Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Ilang Kritisismo. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Ilang Kritisismo. Ipakita ang lahat ng mga post

Lunes, Mayo 4, 2015

Ang Patikim na Pagkakaisa Tuwing may Laban si Pacquiao

Kung mayroon mang magandang naipakita ang katatapos lamang na laro nina Mayweather at Pacquiao, ito ay ang pagkakaroon isang “patikim” ng pagkakaisa ng mga Pilipino. Kahit paano ay nagkaroon tayo ng isang “national sentiment” (gamit ang termino ni Jose Rizal) kahit na sa ilang oras lamang. Kailangan natin ang mga ganitong pagkakantaon para sa tinatawag ni Benedict Anderson na “imagined community” o ni Fredric Jameson na “glimpses of utopia”. Subalit kung talagang mulat tayo sa nangyari, mas lutang dito ang talagang pagkontrol sa sikolohiya nating mga Pilipino ng mga nagpapatakbo ng negosyong ito. Mahusay ang pagkakagawa ng “emosyon” upang maramdaman nating “pangangailangan” na maging updated sa gawa-gawaang rivalry nina Pacquiao at Mayweather. Parang mga "willing victims" na naman tayo ng mga negosyanteng-bampira na walang ginawa kundi sipsipin ang dugo ng ating pagkatao. 



Malamang hindi tayo aangal dahil pakiramdam naman natin ay nakinabang tayo sa panonood ng itinuring nating “kailangang mapanood”. 'Yan ang ating lipunan. Sa kasalukuyang lipunan na ang lohika ay ang paglago lamang ng tubo, at walang pagpapahalaga kung kapakanan at kahulugan man ng pagkatao ang masasakripisyo, nagiging posible ang mga ganitong pangyayari. Sa kahit ano mang lipunang pinatatakbo ng salapi, nasasakripisyo ang pagkatao. Pera ang nagiging panginoon habang nawawala ang halaga ng tao.



Reipikasyon at alyenasyon ang tawag dito ng mga Marxistang pilosopo. Reipikasyon sapagkat ginagawang walang buhay ang tao, ginagawang komoditi na magagamit lamang kung kinakailangan ng tubo. Alyenasyon naman dahil hindi na natin malaman ang talagang halaga natin bilang tao. Dahil sa “fetish” na binubuo ng mga industriya ng kultura sa ating mga sikolohiya, ang ating pagkatao ay handang ipagpalit para lamang sa hatak ng “huwad na pangangailangan”. Ano ang dapat nating gawin?
Kailangan nating wasakin ang ilusyon na nilikha at patuloy na nililikha ng industriya ng kultura. Sa pamamagitan ng mapanuring mentalidad at mapagpalayang sensibilidad, hihina ang epekto sa atin ng konsumerismong lipunan. Hindi ito simpleng solusyon. Hindi sapat na gustuhin lamang. Kailangan nito ng tunay na pag-alam sa kaso ng lipunan. Hindi sapat ang paminsan-minsang “pagkakaisa” tuwing may laban si Pacquiao o ang Gilas Pilipinas. Kailangan magkaisa rin tayo sa pagdama sa ating kinasasadlakang kalagayan.
Mangahas mag-isip. Maging mulat sa kalagayan ng bayan. Maging mapanuring mamamayan. Ito lamang ang solusyon upang umunlad ang lipunan.   

Linggo, Setyembre 7, 2014

ANG ERASERHEADS AT ANG NOSTALGIA NG KANTANG "1995"

May bagong inilabas na kanta ang Eraserheads nitong nakaraang araw. Kaya ang tulad kong mananampalataya ng nasabing nabuwag na banda ay nagkukumahog maghanap ng kopya. Salamat sa mga rakistang mabilis pa sa alas kwatro na nag-upload ng dalawang kanta sa youtube.

"1995" ang una kong napakinggan. Isang nostalgia o paglingon sa nakaraan ang trip ng kanta. Binuksan ito ng pangungumustang-patanong: "Saan, saan na napunta kislap ng 'yung mata? May babalik pa ba?"

Hindi maiwasang mag-flashback ang ilang alaala ng 1995--katorse anyos pa lamang ako, usong-uso ang kantang "Alapaap" at "Halik ni Hudas", senador na rin noon si Tito Sotto, taon rin kung kailan tinalo ng diabetes ang tatay ko at kinuha ni Lord, unang beses akong naglakas-loob manligaw at syempre busted sa muse ng kabilang section namin noong high school, at syempre hindi rin makakalimutan na pinili ng Ginebra si EJ Feihl (over Duremdes and Cariaso) kaya 0-10 sila sa isang kumperensya.

Masarap lumingon sa nakaraan. Yung mga bagay na masakit dati, pwede mo nang tawanan na lamang ngayon. Kaya siguro ang kasunod na linya ng kanta ay "Ngayon ang langit ay bughaw at sya'y sumasayaw, ako'y nasisilaw...." Biglang flash-forward sa kasalukuyan. Tipikal na hirit ni Ely Buendia na hahamunin kang mag-isip kung anong koneksyon. Dahil sa pag-iisip ng koneksyon, mapapabuntong-hininga ka na lamang dahil hindi mo rin makita ang koneksyon ng "nostalgia trip" ng Eheads at Esquire Magazine. Malamang may kaugnayan sa pera at ano pa ba? Pera lang ang nagpapatakbo sa buhay ng tao ngayon.



Dinaan na naman tayo ng mga namumuhunan sa pa-effect ng nostalgia para makabenta. Dahil nag-iinvest ang mga namumuhunan sa mga bagay na tumatatak sa atin (unang halik, unang tikim, unang break-up, unang pagpunta sa mall, unang karanasan sa abroad: lahat ay may katapat na produkto), maging ang Eraserheads ay naging isang mabentang "commodity". At, kahit maaari na namang atakihin si Ely habang nakikihalubilo sa kinaiinisan niyang bandmates, mapapakanta pa rin ito sa ngalan ng alam mo na.

Pero, mararamdaman mo rin na nasusuka na rin ang nagsulat ng kanta sa kanilang ginagawa. Ito marahil ang kahulugan ng pinauulit-ulit sa gitna at sa huling bahagi ng kanta: "Pwede bang sunugin ang tulay? Ayaw kong sumabay. Sinong papatay? Ako'y naghihintay sa 1995."

Bakit nga ba binubuhay pa natin ang patay? Bakit kailangang magtanim ng huwad na memorya ng naagnas nang tunog at chemistry ng banda? Bakit ayaw pang ilibing ng Esquire Magazine ang pinaglamayan nang banda noong konsyertong pinamagatang "FINAL Reunion"? Hindi kaya tayong mga "inosenteng" hindi nagtataka ang pwedeng sumagot ng mga katanungang ito? ✌️

Sabado, Abril 12, 2014

SA PAGSO-SORRY NI POPE FRANCIS DAHIL SA KALIBUGAN NG ILANG PARI


Nitong nakaraang araw, muling humingi ng paumanhin ang kasalukuyang Santo Papa ng simbahang katolika para sa mga nagawang sexual abuse ng ilang mga pari. Hindi na bago ang mga balita ng pagmamalabis ng ilang mga pari. Sa Amerika, halimbawa, mayroong mga kasong isinasakdal pa sa korte at nakukulong ang mga ito. O di kaya ay tinatanggal sa parokyang kanilang pinaglilingkuran.

Maging sa Pilipinas hindi na rin bago ang iskandalong kinasasangkutan ng mga pari. Mayroong mga nambabae, mayroon din namang na-isyu sa panlalalaki.

May isang kwento si Pete Lacaba tungkol sa isang pari at at isang doktor. Marahil hindi ito orihinal na kwento ng makatang si Ka Pete, pero sa kanyang blog ko ito nabasa:

Doktor: Padre, me magandang balita at me masamang balita. Ang masamang balita ay ito—meron kang isang pambihira at kakaibang sakit sa bayag. Pero ang magandang balita naman ay—me gamot diyan. Kaya lang, hindi ko alam kung puwede mong gawin.

Pari: Ano ang gamot, Dok?

Doktor: Sex, Padre. Kailangan mong makipagtalik sa isang babae.

Pari (saglit na mag-iisip): Payag ako, Dok. Pero sa apat na kondisyon. Una, kailangang bulag siya—para hindi niya makita kung kanino siya nakikipagtalik. Ikalawa, kailangang bingi siya—para hindi niya marinig kung sino ang kanyang kasiping. Ikatlo, kailangang pipi siya—para mahulaan man niya kung sino ang katalik niya ay hindi niya ipagsasabi sa kahit sino.

Doktor: At ang ikaapat na kondisyon?

Pari: Malaki ang boobs.

NAKAKATAWA ANG KWENTO. Pero, malimit sa totoong mga pangyayari ng pang-aabuso, ang mga naabuso ay nananatiling "bulag, bingi, at pipi" sa uri ng karanasan nilang pinagdaanan. Sasarilinin na lamang nila ang masakit na karanasan na para bang sila pa ang dapat mahiya.

Malamang kinukondena na natin sa isip natin ang mga paring nangmolestya dahil sa tawag ng laman. O mas mainam sigurong tawaging kalibugan. Sa batas ng estado, bawal ang pangmomolestya lalong lalo na kung menor ang gagawan nito. At maging sa turo ng simbahang katolika imoralidad ang ganitong mga gawain.

Pero, hindi ba't sa kasaysayan ng simbahan ay mayroong ring mga tinanghal na santo na dumaan rin sa pagsubok ng malalaswang gawain. Si San Agustin, halimbawa, ay sinasabing napaka-babaero bago ang kanyang conversion. Andyan na nga at dinadasal niya sa Diyos na gawin siyang mabait pero hwag muna ngayon ("Lord, make me chaste, but not yet!").

Patunay lamang ito na hindi pa huli ang pagbabago para sa mga nadapa sa isang yugto ng kanilang buhay. Sabi nga ni Oscar Wilde, "Every saint has a past; Every sinner has a future". Ang paghingi ng paumanhin ng Santo Papa ay isang tanda ng kababaang-loob. Bilang isang tao, mayroon tayong potensyal na magkasala, na magmintis ang ating kilos sa nararapat nitong kahulugan. Subalit, ang paghingi ng paumanhin din ang tanda ng kahandaang bumangon at bumalik sa tamang daan.

Kaya lagi kong inspirasyon si San Agustin. Minsan nang nadapa sa kalibugan, subalit pinaglabanan ito at naging santo. Sayang nga lamang at ipinasarado na yata ang Saint Augustine School of Nursing. :))

Sabado, Marso 29, 2014

SOBRANG INIT, PAWIS HANGGANG SINGIT


“Sobrang init!”
Mabenta na naman ang mga malls. Init na init kasi ang mga tao sa kanilang mga bahay. Aktibo ang mga protons, neutrons, at electrons (‘di ko alam ung tungkol sa quarks e), nagtatakbuhan kaya naman pawisang-pawisan. Sa sobrang init, pawis hanggang singit. 
Ano nga ba ang magandang gawin kapag ganitong napaka-init? Kahit maligo ka ng maya’t maya wala pa ring pagbabago. Minsan nga pinapawisan ka na rin habang naliligo. Kung pupunta ka naman sa mall mapapagastos ka lang. Sa panahong sunod sunod ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin, kailangang maghigpit ng sinturon. Nakamamatay ang pabasta-bastang paggastos.
Minsan nakakaisip na akong bumili ng centralized aircon. Sosyal yun. Naka-aircon ang buong bahay. Pero hindi lang siguro hangin ang dapat nating ikondisyon. Dapat rin siguro nating ikondisyon ang ating mga sarili. Kung mainit na ang panahon, hindi na maganda kung mainit pa rin ang ating ulo. Kung pawis na pawis na tayo, hindi na siguro mainam kung magrereklamo dahil lalo tayong gagastos ng lakas at lalo tayong pagpapawisan.
Dapat bawasan ang reklamo ngayong tag-init. Kaya nga marahil tinawag na “tag-init” dahil marami ang init kapag ganitong panahon. Kaya aani talaga tayo ng init.
Kung tutuusin, tayo din naman ang dahilan ng sobra sobrang init na ating nararanasan ngayon. Tayong mga tao ang gumastos ng mga panlaban ng mundo sa sobrang init ng araw. Tapon dito, tapon doon. Sunog dito, sunog doon. Putol ng puno dito, putol ng puno doon. Saan na nga tayo dinala ng mga ito? Tayo rin ang gumawa ng batong ipupukpok sa ating mga ulo.
Sobra ang init dahil napasobra rin tayo sa ating galing. Ito na siguro ang tamang panahon para tayo ay magbawas ng kayabangan. Hindi lahat ng yaman ng mundo ay dapat nating gastusin ayon lamang sa ating “pagnanais”. Hindi ito basta basta ginagamit para sa pansariling kapakanan. Hindi tayo dapat maging “manggagamit”.
Ngayon, balikan natin ang tanong. “Ano nga ba ang magandang gawin kapag ganitong napakainit?” Tularan natin ang ginagawa ng mga tao sa bukid, sumisipol sipol. Hinahayaang dumating ang hangin. H’wag nating pilitin ang kalikasan na umayon sa ating kagustuhan. Kung hindi pa kaya ng electric fan na tularan ang natural na haplos ng hangin, hindi tayo dapat mayamot. Naging mailap na sa atin ang kalikasan. Masyado na ang ating panghuhuli sa kalikasan para ilagay sa sitwasyong pwedeng manipulahin. Babalik lang ang tiwala nito sa atin kung makikipagkaibigan tayo dito.
Kailangan ng mainit na pagtanggap sa katotohanang tayo ang may gawa ng mga ito. Palakpakan natin ang ating mga sarili. Ito na ang bunga ng ating mga “pinagpaguran”. Maunlad na ang mundo. Pero, bagay pa ba ito para sa tao?

Lunes, Marso 10, 2014

Ilang Minuto sa Hustisya ni Plato

Alas nueve  na ng gabi natapos ang aming klase sa Graduate School. Pinag-uusapan namin ang konsepto ng “hustisya” sang-ayon kay Platon. Dahil ganadong ganado ang aming propesor, hindi namin namalayan na baka kami na ang magsarado ng UST.


Pero, sa hinaba haba ng usapin ng hustiya, paglabas mo ng classroom doon mo pala talaga mauunawaan ang ibig sabihin nito.
Napadaan ako sa Nagtahan. Maraming mga dalagita ang nagtitinda ng sampaguita. Siguro, sa sobrang bango ng inilalako nilang sampaguita, maging yung isang mistisang dalagita ay isinakay na rin sa tintadong tintadong kotse.
Hindi mo na kailangan ng Bagyong Yolanda para matauhan na may mga taong kailangang tulungan. Imumulat lamang natin ang ating mga mata, may mga taong walang makain, walang disenteng tirahan, walang wala. Mas malala ito dahil araw araw nila itong nararanasan. Routine kung baga. Pero, mukang wala tayong pakialam.
Ito siguro ang inilalarawan ni Platon na “highly partitioned nation” noong nilalait niya ang Athens nang panahon niya. Ang kawalan daw ng hustisya ay bunga ng pagkakawatak watak ng mga tao. Kawalan ng paki-alam.
Sa tingin ko, ganyan rin ang ating lipunan. Hindi naman siguro tayo bulag para hindi makita ang pangangailangan ng iba. Pero, ano ang ating ginagawa? Wala. O kaya, yung usong uso ngayon sa FB, "Ipagdadasal ko na lamang sila."
Hindi ko sinasabing masama ang magdasal. Mabuti ito. Pero, hindi sapat ang dasal lamang. Kailangan din ng aksyon. Hindi sapat ang lumuhod lamang sa harap ng krus o di kaya ay sa harap ng tabernakulo na may lamang wafer na pinaniniwalaang "body of Christ" para maibsan ang gutom ng iba. Sabi nga ng mga jejemon, kilos kilos din pag may time. Kung ayaw nating mapabilis ang pagsakop ng mga taga-Mars sa ating planeta, tumulong din tayo. :)


#PilosopiyaSaGilid #Plato #Justice #PilosopiyangPilipino

Linggo, Marso 9, 2014

NinjaProblems


Gutom na gutom ako kanina pagkatapos ng klase (12-1pm). Pero nagsasawa na akong kumain sa Ate Eva’s. Memorized ko na ang lasa ng sisig at kung anu ano pang ulam doon na may corn and carrots sa gilid. Siguro ganun rin ang nararamdaman ng mga varsity player ng UST na libre kumain dun. 

Wala naman akong budget para kumain sa tokyo tokyo o kaya sa pancake house sa car park. Kung mapapadaan ka sa mga kainang yon, masasabi mong marami rin namang mayaman o nagyayaman yamanan sa USTe. Umuwi na lang ako. Mahirap kumain sa UST eh. Kung mayroon silang sossy problems, meron naman akong “ninja problems”. 

Pag-uwi, may nadaanan akong Chinese restaurant sa may Santa Mesa. Malapit lamang siya sa linya ng mga motel. Madalas tinatawag na “biglang-liko”, malamang dahil urban story na maraming biglaang lumiliko na lamang sa mga establishment doon para magpalamig, pwede ring para magpainit. Kung ano man ginagawa dun, bahala na sila dun. Ingat lang sana sila at baka ma-Bayola. 




Nakita ko sa simpleng resto ang tagline na “Mura na, masarap pa!” Dahil wala akong pera, bawal talaga ang magkunwaring mayaman. Pumarada ako sa gilid. Madaming kumakain. Karamihan nakamotor. Siguro naniningil sila ng pautang, naisipang magmerienda. Pwede ring nagkarera, nanalo yung isa ng 100 piso, inilibre yung mga natalo niya. Nakiupo na rin ako.

Masarap ang hitsura ng mami. Parang cheap na version ng Ma Mon Luk. Cheap rin yun, pero mas cheap pa dun. Tapos tumaas ulit ako ng kamay para humingi ng siopao bola bola. Paborito ko yung bola bola, tapos may itlog na medyo maalat. Swabe ang kombinasyon. 

Seryoso ang mga kumakain. Puro nakatungo at humihigop ng mainit na sabaw ng mami. Hindi na iniisip na baka sabaw iyon ng nilagang medyas. Binudburan ng chili sauce. Nakakagana kasi ang maanghang. Kaya siguro kada table mayroong chili sauce, para ganahan kumain at umorder pa lalo. 

Sa hapag-kainan ng mahihirap, siguro bawal maglagay ng chili sauce. Bawal ganahan dahil wala namang pambili. Dadaanin na lang sa inum ng tubig, didighay, at sasabihin sa sariling “salamat! busog na ako.” 

Nilagyan ko rin ng chili sauce yung mami ko. Dalawang patak lang, mapapasipol ka na sa anghang. Dahil gusto kong sumarap yung mami, lalong di ko makain dahil sa napasobrang anghang. Hehe. Bakit ba naman iba’t iba ang timpla ng chili sauce na yan. Sa iba, kahit ilang sandok na ang ilagay mo hindi pa tatalab. Ito naman, ilang patak lang iinit na ang katawan mo. Kaya siguro napaparami ang bumibiglang liko. Chili sauce ang may kasalanan. 

85 pesos ang binayaran ko. Mami, siopao, at maliit na RC cola. Libre na dun ang kalamansi, extra sabaw, at sound sa radyo na si Nikoleyala at papa jack ang nag-iingay. 

Sulit na sulit ang kain ko sa chinese chinesan na restaurant. Kahit mga Chinese ngayon kinokopya na. Bahagi pa rin ito ng aking paghahanda na maging isang ganap na ninja.

SA MGA GOODBYE PHILIPPINES


Dumarami na sa mga kaibigan ko ang nag-iisip mangibang-bansa. Marami sa mga ito ay mapagmahal naman sa bayan. Pero, para sa kanila, pahirap nang pahirap na ang buhay dito sa sariling bayan. 

Sa UST na lamang, tatlong taon nang hindi tumataas ang sweldo ng mga propesor at instruktor. Matagal-tagal na rin kumpara sa bilis ng pagtaas ng mga gastusin sa Maynila. Hindi raw magkasundo ang Faculty Union at Administration ng paaralan sa kanilang CBA. Hindi ba kayo marunong mag-usap? Baka naman hindi kayo nag-uusap dahil pareho lamang kayong nagsasalita, walang nakikinig. Taon taon nagtataas ang tuition fee ng mga estudyante at ang pinangangalandakan ninyong dahilan ay pag-aayos ng mga facilities at pagbibigay ng umento sa sweldo ng mga guro. Anyare, Dre?! 


Kaya hindi ko na rin masisisi ang mga taong gustong mangibang bansa. Sabi nga, ibon mang may laya, gugusuhin pa ring lumipad papuntang Dubai o Australia kahit tourist Visa, TNT ang labas. Walang rhyme. Kung sabagay, kailangan pa ba ang rhyme ng simurang kumakalam? 


Wala na ba talagang pag-asa sa Pilipinas? Ilan sa mga sintomas na sinasabi nila ang hirap ng buhay dito sa atin. Andyan na rin ang mataas na krimen. Marumi na rin dawa ng hangin. Magaling lang daw kumaltas ng buwis wala namang nakikitang serbisyo. Sobra pa ang traffic. At ang pinakadahilan talaga ng iba, sobrang sikat na ni Deniece Cornejo. Nakakautas na. 


Pero, para sa akin, mas masarap pa ring mamuhay sa bansa natin. May thrill. Ayaw ko ng kwentadong buhay sa ibang bansa. Kapag narito ka sa Pilipinas, para kang nasa isang suspense movie. Habulan ng pulis at holdaper o kaya bahay na nababagsakan ng bundok ng basura. Pwede rin palang comedy. Manuod ka lang sa kongreso at senado, matatawa ka na. Araw araw pa. 


Maganda na rin ang mga nangyayari sa ating bayan. Kung pupunta ka raw ng Davao at isa kang smuggler, humanda ka kay Mayor. Pumasa na rin ang pamimigay ng pills at condom. Maganda yun. Ayos lang kalimutan ang land reform, pero wag kalimutan ang condom. 


Kaya siguro dumarami ang nagnonoovena kay St. Jude Thaddeus, patron ng mga nawawalan na ng pag-asa. Diyos na mahabagin, kaawaan mo po kami! 


Makapunta nga sa POEA bukas. May bakante kayang trabaho sa Shqiperia? O kaya sa Djibouti? :)