Habang
bumibili ng lulutuing ulam malapit sa Barangka Drive, napansin kong nagmamadali
ang isang grupo ng mga kabataan. Mayroon palang konsyerto ang pinagkakaguluhang
tambalan ngayon—ang AlDub. Binansagan itong “Ang Tamang Panahon”. Gustong-gusto
nilang mapanuod. Hindi ito pwedeng palampasin.
Binuksan
ko ang TV at talagang marami nga pala ang nanunuod. Halos nagkakaisa ang
maraming Pilipino sa pagsigaw at pagkakaroon ng kilig (o “kaligayahan” sa
termino ni Joey de Leon). Kahit paano ay ayos din kasi nagkaroon tayo ng “national
sentiment” (gamit ang termino ni Jose Rizal). Mahalaga ang isang pambansang
sentimyento para sa tinatawag ni Benidect Anderson na “imagined community” o ni
Fredric Jameson na “glimpses of utopia”.
Subalit kung talagang mulat tayo sa nangyayari, mas lutang dito ang talagang
pagkontrol ng mga nagpapatakbo ng negosyong ito sa sikolohiya ng mga manunuod.
Mahusay ang pagkakagawa ng “emosyon” upang maramdaman nating “pangangailangan”
na maging updated sa gawa-gawaang loveteam. Parang mga "willing
victims" na naman tayo ng mga negosyanteng-bampira na walang ginawa kundi
sipsipin ang dugo ng ating pagkatao.
Dominasyon
ang tawag dito. Sabi ng isang sosyolihista na si Theodor Adorno, “Domination
of reason means domination of nature”. Sa ibang salita, kontrolin mo ang
kanyang isipan, makokontrol mo ang kanyang buhay. Paano ‘yan? Dahil sa
paulit-ulit na pamumudmod ng ideyang nakakakilig sila, tumatak ito sa
sikolohiya ng mga fans. Kahit wala namang direkta at personal na relasyon ang
mga ito sa dalawang pinasikat na artista, ang mga fans ay nakararamdam ng
emosyonal o afektibong koneksyon sa mga ito. Ito ang dahilan kung bakit
nagagawa nilang lumiban sa eskwela, suwayin ang kanilang mga magulang,
makipag-away sa Twitter at FB sa mga komokontra sa tambalan, alang-alang sa iniidolong
AlDub. Subalit, alam nating hindi naman libre ang kanilang pagtangkilik dito.
Kailangan nilang magbayad ng tiket sa bawat konsyerto at pelikulang ilalako ng
mga prodyuser. Ang kanilang pagtangkilik ay may kapalit na pagod at presyo.
Subalit, dahil nga tumatak na ito sa kanilang kalooban at nadudulot naman ito
sa kanila ng “kaligayahan”, hindi nila ito tinitingnan bilang pabigat o luho.
Isa itong “pangangailangan”. Kung baga, tumatak na ito sa kanilang isipan
(psyche), kaya halos walang lugar para matauhan sa pagiging nadodomina.
Malamang
hindi tayo aangal sa pagiging nadodomina dahil pakiramdam naman natin ay
nakinabang tayo sa panonood ng itinuring nating “kailangang mapanood”. Sa
kasalukuyang lipunan na ang lohika ay ang paglago lamang ng tubo, at walang
pagpapahalaga kung kapakanan at kahulugan man ng pagkatao ang masasakripisyo, nagiging
posible ang mga ganitong pangyayari. Sa kahit ano mang lipunang pinatatakbo ng
salapi, nasasakripisyo ang pagkatao. Pera ang nagiging panginoon habang
nawawala ang halaga ng tao.
Reipikasyon
at alyenasyon ang tawag dito ng mga Marxistang pilosopo. Reipikasyon sapagkat
ginagawang walang buhay ang tao, ginagawang komoditi na magagamit lamang kung
kinakailangan ng tubo. Alyenasyon naman dahil hindi na natin malaman ang
talagang halaga natin bilang tao. Dahil sa “fetish” na binubuo ng mga
industriya ng kultura sa ating mga sikolohiya, ang ating pagkatao ay handang
ipagpalit para lamang sa hatak ng “huwad na pangangailangan”.
Hindi naman siguro
tamang sabihin na “mababaw” at hindi nag-iisip ang mga nanunuod ng AlDub. Ang problema
lang siguro ay hindi pa sapat ang ating “kalaliman”. Hindi pa tayo nakararating
sa malalim na kaisipan dahil napakaraming ilusyon ang ipinamumudmod ng
telebisyon. Ito na siguro ang tamang panahon upang maramdaman natin ang
pagiging “paralisado ng ating mapanuring kaisipan”. Ito na siguro ang “tamang
panahon” upang tayong mga inosenteng hindi nagtataka ay maghangad na wasakin
ang ilusyon na nilikha at patuloy na nililikha ng industriya ng kultura. Sa pamamagitan
ng mapanuring mentalidad at mapagpalayang sensibilidad, hihina ang dominasyon
ng konsumerismong lipunan. Ito ang tamang panahon. Pabebe wave muna tayo mga
Dabarkads! J