Totoo ngang makapangyarihan ang
teknolohiya sa panahong mayroon tayo ngayon. Halos hindi na natin maisip ang
ating mga sarili labas at kalas sa mundong teknolohikal. Nguni’t sa halip na
batikusin, bakit hindi natin ito pakinabangan upang mapalawak ang ating
diskursong pilosopikal.
Gamit ang kompyuter at internet,
sumubok akong mag-udyok ng isang katanungan ukol sa matatawag na pilosopiyang
Pilipino/Filipino. E-mail ang naging lunsuran ng nasabing malayang talakayan
kaya mabilis at hindi na kinakailangang magkatagpo-tagpo nang personal ang mga
kasali. Inilunsad ko ang katanungan sa ust-philodept@groupspaces.com, kung saan
nagpapadala ng mensaheng elektronik sa mga kasapi ng Departamento ng Pilosopiya
ng UST si Dr. Paolo A. Bolanos—ang Chairperson ng nasabing departamento.
Sinimulan ko ang pagtatanong ukol sa pananaw nila sa “Pilosopiyang
Pilipino/Filipino”. Mayroon ba nito? At, ano para sa kanila ang kahulugan nito?
Narito
ang ilan sa kanilang mga kasagutan:
Pamimilosopiya at
Pagsusulat ng mga Pilipino Bilang Pilosopiyang Pilipino
Dr. Romualdo E. Abulad, SVD
“Ang
tanong ko ay ito: Mayroon bang mga Pilipinong nagpipilosopiya at sumusulat ng
mga aklat at journal articles? Kung mayroon, ano pa ang maitatawag sa mga ito
kung hindi Pilosopiyang Pilipino?”
Ang Pamimilosopiyang
Filipino Bilang Kulang sa “Sulat-Basa-Debate”
Dr. Paolo A. Bolanos, PhD.
“Maraming
salamat sa katanungan mo Emman. Sa gustuhin man natin o hindi, mananatiling
buhay na katanungan ito para sa ating mga Pilipinong pilosopo. Kung ganoon nga,
dapat nating bigyang pansin ang katanungan na ito. Meron nga bang pilosopiyang
Pilipino?
“1. Para sa akin,
hindi na isyu kung meron o wala bang Pilipinong namimilosopiya. Alam na natin
ang sagot dito. Sang-ayon ako kay Br. Romy sa aspeto na ito. Marahil pwede pa
natin dagdagan ang kanyang sinabi.
“2. Ano nga ba ang
pilosopiya? Paano nga ba ang mamilosopiya? Sa tingin ko, kinakailangan nating
bigyan ng kahulugan kung ano sa tingin natin ang pilosopiya. Ang pilosopiya ba
ay "sistematiko"—gaya ng mga karaniwang ginagawa ng mga taga Europa,
Inglaterra, o Estados Unidos? Kinakailangan ba na ang pilosopiya ay katulad ng
agham na may "sigurado" (ito ang paniniwala ng mga syentipiko) na
metodo? Kung ganito lamang ang pilosopiya, paano natin maipapaliwanang ang
relasyon nito sa relihiyon, literatura, at sining? Siguro kung mas naiintindihan
natin kung ano ang relihyon, literatura, at sining, baka mas mauunawahan natin
kung ano ang pilosopiya. Ano nga ba ang kanilang pagkakahalintulad?
“3. Katulad ng
relihyon, literatura, at sining, ang pilosopiya ay isang uri ng
"pag-tingin" sa mundo. Katulad ng mga ito, ang pilosopiya ay isang
makataong pamamaraan sa pagbigay hugis o kahulugan sa kung ano ang
"Meron"—parehong "pisikal" at "metapisikal." Mas mahirap
patunayan ang metapisikal na realidad, ngunit marami ding mga pilosopo ang
naniniwala dito. Sa kabilang banda, mas madaling patunayan ang pisikal, at sa
tingin ko walang aangal (maliban na lamang kay Descartes) na ang
"gutom" ay pisikal natin na nararamdaman. Ito ang dahilan kung bakit
may ideya tayo ng gutom at nabigyan pa natin ito ng pangalan. Ito marahil ang
ibig sabihin ni Spinoza sa "parallelism between mind and body," at
hindi "dualism" (Descartes).
“4. Ngunit ang isyu
natin ay hindi si Descartes o Spinoza, kung hindi ang tanong: Ang mga Pilipino
ba ay tumitingin sa mundo at sinusubukan nilang bigyang hugis at kahulugan ang
kung ano man ang kanilang namamalasan? Dagdag dito, sa kabila ng namamalasan ng
mga Pilipino (sa larangan ng politika, buhay-publiko, buhay-pribado, buhay-pansarili)
nagiging aktibo ba ang pag-aasam nila ng kalayaan, hustisya, at ang pakiramdam
ng pagkaka-sapi (sense of belonging)? Ito marahil ang dahilan kung bakit may
relihyon, literatura, sining, at pilosopiya. Ang mga ito ay mga paraan ng
"paghahanap." Ito marahil ang katangian ng tao. Tao nga ba ang
Pilipino?
“5. Pwede rin naman
natin tingnan ang pilosopiya sa kanyang "akademikong" anyo. Sa tingin
ko, "akala" lang natin na may Griyego, Aleman, o Pranseskanong
pilosopiya sapagkat meron ang mga kulturang ito ng kasaysayan ng kanilang
"pagtining sa mundo." Ang kanilang intelektuwal na kasaysayan ay
nababasa natin sa kanilang mga naisulat, at dahil meron silang mga naisulat,
nagkaroon sila ng mga magbabasa. Dahil meron nagsulat, nagbasa, at nagsulat ulit,
nagkaroon ng debate at diyalogo, humantong man ito sa pagkakasundo o hindi
pagkakasundo. Ngunit ganoon talaga ang akademikong anyo ng pilosopiya. Tanungin
natin ang mga sarili natin kung meron na ba tayong dinamikong kultura ng
"sulat-basa-debate." Binabasa ba natin ang sinulat ng ating mga kapwa
Pilipinong pilosopo at hindi ba tayo natatakot magbigay ng opinyon natin sa mga
ito sa pamamagitan din ng pagsusulat? Kaakibat ng pamimilosopiya ang kasaysayan—ito
ang dahilan kung bakit kailangan natin ang magsulat; and mga sinusulat natin ay
galamay ng ating mga alaala. Bilang mga pilosopo, sa ganitong paraan lang tayo
magugunita ng susunod na salinlahi. Kaya salamat sa mga estudyante nila
Confucius, Buddha, at Socrates—kung hindi dahil sa kanila ang imahen at mga
turo ng mga sinaunang guro na ito ay mabubura sa memorya ng sangkatauhan. Kung
wala pa tayo sa lebel na ito (o kaya kulang pa), sa tingin ko mahabang panahon
pa bago natin masasabi, na may tiwala sa ating sarili, na meron ngang
pilosopiyang Pilipino.”
Mapangilatis na
Talakayan at Hindi Isang Sistematiko ng Pangangailangan ng Pamimilosopiyang
Pilipino
Jovito V. Carino, Ph.D. Candidate
“Salamat
Emman. Isinusulat ko ang e-mail na ito habang iniisip ko na kunwari ay may
kaharap ulit tayong malamig na bote ng serbesa. :-)
“Mahirap
dagdagan pa ang nauna nang sinabi ni Dr. Abulad at Dr. Bolaños. Higit pa sa
sapat ang mahahalagang puntong inilahad nila. Nais ko na lamang magbigay ng
komento sa tanong.
“Una,
saan ba nanggagaling ang tanong at ano ang layon nito?
Ikalawa,
ano kaya ang palagay na nakapaloob sa paggamit ng salitang "pilosopiyang
Filipino/Pilipino"
“Kung
ang diin ng tanong ay pilosopiya bilang pamimilosopiya, sa tingin ko ay wala
namang masyadong problema. Mas mayaman ang sinabi ni Dr. Abulad at Dr. Dr.
Bolaños tungkol dito. Panig ako sa lahat ng sinabi nila.
“Sa
isang banda, kung ang diin ng tanong ay "pilosopiyang
Filipino/Pilipino" bilang sariling atin, ibig sabihin, bilang isang
sistema ng kaisipan na magtatanyag ng ating identidad bilang Filipino, sa tingin
ko, isang maselang usapin ito na kailangang isailalim sa masusi at palagiang
talakayan. Gayunman, sabi nga ni Dr. Bolaños, ang ganitong talakayan, hindi ang
sistema ng kaisipan, ang posibleng panggalingan ng pilosopiyang Filipino o, sa
ganang akin, ng pamimilosopiyang Filipino.
“Sa
puntong ito, maaari na tayong umorder ng isa pang bucket ng serbesa upang
masimulan na ang palitan ng kuro tungkol dito.
“Sabi
nga natin sa Matabungkay, tamang-tama...: -)”
Pagbabanggaan ng
Ideya at Argumento Batay sa Kalagayan ng Sariling Lipunan
Dr. Oscar R. Diamante, Ph.D.
“Emman,
“Ayon
sa napapansin ko sa mga pilosopong Aleman, Amerikano, Greek, Ingles, atbp, mga
pilosopong binabasa natin, ang kanilang mga binabanggit ay mga bagay na nasa
kultura at kasaysayan nila. Sila-sila rin mismo ang nagbabanggaan ng ideya at
argumento. Kinikilala nila ang nagawang teorya at sistema ng pag-aaral ng kapwa
nila Aleman, Amerikano, o Europeo. Halimbawa, hindi lingid kina Gadamer (at mga
kaklase nito) ang mga ideya, kritikal na argumento at bagong pamamaraan nila
Husserl, Kant at mga Neo-Kantian, Hegel at mga Hegelian, atbp. Kaya sila ang
naging batayan ng mga kritikal na pag-iisip ng mga namimilosopiya ng sumunod na
generasyon. Mga halimbawa na binabanggit nila ay hango rin sa kanilang
karanasan sa loob ng kanilang milieu at karanasan. Kaya kitang-kita na hindi banyaga ang mga
ideya, pamamaraan at halimbawa na kanilang binibigkas.
“Ang
mga ganyan ang hindi pa lubos na nakikita sa mga Pilipinong namimilosopiya. At
least, ang pag-order ng beer upang lalong ganahan sa diskusyon tungkol sa
pilosopiya at anuman ay angking Pinoy.
“Iyan
lamang po ang aking opinyon. Salamat.”
Katanungan Tungkol sa
Kondisyon ng Posibilidad ng isang “Dalisay” na Paraan ng Pamimilosopiyang
Pilipino
Dr. R. Abulad
“May
isa lamang akong pahabol. Suspetsa ko lang naman ito. Hindi kaya ang tanong na:
"Mayroon bang Pilosopiyang Pilipino?" ay nagbabadya ng isang
nakatagong presuposisyon ukol sa pilosopiya—na ito ay buhat sa Griyego at kung
gayo'y maka-Kanlurang katanungan? Ang kahigtan siguro nina Gautama ng Indiya at
Confucius ng Tsina ay nag-iisip lamang sila buhat sa kanilang kinaroroonan
sapagkat hindi pa nila naririnig ang mga sinasabi nina Platon at Aristoteles.
Sa kabilang dako, tayong mga pilosopo ng kasalukuyang panahon ay tila hindi na
maaaring mag-isip nang hindi nababahiran ng mga naunang pilosopo—taga-Kanluran man
sila o taga-Silangan. Makatarungan bang umasa na may dalisay na paraan ng
pamimilosopiyang Pilipino? Mayroon ba nito?”
Kaunting Paglalagom
May ilang mahahalagang kaisipan at
mga katanungan ang maaari nating pagnilayan buhat sa mga kasagutan ng mga
kasama ko sa departamento ng Pilosopiya. Magagamit natin ang mga ito sa mga
susunod nating pagsusulat ukol sa pilosopiyang Filipino at pamimilosopiya sa
Pilipinas.
Una, malinaw pa sa sabaw ng pusit na
nanatiling walang nag-iisang depinisyon ang pagpapangalang “Pilosopiyang
Filipino”. Kung sasabihin nating “Ang pilosopiyang Pilipino ay walang iba kundi
ang pamimilosopiyang ang namimilosopiya ay Pilipino”, sapat na ba ang
depinisyong ito para sa ninanais nating uri ng pamimilosopiya? Kailanga pa nating gumugol ng maraming oras ng pagmumuni-muni at balitaktakan ukol sa usaping ito.
Pangalawa, mahalaga ang kritisismo
sa uri nating pamimilosopiya sa Pilipinas. Bukod sa hindi natin binabasa at
pinag-uusapan ang mga sinulat ng mga naunang Pilipinong pilosopo, kung binabasa
man natin sila at nagsusulat tayo tungkol sa kanila, kulang na kulang tayo sa
kritisismo. Mistulang takot tayong makipag-balitaktakan at magbigay ng mahahalagang
puna. Marahil ay epekto ito ng ating kultura ng “pakikisama”. Ayaw nating
magbanggit ng puna, kahit alam naman nating dapat itong sabihin, sapagkat ayaw
nating sumama ang loob ng pinupuna natin. Nabanggit ng mga kasamahan ko sa
departamento ang kahalagahan ng kritisismo. Hindi uunlad ang mga bagay na ating
pinag-uusapan kung puro na lamang pag-uulit at mga papuri sa kanilang mga
nagawa ang ating gagawin. Alin bang aspekto ang hindi napag-usapan ng mga
pilosopong nauna sa atin? San bang punto medyo sumablay ang kanilang mga
teorya? Angkop ba ang kanilang mga naging pamamaraan base sa ating
kinasasadlakang lipunan?
Pangatlo, lumilitaw sa diskusyon sa
itaas ang katanungan tungkol sa isang “dalisay” na Pilipinong pamimilosopiya.
Kailangan bang sariling-sarili natin ang istilo at mga konsepto upang matawag
na Pilosopiyang Pilipino? Ibig ba nitong sabihin na hindi natin kailangang
tingnan ang mga ginalugad ng mga banyagang palaisip? Maingat ngang itinanong ni
Abulad, posible ba o meron ba nito? Dito mahalagang basahin ang mga tekstong nagpapaliwanag
ng “pantayong pananaw” at maging ng mga komokontra dito. Tayong mga nagsisimula
pa lamang sa larangan ng pamimilosopiyang Pilipino ay kailangan nang maghalwat
ng maaalikabok na primaryang batis tungkol sa debateng ito. Andiyan ang mga
sinulat nina Leonardo Mercado, Florentino Timbreza, Virgilio Enriquez, at Virgilio
Almario ukol sa kahalagahan ng pagsisimula sa sariling atin. Mahalaga din ang
mga nasulat nina Emerita Quito at Alfredo Co tungkol sa kahalagahan ng
komparatibong analisis. Makatutulong din ang mga nasulat tungkol sa
pagsasakonteksto ng ng pilosopiyang kanluranin na pinasimulan nina Leonardo de
Castro, Rainier Ibana, Manuel Dy, Romualdo Abulad, at marami pang iba.
Kailangan na rin nating sundan ang mga pagtitipon ng mga akdang naisulat ng mga
nauna sa atin tulad ng ginawa nina Rolando Gripaldo, Romualdo Abulad, Alfredo
Co, at F.P.A. Demeterio.
Pang-apat, mahalaga rin sa mga
nabanggit sa diskusyon sa itaas ang pakikinig sa ibang larangan tulad ng
agham-panlipunan at agham-tao. Hindi nakakulong sa departamento ng pilosopiya
at mga komperensiyang pinasisinayaan ng mga dalubhasa sa pilosopiya ang
mahahalagang kaisipan na makakatulong sa ating pamimilosopiya sa Pilipinas.
Kailangan nating makipag-diyalogo sa ibang mga disiplina (interdisciplinary approach).
Kailangan rin nating basahin ang mga pagsusuri ng mga konseptong Pilipino na
ginawa nina Dionisio Miranda (Theology), Albert Alejo (Philosophy), Prospero
Covar (Psychology), Reynaldo Ileto (South East Asian Study), Zeus Salazar
(History), Virgilio Enriquez (Psychology), Virgilio Almario (Literature),
Efipanio San Juan (Literature), at marami pang iba.
Samantalang ginagawa natin ang ating
mga dapat gawin sa pagpapaunlad ng pamimilosopiyang Pilipino, halina at tayo
muna ay makipagbalitaktakan sa mga diskursong may kinalaman dito, harap-harapan
man o online.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento