Huwebes, Enero 7, 2016

HINDI ITO REBYU NG "HONOR THY FATHER" NI ERIK MATTI

“Ang totoong pag-iral ng tao ay ang kaligayahan sa Pagtanggap ng kalungkutan ng buhay”
~Paul Ricoeur, Nagkakamaling Tao




“HONOR THY FATHER” ang pamagat ng pelikulang napanood ko kanina. Nakasentro ang kwento kay Edgar (John Lloyd Cruz) na napilitang bumalik sa dating modus ng “acetylene gang” upang makalusot sa kinasasadlakang gusot dahil sa pagsali sa isang “investment scam”. Sa unang tingin, ang pelikula ay isang direktang kritisismo sa institusyon ng simbahan. Maaari itong basahin sa ganoong klase ng panonood at panlasa, subalit, para sa akin, mas nais bigyang pansin ng istorya ang iba’t ibang kanser ng ating lipunan—mga kanser na nagpaparupok sa ating buhay. Una, marupok ang lipunan sapagkat pera ang nagpapatakbo sa ating buhay. Sa lipunang mayroon tayo ngayon, pera ang nagiging panginoon. Handa tayong ipagpalit maging ang ating dignidad alang-alang sa sinasambang pambili ng video game, magarang kotse, bagong iPhone, magarbong birthday party, at marami pang iba. Subalit, mistulang itinatanong ng pelikula para sa atin, ang pagkamkam ba ng maraming pera ay talagang nagdudulot din ng maraming problema?



Pangalawa, marupok ang ating lipunan sapagkat masyado tayong makitid mag-isip. Umiikot lamang ang ating pag-iisip sa makipot nating mundo: bahay, simbahan, eskwelahan, trabaho, at iba pang sirkulo. Dahil sa kitid ng ating ginagalawan, mabilis nating naiikot ang mga maaari nating maisip. Dahil dito, mabilis pa sa alas-kwatro kung tayo ay humusga. Epektibong naipakita ng pelikula na malimit tayong maging moralista sa halip na maging moral. Para sa akin, nais nitong sabihin na mayroong rasyunalidad kung bakit nagagawang magnakaw ng ilang myembro ng ating nabubulok na lipunan. Subalit dahil umiikot lamang tayo sa etika at moralidad na alam natin, mabilis tayong magpataw ng husga. Dapat nating tingnan ang mga bagay na ito lampas sa konsepto ng mabuti at masama (beyond good and evil). Nagagawa ng isang tao ang isang bagay dahil nanggagaling siya sa isang katwiran. At, nais ipakita ng pelikula na talagang masidhi ang pagkakaiba-iba ng pinanghuhugutan nating katwiran. Sa ating paghusga, pinasok ba muna natin ang mundo ng katwiran ng ibang tao?  



          Ang talagang nagustuhan ko sa “HONOR THY FATHER” ay ang tinatawag ng ibang “mimetic experience”. Ito ‘yung talab ng pelikula kung saan malikhain nitong nailalarawan ang iyong sariling buhay. Ito ‘yung pagkakataon na nakikita mo ang iyong sarili sa iyong pinapanood. At, hindi lamang ang iyong sarili ang nakikita mo sa tinatawag na “mimetic experience”; ang pinakamahalagang nakikita mo sa karanasang ito ay ang maling estado ng iyong buhay. Mahalaga itong pagkadama na mayroong “mali” sapagkat dito nagsisimula ang pagnanais kumawala sa nasabing sitwasyon. Para sa akin, ito ang talagang tungkulin ng anumang uri ng likhang-sining. Walang silbi o basura ang isang likhang-sining kung aliw lamang ang ipinamumudmod nito at hindi nailalantad ang negatibong diyalektiko.  
        Sa huli, mahusay na mahusay ang “HONOR THY FATHER” ni Erik Matti. Panoorin at danasin natin ito. Mabuhay ang Pelikulang Pilipino!  

  

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento