Sabado, Abril 12, 2014

Ang Modernong Panahon sa Kasaysayan ng Pilosopiyang Kanluranin

Panimula
Sa pagkamatay ni William of Ockham noong 1349, ang kaisipang Skolastiko ay nawalan na ng pinakamahusay na pala-isip, at siya na ring naging tanda ng pagtatapos ng kaisipang Midyebal. Wala nang ibang maituturing na mahalagang pilosopo hanggang sa dumating ang kapanahunan ni Francis Bacon na nagsimulang maglimbag ng mga kaisipan noong 1600s. Matagal-tagal naghintay ang mundo ng pilosopiya upang magkaroon ng panibagong simula sa hinahangad nitong makarating sa katotohanan.  
           
Habang nagpapa-change oil at nagpapalinis ng makina ang pilosopiya nang mga panahong iyon, ang yugto ng kasaysayan na tinatawag na Renaissance ang namamayani. Ang terminong Renaissance ay literal na nangangahulugang “muling pagsilang” at ginagamit na pantawag sa panahong 1350 hanggang 1650. Sa totoo lamang, hindi naman tumigil sa pag-iisip na maka-midyebal ang mga tao noong unang araw ng Enero taong 1350. Subalit, sa mga panahong ito, isang bagong damdamin ang umuudyok sa mga palaisip at maging sa kanilang kultura. Ang panahong ito ang itinuturing na pagka-gising ng pag-iisip sa tao mismo na mistulang nakalimutan noong Gitnang Panahon. Masyadong nahumaling ang mga pilosopo sa panahong midyebal sa reyalidad ng Diyos, kalangitaan, at mga bagay na metapisikal; at mistulang kapalaran nitong makalimutan ang usapin tungkol sa tao mismo.

            Sa mga panahong ito nadiskubre ni Christopher Columbus ang mas maiksing ruta patungo sa India na siya na ring nagdala sa kanila sa pagkakadiskubre sa Bagong Mundo. Maaari siguro nating gamiting simbolo ng Renaissance ang paglalakbay at pagkakadiskubre ni Columbus sa western hemisphere. Ang Bagong Mundo ang nagpalawak ng abot-tanaw ng mga Europeo noong panahong iyon, na siya na ring nagtulak sa kanila na baguhin ang mga napaglumaan nang mapa. Gayundin, ang mga palaisip noong panahon ng Renaissance ay handang handa na rin sa pagbabago dulot ng paglawak ng kaalaman sa literatura, relihiyon, medisina, ekonomiya, syentia, at pilosopiya.

Ang Pilosopiya sa Panibagong Simula

Mahahati sa dalawa ang mga mithiin ng mga pilosopo sa modernong panahon. Una, nagnanais silang talikuran ang mga pinaniniwalaan ng nakaraan. Dahil sa mga natuklasan ni Galileo Galilei, ang mga syentipikong kaalaman ni Aristoteles ay lubhang napaglumaan. Dahil dito, maging ang kanyang pilosopiya ay unti-unti na ring napaglumaan. Dahil ang mga paniniwala at teolohiya ay nakasandig sa pilosopiya ni Aristoteles, maging ang mga ito ay naging kaduda-duda sa mata ng mga modernong pilosopo. Para sa kanila, walang dapat tanggapin kung hindi ito mapapatunayan gamit ang katwiran.

            Pangalawa, ang pangunahing tema ng modernong panahon ay ang paghahanap ng perpektong pamamaraan sa pilosopiya. Hindi sapat na talikuran ang nakaraan kung wala ka namang mahusay na maipapalit. At, paano nga naman malalaman na “mas mahusay” ito kung wala kang pamamaraan upang makilatis ang mga kaisipan? Kaya nga, ang modernong panahon ay nagsimula sa isang pagkahumaling sa paghahanap ng pamamaraang maaaring gamitin sa pahahanap ng kaalaman at katotohanan. Mayroon bang katotohanan na hinding hindi mapagdududahan? Ito rin ang dahilan kung bakit umusbong nang saganang sagana ang epistemoholiya (pag-aaral sa kaalaman) noong mga panahong ito. Kaya nga lamang, sila na rin ang nakadiskubre na wala namang pamamaraan na makatutuklas ng katotohanang hindi mapagdududahan (indubitable truths). Ito ang dahilan kung bakit ang paghahanap sa nasabing pamamaraan ay nagpapatuloy hanggang sa panahong kasalukuyan.

            Dalawang pamamaraang pilosopikal ang nanguna noong modernong panahon hanggang sa pagdating ni Immanuel Kant. Ito ay ang kaisipang rasyonalismo at ang kaisipang empirisismo. Ang pangunahing naghihiwalay sa dalawang nasabing kaisipan ay ang pinagmumulan ng ating mga kaalaman. Saan nga ba nanggagaling ang mga bagay na alam natin? Para sa mga rationalist, may mga kaalaman na a priori. Kapag sinabing a priori na kaalaman, ito ang klase ng kaalamang na ang katotohanan ay maaaring malaman bago o hiwalay sa karanasan. Halimbawa, para sa mga rationalist ang mga prinsipyo sa lohika at matematika ay kayang malaman kahit hindi ito maranasan. May ilang rationalist din ang magsasabi na maging ang pagpapatunay sa Diyos, metapisika, at etika ay kasama sa larangan ng a priori.

            Sa kabilang banda, ang mga empiricist naman ay nagtuturo na ang kaalaman ng tao tungkol sa mundo ay a posteriori, galing sa karanasan. Halimbawa nito ay ang kaalamang “matamis ang asukal”. Hindi mo malalaman ang tunay na lasa ng asukal kung hindi mo ito naranasan. Para sa mga empiricist, lahat ng kaalaman ng tao ay galing sa karanasan.

            Kahit na mistulang napakadaling sabihin ng kaibahan ng empirisismo at rasyonalismo, ibang iba pa rin ito pagdating sa pilosopiya ng iba’t ibang palaisip sa modernong panahon. Kaya nga, mahalagang isa-isahin ang mga pilosopo upang makita natin at makilala ang kanilang dakilang pag-iisip. Una nating pag-uusapan si Thomas Hobbes (1588-1679). Kikilalanin natin ang kanyang buhay at itutuon natin ang usapan sa kanyang kaisipang pulitikal.

Si Thomas Hobbes
           
Ipinanganak si Hobbes sa Englatera, sa isang katulong sa bukid na hindi nakapag-aral. Sa tulong ng kanyang mga kamag-anak, nag-aral siya sa Unibersidad ng Oxford kung saan skolastiko pa rin ang klase ng edukasyon na pangunahing itinatanghal ang lohika at pilosopiya ni Aristoteles. Dahil hinding-hindi siya nasiyahan sa kultura ng edukasyon doon (na kailangan nilang i-memorize), binatikos niya ang unibesidad sa kanyang mga sinulat. Pagkatapos niyang makuha ang diploma, nagtrabaho siya bilang tutor ng mga mayayamang pamilya. Itong pagiging tutor niya sa mayayamang pamilya ang nagbigay sa kanya ng pagkakataong makapaglakbay at makasalamuha ang mga prominenteng tao noong panahong iyon.

            May tatlong mahahalagang nakaimpluwensya sa pilosopiya ni Hobbes. Una, andyan ang pagkaka-diskubre niya sa mga sinulat ni Galeleo. Ito ang naging modelo ng pilosopiya ni Hobbes. Pangalawa, andyan din ang pagka-diskubre niya sa Euclidean geometry noong 40 years old siya. Ang pagiging masistema ni Euclid ang magiging impluwensya kay Hobbes. At pangatlo, andyan ang civil war sa Englatera na nagsimula noong 1642.

Ang Pulitikal na Pilosopiya ni Hobbes: Ang Leviathan

            Nabuhay si Hobbes sa panahong magulo sa Englatera. Naipit siya sa isang civil war sa pagitan ng mga may hawak ng trono at ng mga kontra sa pamumuno ng monarkiya. Bumabalimbing si Hobbes sa maraming pagkakataon, pero laging mali ang kanyang timing. Ang mga karanasan niyang ito ang nagbigay sa kanya ng tatlong kaisipan:

1.      Kung saan man walang matibay na pamahalaan, mayroon ring kaguluhan.
2.      Ang kaguluhan ay dapat iwasan sa anumang pamamaraan.
3.      Mawawala ang kaguluhan kung ang pamahalaan ay malakas.

Ang tatlong kaisipang ito ang pinaka-balangkas ng kaisipang pulitikal ni Hobbes.

State of Nature

            Sinimulan ni Hobbes ang kanyang librong Leviathan sa isang pagsasalarawan ng tinatawag niyang “state of nature”, ito raw ang kondisyon ng buhay ng tao bago magkaroon ng tinatawag nating lipunan o gobyerno. Nagbigay ng isang thought experiment si Hobbes. Ano raw ang magiging sitwasyon natin kung walang pamahalaan? Ang tawag niya dito ay “state of nature”. Sa ganitong sitwasyon, lahat tayo ay “pantay-pantay” at may “karapatan” sa kung anumang kailangan natin para maka-survive. Kung talagang nakikinig tayo sa sinasabi ni Hobbes, hindi niya sinasabing pantay-pantay tayo sa pisikal na bagay. Ang gusto niyang sabihin, kapag walang lipunan, walang ispesyal na karapatan, pribilehiyo, restriksyon, ranggo, o kahit na istado ng buhay. Ang natatanging “karapatan” sa ganitong sitwasyon, sang-ayon kay Hobbes, ay nakabase sa lakas ng isang tao. Sabi nga ni Hobbes, “every man has a right to everything; even to one’s another’s body”.
            Kung totoo ang sinasabi ni Hobbes na lahat tayo ay maka-sarili, gusto parating makauna, siguradong hindi madaling mabuhay sa “state of nature”. Kung ang sinasabi ni Aristoteles ay natural sa tao ang makisalamuha sa ibang tao, kabaligtaran dito ang pilosopiya ni Hobbes. Para sa kanya, kung walang nagkondisyon sa ating sikolohiya na dapat tayong makisalamuha sa ibang tao, walang wala tayong simpatya sa mga katulad nating tao. Natural daw tayong egoists. Ang pag-iisip sa kapakanan ng iba, para kay Hobbes, ay hindi natural na emosyon.

Natural Laws
            Ngayon, ang kaisa-isahang dahilan kung bakit hindi magulo ay ang pagkakaroon ng tinatawag niyang jus natural (“natural laws”). Ang paggamit niya ng salitang “natural law” ay walang kaugnayan sa paggamit ng mga pilosopong midyebal. Kapag ginamit, halimbawa, ni Santo Tomas ang salitang “natural law” ibig sabihin niya ay iyong mga batas na totoo sa kahit anong lugar, oras, at kalagayan. Para naman kay Hobbes, ang mga batas na ito ay pangkalahatan na siyang nadiskubre nating mga tao batay sa pagkaunawa natin sa mundo. Nagsisimula raw lahat tayo sa premise na: Gusto kong mag-survive. Nanggaling dito, nakuha natin ang batas nagsasabing: Lahat tayo ay dapat maghangad ng kapayapaan at sundin ito, at kung ayaw mong sumunod dito, maghanda kang depensahan ang sarili mong kapakanan sa kahit anong pamamaraan. Kung talagang nakikinig tayo kay Hobbes, ang sinasabi niya dito ay walang taong makakayanang umiral sa napakabrutal na mundo kung hindi siya proprotektahan ng isang gobyerno. Kahit sa ordinaryo nating mga karanasan, sabihin na nating ikaw ang pinakamalaking bully, kailangan mo pa rin ng mga makakasama para mas maging astigin ka. Kung mag-isa ka lamang, kahit gaano ka pa kalakas, wala wala kang magagawa.
            Ngayon, hango sa naunang batas na kailangan nating maghangad ng kapayapaan, makakakuha ulit tayo ng isa pang kautusan: kailangan isuko mo ang iyong mga pansariling karapatan, gayundin ang lahat ng miyembro ng nasabing pamahalaan, upang mapanatili ang kapayapaan. Kung titingnan natin, parang “makasariling” golden rule ito, dahil sinusunod natin ang batas hindi dahil gusto nating maging “mabuti”, kundi ang paghahangad ng kung anumang makakabuti sa kanya. Kung totoo ang sinasabi ni Hobbes na lahat tayo ay egoists, ibig sabihin iniisip lamang natin ang sarili nating kapakanan, paano tayo makakasiguro na lahat ay susunod sa mga napagkasunduan? Para makasigurado na lahat tayo sa susunod sa nagpagkasunduan na iiwasan nating gumamit ng pwersa sa isa’t isa, “there must be coercive power, to compel men equally to the performance of their covenants” (Leviathan, 15). Ito ang gampanin ng gobyerno.
            Ang tawag ni Hobbes sa gobyernong ito ay “artificial man” o kaya ang dakilang “Leviathan” (ibig sabihin malaking tao). Minsan tinatawag din niya itong “ang diyos na mortal”. Kaya naman paboritong-paborito si Hobbes ng mga pinunong diktador. Ang kaisipang ito ang nagpasimula ng tinatawag sa pilosiyang social contract theory. Sa ganitong teorya, ang gobyerno ay hindi itinuturing na itinatag ng Diyos, kundi ginawa lamang ng tao upang magbigay ng siguridad na mapipigil ang ating pagka-makasarili.

Social Contract
            Upang mabuhay sa mundo nang payapa, kailangan nating isuko ang ating mga karapatan sa isang pinuno o isang kalipunan ng mga pinuno. Sanasabi ni Hobbes na parang pagpirma ito sa isang kasunduan:

   I authorize and give up my right of governing myself, to this man, or to this assembly of men, on this condition, that thou give up thy right to him, and authorize all his actions in like manner (Leviathan, 17)      

Taliwas sa magiging “social contract theory” ni John Locke and Jean Jacques Rousseau, ang kontrata ay sa pagitan ng mga tao (at hindi sa pagitan ng gobyerno at ng mga myembro). Kaya nga lamang, kapag pinili na natin kung sino ang magiging pinuno natin, wala na daw tayong karapatan pa na makialam. Ipinapaubaya na natin ang lahat sa napagkasunduang pinuno.
Kailangang linawin sa parteng ito na walang partikular na uri ng gobyerno na iniidorso si Hobbes. Kahit na pabor siya sa isang malakas na lider, bukas si Hobbes sa posibilidad ng pagkakaroon ng assembly. Gayunpaman, hindi pabor si Hobbes sa paghahati ng kapangyarihan. Sang-ayon sa kanya, ang gyera na nangyayari sa Englatera noong panahong iyon ay bunga ng paghahati-hati ng kapangyarihan sa pagitan ng hari, mga katiwala (lords), at ng House of Commons.
            Base sa kanyang karanasan, nasabi ni Hobbes na mas mabuti pang magkaroon ng pinaka-masamang diktador kaysa naman walang pamahalaan, o di kaya ay magkaroon ng mahina at walang alam na pinuno.


Emmanuel C. de Leon
Unibersidad ng Santo Tomas
Departamento ng Pilosopiya
 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento