Sabado, Abril 12, 2014
SA PAGSO-SORRY NI POPE FRANCIS DAHIL SA KALIBUGAN NG ILANG PARI
Nitong nakaraang araw, muling humingi ng paumanhin ang kasalukuyang Santo Papa ng simbahang katolika para sa mga nagawang sexual abuse ng ilang mga pari. Hindi na bago ang mga balita ng pagmamalabis ng ilang mga pari. Sa Amerika, halimbawa, mayroong mga kasong isinasakdal pa sa korte at nakukulong ang mga ito. O di kaya ay tinatanggal sa parokyang kanilang pinaglilingkuran.
Maging sa Pilipinas hindi na rin bago ang iskandalong kinasasangkutan ng mga pari. Mayroong mga nambabae, mayroon din namang na-isyu sa panlalalaki.
May isang kwento si Pete Lacaba tungkol sa isang pari at at isang doktor. Marahil hindi ito orihinal na kwento ng makatang si Ka Pete, pero sa kanyang blog ko ito nabasa:
Doktor: Padre, me magandang balita at me masamang balita. Ang masamang balita ay ito—meron kang isang pambihira at kakaibang sakit sa bayag. Pero ang magandang balita naman ay—me gamot diyan. Kaya lang, hindi ko alam kung puwede mong gawin.
Pari: Ano ang gamot, Dok?
Doktor: Sex, Padre. Kailangan mong makipagtalik sa isang babae.
Pari (saglit na mag-iisip): Payag ako, Dok. Pero sa apat na kondisyon. Una, kailangang bulag siya—para hindi niya makita kung kanino siya nakikipagtalik. Ikalawa, kailangang bingi siya—para hindi niya marinig kung sino ang kanyang kasiping. Ikatlo, kailangang pipi siya—para mahulaan man niya kung sino ang katalik niya ay hindi niya ipagsasabi sa kahit sino.
Doktor: At ang ikaapat na kondisyon?
Pari: Malaki ang boobs.
NAKAKATAWA ANG KWENTO. Pero, malimit sa totoong mga pangyayari ng pang-aabuso, ang mga naabuso ay nananatiling "bulag, bingi, at pipi" sa uri ng karanasan nilang pinagdaanan. Sasarilinin na lamang nila ang masakit na karanasan na para bang sila pa ang dapat mahiya.
Malamang kinukondena na natin sa isip natin ang mga paring nangmolestya dahil sa tawag ng laman. O mas mainam sigurong tawaging kalibugan. Sa batas ng estado, bawal ang pangmomolestya lalong lalo na kung menor ang gagawan nito. At maging sa turo ng simbahang katolika imoralidad ang ganitong mga gawain.
Pero, hindi ba't sa kasaysayan ng simbahan ay mayroong ring mga tinanghal na santo na dumaan rin sa pagsubok ng malalaswang gawain. Si San Agustin, halimbawa, ay sinasabing napaka-babaero bago ang kanyang conversion. Andyan na nga at dinadasal niya sa Diyos na gawin siyang mabait pero hwag muna ngayon ("Lord, make me chaste, but not yet!").
Patunay lamang ito na hindi pa huli ang pagbabago para sa mga nadapa sa isang yugto ng kanilang buhay. Sabi nga ni Oscar Wilde, "Every saint has a past; Every sinner has a future". Ang paghingi ng paumanhin ng Santo Papa ay isang tanda ng kababaang-loob. Bilang isang tao, mayroon tayong potensyal na magkasala, na magmintis ang ating kilos sa nararapat nitong kahulugan. Subalit, ang paghingi ng paumanhin din ang tanda ng kahandaang bumangon at bumalik sa tamang daan.
Kaya lagi kong inspirasyon si San Agustin. Minsan nang nadapa sa kalibugan, subalit pinaglabanan ito at naging santo. Sayang nga lamang at ipinasarado na yata ang Saint Augustine School of Nursing. :))
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento