Linggo, Agosto 30, 2015

KUNG SABIHIN NI EDUARDO MANALO NA SAPAKIN MO ‘YUNG HINDI MO KILALA, GAGAWIN MO BA?



Seryosohin muna natin ng konti ‘yung pamagat. Kunwari ay utusan ka ni Eduardo Manalo na sapakin mo ang isang taong hindi mo naman kilala, gagawin mo ba? “Syempre, hindi ko gagawin!”, iyan kaagad ang malutong nating isasagot marahil. “Hindi ko pag-iisipan ng masama ang hindi ko naman kilala, lalo na ang sapakin pa siya.”

Ganyan siguro ang mga makatuwirang sagot, subalit nakakalungkot mang aminin maaaring hindi ito nangyayari sa totoong buhay. Una, maraming mga bagay na ginagawa natin kahit ayaw naman nating gawin—pagpasok sa trabaho o pagpasok sa eskwelahan kahit mas gusto nating humiga na lamang sa ating malambot na kama; o di kaya ay pagluluto at paghuhugas ng pinagkainan kahit na mas gusto nating manuod na lamang ng TV. Sa mga nasabing sitwasyon, ang tungkulin natin at pagiging “nasasakupan ng ating magulang, boss, at kung anu-ano pang otoridad” ay pumupwersa sa ating kumilos; at ang sarili nating “preferences” ay naisasantabi kung mayroon itong pagtunggali sa mga inaasahan sa atin. Pangalawa, malimit nating nararanasan ang malakas na social pressures kaya naman nagagawa natin ang isang bagay na labag sa ating mga pagpapahalaga. Mahalaga ang mga bagay na ito na nagpapakita kung gaano hinihubog ng mga institusyon sa lipunan ang ating pagtingin sa buhay, at maging ang ating mismong buhay.

Sa ganitong pagtingin maaari nating maunawaan ang rally o pagtitipon na ginawa ng mga kapatid nating myembro ng relihiyong Iglesia Ni Cristo (INC). Para sa marami, hindi natin ito maintindihan. “Nanggugulo” sila sa ating kaayusan. Nasasabi natin ito dahil nakamasid lamang tayo sa kanila na parang nasa loob sila ng “acquarium” at hindi tayo nakikibahagi sa kanilang mundo. Dahil pinapanuod lamang natin sila sa pamamagitan ng isang “one-way glass”, nagmumukha silang katawa-tawa sa ating mata. Sa ating makitid na interpretasyon, talagang sunud-sunuran lamang ang mga myembro nito sa idinidikta ng kanilang pamunuan. Pero, kung talagang ating titingnan, sino ba ang hindi?

Maaari siguro nating tingnan ang pagtaliwas na ito sa panlasa ng mga “mulat” kuno, "may pinag-aralan" at masusungit na kritiko bilang simula ng pagpapanday ng ating sarili mismo. Anong mga desisyon natin sa buhay ang nadidiktahan din lamang? Alin sa ating mga kaasalan, pagkilos, at mga pagpapahalaga ang bunga lamang ng mga pagsasanay na pwedeng mahinahon o pwersahang isiniksik sa atin ng mga institusyon tulad ng paaralan, simbahan, pamilya, at marami pang iba?

Maganda ang napakaraming pagpuna na makikita sa mga social-networking sites tungkol sa rally o pagtitipon ng INC. Mahalagang tanda ang pangyayaring ito  na nag-iisip talaga ang mga Pilipino. Subalit malimit nga lamang tayong mag-isip gamit ang nag-iisa nating rasyunalidad. Kaya, kung tatanungin tayong mga “inosenteng hindi nagtataka”: Kung sabihin ni Eduardo Manalo na sapakin mo ang isang hindi kakilala, gagawin mo ba? Ewan. Nakabitin ang sagot. Ito ang ating pagtakahan upang makarating tayo sa ating pinapangarap na Bayang Pilipinas.