Huwebes, Marso 20, 2014

PAGTATAPOS AT PAGSISIMULA ANG GRADUATION

DAHIL MAY MGA UPUANG MONOBLOC SA HARAP NG GRANDSTAND

Magsisimula na ang mga seremonya para mga magsisipagtapos sa UST. Bukas, magdaraos ng Baccalaureate Mass. Handang handa na ang mga upuang monobloc sa harapan ng grandstand. Malamang, pinaplantsa na rin ng mga graduates ang kanilang susuoting uniporme na mapupuno ng mga sulat-mensahe galing sa kanilang mga kaklase. 

Marami na naman akong makakasalubong bukas na pugto ang mata. Lungkot na lungkot dahil hindi na sila malimit magkikita ng kanilang mga dabarkads. Hindi na sila makakapag-usap ng matagal-tagal, na sa totoo lamang yung mga kaibigan din naman nila ang kalimitang pinagtsitsismisan. Kung sino ang wala, sya ang pagtatawanan. Hehe! 

Magtitira naman kayo ng luha para sa Commencement Exercises (na tinatawag naman sa UST na Solemn Investiture). Ito yung araw na magsusuot sila ng itim na toga at sumbrerong may borloloy. Tatanggap din sila ng nakarolyong papel na kunwari'y diploma dahil hindi pa nagagawa ang tunay na diploma. Hindi pa siguro napipirmahan ng Rector dahil abala sa pagmimisa at CBA negotiation. 

Marami ring imbetadong speaker na dadaanin sila sa mga quote, malakas na boses, at makisig na damit. Ilan sa kanila hindi naman sila ang nagsulat ng talumpati. Ipinasulat sa kanilang ghostwriter na dalubahasa sa cut-and-paste. Bilang pagpapakita ng appreciation, prinaktis na rin ng mga magsisipagtapos ang pagpalakpak at pagtayo. Ilan lamang yan sa mga eksena sa Graduation. Tinatawag itong "pagtatapos" sa wikang Filipino. Commencement exercises naman sa wikang ingles na ibig sabihin ay "pagsisimula". Bakit kaya ganun? Siguro nga, isa itong pagtatapos at pagsisimula.

Pagtatapos ng pagpupuyat para magbasa at gumawa ng term paper. Pagsisimula naman ng pagpupuyat para sa utos ng manager na wala namang overtime pay.

Pagtatapos ng pagsisip sa mga teacher upang makakuha ng magandang grade at maging cum laude. Pagsisimula naman ng pagsisipsip sa employer para makakuha ng mabilis na promotion.

Tapos na rin ang pagtambay sa lovers' lane, pagkain kay Ate Eva ng mga putaheng may corn at carrots, pagtulog sa de-aircon na library, at pagpapractice ng social dance sa plaza mayor. Magsisimula namang tumambay sa Starbucks para magmukang sosyal. 

Tapos na rin ang paghihirap ng mga magulang upang maigapang ang kanilang pag-aaral. Simula naman ng kanilang kalbaryo dahil wala silang makitang trabaho. O kung may trabaho man, kakarampot naman ang sweldo. 

Kaya, hwag ninyong sanang kalilimutan ang mga pangaral ng unibersidad sa inyo. Unang una na dyan ang 3Cs: Commitment, Competence, at Compassion. Kung paano kayo payayamanin ng mga yan, diskobrehin nyo na lang. Pangalawa, ipakita ninyo ang ibig sabihin ng motto ng UST: Veritas o Truth. Kahit maraming beses kayong nangopya ng inyong assignment at sa mga pagsusulit, i-push nyo pa rin ang pagiging makatotohanan. At pangatlo, Karunungang may dangal. Kapag naging OFW na kayo sa Dubai o Singapore, wag kalilimutan ang mga yan. 

Hwag nyo ring kalilimutan ang mga itinuro ng mga propesor ninyong pag-iisip na kritikal. Kung natutunan nyo talaga ang mga tinuturo nila, humanda na kayo. Malamang-lamang isusuklam kayo ng mga obispo at babansagan kayo ng Varsitarian na "Lemons and cowards". :)


Panghuli, magpapirma na kayo ng mga clearance bago pa kayo maghabol sa mga administrator na mamamasyal na sa Boracay. Good luck sa buhay! Lagi nyong tatandaan ang sinasabing kabataan ang pag-asa ng bayan. Kayo ang pag-asa ng nasa transisyong bayan. Kayo yun! Dati kami ang mga kabataan. Kaya, hwag nyo kaming tularan. :)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento