTOO SA NATURAL NA MUNDO

Buhay ni Aristoteles: Biologist, Tutor, at Pilosopo
        Pagkatapos matalo ng Sparta ang Athens sa tinawag na “Peloponnesian War” noong 404 B.C., nagkaroon ng pagkakahati-hati ang mga syudad ng Gresya. Dahil dito, naging mahina at hiwa-hiwalay ang Gresya, at nasakop ng papalakas na imperyo ng Macedonia sa pamumuno ni Felipe ng Macedon noong 338 B.C.. Sa Macedonia uusbong ang nagngangalang Alexander the Great (anak ni Felipe), na siyang sasakop sa buong “mundo” (o sa kilalang mundo noong panahong iyon). Ang probinsyang ito rin ang magbubunga ng isang henyo sa Pilosopiya na sasakop sa napakaraming larangan ng kaisipan, si Aristoteles.
            Si Aristoteles ay ipinanganak noong 384 B.C. sa bayan ng Stagira, sakop ng Macedonia. Ang tatay niya na si Nicomachus ay isang manggagamot ni Amyntus II, ang hari ng Macedonia. Kaya nga, hindi kataka-takang mayroong nalalaman si Aristoteles sa larangan ng syentipiko at empirikal na pagsusuri sa kanyang uring pamimilosipiya. Labing-walong (18) taong gulang siya noong naging estudyante siya sa Academia ni Platon (sa Athens), upang magkaroon ng pinaka-mahusay na edukasyon noong kapanahunang iyon. Nag-aral siya doon at nagturo kasama ni Platon nang halos dalawampu’t limang (25) taon, hanggang sa mamatay si Platon noong 347. Pumalit kay Platon bilang pinuno ng paaralan ang kanyang pamangkin na si Speusippos, isang matematiko na mag-isang ipinapatuloy ang mga teorya ni Platon tungkol sa matematika. Hindi natin alam kung dahil dito umalis si Aristoteles sa Acamedia; Magiging isa lamang itong walang basehang ispekulasyon. Maaaring ang masamang pakikitungo ng mga taga-Athens sa mga Macedonian noong panahong iyon ang nagtulak kay Aristoteles na lisanin ang Academia ni Platon.
            Noong 342 B.C., ipinatawag siya ni Haring Felipe ng Macedonia (na isa pa lamang prinsipe noong kabataan ni Aristoteles) upang maging tutor ang isang labing-tatlong (13) taong gulang na si Alexander, ang tagapag-mana ng trono. Pagkaraan ng ilang taon, naging hari si Alexander at tinupad ang pangarap ng kanyang ama na masakop ang “mundo”. Sang-ayon sa ilang istorya, inuutusan ni Alexander ang kanyang mga sundalo na mangolekta ng mga “biological specemens” kung saan man sila nakikipag-gyera at ipinadadala pauwi sa kaniyang tutor na si Aristoteles.
         Noong 335 B.C., bumalik si Aristoteles sa Athens at nagtayo ng sarili niyang paaralan na naging karibal ng Academia ni Platon. Pinangalanan niya itong Lyceum dahil malapit ito sa temple ng diyos na si Apollo Lyceus. Dito niya naisulat halos lahat ng mahahalaga niyang akda.
            Nang mamatay si Alexander the Great noong 323 B.C., namuo na naman sa Athens ang galit sa mga taga-Macedonia. Dito natakot si Aristoteles, na ang pagiging malapit niya kay Alexander the Great ay maaaring magdala sa kanya sa kapahamakan. Naalala niya ang trahedya na nangyari kay Sokrates, pero hindi pa siya handang maging martir tulad ng guro ni Platon, kaya tumakas siya palabas ng Athens. Isang taon pagkatapos niyang lumabas ng Athens, siya ay namatay. Una niyang naging asawa si Pythias. Nang mamatay ang kanyang unang asawa, pinakasalan niya si Herpyllis. Habang nakikipagtalik siya kay Herpyllis at ipinapadama ang kanyang pagmamahal dito, doon niya hiniling na kung mamamatay siya ay ilibing siya malapit sa libingan ng pinakamamahal niyang si Pythias. #Kaboom! #MedyoBadBoy #PogiProblems

Si Platon at Si Aristoteles
            Bago natin maunawaan ang mga astig na pilosopiya ni Aristoteles, kailangan muna nating ipaliwanag ang relasyon sa pagitan ng mga pananaw niya at ng kanyang guro na si Platon. Unang una, ang impluwensya ni Platon sa kanyang pinaka-sikat na disipulo ay hinding hindi mabubura. Sa pamimilosopiya ni Aristoteles, tinatangka niyang magbigay ng solusyon sa mga naiwang problematiko ni Platon base sa lohika at mga partikular niyang karanasan. Pero, si Aristoteles ay higante sa larangan ng pilosopiya. Hindi siya kontento na ulitin na lamang ang mga ideya ng kanyang minamahal na guro. Malikhain niyang inulit ang ilan sa mga pananaw ni Platon, at matindi naman niyang tinuligsa ang marami sa mga ito. Sa kanyang magnum opus pagdating sa usaping etika, ipinahayag niya ang matinding pangangailangang sundan ang katotohan, kahit na ibig sabihin nito ay ang masidhing pagsasa-isang-tabi ng mga itinuro ng kaibigan niyang si Platon:
It would perhaps be thought to be better, indeed to be our duty, for the sake of maintaining the truth even to destroy what touches us closely, especially as we are philosophers or lovers of wisdom; for, while both are dear, piety requires us to honour truth above our friends (NE 1.6).  

Unang una, ang pinaka-lantad na kaibahan ng dalawang higante sa pilosopiya ay sa kanilang istilo at temperamento. Kalimitan, si Platon ay tinatawag ng mga dalubhasa na idealistic, inspiring, otherworldly, at perfectionist. Samantalang si Aristoteles naman ay realistic, scientific, this-worldly, at pragmatic. Ang mga panghuhusgang ito ay base sa mga nasulat at istilo ng pagsusulat ng dalawang nasabing pilosopo. Pero, kung talagang nakikinig tayo sa mga sinasabi ni Platon sa kanyang mga diyalogo, lapat na lapat ang mga ito sa kasalukuyan ni Platon. Karamihan sa mga literatura Platon ay komentaryo sa lipunan niyang kinabibilangan. Gumagamit siya ng mga bulgar na salita upang gawing popular ang pilosiya. Popular na ibig sabihin ay kauna-unawa sa nibel ng karaniwang tao. Samantala, ang mga taga-hanga naman ni Aristoteles ay nagbasa ng mga teknikal na sinulat niya na talaga namang sinulat para sa publikasyon. Parang ipinagkukumpara ng iba ang mga nasulat ni Bob Ong (na ang target audience ay masang Pilipino) at ang mga nasulat ni Dr. Co (na para naman sa mga may hilig sa pilosopiya). Ganunpaman, ang mga mambabasa ni Aristoteles ay makararanas ng pagka-antok at madalas kailangang magbukas ng encyclopedia sa pilosopiya. Sabi nga ng pilosopong si Arthur Schopenhauer, ang karanasan niya sa pagbabasa kay Aristoteles ay isang “brilliant dryness” (The World as Will and Idea, 2).  
        Sanasabing dalawa lamang ang tradisyon sa pilosopiya; kung hindi ka Platonist, e di isang kang Aristotelian. Kahit na hindi dapat natin ipag-isang-tabi ang pagkakatulad nina Platon at Aristoteles, magkaiba talaga ang kanilang sistema at paninindigan.


Ang imahe sa ibabaw ay galing sa painting ni Raphael na School of Athens, na malikhaing nagpapakita ng kaibahang pilosopikal nina Platon at Aristoteles. Si Platon ay nakaturo sa itaas, sa lampas-sa-mundong-ito na mundo ng Totoong totoo (Forms). Samantalang si Aristoteles naman ay sumi-senyas pababa, sa paghahanap ng totoo (forms) dito mismo sa natural na mundo.  

Pag-iisa-isa
            Kung si Platon ay nakatuon ang atensyon sa kabuoan ng Katotohanan, ang kanyang estudyanteng si Aristoteles ay nahilig (inclined) sa pag-iisa-isa ng mga detalye. Pero, malawak itong kinagagalawan ni Aristoteles. Itong kanyang pamamaraan at istilo ng pag-iisip ay makikita sa lahat ng larangan na kanyang pinasok: biolohiya, lohika, pisika, hermeneutika, retorika, etika, pulitika, at maging sa malalim na kabuoan ng metapisika. Pag-iisa-isa sa mga detalye ang talagang istilo niya. Mistulang hinahanap niya ang unibersal sa mga partikular.
        Para kay Aristoteles, maling diskarte ang pag-aaral ng mga abstraksyo na hiwalay sa mga kongkretong halimbawa. Hindi nga raw mauunawaan ang “kalayaan” kung hiwalay ito sa tunay na karanasan ng pagiging malaya. Ibig sabihin, kung gusto nating matutunan ang kahulugan ng “kalayaan”, mas mainam na siyasatin (isa-isahin) ang mga karanasan ng partikular na taong malaya. Hindi nga raw ginagamot ng isang doktor ang sakit na kanser, kundi ang partikular na may-sakit na si Pedro o si Juan.
            Kung si Platon ay pinapaiiwas ang kanyang mga estudyante sa nibel ng karanasan, si Aristoteles ay nagsasabing ang isang taong puro teorya at kulang sa karanasan ay walang tunay na alam. Ibang iba nga raw ang “kaalamang-larawan” sa “kaalamang-karanasan”. Maaaring alam nating naghihirap ang mga tao sa Tacloban. Pero, ibang iba pa rin ang kaalaman ng mga taong naranasan ang ibig sabihin ng “kahirapan ng mga tao doon sa Tacloban”. Ang karunungan, samakatuwid, ay nagsisimula sa karanasan ng mga partikular na bagay. Hindi pa nga raw tayo sigurado sa ating mga nakikita, anong kalokohan itong uunahin pa natin ang mga bagay na hindi natin nakikita!? Parang ganito: paano mo malalaman na minamahal ka ng isang tao, kung wala kang nakikitang kongretong tanda ng “pagmamahal” sa kanya? #Hugot
            Nguni’t, hindi dito natatapos ang istorya ng itinuturong pamamaraan ni Aristoteles. Mahalaga ang pandama, pero hindi doon natatapos. Maging ang aso kong si Bantay ay nakararanas ng amoy, gaspang, at lasa ng bagay na nararanasan niya (tulad ng pag-ngata niya ng isang buto), pero wala siyang totoong kaalaman base sa sinasabi ni Aristoteles. May kakayanan ang taong ikumpara ang kanyang naranasan base sa isang mas pundamental na katotohanan.
            Upang mas maunawaan natin, pwede siguro nating pag-ibahin ang interes ng isang painter, ng isang hardenero, at ng isang syentipiko sa isang puno. Ang isang alagad ng sining ay may hilig din sa mga detalye ng puno. Nahuhumaling siya marahil sa iba’t ibang kulay ng mga dahon, iba’t ibang kurba ng puno at sanga, at gaspang ng mga balat nito. Ang isang hardenero naman, sa ibang banda, ay alam kung anong partikular na pampataba o fertilizer ang makakapag-payabong dito; anong klaseng pruning (pag-gugupit o pagtatalas) ang makakapagpadami ng bunga nito. Recipe ang tawag. “Gawin mo ito, ito ang magiging resulta.” Alam niya ang paraan para magkaroon ng gusto niyang resulta, pero hindi niya lubusang alam kung paano ito nangyayari. Ngayon, ang isang syentipikong nag-iisa-isa o nag-iisip tungkol sa puno ay hindi lamang interesado sa partikular na punong kanyang sinisiyasat. Sa halip, bukas rin ang kanyang isipan sa mga unibersal na prinsipyo. Nasa kanya ang pagnanais na maunawaan ang isang partikular na bagay sa pamamagitan ng relasyon nito sa unibersal. Ano ang kaibahan nito sa nauna na niyang karanasan ng isang puno? Sa mga terminolohiya ni Aristotle, sinisiyasat ng isang pilosopo (gamit ang abstraksyo o paghihiwalay-hiwalay) kung alin sa mga ito ang esensyal (hindi maaalis sa bagay na pasok sa ganitong hangganan) at kung alin ang aksidenteng katangian lamang (katangian na maaaring wala). Sa pagsisiyasat na ito, mahalaga ang pagka-diskobre ni Aristeteles sa lohika bilang instrumento na mag-gagarantiya ng eksakto at walang dudang katotohanan.

Telos
            Ang pilosopiya ni Aristoteles ay nagpapakita ng kaayusan sa mundo. “Bumabagay ang mga bagay.” Ang itlog ng manok ay nagiging manok at hindi nagiging kalabaw. Ang buto ng sitaw ang nagiging halamang sitaw at hindi punong kawayan. Itong kaisipan na may dahilan (telos) ang mga bagay bagay ang tinatawag na teleolohiya. Galing sa salitang Greyego na telos, ibig sabihin ay tinutunguhan (end/goal).
            Ngayon, ang pagpapakatao ay isang gawain. Ang lahat ng gawain ay may telos. May kalikasan sa taong tumungo sa kaligayahan: eudaimonia. Ibig sabihin, “Ang taong maligaya ay may buhay na maganda ang daimon”[1] Pero, iba’t iba ang akala nating magpapaligaya sa atin. Mayroong nag-aakalang makukuha ang kaligayahan sa nibel ng laman. Ang iba naman ay sa pamamagitan ng pagkakamal ng maraming pera. O di kaya ay sa pagbubuo ng magandang pangalan sa lipunan.
            Pero, ang mga nasabing pamamaraan ay naglalagay sa tao sa matinding delikadong pagka-bitin. Isa sa esensyal na karakter ng isang tao ang pagiging malaya. Kung naka-base ang kaligayahan sa ibang bagay, tulad ng laman, pera, at pagtingin ng ibang tao, hindi ka na kumikilos nang malaya. At binabasag mo ang iyong pagka-taong malaya. May naidudulot ngang ligaya ang laman, pera, at reputasyon, pero bitin na bitin kumpara sa maibibigay na ligaya ng pagiging isang ganap na tao.

Etika: Ang Arete ng Pagpapakatao
            Ang pinaka-kompletong aklat ni Aristoteles tungkol sa etika ay may pamagat na Nicomachean Ethics (may kaugnayan sa pangalan ng kanyang tatay at ng kanyang anak). Isa ito sa mga klasiko pagdating sa pilosopiyang moral at hanggang ngayon ay isang maimpluwensyang pananaw. Hindi naman nagbibigay si Aristoteles ng kompletong recipe pagdating sa pagpapaka-mabuting-tao. Sa tingin niya, wala namang makapagbibigay ng ganito. Na sabihing, “gawin mo ito o iyan, at magiging mabuti ka na!”

Kaligayahan
            Sinimulan ni Aristoteles ang kanyang aklat sa isang obserbasyon na ang lahat na kilos ng tao ay mayroong mga ninanais na kahahantungan. Ngayon, ang ibang kilos ng tao ay ginagawa lamang para sa iba pang mas mataas na hangarin natin. Halimbawa, nagpapakapuyat ang isang estudyante hindi dahil sarap na sarap siya sa pagpupuyat. Mas madalas ginagawa ito ng isang estudyante upang makapasa sa exam sa Logic, halimbawa. Ginagawa niya ito upang makapasa sa kurso, para makatapos sa pag-aaral, magkaroon ng Bachelor’s Degree sa larangan ng pilosopiya, at balang araw ay magkaroon ng maayos na trabaho. Mahalaga ito sa kanya dahil magbibigay ito ng pagkakataon para siya ay kumita ng pera, at marami pang iba. Subalit, itong sunod-sunod na “hangarin” ay hindi pwedeng walang katapusan. Kaya nga, ang pinakamahirap sagutin sa mga katanungan ng buhay ay “ano ba ang totoong gusto ko sa buhay ko?” “Para saan ba ang mga ginagawa ko sa buhay?” “Saan ako makakahanap ng kahulugan?”
            Ang sagot dito ay madali lamang: ang talagang nais ng isang tao ay kaligayahan. Ang ginamit na termino ni Aristoteles para dito ay eudaimonia. Saan nga ba nagtatago si happiness? Malimit natin itong naitatanong lalo na sa panahong “emo” tayo. Saan ba mahahanap ang mistulang nakatagong kaligayahan? Kasama ba ito sa mga pwedeng bilhin ni Anne Curtis, kasama ang isang artista at ang buong bar?
            Para sa mga sinaunang Griyego, sa dahilan ng isang bagay nakadepende ang tunay na kahulugan. Ito rin ang basehan ng mabuti at masama ng isang bagay. Ang isang mabuting karpentero ay yuong ginagampanan ang kanyang tungkulin sa pagkakarpentero. Ang isang maayos na mata ay iyong maayos ang paningin. Ganon rin, ang isang mabuting tao ay nangangahulugan ng pagtupad sa kanyang pagiging isang tao. Ano naman yan? Ano ang bumabagay sa isang tao? Ano itong kilos na naiiba at nagpapaiba sa atin kumpara sa ibang nilalang?
            Sigurado, hindi ito sa pagpapasarap. Sapagkat kahit ang mga hayop ay mayroon ring ganitong oryentasyon. Sa huling bahagi ng kanyang aklat, sinabi ni Aristoteles:

Happiness, therefore, does not lie in amusement; it would, indeed, be strange if the end were amusement, and one were to take trouble and suffer hardship all one’s life in order to amuse oneself. For, in a word, everything that we choose we choose for the sake of something else—except happiness, which is an end. Now to exert oneself and work for the sake of amusement seems silly and utterly childish (NE, 10.6).

Sa pagsasabing ang “sarap” ay hindi katumbas ng “kaligayahan”, gustong sabihin ni Aristoteles na ang pagkahilig sa mapagpasarap na buhay ay delikadong bisyo. Kusang darating ang “sarap” sa isang taong mabuti. Pero, kung “sarap” o “aliw” ang pinagtutuunan mo ng pansin, kapag ito ang parati mong hinahanap, hindi mo na rin malalaman kung ano ang dapat.
            Ngayon, para saan nga ba ang buhay ng isang tao? Sinagot ni Aristoteles ang katanungang ito sa isa sa pinaka-sentro ng kanyang etika: “We state the function of man to be a certain kind of life, and this to be an activity or actions of the soul implying a rational principle, and the function of a good man to be the good and noble performance of these” (NE 1.7). May ilang mahahalagang punto sa mga pangungusap na ito ang kailangang bigyan ng paliwanag. Una, hindi tayo ang nagbigay ng “dahilan” sa ating buhay. Ang dahilan ng buhay ng tao ay andyan na kasama ng ating pagiging tao. Itong “dahilan” na ito ang kondisyon ng posibilidad na maging iba tayo sa mga bato, halaman, hayop, whiteboard marker, computer, at iba pa. Pangalawa, gustong sabihin ni Aristoteles na ang kahulugan ng buhay ng isang tao ay nakasalalay sa gawaing pagpapakatao, isang gawaing nangangailangan ng kahusayan o excellence. Ang kaligayahan ay hindi natutulog sa pansitan, sa halip ito ay natatagpuan sa pagsasagawa ng maayos na buhay. Katulad ng isang koponan. Hindi isang panalo lang, kampeon ka na. Ganon rin daw sa buhay ng tao. Hindi isang araw ka lamang nagpapaka-mabuting tao, bukas hindi na. Kailangan nito ng kahusayan na nakukuha sa pagsasanay araw araw na buhay.
            Pangatlo, ang paglalarawan nito ng kahulugan ng buhay ay nangangahulugan ng isang uri ng buhay na naaayon sa isang plano o istratehiya na ginagabayan ng katwiran. Kaya nga, ang maayos na buhay ay hindi lamang puro gawa. Parating magkasama ang pag-iisip at pagsasagawa. Iyan ang tinatawag ng mga sinaunang Griyego na techne, “pag-unawang gumagawa at paggawang umuunawa.”

Arete: Nakasanayan Karakter
            Ang isang mabuting tao ay hindi lamang gumagawa ng mabuti, sa halip, sa pamamagitan ng pagsasanay, siya ang taong tinubuan ng disposisyon o kasanayan sa paggawa ng mabuti. Maiisip natin ang isang nagbabayad ng tamang buwis—hindi dahil maluwag iyon sa kanyang kalooban, kundi dahil ayaw niyang mahuli ng gobyerno. Ang isang totoong moral na tao, para kay Aristoteles, ay masaya at laging handang huwag mandaya ng buwis dahil alam niya itong tama. Kaya nga, ang isang nahubog na ang moralidad ay nakikita sa kanyang mga motibasyon, mga hangarin, mga gusto, at mga hindi gusto. Ang isang mabuting tao ay natutuwa sa mabuti, at napapangitan sa masama. Parang isang dalubhasang musikero na aliw na aliw sa magandang musika, pero sumasakit naman ang tenga sa mga basurang tunog.
            Ang konsepto ng mabuti ay pwedeng matutunan sa eskwela, pero ang tunay na karakter ay natututunan sa pamamagitan ng pagsasagawa. Isa nga itong phronesis. Isang praktikal na karunungan. Parang sa pamimisekleta. Maaaring matutunan ang mga pundamental na konsepto ng pamimisekleta sa pamamagitan ng “salita ng isang tagapag-turo”. Pero, hinding hindi ka makakapamisekleta kung hindi ka mamimiseklata. Hawig dito ang pagpapakabuting tao. Kung gusto mong magkaroon ng lakas-loob, kailangan ng paulit-ulit na pagsasanay ng lakas-loob. Kung gusto mong maging “studious”, hindi pwedeng hindi ka mag-aaral. Mahalaga nga ang pagsasanay sa mga gawaing moral.
           
Arete: Ang Meson
            Kung ang mabuti ay nasa pagsasanay, ano ang dapat pagsanayan ng isang nagpapakabuting tao? Dito pumasok ang konsepto ng meson o medyo-medya (the doctrine of the mean). Ang medyo-medya ay nasa pagitan ng dalawang kalabisan. “Moral virtue is concerned with passions and actions, in which excess is a form of failure, and so is defect, while the intermediate is praised and is a form of success” (NE 2.6). Sa madaling salita, ang isang mabuting tao ay gumagalaw sa pagitan ng dalawang kalabisan. Hindi bago ang konsepto ng “moderation” sa mga sinaunang Griyego. Kahit sina Homer ay may ganitong konsepto. Pero, si Aristoteles ay nagibay ng kanyang kakaibang pormulasyon.

Kilos
Bisyo (sobra)
Birtud (medyo-medya)
Bisyo (kulang)
Tapang sa pagharap sa panganib
Walang ingat
Matapang
Duwag
Pagdanas ng sarap
Makasariling paglalayaw
Mahinahon
Kill-Joy
Pagbibigay ng pera
Bulagsak sa pera
Pagiging bukas-palad
Madamot
Pagsasabi ng totoo tungkol sa sarili
Kayabangan
Totoo sa sarili
Pagpapababa sa sarili
     
Ang mga halimbawa sa itaas ay nagpapakita ng ideya ni Aristoteles tungkol sa totoong mabuti. Ang walang ingat, ang duwag, at ang matapang ay lahat natatakot. Ang walang ingat ay nagkukunwaring walang takot, at mamaya’y susugod bigla bigla. Ang duwag ay walang pagpigil sa takot. Siya ang kinokontrol ng takot. Ang matapang naman ay hinaharap, inaangkin, at dinisiplina ito upang magawa niya ang mabuti at maiwasan ang kahihiyan. Ang totoong matapang ay hindi padalus-dalos. Hindi porke’t hindi lumalaban ay duwag. Kung minsan, ang taong matapang ay tinatatawag ng pagkakataong h’wag munang umimik o lumaban. “Kung ang taong nagtitiis at natatakot sa nararapat, dahil sa tamang dahilan, ayon sa paraan at panahon na nararapat… iyong taong iyon ay matapang” (Mga Sinaunang Griyego, 126).

Itong medyo-medya (mean) ay hindi katulad sa matematika na matatagpuan sa kalahati. Kung ibibigay ko, halimbawa, lahat ng pera ko sa kawang-gawa nagpapakita ito ng kabulagsakan sa pera. Kung hindi naman ako magbibigay at mayroon naman akong pwedeng ibigay, kadamutan naman ang tawag doon. Pero, hindi ito nangangahulugang ibibigay ko ang kalahati ng aking mga ari-arian sa kawang-gawa at tapos na ang istorya; mabuting tao na ako. Kaya nga, hindi sapat na alam natin ang ideya ni Aristoteles na ang mabuti ay nasa gitna ng dalawang sobra. Paano iyon malalaman? Paano natin malalaman ang mabuti sa partikular na sitwasyon?
            Ang masasabi lamang ni Aristoteles, “it is determined by a rational principle, and by that principle by which the man of practical wisdom would determine it” (NE 2.6). Sa puntong ito, makikita natin ang koneksyon ng “karunungang intelekwal” at “karunungang praktikal”. Ang isang taong may praktikal na karunungan ay kayang manimbang kung ano ang nararapat gawin sa isang partikular na sitwasyon. At, mayroon rin siyang karunungan upang malaman kung paano ito isasagawa. Kailangan daw dito, ayon kay Aristoteles, ang katalinuhan at pagiging praktikal. Dito mahalaga ang mga naunang karanasan. Gumagalaw ang taong may karunungang praktikal sa mga naunang karanasan. Iba nga raw ang “karunungang-larawan” sa “karunungang-karanasan”.   
             Ang kikilatis ay ang aisthesis: isang uring pagtanaw at pagdama. Hindi masusukat, kundi matatanaw lamang at madarama ang gitna, sapagkat ang pinaka-gitna ay walang pagmamalabis o pagkukulang. Sapagkat ang gitna ay isang uring sukdulan. Ganyan ang pagka-gitna ni Aristoteles, ang tanyag na mesotes.  


Emmanuel C. de Leon
Departamento ng Pilosopiya
UST-Faculty of Arts and Letters



[1] Roque J. Ferriols, S.J., Mga Sinaunang Griyego (Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 1992), 123. 

SI PLATON: ANG PAGHAHANAP SA TOTOONG-TOTOO


I. Buhay ni Platon: Estudyante na naging University President
            Noong hinatulan ng kamatayan si Sokrates, ang kanyang estudyanteng si Platon ay tatlumpong (30) taong gulang. Itong kamatayan ng kanyang guro, na may bahid ng pulitika, ay maaaring sabihing isa sa pinakamahalagang yugto sa buhay ni Platon. Sa pagdinig ng kaso ni Sokrates, nagmungkahi si Platon at tatlo pa nilang mga kaibigan, na magbayad na lamang ng malaki-laking halaga ng pera bilang alternatibo sa parusang kamatayan. Pero, sa laking dismaya ni Platon, ang buhay ng kanyang guro na itinuturing na pinaka-matalino at pinaka-moral na tao sa Athens noong kapanahunang iyon, ay nauwi sa isang trahedyang pagtatapos. Hindi maitago ni Platon ang kanyang pagkadismaya sa isang linya sa Phaedo:

Such was the end….of our friend, who was, I think, of all the men of our time, the best, the wisest, and the most just.

Dahil sa pangyayaring ito, maraming tanong ang nabuo sa isipan ni Platon. Anong klaseng lipunan ito na hindi kayang konsentihin ang isang Sokrates sa kanyang piling? Anong klaseng lipunan meron dapat tayo upang mamayani ang mga pilosopikal na pananaw sa mga gawain ng tao? Ano ang hustisya? Bakit kailangang maging mabuti? Ang mga ito ang magiging laman ng kanyang pag-iisip sa kanyang pamimilosopiya.

            Wala siguro sa plano ni Platon ang maging isang pilosopo. Ipinanganak noong 428 o 427 B.C. sa isang aristokratikong pamilya sa Athens, pinag-aral siya at inihahanda para maging isang dakilang pulitiko. Matapos ang trahedya ng pagkamatay ni Sokrates, nagdisisyon si Platon na ilaan ang kanyang lakas at buhay sa pamimilosopiya. Nagtatag siya ng isang eskwelahan na tinawag na Academia (Academy), alay sa kaluwalhatian ng bayaning si Academus. Inialay niya ang kanyang mga panahon sa pagtuturo at pagsusulat. Isa sa pinakasikat sa kanyang mga sinulat ang Politeia (kalimitang isinasalin sa salitang ingles na Republic). Sa aklat na ito, sinasabi niyang hindi magkakaroon ng hustisya sa isang lipunan hanggat hindi ito pinamumunuan ng isang taong may pilosopikong pananaw, o hindi kaya ay magkaroon ng pilosopikong pananaw ang isang pinuno.

II. Layunin ni Platon: Gawing Komprehensibo ang Pilosopiya
            Hawig sa tinatahak ng kanyang gurong si Sokrates, mayroon ring matinding interes si Platon sa mga katanungang etikal. Kaso nga lamang, ang tadhana ni Sokrates ang magbibigay sa kanya ng reyalisasyon na ang isang mabuting tao ay hindi makaka-agapay kung hindi muna babaguhin ang isang lipunan. Kaya nga, masasabi nating malaking bahagi rin ng pilosopiya ni Platon ang tungkol sa pulitika. Pero, lahat ng mga ito ay naka-angkla sa kanyang pangunahing adhikain na maunawaan ang totoong totoo sa mga bagay bagay. Dahil dito, malaking porsyento ng kanyang pag-iisip ay nakatoon rin sa mga tanong sa metapisika at epistemolohiya.

Epistemolohiya: Rason vs. Opinyon
            Bago natin matutunan ang epistemolohiya ni Platon, kailangan muna nating banggitin ang mga bagay na hindi niya pinaniniwalaan. Ang una niyang gustong gawin ay tuligsain ang relatibismo ng mga Sophist. Para kay Platon, ang lipunan natin ay dapat nakasandig sa tunay na karunungan at hindi sa kanya kanyang opinyon sa madla. At ang karunungang ito ay unibersal (totoo sa lahat nang tao, panahon, at pagkakataon). Pangalawa, sinusubukan niyang alisin sa atin ang sobrang pagtitiwala sa ating mga pandama. Ang uring karunungan na kailangan natin, sang-ayon kay Platon, ay parating totoo (eternal) at hindi nagbabago (unchanging); at hindi natin makukuha iyon sa pabago-bagong karanasan. At panghuli, ipinaglalaban niyang ang isang kaalaman (knowledge) ay hindi lamang totoong-paniniwala o haka-haka, sapagkat ito dapat ay nakabase sa rasyonal na pangangatwiran.

Note: pag-aaralan ninyo ang mga ito sa susunod na semestre; sa Epistemology class. Dahil sa kakulangan ng oras, hindi natin ito lubusang pagtutuunan ng atensyon.

Politeia II: Ang Singsing
            Ang Politeia na iminumungkahi ni Platon ay nilalagay niya sa bibig ni Sokrates.[1] Malayong malayo ang edad ng Sokrates ng Apologia sa Sokrates ng Politeia. Bata pa si Sokrates dito. Sa unang libro ng Politeia, inihanda ni Platon ang magiging pagmumuni-muni sa diyalogo. Tungkol ito sa dike (katarungan). Isinulat ito ni Platon sa paraang nag-uusap-usap ang mga karakter. Isa itong diyalogo. Nag-uusap-usap sila tungkol sa mga “institusyon”.
Katulad nina Foucault, Heidegger, at Nietzsche, may pagka-kritikal si Platon sa mga institusyon sa ating lipunan. Kailangang imbestigahan ang mga institusyon, upang sa ganun ay maihawalay ang totoo sa hindi totoong sistema. Hindi naman ibig sabihin lahat na sistema ay bulok. Pero, kailangang kilatisin lahat, upang makapagsimula si Platon ng isang ideyal na Politeia. Para kay Platon, ang lipunan ay ang pinalaking tao.[2] Kung magulo ang mga institusyon sa lipunan, magulo rin ang buhay ng isang tao.  
             
        Dito sa ikalawang aklat ng Politeia, inilalahad ni Sokrates ang kanilang pag-uusap ni Glaukon. Nagsimula si Glaukon sa isang eksperimentong pag-iisip (thought experiment). Kung bibigyan ng parehong kapangyarihan ang mabuti at ang masama na gawin ang anumang gusto nilang gawin, may kaibahan kaya ang resulta?
            Para mas patindihin pa ang problemang gusto nilang sagutin, nagkwento si Glaukon tungkol sa isang pastol na nagngangalang Gyges, alipin ng namumuno noon sa Lydia. Nagkaroon ng isang kalamidad habang nagpapastol si Gyges; matagal umulan nang malakas at lumindol. Bumitak ang lupa at nagkaroon ng malalim na bangin. Nakita niya, nagtaka, at bumaba siya upang tingnan ang mga kataka-takang bagay sa ilalim. Mayroon pa raw kabayong bronse na binabanggit sa kwento. Yumuko raw siya at may nakitang bangkay na walang saplot at suot lamang ang isang singsing, kinuha niya ang singsing at umalis.
         Ugali raw ng mga pastol ang magpulong bawat buwan upang iulat sa hari ang kalagayan ng mga kawan. Dumalo raw si Gyges dito suot ang singsing. Umupo siya sa gitna ng mga pastol at nang pinihit niya ang singsing paloob, siya ay naglaho. At pinag-usapan siya ng mga pastol na para bagang nakaalis na siya. At nang pinihit niya ulit ang singsing palabas, nakita na siyang muli. Nagulat siya at nag-isip isip. Sinubukan niya ulit nang maraming beses at pareho ang resulta. Pihit paloob, mawawala. Pihit palabas, sisipot siya. Agad niyang pinatay ang sugo ng hari. Nakiapid daw si Gyges sa asawa ng hari at nagkaisang patayin ang hari upang makuha ang poder ng kaharian.
            “Ngayon,” sabi ni Glaukon, “kung may dalawang singsing na ganito, isuot mo iyong isa sa mabait at iyong isa naman sa masama. Sa karaniwang pag-aakala walang magiging sintigas ng bakal na mananatili sa pagkamabait.”[3] Malakas ang loob ng sinumang may kakayahang maging malaya sa paningin ng publiko. Dahil nga wala namang makakakita sa kanya, maaari na siyang pumasok sa isang lugar na hindi naman niya pwedeng pasukan, kunin ang isang bagay sa tindahan at hindi na bayaran, makinig sa pribadong usapan ng iba, pumatay ng tao na hindi mahuhuli, at marami pang iba. Mag-aasal diyos ang taong may ganitong kapangyarihan. Mayroon kayang taong napakabuti na hindi malalamon ng ganitong klaseng kapangyarihan?
          Ganito nga raw ang karaniwang kalagayan ng pagpapakabuti ng tao. “At masasabi na ito ang matunog na tanda na walang mabait na kusang loob, kundi sapilitan. Sapagkat walang mabuti ang sariling laya.”[4] Napipilitan lamang tayong gumawa ng mabuti upang gawan rin tayo ng mabuti ng iba. Pero, kung may tyansa tayong pumili sa mabuti at masama, mas madalas pipiliin natin ang masama lalo na at walang nakakakita sa atin.
            Kung iisipin natin, tama nga. May mga karanasan tayo na mag-isa sa loob ng ating kwarto, at kung anu anong kabulastugan ang ating naiisip gawin. Sabi nga, “Idle mind is the house of temptation”. Kung talagang nakikinig tayo kay Platon, maaaring sinasabi niyang mahalaga ang visibility sa gawaing moral. Hindi maaaring walang nakakakita sa atin. Hindi maaaring malayang malaya tayo sa paningin ng ibang tao.
           Tulad sa ating gobyerno. Kung walang pakialam ang publiko sa mga ginagawa ng mga opisyal ng ating gobyerno, malamang lamang nga na gumawa sila ng masama tulad ng pagnanakaw sa kaban ng bayan. Kaya mahalaga ang transparency at social accountability.     

Bakit kailangan maging mabuti?
            Malaking porsyento ng kaisipan ni Platon ay tungkol sa tanong sa hustisya. Sa karaniwang pananaw, ang hustisya ay tungkol sa pagiging patas at walang kinikilingan. Kaya nga nakapiring ang musa ng hustisya at tangan tangan ang balanse. Pero, sa pilosopiya ni Platon, ito rin ay isang kalidad na nasa loob ng isang may-kaayusang kaluluwa (psyche). Sa ganitong pananaw, ang isang makatarungang tao ay ang mabuting tao.
           Sa kanyang Politeia, inilahad muna niya ang pag-iisip ng mga mapagduda sa kahalagahan ng hustisya at pagpapakabuti. Tinatanong nila, “Bakit ba talaga kailangang maging mabuti?” Sa ibang salita, bakit pa kailangang magpapakabuting tao? Kung ang mabubuting tao ay pinapatay, walang impluwensya, naghihirap, at naiisang-tabi? Sa kabilang banda naman, ang mga gumagawa ng masama ay yumayaman, may kapangyarihan, maimpluwensya, at namamayani sa ating lipunan? Bakit natin pipiliin ang pagiging mabuti kumpara sa masarap na buhay ng pagiging makasarili? Hindi ba mas makakabuting maging masama at hangaan ng publiko? O kung mas palalawakin natin ang mga tanong ni Glaukon, “Paano kung walang kabilang buhay o langit para gantimpalaan ang ating mabubuting gawain?”
         Hindi ba’t ang mga ito ang patunay na ang dahilan lamang natin sa pagpapakabuti ay upang magkaroon ng magandang reputasyon at mga panlabas na gantimpala (sa buhay na ito o sa kabilang buhay)? Mayroon bang malalim na dahilan ang pagpapakabuti?
            Kahit na sa ikalawang aklat ng Politeia naitanong ni Glaukon itong tanong tungkol sa kahalagahan ng pagpapakabuti, halos buong libro ay tungkol sa pagsagot sa masalimuot na katanungang ito. At bilang tipikal na Griyego, humugot siya ng sagot galing sa essensya o pagiging ng isang tao. Ano ba ang isang tao? Sapagkat para sa mga Griyego, ang kabutihan ng isang bagay ay nakadepende sa kanyang kadahilanan.
Hindi nagbibigay si Platon ng mga pamantayan, “gawin mo ito; hwag mong gawin iyan.” Kinilatis muna niya ang mabuti sa isang tao at kung bakit ito ang dapat nating pagtuunan ng pansin sa ating pagpapanday ng buhay.   

Ang Mabuti at Ang Tao
            Para kay Platon, ang talagang tao ay ang kanyang psyche, kalimitang isinasalin na “kaluluwa”. Subalit, kailangan nating maging maingat at huwag isiping katulad ito ng terminolohiyang ginagamit sa tradisyonal na relihiyon. Sa lenguahe ni Platon, ang “kaluluwa” ay mas mainam isiping ang “sarili”.
            Kung susuriin raw natin ang kaloob-looban ng ating kaluluwa (introspection), kung talagang dadanasin natin ang kaloob-looban natin, makikitang hindi ito nagkakaisa. May mga naglalabanang pwersa sa ating mismong kalooban. Parang sinasabi ni Platon na mayroong ibang ibang elemento o faculty ang isang kaluluwa. Subalit, kahit na tinatawag niya itong “mga parte ng kaluluwa”, hindi dapat natin itong itulad sa konsepto ng “mga parte ng isang makina”. Sa halip, ang inilalarawan ni Platon ay tungkol sa mga naglalabanang pagnanais (desire) o sa linguahe ng mga psycho-analyst, types of psychological drives.

            Isang paglalarawan. Isipin mo, halimbawa, may isang uhaw na uhaw na tao. Desperadong desperadong uminom ng tubig. Pero, dahil alam niyang may lason ang tubig, hindi niya ito iinumin. Ipinakikita ng nasabing sitwasyon na mayroong dalawang naglalabanang pagnanais. Ang unang bahagi ang “pang-gana” (appetite; appetative part of the soul). Kalimitang may relasyon sa mga pangangailangan ng katawan, tulad ng pagnanais sa pagkain, inumin, at pakikipagtalik. Ang “pang-gana” ang humihila sa atin sa direksyon ng makalupang pagpapasarap. Sa bulgar na salita ni AiAi delas Alas, ito ang mga pangangailangan ng ating katawang-lupa.
            Pero, mayroon ring nag-iisip na parte ng kaluluwa, na malimit pinipigilan ang mga pagnanasa ng “pang-gana”. Ito ang boses ng katwiran sa loob ng isang tao. Ang elementong ito ay mayroon ring mga pagnanasa, pero ang mga pagnanasang ito ay makatwiran. Ito raw ang pinanggagalingan ng kahiligan (inclination) ng tao sa katotohanan at pamimilosopiya.
            Parang nakapasimple ng paggalaw ng isang tao. Paglalabanan ng makamundo at makalangit na pagnanasa. Subalit, may itinuturong pangatlong parte ng kaluluwa si Platon. Ito ay ang ispiritu ng tao. Ang terminong ispiritu ay hindi dapat lagyan ng bahid ng relihiyon. Ito ang sentro ng pagkilos ng isang tao. Pinapakita niya ang kanyang sarili sa galit, ambisyon, lakas ng loob, o sa tiwala sa sarili. Ang ispiritu ay ang bukal ng mga emosyon. Iba ito sa mga naunang parte ng kaluluwa dahil tumatanggap ito ng utos galing sa kanila. Pwedeng makinig ang ispiritu sa makamundong parte ng kaluluwa at magalit na lamang nang walang rason. O kaya ay gamitin ang emosyon ng galit sapagkat kinakailangan ito ayon sa katwiran. Samakatuwid, ang isipiritu ay naninimbang sa pagitan ng makamundong “pang-gana” at makalangit na “katwiran”.
            Sa Phaedrus, ginagamit ni Platon ang talinghagang ito:

Ang kaluluwa ng tao ay isang kutserong nagpapatakbo ng dalawang may pakpak na kabayo. Matalino ang isang kabayo at lumilipad ng patungong langit upang maabot ang liwanag ng katotohanan at kabutihan. Galing sa masamang lahi naman ang kabilang kabayo, at dahil sa pagkalimot at pagkakasala, winala ang kanyang pakpak at nahulog sa lupa upang magkatawang tao. Kaya naman, may mga makalangit at makalupang kagawian na naglalabanan sa diwa ng tao. Ang pagsasakatawan ng tao ay isang di-kanais nais na aksidente at isang malupit na pagbibilanggo sa malaya at dalisay na kaluluwa.[5]

Gamit ang mga pundasyon ng sikolohiya, tinuturo ni Platon ang pagpapakabuti. Dito niya inilahad ang mga arĂȘte (birtud): karunungan, lakas-loob, pagtitimpi, at hustisya. Sa lahat nang ito, kailangan ng pagkontrol ng katwiran. At ito ang kondisyon ng posibilidad na tayo ay maging tunay na tao. Sa madaling salita, ang pagpapakatao para kay Platon ay nakasalalay sa kakayanan ng psyche (ng mismong tao) na kontrolin ang kanyang sarili.
            Sa simula, tinanong natin: “Bakit kailangang maging mabuti?” Kung talagang nakikinig tayo ng mataimtim kay Platon/Sokrates, tatanungin tayo pabalik, “Bakit kailangang may kontrol sa sarili sa halip na maging alipin ng ibang pagnanasa?” Mas gugustuhin mo bang mamayani ang halimaw sa loob mo? Kung itatatanong natin kay Platon/Sokrates ang bakit kailangang maging mabuti, sasabihin lang niya na walang kwentang itanong pa iyan. Dahil ang tunay na tao ay mabuti; nakalimutan nga lamang niya ito.  





