“Ang totoong pag-iral ng tao ay ang
kaligayahan sa Pagtanggap ng kalungkutan ng buhay”
~Paul Ricoeur, Nagkakamaling Tao
“HONOR
THY FATHER” ang pamagat ng pelikulang napanood ko kanina. Nakasentro ang kwento
kay Edgar (John Lloyd Cruz) na napilitang bumalik sa dating modus ng “acetylene gang” upang
makalusot sa kinasasadlakang gusot dahil sa pagsali sa isang “investment scam”.
Sa unang tingin, ang pelikula ay isang direktang kritisismo sa institusyon ng
simbahan. Maaari itong basahin sa ganoong klase ng panonood at panlasa,
subalit, para sa akin, mas nais bigyang pansin ng istorya ang iba’t ibang
kanser ng ating lipunan—mga kanser na nagpaparupok sa ating buhay. Una, marupok ang lipunan sapagkat
pera ang nagpapatakbo sa ating buhay. Sa lipunang mayroon tayo ngayon, pera ang
nagiging panginoon. Handa tayong ipagpalit maging ang ating dignidad alang-alang sa sinasambang pambili ng video game,
magarang kotse, bagong iPhone, magarbong birthday
party, at marami pang iba. Subalit, mistulang itinatanong ng pelikula para
sa atin, ang pagkamkam ba ng maraming pera
ay talagang nagdudulot din ng maraming problema?
Pangalawa, marupok ang ating lipunan
sapagkat masyado tayong makitid mag-isip. Umiikot lamang ang ating pag-iisip sa
makipot nating mundo: bahay, simbahan, eskwelahan, trabaho, at iba pang
sirkulo. Dahil sa kitid ng ating ginagalawan, mabilis nating naiikot ang mga
maaari nating maisip. Dahil dito, mabilis pa sa alas-kwatro kung tayo ay
humusga. Epektibong naipakita ng pelikula na malimit tayong maging moralista sa halip na maging moral. Para sa
akin, nais nitong sabihin na mayroong rasyunalidad kung bakit nagagawang
magnakaw ng ilang myembro ng ating nabubulok na lipunan. Subalit dahil umiikot
lamang tayo sa etika at moralidad na alam natin, mabilis tayong magpataw ng
husga. Dapat nating tingnan ang mga bagay na ito lampas sa konsepto ng mabuti
at masama (beyond good and evil). Nagagawa ng isang tao ang isang bagay dahil nanggagaling siya sa
isang katwiran. At, nais ipakita ng pelikula na talagang masidhi ang
pagkakaiba-iba ng pinanghuhugutan nating katwiran. Sa ating paghusga, pinasok
ba muna natin ang mundo ng katwiran ng ibang tao?
Ang
talagang nagustuhan ko sa “HONOR THY FATHER” ay ang tinatawag ng ibang “mimetic
experience”. Ito ‘yung talab ng pelikula kung saan malikhain nitong
nailalarawan ang iyong sariling buhay. Ito ‘yung pagkakataon na nakikita mo ang
iyong sarili sa iyong pinapanood. At, hindi lamang ang iyong sarili ang nakikita
mo sa tinatawag na “mimetic experience”; ang pinakamahalagang nakikita mo sa
karanasang ito ay ang maling estado ng iyong buhay. Mahalaga itong pagkadama na
mayroong “mali” sapagkat dito nagsisimula ang pagnanais kumawala sa nasabing
sitwasyon. Para sa akin, ito ang talagang tungkulin ng anumang uri ng
likhang-sining. Walang silbi
o basura ang isang likhang-sining kung aliw lamang ang ipinamumudmod nito at
hindi nailalantad ang negatibong diyalektiko.
Sa huli, mahusay na mahusay ang “HONOR
THY FATHER” ni Erik Matti. Panoorin at danasin natin ito. Mabuhay ang
Pelikulang Pilipino!