Sabado, Hunyo 21, 2014

SPOKENING DOLLAR

Matindi ang debate ngayon tungkol sa paglalaglag sa asignaturang Filipino. Sa CHED Memo number 20, series of 2013, hindi kabilang ang Wikang Filipino sa mga General Education subjects sa kolehiyo. 

Lumalabas na ganito: Kung mag-aaral ka sa Inglatera, Ingles ang dapat mong matutunan; kung sa Pransya, Pranses; sa Espanya, Espanyol. Pero, kung sa Pilipinas, Ingles ang dapat mong matutunan. 

Matingkad ang katatawanang hindi nasa Pambansang Wika ang edukasyon sa ating bansa. Siguro nga, market-driven ang edukasyon sa Pilipinas. Kaya't maging ang pag-aaral tungkol sa sariling wika ay tinitingnan na ring "luho", hindi magagamit sa paghahanap ng trabaho. 

Paghahanda daw ito para maging "globally competitive" ang ating graduates. Sabihin natin yan sa mga hapon. Hindi sila magaling mag-Ingles. Tinatawanan nga natin ng patago ang kanilang grammar. Pero, mas maunlad sila sa atin dahil hindi masyadong uso sa mga taong-gobyerno doon ang palusot, pangungurakot, pandarambong, at pagkanta sa privilege speech. 

Kung tutuusin, mahina ang ating pag-unlad dahil marunong-runong tayong mag-Ingles kumpara sa ilang karatig-bansa natin. Sa halip na magtrabaho tayo dito sa ating bansa, masyado tayong "in demand" sa abroad para maging taga-hugas ng pwet ng mga banyaga. Globally competitive tayo sa paghuhugas ng pwet ng mga banyaga dahil sa ganitong mentalidad. 

Basta para sa akin, sa wikang Filipino pa rin ako. Hindi ibig sabihing walang kwenta at imperyalista naman ang wikang Ingles. Mahalaga rin ito. Kaya nga lamang, mas maraming Pilipino ang gumagamit at tunay na nakadarama sa wikang Filipino. Ito ang wini-wika ng ating kaluluwa. Dito mas nagpapanukala ang damdamin ng mas nakakarami. 


Sa tingin ko, ang paglalaglag sa wikang Filipino ay nakaugat sa maling pag-unawa dito. Ang pagtuturo ng wikang Filipino ay hindi lamang tungkol sa tamang paggamit ng NANG at NG. Hindi natin nakikita ang potensyal ng wika na maging daan sa pagkilala natin sa ating sarili mismo. Sabi nga ni Roque Ferriols, “Kasi ang salita mo, ‘yun ang salita ng Diyos sa ‘yo. Pag kinakausap ka ng Diyos ginagamit niya ang sarili mong wika.” Sino pa ang magtataas sa ating sariling wika, kung tayo mismo ay ibinababa ito?!