Sabado, Abril 12, 2014

ARISTOTELES: ANG PAGHAHANAP SA TOTOONG-TOTOO SA NATURAL NA MUNDO

Buhay ni Aristoteles: Biologist, Tutor, at Pilosopo
        Pagkatapos matalo ng Sparta ang Athens sa tinawag na “Peloponnesian War” noong 404 B.C., nagkaroon ng pagkakahati-hati ang mga syudad ng Gresya. Dahil dito, naging mahina at hiwa-hiwalay ang Gresya, at nasakop ng papalakas na imperyo ng Macedonia sa pamumuno ni Felipe ng Macedon noong 338 B.C.. Sa Macedonia uusbong ang nagngangalang Alexander the Great (anak ni Felipe), na siyang sasakop sa buong “mundo” (o sa kilalang mundo noong panahong iyon). Ang probinsyang ito rin ang magbubunga ng isang henyo sa Pilosopiya na sasakop sa napakaraming larangan ng kaisipan, si Aristoteles.
            Si Aristoteles ay ipinanganak noong 384 B.C. sa bayan ng Stagira, sakop ng Macedonia. Ang tatay niya na si Nicomachus ay isang manggagamot ni Amyntus II, ang hari ng Macedonia. Kaya nga, hindi kataka-takang mayroong nalalaman si Aristoteles sa larangan ng syentipiko at empirikal na pagsusuri sa kanyang uring pamimilosipiya. Labing-walong (18) taong gulang siya noong naging estudyante siya sa Academia ni Platon (sa Athens), upang magkaroon ng pinaka-mahusay na edukasyon noong kapanahunang iyon. Nag-aral siya doon at nagturo kasama ni Platon nang halos dalawampu’t limang (25) taon, hanggang sa mamatay si Platon noong 347. Pumalit kay Platon bilang pinuno ng paaralan ang kanyang pamangkin na si Speusippos, isang matematiko na mag-isang ipinapatuloy ang mga teorya ni Platon tungkol sa matematika. Hindi natin alam kung dahil dito umalis si Aristoteles sa Acamedia; Magiging isa lamang itong walang basehang ispekulasyon. Maaaring ang masamang pakikitungo ng mga taga-Athens sa mga Macedonian noong panahong iyon ang nagtulak kay Aristoteles na lisanin ang Academia ni Platon.
            Noong 342 B.C., ipinatawag siya ni Haring Felipe ng Macedonia (na isa pa lamang prinsipe noong kabataan ni Aristoteles) upang maging tutor ang isang labing-tatlong (13) taong gulang na si Alexander, ang tagapag-mana ng trono. Pagkaraan ng ilang taon, naging hari si Alexander at tinupad ang pangarap ng kanyang ama na masakop ang “mundo”. Sang-ayon sa ilang istorya, inuutusan ni Alexander ang kanyang mga sundalo na mangolekta ng mga “biological specemens” kung saan man sila nakikipag-gyera at ipinadadala pauwi sa kaniyang tutor na si Aristoteles.
         Noong 335 B.C., bumalik si Aristoteles sa Athens at nagtayo ng sarili niyang paaralan na naging karibal ng Academia ni Platon. Pinangalanan niya itong Lyceum dahil malapit ito sa temple ng diyos na si Apollo Lyceus. Dito niya naisulat halos lahat ng mahahalaga niyang akda.
            Nang mamatay si Alexander the Great noong 323 B.C., namuo na naman sa Athens ang galit sa mga taga-Macedonia. Dito natakot si Aristoteles, na ang pagiging malapit niya kay Alexander the Great ay maaaring magdala sa kanya sa kapahamakan. Naalala niya ang trahedya na nangyari kay Sokrates, pero hindi pa siya handang maging martir tulad ng guro ni Platon, kaya tumakas siya palabas ng Athens. Isang taon pagkatapos niyang lumabas ng Athens, siya ay namatay. Una niyang naging asawa si Pythias. Nang mamatay ang kanyang unang asawa, pinakasalan niya si Herpyllis. Habang nakikipagtalik siya kay Herpyllis at ipinapadama ang kanyang pagmamahal dito, doon niya hiniling na kung mamamatay siya ay ilibing siya malapit sa libingan ng pinakamamahal niyang si Pythias. #Kaboom! #MedyoBadBoy #PogiProblems

Si Platon at Si Aristoteles
            Bago natin maunawaan ang mga astig na pilosopiya ni Aristoteles, kailangan muna nating ipaliwanag ang relasyon sa pagitan ng mga pananaw niya at ng kanyang guro na si Platon. Unang una, ang impluwensya ni Platon sa kanyang pinaka-sikat na disipulo ay hinding hindi mabubura. Sa pamimilosopiya ni Aristoteles, tinatangka niyang magbigay ng solusyon sa mga naiwang problematiko ni Platon base sa lohika at mga partikular niyang karanasan. Pero, si Aristoteles ay higante sa larangan ng pilosopiya. Hindi siya kontento na ulitin na lamang ang mga ideya ng kanyang minamahal na guro. Malikhain niyang inulit ang ilan sa mga pananaw ni Platon, at matindi naman niyang tinuligsa ang marami sa mga ito. Sa kanyang magnum opus pagdating sa usaping etika, ipinahayag niya ang matinding pangangailangang sundan ang katotohan, kahit na ibig sabihin nito ay ang masidhing pagsasa-isang-tabi ng mga itinuro ng kaibigan niyang si Platon:
It would perhaps be thought to be better, indeed to be our duty, for the sake of maintaining the truth even to destroy what touches us closely, especially as we are philosophers or lovers of wisdom; for, while both are dear, piety requires us to honour truth above our friends (NE 1.6).  

Unang una, ang pinaka-lantad na kaibahan ng dalawang higante sa pilosopiya ay sa kanilang istilo at temperamento. Kalimitan, si Platon ay tinatawag ng mga dalubhasa na idealistic, inspiring, otherworldly, at perfectionist. Samantalang si Aristoteles naman ay realistic, scientific, this-worldly, at pragmatic. Ang mga panghuhusgang ito ay base sa mga nasulat at istilo ng pagsusulat ng dalawang nasabing pilosopo. Pero, kung talagang nakikinig tayo sa mga sinasabi ni Platon sa kanyang mga diyalogo, lapat na lapat ang mga ito sa kasalukuyan ni Platon. Karamihan sa mga literatura Platon ay komentaryo sa lipunan niyang kinabibilangan. Gumagamit siya ng mga bulgar na salita upang gawing popular ang pilosiya. Popular na ibig sabihin ay kauna-unawa sa nibel ng karaniwang tao. Samantala, ang mga taga-hanga naman ni Aristoteles ay nagbasa ng mga teknikal na sinulat niya na talaga namang sinulat para sa publikasyon. Parang ipinagkukumpara ng iba ang mga nasulat ni Bob Ong (na ang target audience ay masang Pilipino) at ang mga nasulat ni Dr. Co (na para naman sa mga may hilig sa pilosopiya). Ganunpaman, ang mga mambabasa ni Aristoteles ay makararanas ng pagka-antok at madalas kailangang magbukas ng encyclopedia sa pilosopiya. Sabi nga ng pilosopong si Arthur Schopenhauer, ang karanasan niya sa pagbabasa kay Aristoteles ay isang “brilliant dryness” (The World as Will and Idea, 2).  
        Sanasabing dalawa lamang ang tradisyon sa pilosopiya; kung hindi ka Platonist, e di isang kang Aristotelian. Kahit na hindi dapat natin ipag-isang-tabi ang pagkakatulad nina Platon at Aristoteles, magkaiba talaga ang kanilang sistema at paninindigan.


Ang imahe sa ibabaw ay galing sa painting ni Raphael na School of Athens, na malikhaing nagpapakita ng kaibahang pilosopikal nina Platon at Aristoteles. Si Platon ay nakaturo sa itaas, sa lampas-sa-mundong-ito na mundo ng Totoong totoo (Forms). Samantalang si Aristoteles naman ay sumi-senyas pababa, sa paghahanap ng totoo (forms) dito mismo sa natural na mundo.  

Pag-iisa-isa
            Kung si Platon ay nakatuon ang atensyon sa kabuoan ng Katotohanan, ang kanyang estudyanteng si Aristoteles ay nahilig (inclined) sa pag-iisa-isa ng mga detalye. Pero, malawak itong kinagagalawan ni Aristoteles. Itong kanyang pamamaraan at istilo ng pag-iisip ay makikita sa lahat ng larangan na kanyang pinasok: biolohiya, lohika, pisika, hermeneutika, retorika, etika, pulitika, at maging sa malalim na kabuoan ng metapisika. Pag-iisa-isa sa mga detalye ang talagang istilo niya. Mistulang hinahanap niya ang unibersal sa mga partikular.
        Para kay Aristoteles, maling diskarte ang pag-aaral ng mga abstraksyo na hiwalay sa mga kongkretong halimbawa. Hindi nga raw mauunawaan ang “kalayaan” kung hiwalay ito sa tunay na karanasan ng pagiging malaya. Ibig sabihin, kung gusto nating matutunan ang kahulugan ng “kalayaan”, mas mainam na siyasatin (isa-isahin) ang mga karanasan ng partikular na taong malaya. Hindi nga raw ginagamot ng isang doktor ang sakit na kanser, kundi ang partikular na may-sakit na si Pedro o si Juan.
            Kung si Platon ay pinapaiiwas ang kanyang mga estudyante sa nibel ng karanasan, si Aristoteles ay nagsasabing ang isang taong puro teorya at kulang sa karanasan ay walang tunay na alam. Ibang iba nga raw ang “kaalamang-larawan” sa “kaalamang-karanasan”. Maaaring alam nating naghihirap ang mga tao sa Tacloban. Pero, ibang iba pa rin ang kaalaman ng mga taong naranasan ang ibig sabihin ng “kahirapan ng mga tao doon sa Tacloban”. Ang karunungan, samakatuwid, ay nagsisimula sa karanasan ng mga partikular na bagay. Hindi pa nga raw tayo sigurado sa ating mga nakikita, anong kalokohan itong uunahin pa natin ang mga bagay na hindi natin nakikita!? Parang ganito: paano mo malalaman na minamahal ka ng isang tao, kung wala kang nakikitang kongretong tanda ng “pagmamahal” sa kanya? #Hugot
            Nguni’t, hindi dito natatapos ang istorya ng itinuturong pamamaraan ni Aristoteles. Mahalaga ang pandama, pero hindi doon natatapos. Maging ang aso kong si Bantay ay nakararanas ng amoy, gaspang, at lasa ng bagay na nararanasan niya (tulad ng pag-ngata niya ng isang buto), pero wala siyang totoong kaalaman base sa sinasabi ni Aristoteles. May kakayanan ang taong ikumpara ang kanyang naranasan base sa isang mas pundamental na katotohanan.
            Upang mas maunawaan natin, pwede siguro nating pag-ibahin ang interes ng isang painter, ng isang hardenero, at ng isang syentipiko sa isang puno. Ang isang alagad ng sining ay may hilig din sa mga detalye ng puno. Nahuhumaling siya marahil sa iba’t ibang kulay ng mga dahon, iba’t ibang kurba ng puno at sanga, at gaspang ng mga balat nito. Ang isang hardenero naman, sa ibang banda, ay alam kung anong partikular na pampataba o fertilizer ang makakapag-payabong dito; anong klaseng pruning (pag-gugupit o pagtatalas) ang makakapagpadami ng bunga nito. Recipe ang tawag. “Gawin mo ito, ito ang magiging resulta.” Alam niya ang paraan para magkaroon ng gusto niyang resulta, pero hindi niya lubusang alam kung paano ito nangyayari. Ngayon, ang isang syentipikong nag-iisa-isa o nag-iisip tungkol sa puno ay hindi lamang interesado sa partikular na punong kanyang sinisiyasat. Sa halip, bukas rin ang kanyang isipan sa mga unibersal na prinsipyo. Nasa kanya ang pagnanais na maunawaan ang isang partikular na bagay sa pamamagitan ng relasyon nito sa unibersal. Ano ang kaibahan nito sa nauna na niyang karanasan ng isang puno? Sa mga terminolohiya ni Aristotle, sinisiyasat ng isang pilosopo (gamit ang abstraksyo o paghihiwalay-hiwalay) kung alin sa mga ito ang esensyal (hindi maaalis sa bagay na pasok sa ganitong hangganan) at kung alin ang aksidenteng katangian lamang (katangian na maaaring wala). Sa pagsisiyasat na ito, mahalaga ang pagka-diskobre ni Aristeteles sa lohika bilang instrumento na mag-gagarantiya ng eksakto at walang dudang katotohanan.

Telos
            Ang pilosopiya ni Aristoteles ay nagpapakita ng kaayusan sa mundo. “Bumabagay ang mga bagay.” Ang itlog ng manok ay nagiging manok at hindi nagiging kalabaw. Ang buto ng sitaw ang nagiging halamang sitaw at hindi punong kawayan. Itong kaisipan na may dahilan (telos) ang mga bagay bagay ang tinatawag na teleolohiya. Galing sa salitang Greyego na telos, ibig sabihin ay tinutunguhan (end/goal).
            Ngayon, ang pagpapakatao ay isang gawain. Ang lahat ng gawain ay may telos. May kalikasan sa taong tumungo sa kaligayahan: eudaimonia. Ibig sabihin, “Ang taong maligaya ay may buhay na maganda ang daimon”[1] Pero, iba’t iba ang akala nating magpapaligaya sa atin. Mayroong nag-aakalang makukuha ang kaligayahan sa nibel ng laman. Ang iba naman ay sa pamamagitan ng pagkakamal ng maraming pera. O di kaya ay sa pagbubuo ng magandang pangalan sa lipunan.
            Pero, ang mga nasabing pamamaraan ay naglalagay sa tao sa matinding delikadong pagka-bitin. Isa sa esensyal na karakter ng isang tao ang pagiging malaya. Kung naka-base ang kaligayahan sa ibang bagay, tulad ng laman, pera, at pagtingin ng ibang tao, hindi ka na kumikilos nang malaya. At binabasag mo ang iyong pagka-taong malaya. May naidudulot ngang ligaya ang laman, pera, at reputasyon, pero bitin na bitin kumpara sa maibibigay na ligaya ng pagiging isang ganap na tao.

Etika: Ang Arete ng Pagpapakatao
            Ang pinaka-kompletong aklat ni Aristoteles tungkol sa etika ay may pamagat na Nicomachean Ethics (may kaugnayan sa pangalan ng kanyang tatay at ng kanyang anak). Isa ito sa mga klasiko pagdating sa pilosopiyang moral at hanggang ngayon ay isang maimpluwensyang pananaw. Hindi naman nagbibigay si Aristoteles ng kompletong recipe pagdating sa pagpapaka-mabuting-tao. Sa tingin niya, wala namang makapagbibigay ng ganito. Na sabihing, “gawin mo ito o iyan, at magiging mabuti ka na!”

Kaligayahan
            Sinimulan ni Aristoteles ang kanyang aklat sa isang obserbasyon na ang lahat na kilos ng tao ay mayroong mga ninanais na kahahantungan. Ngayon, ang ibang kilos ng tao ay ginagawa lamang para sa iba pang mas mataas na hangarin natin. Halimbawa, nagpapakapuyat ang isang estudyante hindi dahil sarap na sarap siya sa pagpupuyat. Mas madalas ginagawa ito ng isang estudyante upang makapasa sa exam sa Logic, halimbawa. Ginagawa niya ito upang makapasa sa kurso, para makatapos sa pag-aaral, magkaroon ng Bachelor’s Degree sa larangan ng pilosopiya, at balang araw ay magkaroon ng maayos na trabaho. Mahalaga ito sa kanya dahil magbibigay ito ng pagkakataon para siya ay kumita ng pera, at marami pang iba. Subalit, itong sunod-sunod na “hangarin” ay hindi pwedeng walang katapusan. Kaya nga, ang pinakamahirap sagutin sa mga katanungan ng buhay ay “ano ba ang totoong gusto ko sa buhay ko?” “Para saan ba ang mga ginagawa ko sa buhay?” “Saan ako makakahanap ng kahulugan?”
            Ang sagot dito ay madali lamang: ang talagang nais ng isang tao ay kaligayahan. Ang ginamit na termino ni Aristoteles para dito ay eudaimonia. Saan nga ba nagtatago si happiness? Malimit natin itong naitatanong lalo na sa panahong “emo” tayo. Saan ba mahahanap ang mistulang nakatagong kaligayahan? Kasama ba ito sa mga pwedeng bilhin ni Anne Curtis, kasama ang isang artista at ang buong bar?
            Para sa mga sinaunang Griyego, sa dahilan ng isang bagay nakadepende ang tunay na kahulugan. Ito rin ang basehan ng mabuti at masama ng isang bagay. Ang isang mabuting karpentero ay yuong ginagampanan ang kanyang tungkulin sa pagkakarpentero. Ang isang maayos na mata ay iyong maayos ang paningin. Ganon rin, ang isang mabuting tao ay nangangahulugan ng pagtupad sa kanyang pagiging isang tao. Ano naman yan? Ano ang bumabagay sa isang tao? Ano itong kilos na naiiba at nagpapaiba sa atin kumpara sa ibang nilalang?
            Sigurado, hindi ito sa pagpapasarap. Sapagkat kahit ang mga hayop ay mayroon ring ganitong oryentasyon. Sa huling bahagi ng kanyang aklat, sinabi ni Aristoteles:

Happiness, therefore, does not lie in amusement; it would, indeed, be strange if the end were amusement, and one were to take trouble and suffer hardship all one’s life in order to amuse oneself. For, in a word, everything that we choose we choose for the sake of something else—except happiness, which is an end. Now to exert oneself and work for the sake of amusement seems silly and utterly childish (NE, 10.6).

Sa pagsasabing ang “sarap” ay hindi katumbas ng “kaligayahan”, gustong sabihin ni Aristoteles na ang pagkahilig sa mapagpasarap na buhay ay delikadong bisyo. Kusang darating ang “sarap” sa isang taong mabuti. Pero, kung “sarap” o “aliw” ang pinagtutuunan mo ng pansin, kapag ito ang parati mong hinahanap, hindi mo na rin malalaman kung ano ang dapat.
            Ngayon, para saan nga ba ang buhay ng isang tao? Sinagot ni Aristoteles ang katanungang ito sa isa sa pinaka-sentro ng kanyang etika: “We state the function of man to be a certain kind of life, and this to be an activity or actions of the soul implying a rational principle, and the function of a good man to be the good and noble performance of these” (NE 1.7). May ilang mahahalagang punto sa mga pangungusap na ito ang kailangang bigyan ng paliwanag. Una, hindi tayo ang nagbigay ng “dahilan” sa ating buhay. Ang dahilan ng buhay ng tao ay andyan na kasama ng ating pagiging tao. Itong “dahilan” na ito ang kondisyon ng posibilidad na maging iba tayo sa mga bato, halaman, hayop, whiteboard marker, computer, at iba pa. Pangalawa, gustong sabihin ni Aristoteles na ang kahulugan ng buhay ng isang tao ay nakasalalay sa gawaing pagpapakatao, isang gawaing nangangailangan ng kahusayan o excellence. Ang kaligayahan ay hindi natutulog sa pansitan, sa halip ito ay natatagpuan sa pagsasagawa ng maayos na buhay. Katulad ng isang koponan. Hindi isang panalo lang, kampeon ka na. Ganon rin daw sa buhay ng tao. Hindi isang araw ka lamang nagpapaka-mabuting tao, bukas hindi na. Kailangan nito ng kahusayan na nakukuha sa pagsasanay araw araw na buhay.
            Pangatlo, ang paglalarawan nito ng kahulugan ng buhay ay nangangahulugan ng isang uri ng buhay na naaayon sa isang plano o istratehiya na ginagabayan ng katwiran. Kaya nga, ang maayos na buhay ay hindi lamang puro gawa. Parating magkasama ang pag-iisip at pagsasagawa. Iyan ang tinatawag ng mga sinaunang Griyego na techne, “pag-unawang gumagawa at paggawang umuunawa.”

Arete: Nakasanayan Karakter
            Ang isang mabuting tao ay hindi lamang gumagawa ng mabuti, sa halip, sa pamamagitan ng pagsasanay, siya ang taong tinubuan ng disposisyon o kasanayan sa paggawa ng mabuti. Maiisip natin ang isang nagbabayad ng tamang buwis—hindi dahil maluwag iyon sa kanyang kalooban, kundi dahil ayaw niyang mahuli ng gobyerno. Ang isang totoong moral na tao, para kay Aristoteles, ay masaya at laging handang huwag mandaya ng buwis dahil alam niya itong tama. Kaya nga, ang isang nahubog na ang moralidad ay nakikita sa kanyang mga motibasyon, mga hangarin, mga gusto, at mga hindi gusto. Ang isang mabuting tao ay natutuwa sa mabuti, at napapangitan sa masama. Parang isang dalubhasang musikero na aliw na aliw sa magandang musika, pero sumasakit naman ang tenga sa mga basurang tunog.
            Ang konsepto ng mabuti ay pwedeng matutunan sa eskwela, pero ang tunay na karakter ay natututunan sa pamamagitan ng pagsasagawa. Isa nga itong phronesis. Isang praktikal na karunungan. Parang sa pamimisekleta. Maaaring matutunan ang mga pundamental na konsepto ng pamimisekleta sa pamamagitan ng “salita ng isang tagapag-turo”. Pero, hinding hindi ka makakapamisekleta kung hindi ka mamimiseklata. Hawig dito ang pagpapakabuting tao. Kung gusto mong magkaroon ng lakas-loob, kailangan ng paulit-ulit na pagsasanay ng lakas-loob. Kung gusto mong maging “studious”, hindi pwedeng hindi ka mag-aaral. Mahalaga nga ang pagsasanay sa mga gawaing moral.
           
Arete: Ang Meson
            Kung ang mabuti ay nasa pagsasanay, ano ang dapat pagsanayan ng isang nagpapakabuting tao? Dito pumasok ang konsepto ng meson o medyo-medya (the doctrine of the mean). Ang medyo-medya ay nasa pagitan ng dalawang kalabisan. “Moral virtue is concerned with passions and actions, in which excess is a form of failure, and so is defect, while the intermediate is praised and is a form of success” (NE 2.6). Sa madaling salita, ang isang mabuting tao ay gumagalaw sa pagitan ng dalawang kalabisan. Hindi bago ang konsepto ng “moderation” sa mga sinaunang Griyego. Kahit sina Homer ay may ganitong konsepto. Pero, si Aristoteles ay nagibay ng kanyang kakaibang pormulasyon.

Kilos
Bisyo (sobra)
Birtud (medyo-medya)
Bisyo (kulang)
Tapang sa pagharap sa panganib
Walang ingat
Matapang
Duwag
Pagdanas ng sarap
Makasariling paglalayaw
Mahinahon
Kill-Joy
Pagbibigay ng pera
Bulagsak sa pera
Pagiging bukas-palad
Madamot
Pagsasabi ng totoo tungkol sa sarili
Kayabangan
Totoo sa sarili
Pagpapababa sa sarili
     
Ang mga halimbawa sa itaas ay nagpapakita ng ideya ni Aristoteles tungkol sa totoong mabuti. Ang walang ingat, ang duwag, at ang matapang ay lahat natatakot. Ang walang ingat ay nagkukunwaring walang takot, at mamaya’y susugod bigla bigla. Ang duwag ay walang pagpigil sa takot. Siya ang kinokontrol ng takot. Ang matapang naman ay hinaharap, inaangkin, at dinisiplina ito upang magawa niya ang mabuti at maiwasan ang kahihiyan. Ang totoong matapang ay hindi padalus-dalos. Hindi porke’t hindi lumalaban ay duwag. Kung minsan, ang taong matapang ay tinatatawag ng pagkakataong h’wag munang umimik o lumaban. “Kung ang taong nagtitiis at natatakot sa nararapat, dahil sa tamang dahilan, ayon sa paraan at panahon na nararapat… iyong taong iyon ay matapang” (Mga Sinaunang Griyego, 126).

Itong medyo-medya (mean) ay hindi katulad sa matematika na matatagpuan sa kalahati. Kung ibibigay ko, halimbawa, lahat ng pera ko sa kawang-gawa nagpapakita ito ng kabulagsakan sa pera. Kung hindi naman ako magbibigay at mayroon naman akong pwedeng ibigay, kadamutan naman ang tawag doon. Pero, hindi ito nangangahulugang ibibigay ko ang kalahati ng aking mga ari-arian sa kawang-gawa at tapos na ang istorya; mabuting tao na ako. Kaya nga, hindi sapat na alam natin ang ideya ni Aristoteles na ang mabuti ay nasa gitna ng dalawang sobra. Paano iyon malalaman? Paano natin malalaman ang mabuti sa partikular na sitwasyon?
            Ang masasabi lamang ni Aristoteles, “it is determined by a rational principle, and by that principle by which the man of practical wisdom would determine it” (NE 2.6). Sa puntong ito, makikita natin ang koneksyon ng “karunungang intelekwal” at “karunungang praktikal”. Ang isang taong may praktikal na karunungan ay kayang manimbang kung ano ang nararapat gawin sa isang partikular na sitwasyon. At, mayroon rin siyang karunungan upang malaman kung paano ito isasagawa. Kailangan daw dito, ayon kay Aristoteles, ang katalinuhan at pagiging praktikal. Dito mahalaga ang mga naunang karanasan. Gumagalaw ang taong may karunungang praktikal sa mga naunang karanasan. Iba nga raw ang “karunungang-larawan” sa “karunungang-karanasan”.   
             Ang kikilatis ay ang aisthesis: isang uring pagtanaw at pagdama. Hindi masusukat, kundi matatanaw lamang at madarama ang gitna, sapagkat ang pinaka-gitna ay walang pagmamalabis o pagkukulang. Sapagkat ang gitna ay isang uring sukdulan. Ganyan ang pagka-gitna ni Aristoteles, ang tanyag na mesotes.  


Emmanuel C. de Leon
Departamento ng Pilosopiya
UST-Faculty of Arts and Letters



[1] Roque J. Ferriols, S.J., Mga Sinaunang Griyego (Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 1992), 123. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento