Sabado, Abril 12, 2014

SI PLATON: ANG PAGHAHANAP SA TOTOONG-TOTOO


I. Buhay ni Platon: Estudyante na naging University President
            Noong hinatulan ng kamatayan si Sokrates, ang kanyang estudyanteng si Platon ay tatlumpong (30) taong gulang. Itong kamatayan ng kanyang guro, na may bahid ng pulitika, ay maaaring sabihing isa sa pinakamahalagang yugto sa buhay ni Platon. Sa pagdinig ng kaso ni Sokrates, nagmungkahi si Platon at tatlo pa nilang mga kaibigan, na magbayad na lamang ng malaki-laking halaga ng pera bilang alternatibo sa parusang kamatayan. Pero, sa laking dismaya ni Platon, ang buhay ng kanyang guro na itinuturing na pinaka-matalino at pinaka-moral na tao sa Athens noong kapanahunang iyon, ay nauwi sa isang trahedyang pagtatapos. Hindi maitago ni Platon ang kanyang pagkadismaya sa isang linya sa Phaedo:

Such was the end….of our friend, who was, I think, of all the men of our time, the best, the wisest, and the most just.

Dahil sa pangyayaring ito, maraming tanong ang nabuo sa isipan ni Platon. Anong klaseng lipunan ito na hindi kayang konsentihin ang isang Sokrates sa kanyang piling? Anong klaseng lipunan meron dapat tayo upang mamayani ang mga pilosopikal na pananaw sa mga gawain ng tao? Ano ang hustisya? Bakit kailangang maging mabuti? Ang mga ito ang magiging laman ng kanyang pag-iisip sa kanyang pamimilosopiya.

            Wala siguro sa plano ni Platon ang maging isang pilosopo. Ipinanganak noong 428 o 427 B.C. sa isang aristokratikong pamilya sa Athens, pinag-aral siya at inihahanda para maging isang dakilang pulitiko. Matapos ang trahedya ng pagkamatay ni Sokrates, nagdisisyon si Platon na ilaan ang kanyang lakas at buhay sa pamimilosopiya. Nagtatag siya ng isang eskwelahan na tinawag na Academia (Academy), alay sa kaluwalhatian ng bayaning si Academus. Inialay niya ang kanyang mga panahon sa pagtuturo at pagsusulat. Isa sa pinakasikat sa kanyang mga sinulat ang Politeia (kalimitang isinasalin sa salitang ingles na Republic). Sa aklat na ito, sinasabi niyang hindi magkakaroon ng hustisya sa isang lipunan hanggat hindi ito pinamumunuan ng isang taong may pilosopikong pananaw, o hindi kaya ay magkaroon ng pilosopikong pananaw ang isang pinuno.

II. Layunin ni Platon: Gawing Komprehensibo ang Pilosopiya
            Hawig sa tinatahak ng kanyang gurong si Sokrates, mayroon ring matinding interes si Platon sa mga katanungang etikal. Kaso nga lamang, ang tadhana ni Sokrates ang magbibigay sa kanya ng reyalisasyon na ang isang mabuting tao ay hindi makaka-agapay kung hindi muna babaguhin ang isang lipunan. Kaya nga, masasabi nating malaking bahagi rin ng pilosopiya ni Platon ang tungkol sa pulitika. Pero, lahat ng mga ito ay naka-angkla sa kanyang pangunahing adhikain na maunawaan ang totoong totoo sa mga bagay bagay. Dahil dito, malaking porsyento ng kanyang pag-iisip ay nakatoon rin sa mga tanong sa metapisika at epistemolohiya.

Epistemolohiya: Rason vs. Opinyon
            Bago natin matutunan ang epistemolohiya ni Platon, kailangan muna nating banggitin ang mga bagay na hindi niya pinaniniwalaan. Ang una niyang gustong gawin ay tuligsain ang relatibismo ng mga Sophist. Para kay Platon, ang lipunan natin ay dapat nakasandig sa tunay na karunungan at hindi sa kanya kanyang opinyon sa madla. At ang karunungang ito ay unibersal (totoo sa lahat nang tao, panahon, at pagkakataon). Pangalawa, sinusubukan niyang alisin sa atin ang sobrang pagtitiwala sa ating mga pandama. Ang uring karunungan na kailangan natin, sang-ayon kay Platon, ay parating totoo (eternal) at hindi nagbabago (unchanging); at hindi natin makukuha iyon sa pabago-bagong karanasan. At panghuli, ipinaglalaban niyang ang isang kaalaman (knowledge) ay hindi lamang totoong-paniniwala o haka-haka, sapagkat ito dapat ay nakabase sa rasyonal na pangangatwiran.

Note: pag-aaralan ninyo ang mga ito sa susunod na semestre; sa Epistemology class. Dahil sa kakulangan ng oras, hindi natin ito lubusang pagtutuunan ng atensyon.

Politeia II: Ang Singsing
            Ang Politeia na iminumungkahi ni Platon ay nilalagay niya sa bibig ni Sokrates.[1] Malayong malayo ang edad ng Sokrates ng Apologia sa Sokrates ng Politeia. Bata pa si Sokrates dito. Sa unang libro ng Politeia, inihanda ni Platon ang magiging pagmumuni-muni sa diyalogo. Tungkol ito sa dike (katarungan). Isinulat ito ni Platon sa paraang nag-uusap-usap ang mga karakter. Isa itong diyalogo. Nag-uusap-usap sila tungkol sa mga “institusyon”.
Katulad nina Foucault, Heidegger, at Nietzsche, may pagka-kritikal si Platon sa mga institusyon sa ating lipunan. Kailangang imbestigahan ang mga institusyon, upang sa ganun ay maihawalay ang totoo sa hindi totoong sistema. Hindi naman ibig sabihin lahat na sistema ay bulok. Pero, kailangang kilatisin lahat, upang makapagsimula si Platon ng isang ideyal na Politeia. Para kay Platon, ang lipunan ay ang pinalaking tao.[2] Kung magulo ang mga institusyon sa lipunan, magulo rin ang buhay ng isang tao.  
             
        Dito sa ikalawang aklat ng Politeia, inilalahad ni Sokrates ang kanilang pag-uusap ni Glaukon. Nagsimula si Glaukon sa isang eksperimentong pag-iisip (thought experiment). Kung bibigyan ng parehong kapangyarihan ang mabuti at ang masama na gawin ang anumang gusto nilang gawin, may kaibahan kaya ang resulta?
            Para mas patindihin pa ang problemang gusto nilang sagutin, nagkwento si Glaukon tungkol sa isang pastol na nagngangalang Gyges, alipin ng namumuno noon sa Lydia. Nagkaroon ng isang kalamidad habang nagpapastol si Gyges; matagal umulan nang malakas at lumindol. Bumitak ang lupa at nagkaroon ng malalim na bangin. Nakita niya, nagtaka, at bumaba siya upang tingnan ang mga kataka-takang bagay sa ilalim. Mayroon pa raw kabayong bronse na binabanggit sa kwento. Yumuko raw siya at may nakitang bangkay na walang saplot at suot lamang ang isang singsing, kinuha niya ang singsing at umalis.
         Ugali raw ng mga pastol ang magpulong bawat buwan upang iulat sa hari ang kalagayan ng mga kawan. Dumalo raw si Gyges dito suot ang singsing. Umupo siya sa gitna ng mga pastol at nang pinihit niya ang singsing paloob, siya ay naglaho. At pinag-usapan siya ng mga pastol na para bagang nakaalis na siya. At nang pinihit niya ulit ang singsing palabas, nakita na siyang muli. Nagulat siya at nag-isip isip. Sinubukan niya ulit nang maraming beses at pareho ang resulta. Pihit paloob, mawawala. Pihit palabas, sisipot siya. Agad niyang pinatay ang sugo ng hari. Nakiapid daw si Gyges sa asawa ng hari at nagkaisang patayin ang hari upang makuha ang poder ng kaharian.
            “Ngayon,” sabi ni Glaukon, “kung may dalawang singsing na ganito, isuot mo iyong isa sa mabait at iyong isa naman sa masama. Sa karaniwang pag-aakala walang magiging sintigas ng bakal na mananatili sa pagkamabait.”[3] Malakas ang loob ng sinumang may kakayahang maging malaya sa paningin ng publiko. Dahil nga wala namang makakakita sa kanya, maaari na siyang pumasok sa isang lugar na hindi naman niya pwedeng pasukan, kunin ang isang bagay sa tindahan at hindi na bayaran, makinig sa pribadong usapan ng iba, pumatay ng tao na hindi mahuhuli, at marami pang iba. Mag-aasal diyos ang taong may ganitong kapangyarihan. Mayroon kayang taong napakabuti na hindi malalamon ng ganitong klaseng kapangyarihan?
          Ganito nga raw ang karaniwang kalagayan ng pagpapakabuti ng tao. “At masasabi na ito ang matunog na tanda na walang mabait na kusang loob, kundi sapilitan. Sapagkat walang mabuti ang sariling laya.”[4] Napipilitan lamang tayong gumawa ng mabuti upang gawan rin tayo ng mabuti ng iba. Pero, kung may tyansa tayong pumili sa mabuti at masama, mas madalas pipiliin natin ang masama lalo na at walang nakakakita sa atin.
            Kung iisipin natin, tama nga. May mga karanasan tayo na mag-isa sa loob ng ating kwarto, at kung anu anong kabulastugan ang ating naiisip gawin. Sabi nga, “Idle mind is the house of temptation”. Kung talagang nakikinig tayo kay Platon, maaaring sinasabi niyang mahalaga ang visibility sa gawaing moral. Hindi maaaring walang nakakakita sa atin. Hindi maaaring malayang malaya tayo sa paningin ng ibang tao.
           Tulad sa ating gobyerno. Kung walang pakialam ang publiko sa mga ginagawa ng mga opisyal ng ating gobyerno, malamang lamang nga na gumawa sila ng masama tulad ng pagnanakaw sa kaban ng bayan. Kaya mahalaga ang transparency at social accountability.     

Bakit kailangan maging mabuti?
            Malaking porsyento ng kaisipan ni Platon ay tungkol sa tanong sa hustisya. Sa karaniwang pananaw, ang hustisya ay tungkol sa pagiging patas at walang kinikilingan. Kaya nga nakapiring ang musa ng hustisya at tangan tangan ang balanse. Pero, sa pilosopiya ni Platon, ito rin ay isang kalidad na nasa loob ng isang may-kaayusang kaluluwa (psyche). Sa ganitong pananaw, ang isang makatarungang tao ay ang mabuting tao.
           Sa kanyang Politeia, inilahad muna niya ang pag-iisip ng mga mapagduda sa kahalagahan ng hustisya at pagpapakabuti. Tinatanong nila, “Bakit ba talaga kailangang maging mabuti?” Sa ibang salita, bakit pa kailangang magpapakabuting tao? Kung ang mabubuting tao ay pinapatay, walang impluwensya, naghihirap, at naiisang-tabi? Sa kabilang banda naman, ang mga gumagawa ng masama ay yumayaman, may kapangyarihan, maimpluwensya, at namamayani sa ating lipunan? Bakit natin pipiliin ang pagiging mabuti kumpara sa masarap na buhay ng pagiging makasarili? Hindi ba mas makakabuting maging masama at hangaan ng publiko? O kung mas palalawakin natin ang mga tanong ni Glaukon, “Paano kung walang kabilang buhay o langit para gantimpalaan ang ating mabubuting gawain?”
         Hindi ba’t ang mga ito ang patunay na ang dahilan lamang natin sa pagpapakabuti ay upang magkaroon ng magandang reputasyon at mga panlabas na gantimpala (sa buhay na ito o sa kabilang buhay)? Mayroon bang malalim na dahilan ang pagpapakabuti?
            Kahit na sa ikalawang aklat ng Politeia naitanong ni Glaukon itong tanong tungkol sa kahalagahan ng pagpapakabuti, halos buong libro ay tungkol sa pagsagot sa masalimuot na katanungang ito. At bilang tipikal na Griyego, humugot siya ng sagot galing sa essensya o pagiging ng isang tao. Ano ba ang isang tao? Sapagkat para sa mga Griyego, ang kabutihan ng isang bagay ay nakadepende sa kanyang kadahilanan.
Hindi nagbibigay si Platon ng mga pamantayan, “gawin mo ito; hwag mong gawin iyan.” Kinilatis muna niya ang mabuti sa isang tao at kung bakit ito ang dapat nating pagtuunan ng pansin sa ating pagpapanday ng buhay.   

Ang Mabuti at Ang Tao
            Para kay Platon, ang talagang tao ay ang kanyang psyche, kalimitang isinasalin na “kaluluwa”. Subalit, kailangan nating maging maingat at huwag isiping katulad ito ng terminolohiyang ginagamit sa tradisyonal na relihiyon. Sa lenguahe ni Platon, ang “kaluluwa” ay mas mainam isiping ang “sarili”.
            Kung susuriin raw natin ang kaloob-looban ng ating kaluluwa (introspection), kung talagang dadanasin natin ang kaloob-looban natin, makikitang hindi ito nagkakaisa. May mga naglalabanang pwersa sa ating mismong kalooban. Parang sinasabi ni Platon na mayroong ibang ibang elemento o faculty ang isang kaluluwa. Subalit, kahit na tinatawag niya itong “mga parte ng kaluluwa”, hindi dapat natin itong itulad sa konsepto ng “mga parte ng isang makina”. Sa halip, ang inilalarawan ni Platon ay tungkol sa mga naglalabanang pagnanais (desire) o sa linguahe ng mga psycho-analyst, types of psychological drives.

            Isang paglalarawan. Isipin mo, halimbawa, may isang uhaw na uhaw na tao. Desperadong desperadong uminom ng tubig. Pero, dahil alam niyang may lason ang tubig, hindi niya ito iinumin. Ipinakikita ng nasabing sitwasyon na mayroong dalawang naglalabanang pagnanais. Ang unang bahagi ang “pang-gana” (appetite; appetative part of the soul). Kalimitang may relasyon sa mga pangangailangan ng katawan, tulad ng pagnanais sa pagkain, inumin, at pakikipagtalik. Ang “pang-gana” ang humihila sa atin sa direksyon ng makalupang pagpapasarap. Sa bulgar na salita ni AiAi delas Alas, ito ang mga pangangailangan ng ating katawang-lupa.
            Pero, mayroon ring nag-iisip na parte ng kaluluwa, na malimit pinipigilan ang mga pagnanasa ng “pang-gana”. Ito ang boses ng katwiran sa loob ng isang tao. Ang elementong ito ay mayroon ring mga pagnanasa, pero ang mga pagnanasang ito ay makatwiran. Ito raw ang pinanggagalingan ng kahiligan (inclination) ng tao sa katotohanan at pamimilosopiya.
            Parang nakapasimple ng paggalaw ng isang tao. Paglalabanan ng makamundo at makalangit na pagnanasa. Subalit, may itinuturong pangatlong parte ng kaluluwa si Platon. Ito ay ang ispiritu ng tao. Ang terminong ispiritu ay hindi dapat lagyan ng bahid ng relihiyon. Ito ang sentro ng pagkilos ng isang tao. Pinapakita niya ang kanyang sarili sa galit, ambisyon, lakas ng loob, o sa tiwala sa sarili. Ang ispiritu ay ang bukal ng mga emosyon. Iba ito sa mga naunang parte ng kaluluwa dahil tumatanggap ito ng utos galing sa kanila. Pwedeng makinig ang ispiritu sa makamundong parte ng kaluluwa at magalit na lamang nang walang rason. O kaya ay gamitin ang emosyon ng galit sapagkat kinakailangan ito ayon sa katwiran. Samakatuwid, ang isipiritu ay naninimbang sa pagitan ng makamundong “pang-gana” at makalangit na “katwiran”.
            Sa Phaedrus, ginagamit ni Platon ang talinghagang ito:

Ang kaluluwa ng tao ay isang kutserong nagpapatakbo ng dalawang may pakpak na kabayo. Matalino ang isang kabayo at lumilipad ng patungong langit upang maabot ang liwanag ng katotohanan at kabutihan. Galing sa masamang lahi naman ang kabilang kabayo, at dahil sa pagkalimot at pagkakasala, winala ang kanyang pakpak at nahulog sa lupa upang magkatawang tao. Kaya naman, may mga makalangit at makalupang kagawian na naglalabanan sa diwa ng tao. Ang pagsasakatawan ng tao ay isang di-kanais nais na aksidente at isang malupit na pagbibilanggo sa malaya at dalisay na kaluluwa.[5]

Gamit ang mga pundasyon ng sikolohiya, tinuturo ni Platon ang pagpapakabuti. Dito niya inilahad ang mga arĂȘte (birtud): karunungan, lakas-loob, pagtitimpi, at hustisya. Sa lahat nang ito, kailangan ng pagkontrol ng katwiran. At ito ang kondisyon ng posibilidad na tayo ay maging tunay na tao. Sa madaling salita, ang pagpapakatao para kay Platon ay nakasalalay sa kakayanan ng psyche (ng mismong tao) na kontrolin ang kanyang sarili.
            Sa simula, tinanong natin: “Bakit kailangang maging mabuti?” Kung talagang nakikinig tayo ng mataimtim kay Platon/Sokrates, tatanungin tayo pabalik, “Bakit kailangang may kontrol sa sarili sa halip na maging alipin ng ibang pagnanasa?” Mas gugustuhin mo bang mamayani ang halimaw sa loob mo? Kung itatatanong natin kay Platon/Sokrates ang bakit kailangang maging mabuti, sasabihin lang niya na walang kwentang itanong pa iyan. Dahil ang tunay na tao ay mabuti; nakalimutan nga lamang niya ito.  





Ang Yungib
            Malikhaing iniulat ni Platon ang kanyang epistemolohiya at metapisika sa kanyang Alegorya ng Yungib (book vii ng Politeia), masasabing isa sa pinaka-astig na istorya sa kasaysayan ng Kanluraning literatura. Sa istorya, mayroong isang grupo ng mga bilanggo na buong buhay nila ay nasa loob ng isang yungib kung saan nakagapos ang kanilang leeg at mga kamay upang ang makikita lamang nila ay ang isang parte ng yungib. Sa likod nila, ilang hindi pinangalanang tao ang nagpapakita ng mga istatwa ng ilang mga hayop at iba pang mga bagay bagay gamit ang liwanag ng apoy. Kaya nga lamang, hindi nakikita ng mga bilanggo ang apoy at mga artipisyal na bagay. Ang nakikita lamang nila ay ang mga anino, at para sa kanila ito na ang talagang kabuuan ng realidad.
            Ngayon, isipin na lamang na mayroon daw isang bilanggo ang nakatakas/nakalaya. Sa una, ang liwanag ng apoy ay hindi maintindihan at nakakasilaw. Masakit sa mata. Maiisip niyang iyong pamilyar sa kanya na anino ang talagang totoo at ang nakikita niya ngayon ay isang nakakatakot na ilusyon.  
            Ngayon, kung siya ay mapapadpad sa labas ng yungib at makikita niya ang sinag ng araw, lalo pa siyang mamamangha (o di kaya ay lalong matatakot). Ang sikat at liwanag ng araw ay lalo pang makakapagpa-lito sa kanya. Pero, darating ang oras na masasanay na rin siya sa panibagong nibel ng katotohanan na nakikita niya. Makakakita siya ng totoong hayop, bulaklak, puno, at bituin sa unang pagkakataon, at mauunawaan niyang mas totoo ang mga may kulay at 3D na bagay kaysa sa mga anino na nakikita ng kanyang mga mata sa loob ng yungib. At maliliwanagan siya sa kaawa-awang kalagayan ng mga kasamahan niya sa loob ng yungib na limitado lamang ang kaalaman sa mga ipinapakitang anino.
            Sa kwento ni Platon, may kaugalian ang mga tao sa yungib na magbigay ng mga premyo at mga parangal sa mga taong magaling kumilala sa mga imahe ng mga partikular na anino. Gayunpaman, walang kwenta ang mga premyo at mga parangal na ito sa isang taong nakakita na ng talagang totoo. At kung babalik sa yungib ang taong ito, magiging katawa-tawa lamang siya sa mata ng mga tao doon. Iisipin ng mga dati niyang kaibigan na nawala na ang kanyang katinuan kung ikukwento niya ang totoong kulay berdeng halaman, ang dumadaloy na tubig, at ang liwanag ng araw. At sang-ayon kay Platon, kung magkakaroon sila ng pagkakataon, papatayin nila ang taong ito, kahit ang talagang gusto lamang niyang gawin ay sabihin ang totoo at palayain sila sa kanilang kalagayan (kamangmangan).

            Inilalarawan dito ni Platon ang tunay na kalagayan ng isang tao. Paniwalang paniwala tayo na totoong totoo ang mga nakikita natin. Akala natin ay talagang nabubuhay tayo sa katotohanan. Ginigising tayo ni Platon sa ating mahimbing na pagkatulog, at binabalaan na delikado ang mabuhay sa paniniwala galing sa mga walang laman na anino. Itinuturo niya ang direksyon ng talagang totoo. May bahid ng totoo ang ating mga nakikita. Pero, hindi pa ito ang talagang totoo.
            Parang sa turo ni Kristo. Nabubuhay nga tayo sa mundo. Subalit, kailangan nating lumampas pa dito sapagkat hindi ito ang tunay nating destinasyon. Ang isang taong nabubuhay sa katotohanan ay kailangang mulat at naliliwanagan ng talagang totoo. At hindi ito madali, sang-ayon kay Platon. Isa itong mahirap at mahabang pagsasanay; kasama dito ang pagtitiis sa mga panlalait at katatawanan. Subalit sa hulihan, matatanaw ang totoo at mabuti.
            Hindi nagbibigay ng konkretong pamamaraan si Platon kung paano matagpuan ang totoong-mabuti. Sa halip, itinuturo niya ang pagbalik sa sarili bilang isang kondisyon upang maalala natin ang talagang totoo. At kapag natagpauan niya ang liwanag, responsibilidad niya ang bumalik sa dilim. Hindi upang mabuhay muli sa kasinungalingan. Kundi upang paglingkuran ang liwanag; upang maging “liwanag sa dilim” (sabi nga ni Rico Blanco). Mabigat na pasanin ito. Pero, kailangan niyang gawin. Ang taong ayaw bumaba at paglingkuran ang katotohanan ay hindi pa talaga nakauunawa sa talagang totoo. Katulad ng kwento sa Ebanghelyo: Ipinakita ng Diyos sa ilang apostol ni Hesus ang mangyayari. Pinakita ng Diyos sa kanila ang katotohanan. At dahil dito, ayaw na nilang umalis sa bundok na iyon. “Magtayo na tayo ng kubol dito. Isa sa Iyo, isa kay Moses, at isa kay Elias,” mungkahi ng isa. Sabi Hesus, “Hindi mo pa alam ang iyong sinasabi.”
            Ang tunay na nakakaunawa sa totoo ay handang iwanan ang sarap sapagkat iyan ang udyok ng mabuti. Ang taong nakatagpo sa mabuti (o natagpuan ng mabuti) ay walang magagawa kundi isabuhay ito at mamuhay ayon dito. Ang katotohanan na ang nagpapakilos sa kanya. At, ganyan nga rin ang itinuturo ni Platon. Nauwi rin siya sa itinuturo ng matandang Sokrates ng Apologia, “mas mabuti pa ang maapi dahil sa mabuti, kaysa mang-api.” Bakit? Sapagkat iyan ang angkop sa tao: ang mamuhay sa mabuti. Ang isang taong taong nang-aapi ay nabubuhay sa masama na hindi naaayon sa pagiging tunay na tao. Hindi siya nagiging maka-tao. Samantalang ang inaapi sa ngalan ng totoo at mabuti, kahit siya ay pahirapan, kahit siya ay patayin, ipako pa siya sa krus, sabihan ng masasakit na salita, pagtawanan, walang kayamanan; tao pa rin siya sa mayamang kahulugan ng salitang “tao”. 
Mahirap ang sinasabi ni Platon. Pero, ito ang dapat. Ito ang mabuti. Kaya nga, parati man nating naririnig, laging totoo ang sinasabing “madaling maging tao pero mahirap magpakatao.”   



Emmanuel C. de Leon
Departamento ng Pilosopiya
UST-Faculty of Arts and Letters
      


[1] Roque J. Ferriols, S.J., “Platon: Ang Singsing at ang Yungib”, sa Mga Sinaunang Griyego (Quezon City: Ateneo de Manila University Office of Research and Publications, 1992), 108. Sa mga susunod sa sipi sa nasabing libro, gagamitin ang MSG. 
[2] “Society is man written large.” 
[3] MSG, 112-113. 
[4] Ibid, 113.
[5] Eduardo Jose E. Calasanz, “Ang Aking Katawan”, sa Magpakatao: Ilang Babasahing Pilosopiko, ed. Roque J. Ferriols, S.J. (Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 1979), 39. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento