Lunes, Marso 16, 2015

Ilang Minuto tungkol sa Malikhaing Pagkatanga

        Mapanghamon ng pangalawang yugto ng Pambungad sa Metapisika. Pairalin daw ang pagtataka. Subalit, itong pagpapairal sa pagtataka ay parati daw hahantong sa pag-amin na ating katangahan. Noong una kong mabasa na ginagamit pala talaga ni Padre Roque ang katagang “tanga” at “katangahan” parang nagulat ako. Lumaki ako sa turo ng nanay kong public school teacher na dapat daw iwasan ang paggamit ng nasabing kataga. Subalit, epektibo ang pagbigkas ni Padre Roque sa “katangahan” sapagkat nagulat ako dito at hinamon akong mag-isip. Siguro, kung ang ginamit lamang niya sa kanyang akda ay “mangmang” baka sinabi ko lamang sa aking sarili, “Ang cute noong katagang mangmang”. Mas tumalab sa akin yung mistulang marahas na kataga, ginulat ako nito, at ako’y napaisip.


            Kapansin-pansin ito bilang istilo ni Padre Roque. Ginugulat niya ang kanyang mambabasa at inilalagay sa sitwasyon ng mga dapat pagtakhan. Sa mundong mabilis na ang lahat, mistulang pag-aaksaya na rin ng oras ang magtaka. Sinusunod na lamang natin ang mga nauna nang karanasan at paunang-hatol. Sabihin nating meron na tayong nakahandang sistema.
Magbigay tayo ng isang paghahalimbawa. Mahusay ang pagkakabenta sa mga sikat na artista katulad ng tambalang Kathryn Bernardo at Daniel Padilla. Sila rin ang tinatawag na KathNiel ng mga umiidolo at maging ng mga lumalapastangan sa kanila. Dahil sa paulit-ulit na pamumudmod ng ideyang nakakakilig sila, tumatak ito sa sikolohiya ng kanilang fans. Kahit wala namang direkta at personal na relasyon ang mga ito sa dalawang pinasikat na artista, sila ay mayroong emosyonal o afektibong koneksyon sa mga ito. Ito ang dahilan kung bakit nagagawa nilang lumiban sa eskwela, suwayin ang kanilang mga magulang, makipag-away sa mga komokontra sa tambalan, alang-alang sa iniidolong KathNiel. Subalit, alam nating hindi naman libre ang kanilang pagtangkilik dito. Kailangan nilang magbayad ng tiket sa bawat pelikulang ilalako ng mga prodyuser. Ang kanilang pagtangkilik ay may kapalit na pagod at presyo. Subalit, dahil nga tumatak na ito sa kanilang kalooban at nadudulot naman ito sa kanila ng kaligayahan, hindi nila ito tinitingnan bilang pabigat o luho. Isa itong “pangangailangan”. Kung baga, tumatak na ito sa kanilang sistema. At, dahil sa sistemang ito, walang lugar para matauhan tayo sa ating katangahan. Hindi malinaw na nakikita na pinatatakbo lamang ng panlabas na pwersa.



Noong nakaraang Byernes, sa klase namin tungkol kay Gilles Deleuze, napag-usapan ang rasyunalidad na nakapalood sa irasyunalidad. Pero, mas epektibo pa rin kung gagamitin ko ang salitang “katangahan”. Mas nakakatibo ito at baka sakaling masaktan tayo at hamuning mag-isip. Sabihin nating nakabubulag itong katangahan.
Subalit, kung talagang nakikinig tayo kay Padre Roque, mistulang sinasabi niya na lahat tayo ay mayroong katangahan (at dahil nga masakit itong tanggapin, itinatago lamang natin). Dapat tayong matauhan at laging itanong sa sarili, “Meron bang detalye na inimbento o hinulaan ko sapagkat hindi ako alisto sa mga nangyari at nahihiya akong umamin na meron akong pagkatanga?” (49). Nakukutuban akong napakahalaga nito at mahirap talagang tanggihan na ang pagkabukas ay nagmumula sa malalim na pag-unawa sa katangahan. Magdadalawang isip akong gawin, mag-iisip muna ulit ako bago ako kumilos, bago ako humusga, sapagkat bukas ako sa posibilidad ng aking katangahan. Subalit, dahil sa ating katamaran na mamuhay nang mulat sa ating katangahan, isinasantabi ito at kumikilos na para bang alam natin ang lahat. Ito daw ang pagtanggi sa meron.   
        Napakahalaga nitong pagpapamulat ni Padre Roque sa ating katangahan sapagkat malimit tayong humanga sa ating pinanggagalingang rasyunalidad. At, kapag hindi tumugma sa ating rasyunalidad, mabilis tayong magpasya at magsabing wala itong kwenta. Maaaring batay sa ating rasyunalidad, halimbawa, ay makatutulong ang isang all-out war upang malutas ang magulong sitwasyon sa Mindanao. Tanggap natin ito bilang makatuwiran lalo na kung hindi tayo apektado ng gyera. Parang napakarasyunal ng ating pagtingin dahil hindi tayo namumulatan na hindi natin alam ang buong katotohanan. Kaya, kung mamumulatan lamang siguro tayo at lalakasan ang loob na tanggaping palaging mayroong tayong katangahan, malamang mas matiwasay ang ating buhay. Isang mala-Sokrates na pagtanggap ang dapat nating paghandaan. Sabi ng pinakamatalino at pinakamoral na tao noon sa Athens, “Ang alam ko lamang ay ako’y tanga!” Hindi naman siguro mahirap sabihin ‘yan. Subalit, alam nating ibang istorya kung ating isasabuhay ang malikhaing-pagkatanga.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento