Iba’t ibang katawagan ang
ginagamit natin para sa linggong ito. Andiyan ang “mahal na araw” (tagalog), “holy
week” (ingles), at “semana santa” (kastila). Kung nakikinig tayo sa mga pangalan
na ibinibigay natin sa sagradong linggong ito, dalawang bagay ang
umaalingawngaw: Mahal at Banal. Ang “mahal” at “banal” ay parehong mga katagang
may karga-kargang kahulugan na may kinalaman sa kalooban. Isaisahin natin at
baka sakaling mayroon tayong matagpuan.
Sabi nila, ang tunay na pagmamahal ay hindi makikita sa panlabas. Hindi masusukat sa pagbibigay ng bulaklak, tsokolate, kotse, o anumang bagay ang tunay na pagmamahal. Sa madaling salita, ang panlabas na ipinapakita ay maaaring isa lamang pagkukunwari. Sa tunay na pagmamahal, palaging may elemento na nakasangkot ang kalooban ng isang taong nagmamahal. Sabi nga, “Nahulog ang
kanyang loob kay ganito”. Maaaring sa una ay parang wala kang magawa kundi ang
mahulog ang loob sa kanya katulad ng natural na pagkukusa ng katawan na lumaki at mahubog. Subalit, pagkatapos ng pagkahulog na ito ay maaari nating
mamalayan ang sitwasyon ng pagkahulog, pag-isipan, patubuin sa kalooban, at
angkinin. Ito ang tinatawag nating “kusang-loob”, isang malayang pagpapasyang
nanggaling sa kaloob-looban. Samakatuwid, kalooban ang tunay na nakikipagtagpo sa
pagmamahal. Dumaraan sa pandama, subalit pinatutubo at ipinapasya ng kalooban.
Ganito rin ang kabanalan. Wala sa panlabas ang
kabanalan kundi isa itong tumutubong disposisyon sa kaloob-looban ng isang tao.
Maaaring magkunwari at ipakita (panlabas) sa madla na isa kang “banal” sa
pamamagitan ng pananalangin, pagpepenitensiya, pagbibigay ng abuloy sa simbahan,
pagsisimba, at marami pang iba. Subalit, matatauhan tayo na posible namang mga
panlabas lamang ito at walang pagkatotoo. Katulad ng kinukuwento sa kantang "Banal Aso, Santong Kabayo", maaaring dasal nang dasal subalit noong hindi maibaba sa gustong babaan, "mura pa rin nang mura ang Ale!" Tinatawag natin itong “pakitang-tao”
sapagkat buhay na buhay sa konseptong Pilipino na sa kalooban talaga
matatagpuan ang kabanalan. Ang kabanalan ay maaaring maramdaman sa panlabas,
subalit isa talaga itong tumubong disposisyon sa kalooban ng isang tao.
Para mas maunawaan natin ito,
pagnilayan natin ng konte ang buhay ni San Agustin at ang karanasan ng kanyang “pusong
hindi mapalagay”. Sang-ayon sa kanya, ang talaga raw hinahanap niya ay ang
kaligayahan. Hinanap daw niya itong kaligayahan sa labas. Sabihin na nating
nambabae si San Agustin, nagpakasawa sa makamundong-aliw, namangha sa ganda ng mga
gawa ng Diyos, at nagdulot ang mga ito sa kanya ng aliw. Subalit, sang-ayon sa
kanya, ang mga ito ay panandaliang-aliw lamang. Walang tunay na kapanatagan. Nilibot
niya ang buong sangnilikha ng Diyos, pero wala doon ang tunay na kaligayahan
dahil hindi siya bukas sa pagtubo ng Diyos sa kanyang kalooban.
Naliwanagan si San Agustin na unang-una
pa man (simula’t sapol) ay nasa kalooban na niya ang Tunay-na-Kaligayahan (ang
Diyos) subalit hindi niya nararamdaman sapagkat nakatuon ang kanyang pansin sa
mga panlabas na bagay. Nang binuksan ni San Agustin ang kanyang kalooban, doon
niya natagpuan ang Diyos na sumasaatin (Emmanuel). Naranasan niya ang isang
kaliwanagan na nanggagaling sa pagkabukas sa grasya ng Diyos—isang karanasang
Mahal-Banal.
Ito ang dahilan kung bakit
mayroong “mahal na araw” o “holy week” o “semana santa”. Hindi lamang ito
panahon upang ipakita sa madla ang ating mga penitensya at tradisyon. Wala namang
masama sa mga tradisyong ito. Subalit, kung hindi ito tutubo sa ating kalooban,
magiging panandalian din lamang ang mga ito.
Ang linggong ito ay inilalaan ng
Simbahan upang ipaalaala sa ating mga makakalimuting tao ang tunay na
kahalagahan ng pagbubukas sa grasya ng Diyos. “Mahal na araw” ito sapagkat dito
natin inaalala ang siksik-liglig-at-umaapaw na pagmamahal Diyos na matatagpuan
sa mensahe ng Krus. “Holy Week” o “Semana Santa” rin ito sapagkat hinahangad
nating makipagtagpo sa Banal. Hinahangad nating tumubo ito sa ating kalooban dahil
alam nating walang-wala tayo kung wala ang Diyos sa atin. Sabi nga ni San Agustin, Fecisti nos ad te et inquietum est cor nostrum donec in te requiescat.
“Nilikha mo kami upang sa Iyo ri’y makauwi, at hindi mapalagay ang aming puso
hangga’t hindi namamahinga sa Iyo”.
Maligayang pagbabalik-loob at pagninilay sa Mahal-Banal!
Matagpuan nawa natin ang Diyos na matagal nang nananabik sa atin!