Sapagkat nagsisimula tayo, marahil kailangan nating ipaliwanag ang ano at layunin ng blogspot na ito. Bakit "gilidsophia"? Ano ang nais kahantungan ng gawaing ito?
Unang una, hindi nagnanais bumuo ng isang sistemang pilosopikal ang blogspot na ito. Para sa may-akda nito, ang pamimilosopiya ay walang kongkretong sistema. Isa itong paglalatag ng sarili sa kalawakan ng katotohanan, na siya ring susi sa pagpasok niya sa kalaliman ng mga nilalang at kalaliman ng kanyang sarili. Kaya nga ang pamimilosopiya ay hindi paghahanap ng isang pambihirang sistema. Sinasabi lamang nito na buksan mo ang iyong sarili, pasukin mo ang iyong sarili, at tingnan mo ang iyong dinamismo para sa pagkaunawa. Kung ang pinagkakaabalahan mo ay pagbubuo ng Pilosopiyang Pilipino para kang isang taong tingin ng tingin sa salamin at abalang-abala kung mukha na ba siyang Pilipino. Wala namang masama dito. Kaya nga lamang, kailangan tayong mamulatan na lampas pa sa paghahangad ng sariling pilosopiya ang mismong gawaing pamimilosopiya.
Nagsisimula sa pinakamalapit sa iyong katotohanan, sa iyong sarili, at sa pinakamalalim na katotohanan nitong sariling ito ang gawaing pilosopikal. Ang simula mo ay ang iyong sarili bilang walang alam pero nais makaalam ng mga bagay-bagay.
Ngayon, hindi natin kayang malaman ang lahat. Iwanan natin sa ibang tao ang pag-alam tungkol sa mga tandang, tungkol sa mga tala, tungkol sa mga makina, tungkol sa pagpapaganda, tungkol sa mga langgam, at marami pang iba. Palibhasa ay napakayaman ng mundo, hindi natin kayang maranasan at mapag-isipan ang lahat. Kaya nga, sa blogspot na ito, sisikapin nating magsimula sa mga bagay na malapit sa atin. Sa mga bagay na sumasagi sa ating karanasan. Sa gilid mo. Sa kanan, kaliwa, itaas, at ibaba mo. Parating may sasaging karanasan na naghihintay mapag-isipan.
Ito ang kahulugan ng salitang "gilidsophia". Sa ating mga paninilay-nilay tungkol sa pagkain ng siomai, pagsakay sa jeep, panghuhuli ng isda, pagsimba sa Quiapo, pamamalengke, pagiging isang tatay, at iba pa (parating mahalaga ang "at iba pa"), nagnanais itong kalabitin ang mga makakabasa at gisingin sa kalaliman ng mga ordinaryong karanasan na madalas pa sa malimit ay hindi nabibigyang atensyon.
Kung saan man tayo dadalhin ng gawaing ito ay hindi pa rin alam ng may-akda. Mas mahalaga sigurong iwanang bukas ang posibilidad ng gawaing ito. Mas mahalaga para sa may-akda ng blogspot na ito ang gawing lehitimo ang isang ordinaryo. Isang bukas na pakikipagtagpo sa katotohanan ang nais isagawa nito.
Hindi natin ito gagawin upang magmukhang "cute" sa paningin ng mga may alam. O hindi kaya ay magdunung-dunungan at sabihing "Alam ko ang lahat. Ako lamang ang iyong pakinggan." Hindi ito isang paligsahan kung sino ang pinakamagaling mag-isip. Ginagawa natin ito dahil bahagi tayo ng sangkatauhan na naghahabol sa katotohanan.
Gagamit tayo ng wikang nauunawaan sa gilid-gilid. Wika sa kanto. Harinawa ay madala natin si Kant sa kanto, si Socrates sa market, si Hedegger sa street corner. Marami nga sigurong dalubhasa at dalubguro ang matatawa kung gagamit tayo ng wika na ginagamit sa kanto sa ating pamimilosopiya. Maaaring sabihing hindi naman iyon nasa nibel ng akademikong pagsusulat. Subalit, kung ating pakikinggan at hindi pagtatawanan ang wika sa gilid-gilid, marami rin tayong matututunan.
Para sa may-akda, ang pamimilosipiya ay dapat kauna-unawa sa tao. Hindi dapat ito nalalambungan ng sopistikadong wika na hindi naman nauunawaan ng tao. Kung ang pilosopiya ay naipapahayag sa wika ng karaniwang tao, nagagawa nito ang kanyang layunin.
Hanggang dito na lamang ang paglalarawan ko sa "gilidsophia". Harinawa ay dalhin tayo ng mismong pinag-iisipan sa pag-iisip at pagkaunawa. Maligayang araw!
Welcome to GILIDSOPHIA.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento