Martes, Marso 11, 2014

Sa Pagitan ng Pagdududa at Paniniwala

NAPAKARAMING PAKPAK


Tinigilan ko na
ang kahumalingan ng pakikipagmagalingan sa Diyos.

Napakaraming kapwa ang dapat mahalin,
pagyamanin at mapagyaman din;
Napakaraming pagkakataon na makisalamuha,
upang makihati sa Buhay na kamangha-mangha;
Napakaraming talento at aginaldo
upang dumunong at gamitin ng wasto.

Subalit
sa napakaraming kaya kong gawin;
Mistula akong bawang na sahog sa bawat ulam--
Walang sariling maihahain
Dahil sa aking pagmamagaling.

Matipuno akong naghahangad lumipad
Sa bawat regalo Niyang pakpak,
Ngunit nagdulot ito ng sugat
Dahil sa magkakatunggaling pigkas.

Ito ba?
Ganito ba talaga dapat?

Nabasag ang katahimikan ng simpleng katotohanan--
Hindi kayang kamkamin ng aking mga kamay,
Lahat Niyang kaloob na nais kong isupot.

Napakaliit ng aking mga kamay.

At sumuko na rin ang napapagal kong puso:
Sa unang pagkakataon nakita ko ng buong buo,
Bumabaha ng pagmamahal, sobra-sobra para sa akin!

Para kanino ako babangon?
aking sagot,
aking handog.
Kailangan ko ng direksyon.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento