Linggo, Marso 9, 2014
SA MGA GOODBYE PHILIPPINES
Dumarami na sa mga kaibigan ko ang nag-iisip mangibang-bansa. Marami sa mga ito ay mapagmahal naman sa bayan. Pero, para sa kanila, pahirap nang pahirap na ang buhay dito sa sariling bayan.
Sa UST na lamang, tatlong taon nang hindi tumataas ang sweldo ng mga propesor at instruktor. Matagal-tagal na rin kumpara sa bilis ng pagtaas ng mga gastusin sa Maynila. Hindi raw magkasundo ang Faculty Union at Administration ng paaralan sa kanilang CBA. Hindi ba kayo marunong mag-usap? Baka naman hindi kayo nag-uusap dahil pareho lamang kayong nagsasalita, walang nakikinig. Taon taon nagtataas ang tuition fee ng mga estudyante at ang pinangangalandakan ninyong dahilan ay pag-aayos ng mga facilities at pagbibigay ng umento sa sweldo ng mga guro. Anyare, Dre?!
Kaya hindi ko na rin masisisi ang mga taong gustong mangibang bansa. Sabi nga, ibon mang may laya, gugusuhin pa ring lumipad papuntang Dubai o Australia kahit tourist Visa, TNT ang labas. Walang rhyme. Kung sabagay, kailangan pa ba ang rhyme ng simurang kumakalam?
Wala na ba talagang pag-asa sa Pilipinas? Ilan sa mga sintomas na sinasabi nila ang hirap ng buhay dito sa atin. Andyan na rin ang mataas na krimen. Marumi na rin dawa ng hangin. Magaling lang daw kumaltas ng buwis wala namang nakikitang serbisyo. Sobra pa ang traffic. At ang pinakadahilan talaga ng iba, sobrang sikat na ni Deniece Cornejo. Nakakautas na.
Pero, para sa akin, mas masarap pa ring mamuhay sa bansa natin. May thrill. Ayaw ko ng kwentadong buhay sa ibang bansa. Kapag narito ka sa Pilipinas, para kang nasa isang suspense movie. Habulan ng pulis at holdaper o kaya bahay na nababagsakan ng bundok ng basura. Pwede rin palang comedy. Manuod ka lang sa kongreso at senado, matatawa ka na. Araw araw pa.
Maganda na rin ang mga nangyayari sa ating bayan. Kung pupunta ka raw ng Davao at isa kang smuggler, humanda ka kay Mayor. Pumasa na rin ang pamimigay ng pills at condom. Maganda yun. Ayos lang kalimutan ang land reform, pero wag kalimutan ang condom.
Kaya siguro dumarami ang nagnonoovena kay St. Jude Thaddeus, patron ng mga nawawalan na ng pag-asa. Diyos na mahabagin, kaawaan mo po kami!
Makapunta nga sa POEA bukas. May bakante kayang trabaho sa Shqiperia? O kaya sa Djibouti? :)
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento