Kung mayroon
mang magandang naipakita ang katatapos lamang na laro nina Mayweather
at Pacquiao, ito ay ang pagkakaroon isang “patikim” ng pagkakaisa ng mga Pilipino. Kahit paano ay nagkaroon tayo ng isang “national sentiment” (gamit
ang termino ni Jose Rizal) kahit na sa ilang oras lamang. Kailangan natin ang
mga ganitong pagkakantaon para sa tinatawag ni Benedict Anderson na “imagined
community” o ni Fredric Jameson na “glimpses of utopia”. Subalit kung talagang mulat tayo sa nangyari, mas
lutang dito ang talagang pagkontrol sa sikolohiya nating mga Pilipino ng mga nagpapatakbo
ng negosyong ito. Mahusay ang pagkakagawa ng “emosyon” upang maramdaman nating “pangangailangan” na maging updated sa gawa-gawaang rivalry
nina Pacquiao at Mayweather. Parang mga "willing victims" na naman tayo ng mga negosyanteng-bampira na walang ginawa kundi sipsipin ang dugo ng ating pagkatao.
Malamang
hindi tayo aangal dahil pakiramdam naman natin ay nakinabang tayo sa panonood
ng itinuring nating “kailangang mapanood”. 'Yan ang ating lipunan. Sa
kasalukuyang lipunan na ang lohika ay ang paglago lamang ng tubo, at walang
pagpapahalaga kung kapakanan at kahulugan man ng pagkatao ang masasakripisyo, nagiging
posible ang mga ganitong pangyayari. Sa kahit ano mang lipunang pinatatakbo ng
salapi, nasasakripisyo ang pagkatao. Pera ang nagiging panginoon habang
nawawala ang halaga ng tao.
Reipikasyon
at alyenasyon ang tawag dito ng mga Marxistang pilosopo. Reipikasyon sapagkat
ginagawang walang buhay ang tao, ginagawang komoditi na magagamit lamang kung
kinakailangan ng tubo. Alyenasyon naman dahil hindi na natin malaman ang
talagang halaga natin bilang tao. Dahil sa “fetish” na binubuo ng mga
industriya ng kultura sa ating mga sikolohiya, ang ating pagkatao ay handang ipagpalit
para lamang sa hatak ng “huwad na pangangailangan”. Ano ang dapat nating gawin?
Kailangan
nating wasakin ang ilusyon na nilikha at patuloy na nililikha ng industriya ng
kultura. Sa pamamagitan ng mapanuring mentalidad at mapagpalayang sensibilidad,
hihina ang epekto sa atin ng konsumerismong lipunan. Hindi ito simpleng
solusyon. Hindi sapat na gustuhin lamang. Kailangan nito ng tunay na pag-alam
sa kaso ng lipunan. Hindi sapat ang paminsan-minsang “pagkakaisa” tuwing may
laban si Pacquiao o ang Gilas Pilipinas. Kailangan magkaisa rin tayo sa pagdama
sa ating kinasasadlakang kalagayan.
Mangahas mag-isip.
Maging mulat sa kalagayan ng bayan. Maging mapanuring mamamayan. Ito lamang ang
solusyon upang umunlad ang lipunan.