Sabado, Abril 12, 2014

Kay Gabriel Marcel



Ang Katotohanan Bilang Gabay sa Buhay
(Isang Salamisim sa Mystery of Being Volume I)
Emmanuel C. de Leon

Sa ikalawang yugto ng Mystery of Being na may pamagat na “Wasak na Daigdig”, ipinamulat sa atin ni Gabriel Marcel ang atin mismong kalagayan. Sinasabi niyang ang ating daigdig ngayon ay walang puso, parang isang relo o orasan na natanggalan ng pangunahing makina. Walang puso sapagkat nahihilig tayo sa pagkilos ayon sa idinidikta ng isang sistema. Ang sistema na ang nagiging kabuoan ng ating pagkatao. Ginamit niyang halimbawa ang talamak na paggamit ng mga dokumentong personal (bio-data, identification card, etc) bilang pagkakakilanlan sa isang empleyado ng isang kompanya. Naisasalin nga raw ang kabuoan ng ating pagkatao sa isang dokumento at nakalilimutan na ang tao ay isang orihinal at hindi kailanman maikakahon sa isang papel ang identidad ng isang tao sapagkat ito’y napakayaman.

Sa kabilang banda, mayroon ring kulturang nagtataguyod naman sa katotohanang personal. Ito ay nangangalandakang ang katotohanan ay ayon sa sarili lamang, na kung ano ang totoo para sa akin ay siya na ngang totoo. May pagkahilig ito sa parte ng indibidwal na pribado.

Sa pagninilay ni Gabriel Marcel, nais niyang sabihin na ang katotohanan ay lampas sa unibersal na matematiko at sa indibidwal na pribado. Mayroong matinding pangangailangang igpawan o lampasan ang ako-na-unibersal (universal ego) at ang ako-ng-karanasan (empirical ego). Sa paanong paraan?

Ginamit niyang halimbawa ang isang alagad ng sining. Hindi lahat ay natatalaban ng sining sapagkat ang pagtalab ng sining ay nakadepende sa kakayahan at kahandaan ng isang taong tatanggap. Nangangahulugan lamang na hindi unibersal ang pagtalab ng sining. Subalit, hindi rin naman personal o kanyang kanya lamang ang karanasan sa sining na hindi na niya maaaring ibahagi ito sa iba. Hindi ito pansarili lamang o para sa indibidwal na ako.

Gumagalaw ang katotohanan sa gitna ng unibersal na matematiko at sa indibidwal na pribado. At mayroong matinding pangangailangang lumampas o sumaibayo sa unibersal na matematiko at indibidwal na pribado.

Paano natin nalalaman na ganito ang katotohanan, ang merong matinding pangangailangang lumamapas? Sapagkat nakakaramdam tayo ng kakitiran o kakulangan. Alam natin na hindi pa ito ang totoo at nararamdaman nating may mas mataas pang halaga o value kaysa sa atin.

Tulad ito ng isang mag-asawa. Kailangan ng lalaki ang kanyang asawa para magluto sa kanya at magbigay ng kaginhawaan tuwing uuwi siya galing sa trabaho. Nguni’t dahil sa matinding pagmumuni-muni, nalalaman niya na higit pa roon ang pagkatao ng kanyang asawa. Ang asawa niya ay isang katuwang sa buhay, isang minamahal na kasama tungo sa mas makatotohanang pagmamahalan.

Sa halimbawang nabanggit, mayroong paglampas sa isang karanasan tungo sa mas mataas na karanasan. At gano’n rin sa katotohanan. Ang katotohanan, ayon kay Marcel ay lampas sa atin at lampas rin sa unibersal na matematiko. Hindi maikakahon ng unibersal na sistema o ng personal na pagtanggap ang katotohanan sapagkat ito ay may pag-iral na kanya. Ang katotohanan ay siyang gumagabay sa buhay. At ang mga taong nagpapagabay sa katotohanan ay may pagkabukas sa ipinahihiwatig at ipinakikita ng katotohanan.

Gumamit tayo ng isa pang halimbawa. Kahimanawari’y akayin tayo nito sa katotohanan. Mayroong isang seminarista na malapit nang magpakasal sa Diyos. Pero, nagdududa siya sa kanyang bokasyon. May mga facts o mga detalye sa kanyang buhay ng tumuturo sa kaliwanagan. Una, siya ay nabigo sa pag-ibig at maaaring isa ito sa mga dahilan ng pagpasok niya ng seminaryo. Pangalawa, mababa ang tingin sa kanyang pamilya ng mga tao sa kanyang lugar at ang paggiging pari ay magtataas ng pangalan ng kanilang pamilya. Pangatlong fact, masarap ang buhay sa loob ng seminaryo. Kaya mayroong pagdududa ang seminarista sa kanyang bokasyon. Naliliwanagan ng mga facts (galing sa salitang latin na factum na nangangahulugang mga naisagawa) ang pagdedesisyon ng seminarista. At kailangang maging bukas siya sa kung ano ang kanyang nakikita. Kailangan ang pagtanggap sa katotohanan kahit na ito ay masakit o taliwas sa ating kagustuhan.

Maaari rin namang maghintay pa sapagkat hindi pa alam ang katotohanan. Kailangan pa ng panahon upang malaman kung ano talaga ang totoo. Sapagkat hindi minamadali ang katotohanan. Minsan kailangan ng panahon upang magkaroon ng kahandaan at pagkahinog.

Ang katotohanan para kay Marcel ay isang gabay sa buhay. Nguni’t ito ay hinaharap at isinasabuhay. Nariyan nga ang katotohanan pero kailangan itong hanapin. Kailangan rin ng pagkamalay at pagkamulat rito. Kailangan tayong mulat sa kung ano ang gumagabay sa atin. At handa rin tayong magsakripisyo para sa katotohanan kahit buhay pa man ang maging kapalit.

Naaalala ko ang aming bise alkalde na kailan lamang ay pinaslang ng dalawang hindi pa nakikilalang mga tao (nangyari sa bayan ng Naujan, sa probinsya ng Silangang Mindoro). Sinabi niya na handa siyang mag-alay ng buhay para sa mga naaapi at para sa maliliit. May pagkamulat siya na may naaapi at may mga maliliit na nangangailangan ng kanyang tulong. Nguni’t mayroong mga taong masasagasaan, mga taong iba ang paniniwala sa buhay. Handa siyang ialay kahit na ang kanyang buhay sapagkat mayroon siyang nasumpungang katotohanan na dapat ipaglaban. At handa siyang magsakripisyo ng pagod, lakas, talento, talino, at maging sariling buhay para sa katotohanan na gumagabay sa kanya.

Tulad ng sinasabi ni Marcel, kailangan tayong maging mulat sa katotohanan, na mayroong tawag na lumampas pa sa makamundong pagnanasa kahit na ito ay masakit at kahit na kakaunti lamang ang yumayakap sa katotohanan. Kung tayo ay nagpapagabay sa katotohanan, nararapat lang na manatili tayo sa katotohanan at maging tapat dito. Sapagkat hindi tayo ang tumatawag sa katotohanan, ang kabaligtaran ang totoo. Tayo ang tinatawag nito. Tayo ang mayroong katungkulang tumugon at magsabuhay ng ating sinusundang katotohanan. At dapat itong isagawa, sapagkat mistulang pader na hungkag ang katotohanang hindi isinasagawa.

Binubulaga tayo ni Marcel sa ating hindi pagkamulat sa katotohanan. Nakakatakot, Ngunit ganito talaga ang buhay. Ang buhay na sumusunod sa kanyang gabay ay nangangahulugan rin ng hindi pagkapit masyado sa buhay. Ang pananatili sa kung ano ang pinapakita ng katotohanan at pagpapatuloy sa hamon ng kasaysayan ay isang malaking aral. Magmimistulan lamang itong hangin kung hindi maisasabuhay.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento