Sabado, Oktubre 24, 2015

ANG DOMINASYONG ALDUB: Isang Pabebe Post


Habang bumibili ng lulutuing ulam malapit sa Barangka Drive, napansin kong nagmamadali ang isang grupo ng mga kabataan. Mayroon palang konsyerto ang pinagkakaguluhang tambalan ngayon—ang AlDub. Binansagan itong “Ang Tamang Panahon”. Gustong-gusto nilang mapanuod. Hindi ito pwedeng palampasin.


Binuksan ko ang TV at talagang marami nga pala ang nanunuod. Halos nagkakaisa ang maraming Pilipino sa pagsigaw at pagkakaroon ng kilig (o “kaligayahan” sa termino ni Joey de Leon). Kahit paano ay ayos din kasi nagkaroon tayo ng “national sentiment” (gamit ang termino ni Jose Rizal). Mahalaga ang isang pambansang sentimyento para sa tinatawag ni Benidect Anderson na “imagined community” o ni Fredric Jameson na “glimpses of utopia”.  Subalit kung talagang mulat tayo sa nangyayari, mas lutang dito ang talagang pagkontrol ng mga nagpapatakbo ng negosyong ito sa sikolohiya ng mga manunuod. Mahusay ang pagkakagawa ng “emosyon” upang maramdaman nating “pangangailangan” na maging updated sa gawa-gawaang loveteam. Parang mga "willing victims" na naman tayo ng mga negosyanteng-bampira na walang ginawa kundi sipsipin ang dugo ng ating pagkatao.  

Dominasyon ang tawag dito. Sabi ng isang sosyolihista na si Theodor Adorno, “Domination of reason means domination of nature”. Sa ibang salita, kontrolin mo ang kanyang isipan, makokontrol mo ang kanyang buhay. Paano ‘yan? Dahil sa paulit-ulit na pamumudmod ng ideyang nakakakilig sila, tumatak ito sa sikolohiya ng mga fans. Kahit wala namang direkta at personal na relasyon ang mga ito sa dalawang pinasikat na artista, ang mga fans ay nakararamdam ng emosyonal o afektibong koneksyon sa mga ito. Ito ang dahilan kung bakit nagagawa nilang lumiban sa eskwela, suwayin ang kanilang mga magulang, makipag-away sa Twitter at FB sa mga komokontra sa tambalan, alang-alang sa iniidolong AlDub. Subalit, alam nating hindi naman libre ang kanilang pagtangkilik dito. Kailangan nilang magbayad ng tiket sa bawat konsyerto at pelikulang ilalako ng mga prodyuser. Ang kanilang pagtangkilik ay may kapalit na pagod at presyo. Subalit, dahil nga tumatak na ito sa kanilang kalooban at nadudulot naman ito sa kanila ng “kaligayahan”, hindi nila ito tinitingnan bilang pabigat o luho. Isa itong “pangangailangan”. Kung baga, tumatak na ito sa kanilang isipan (psyche), kaya halos walang lugar para matauhan sa pagiging nadodomina.


Malamang hindi tayo aangal sa pagiging nadodomina dahil pakiramdam naman natin ay nakinabang tayo sa panonood ng itinuring nating “kailangang mapanood”. Sa kasalukuyang lipunan na ang lohika ay ang paglago lamang ng tubo, at walang pagpapahalaga kung kapakanan at kahulugan man ng pagkatao ang masasakripisyo, nagiging posible ang mga ganitong pangyayari. Sa kahit ano mang lipunang pinatatakbo ng salapi, nasasakripisyo ang pagkatao. Pera ang nagiging panginoon habang nawawala ang halaga ng tao.


Reipikasyon at alyenasyon ang tawag dito ng mga Marxistang pilosopo. Reipikasyon sapagkat ginagawang walang buhay ang tao, ginagawang komoditi na magagamit lamang kung kinakailangan ng tubo. Alyenasyon naman dahil hindi na natin malaman ang talagang halaga natin bilang tao. Dahil sa “fetish” na binubuo ng mga industriya ng kultura sa ating mga sikolohiya, ang ating pagkatao ay handang ipagpalit para lamang sa hatak ng “huwad na pangangailangan”.

Hindi naman siguro tamang sabihin na “mababaw” at hindi nag-iisip ang mga nanunuod ng AlDub. Ang problema lang siguro ay hindi pa sapat ang ating “kalaliman”. Hindi pa tayo nakararating sa malalim na kaisipan dahil napakaraming ilusyon ang ipinamumudmod ng telebisyon. Ito na siguro ang tamang panahon upang maramdaman natin ang pagiging “paralisado ng ating mapanuring kaisipan”. Ito na siguro ang “tamang panahon” upang tayong mga inosenteng hindi nagtataka ay maghangad na wasakin ang ilusyon na nilikha at patuloy na nililikha ng industriya ng kultura. Sa pamamagitan ng mapanuring mentalidad at mapagpalayang sensibilidad, hihina ang dominasyon ng konsumerismong lipunan. Ito ang tamang panahon. Pabebe wave muna tayo mga Dabarkads! J

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento