Kung isa kang estudyante, malamang nakaranas ka na ng “hell week”. Ito ‘yung panahon na nalalapit na ang midterms o finals, maraming ipinataw na requirements ang mga teacher, gagawa ka pa ng scrapbook, family tree, documentary film ng kunwaring tinulungan mong pulubi, research paper na kinopya sa internet, at marami pa.
Ito rin ang panahon na nagkukumahog kang makausap ang propesor mong hindi mo pinasukan ng matagal-tagal. Ito na ang tamang panahon para magmakaawa, umiyak sa kanyang harapan, mag-imbento ng medical certificate, o di kaya ay magpapicture sa propesor mo habang ang kalooban mo ay humihiling na dahil sa picture ay maka-uno ka.
Dahil sa dami ng ginagawa ng mga apektado ng “hell week”, mas nagiging pilosopikal at relihiyoso ang mga tao. Dumarami ang dumadaan sa chapel. Mataas rin ang pagmumuni-muni ng mga tao at sinasabing “walang permanente sa buhay”; parang si Heraclitus hindi ba. May sense of impermanence daw ang mga bagay-bagay. Matatapos din ang lahat.
Pakiramdam ng mga taong apektado ng “hell week” na kailangan itong malampasan. May gantimpala na nakatago sa dulo ng rainbow: GRADO. Grado ang nagiging panginoon. Handang ipagpalit ang dignidad at pagkatao alang-alang sa grado.
Hindi tinitingnan ng mga taong apektado ng “hell week” ang grado bilang ilusyon. Tinitingnan nila ito bilang reyalidad na nagbibigay ritmo sa kanilang buhay.
Kung minsan ay may manaka-naka namang natatauhan at sasabihin sa sariling “ano ba itong ginagawa ko sa aking buhay?”, “bakit ko ito ginagawa?”, “para saan itong paghihirap na ito?” Subalit, panandalian lamang ito. Babalik ka pa rin sa pag-aaral sapagkat ayaw mong mapag-iwanan sa itinatak sa iyong standards ng lipunan. Ang sikolohiya mo ay matagal nang siniksikan ng “fetish” sa grado. Simula kindergarten hanggang kolehiyo, grado ang panginoon kaya wala kang panahon upang sulyapan ang “greater scheme of things”—ang mas malaking katotohanan ng buhay.
Dahil malabo ang iyong sulyap sa mas malaking katotohanan ng buhay, mas nagiging posible ang tapusin na lamang ang requirements para lang matapos; at hindi para may makita kang sagot sa mga katanungan mo sa buhay. Tinitimbang mo ang kahalagahan ng iyong ginagawa base sa sinasabing mahalaga ng lipunan at hindi batay sa mismong pamantayan mo sa buhay.
Samakatuwid, ang “hell week” ay hindi totoo. Isa lamang itong ilusyon na ipinataw ng sistemang namamayani upang mas maging epektibo ang kontrol sa iyong pagkatao. Kaya nga ito isang “hell” dahil nasa utak lamang ito. Ang “heaven” at “hell” ay mga estado ng isipan. Wala silang totoo at konkretong lugar. Nagmemeron lamang sila sa iyong kalooban.
Dahil sa “fetish” sa grado nagiging mabisa ang emosyon ng “hell week”. Sa kultura ng “hell week” tanging ang mga masunurin lamang sa sistema ang makakarating sa langit. Pero, kung pagkatao mo naman ang kapalit, gugustuhin mo pa rin bang makarating sa langit?