Ang Yungib
            Malikhaing iniulat ni Platon ang kanyang epistemolohiya at metapisika sa kanyang Alegorya ng Yungib (book vii ng Politeia), masasabing isa sa pinaka-astig na istorya sa kasaysayan ng Kanluraning literatura. Sa istorya, mayroong isang grupo ng mga bilanggo na buong buhay nila ay nasa loob ng isang yungib kung saan nakagapos ang kanilang leeg at mga kamay upang ang makikita lamang nila ay ang isang parte ng yungib. Sa likod nila, ilang hindi pinangalanang tao ang nagpapakita ng mga istatwa ng ilang mga hayop at iba pang mga bagay bagay gamit ang liwanag ng apoy. Kaya nga lamang, hindi nakikita ng mga bilanggo ang apoy at mga artipisyal na bagay. Ang nakikita lamang nila ay ang mga anino, at para sa kanila ito na ang talagang kabuuan ng realidad.
            Ngayon, isipin na lamang na mayroon daw isang bilanggo ang nakatakas/nakalaya. Sa una, ang liwanag ng apoy ay hindi maintindihan at nakakasilaw. Masakit sa mata. Maiisip niyang iyong pamilyar sa kanya na anino ang talagang totoo at ang nakikita niya ngayon ay isang nakakatakot na ilusyon.  
            Ngayon, kung siya ay mapapadpad sa labas ng yungib at makikita niya ang sinag ng araw, lalo pa siyang mamamangha (o di kaya ay lalong matatakot). Ang sikat at liwanag ng araw ay lalo pang makakapagpa-lito sa kanya. Pero, darating ang oras na masasanay na rin siya sa panibagong nibel ng katotohanan na nakikita niya. Makakakita siya ng totoong hayop, bulaklak, puno, at bituin sa unang pagkakataon, at mauunawaan niyang mas totoo ang mga may kulay at 3D na bagay kaysa sa mga anino na nakikita ng kanyang mga mata sa loob ng yungib. At maliliwanagan siya sa kaawa-awang kalagayan ng mga kasamahan niya sa loob ng yungib na limitado lamang ang kaalaman sa mga ipinapakitang anino.
            Sa kwento ni Platon, may kaugalian ang mga tao sa yungib na magbigay ng mga premyo at mga parangal sa mga taong magaling kumilala sa mga imahe ng mga partikular na anino. Gayunpaman, walang kwenta ang mga premyo at mga parangal na ito sa isang taong nakakita na ng talagang totoo. At kung babalik sa yungib ang taong ito, magiging katawa-tawa lamang siya sa mata ng mga tao doon. Iisipin ng mga dati niyang kaibigan na nawala na ang kanyang katinuan kung ikukwento niya ang totoong kulay berdeng halaman, ang dumadaloy na tubig, at ang liwanag ng araw. At sang-ayon kay Platon, kung magkakaroon sila ng pagkakataon, papatayin nila ang taong ito, kahit ang talagang gusto lamang niyang gawin ay sabihin ang totoo at palayain sila sa kanilang kalagayan (kamangmangan).

            Inilalarawan dito ni Platon ang tunay na kalagayan ng isang tao. Paniwalang paniwala tayo na totoong totoo ang mga nakikita natin. Akala natin ay talagang nabubuhay tayo sa katotohanan. Ginigising tayo ni Platon sa ating mahimbing na pagkatulog, at binabalaan na delikado ang mabuhay sa paniniwala galing sa mga walang laman na anino. Itinuturo niya ang direksyon ng talagang totoo. May bahid ng totoo ang ating mga nakikita. Pero, hindi pa ito ang talagang totoo.
            Parang sa turo ni Kristo. Nabubuhay nga tayo sa mundo. Subalit, kailangan nating lumampas pa dito sapagkat hindi ito ang tunay nating destinasyon. Ang isang taong nabubuhay sa katotohanan ay kailangang mulat at naliliwanagan ng talagang totoo. At hindi ito madali, sang-ayon kay Platon. Isa itong mahirap at mahabang pagsasanay; kasama dito ang pagtitiis sa mga panlalait at katatawanan. Subalit sa hulihan, matatanaw ang totoo at mabuti.
            Hindi nagbibigay ng konkretong pamamaraan si Platon kung paano matagpuan ang totoong-mabuti. Sa halip, itinuturo niya ang pagbalik sa sarili bilang isang kondisyon upang maalala natin ang talagang totoo. At kapag natagpauan niya ang liwanag, responsibilidad niya ang bumalik sa dilim. Hindi upang mabuhay muli sa kasinungalingan. Kundi upang paglingkuran ang liwanag; upang maging “liwanag sa dilim” (sabi nga ni Rico Blanco). Mabigat na pasanin ito. Pero, kailangan niyang gawin. Ang taong ayaw bumaba at paglingkuran ang katotohanan ay hindi pa talaga nakauunawa sa talagang totoo. Katulad ng kwento sa Ebanghelyo: Ipinakita ng Diyos sa ilang apostol ni Hesus ang mangyayari. Pinakita ng Diyos sa kanila ang katotohanan. At dahil dito, ayaw na nilang umalis sa bundok na iyon. “Magtayo na tayo ng kubol dito. Isa sa Iyo, isa kay Moses, at isa kay Elias,” mungkahi ng isa. Sabi Hesus, “Hindi mo pa alam ang iyong sinasabi.”
            Ang tunay na nakakaunawa sa totoo ay handang iwanan ang sarap sapagkat iyan ang udyok ng mabuti. Ang taong nakatagpo sa mabuti (o natagpuan ng mabuti) ay walang magagawa kundi isabuhay ito at mamuhay ayon dito. Ang katotohanan na ang nagpapakilos sa kanya. At, ganyan nga rin ang itinuturo ni Platon. Nauwi rin siya sa itinuturo ng matandang Sokrates ng Apologia, “mas mabuti pa ang maapi dahil sa mabuti, kaysa mang-api.” Bakit? Sapagkat iyan ang angkop sa tao: ang mamuhay sa mabuti. Ang isang taong taong nang-aapi ay nabubuhay sa masama na hindi naaayon sa pagiging tunay na tao. Hindi siya nagiging maka-tao. Samantalang ang inaapi sa ngalan ng totoo at mabuti, kahit siya ay pahirapan, kahit siya ay patayin, ipako pa siya sa krus, sabihan ng masasakit na salita, pagtawanan, walang kayamanan; tao pa rin siya sa mayamang kahulugan ng salitang “tao”. 
Mahirap ang sinasabi ni Platon. Pero, ito ang dapat. Ito ang mabuti. Kaya nga, parati man nating naririnig, laging totoo ang sinasabing “madaling maging tao pero mahirap magpakatao.”   



Emmanuel C. de Leon
Departamento ng Pilosopiya
UST-Faculty of Arts and Letters
      


[1] Roque J. Ferriols, S.J., “Platon: Ang Singsing at ang Yungib”, sa Mga Sinaunang Griyego (Quezon City: Ateneo de Manila University Office of Research and Publications, 1992), 108. Sa mga susunod sa sipi sa nasabing libro, gagamitin ang MSG. 
[2] “Society is man written large.” 
[3] MSG, 112-113. 
[4] Ibid, 113.
[5] Eduardo Jose E. Calasanz, “Ang Aking Katawan”, sa Magpakatao: Ilang Babasahing Pilosopiko, ed. Roque J. Ferriols, S.J. (Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 1979), 39.