Isa sa pinaka-paborito kong araw sa seminaryo ang Sabado. Hindi dahil lalabas kami para sa ROTC at makakapag-pacute sa labas, kundi ito ang araw ng pananahimik bilang paghahanda sa Araw ng Panginoon, ang araw ng Linggo. Pagkatapos ng siesta, magkakaroon ng Opus Manuale (manual work). Unti unti na ring tumatahimik ang mga tao. Pagkatapos ng pagtratrabaho, maghahanda na kami ng aming mga sarili para sa mga sesyon. Syempre maliligo rin at magbibihis ng maayos.
Tuwing Sabado, ipinasok sa aming paghuhubog ang mga sesyon ni Fr. Tom Priela, ang aming dekano sa pag-aaral. Nagulat kami noong unang araw ng sesyon. Tinanong kami kung ano ang gusto naming pag-usapan. Walang dalang libro si Father, pero halatang handa sa kahit anong pag-usapan. Hehe! Maraming Sabado ang ginugol namin sa mga ganitong bagay. Narito ang ilan sa mga tumatak sa akin at hanggang ngayon ay pinaninindigan ko sa aking buhay:
1. H’wag ikumpara ang sarili sa iba. Dalawang bagay lang daw ang posibleng mangyari: kapag nakita mong mas magaling ka sa iba, maari kang maging mayabang; kapag nakita mong may mas magaling pa sa iyo, maari bumaba ang self-esteem mo. Kaya delikadong bisyo ang pagkukumpara ng sarili sa iba. Matutong tanggapin ang sariling kakayahan. At ipagdiwang ang buhay.
2. Ang pagtatanong ay isang ugali ng matatalinong tao (Wise persons ask questions).
3. Kasama sa buhay ng tao ang paghihirap. Una kong narinig ang kwento ni Sisyphus sa session ni Fr. Tom. Akala nung mama, paulit ulit na lang ang paghihirap at walang kwenta ang ganitong pag-uulit ulit. Subalit, hindi niya namamalayang pinapalakas na pala nito ang kanyang sarili. Kaya, hindi raw pagtakas kundi pagtanggap ang naaangkop na pagtingin sa ganitong kalagayan.
4. Kailangang simulan ang mga gagawin sa paraan nang pananahimik. Naalala ko ito noong binabasa ko si Sertillanges at ang kanyang klasikong The Intellectual Life. Hindi nga raw maganda na sige nang sige at walang panahon para manahimik at ipunin ang sarili. Sabi nga ng isang matulaing kanta, “the confusions around are mere reflections of what’s within.” Magsisimula sa sarili, palabas (ala St. Augustine).
5. Hindi lahat nang tao ay mapapasaya mo. H’wag pag-aksayahan ng panahon ang ipanalo ang kalooban ng lahat na tao. May mga bagay na tinatawag ni padre na “irreconcilable”. May mga pagkakataong kailangan mong panindigan ang mga prinsipyo. Kung alam mong nasa tama ka (with all honesty), panindigan mo at ipaglaban. THEN, FACE THE CONSEQUENCES.
6. Kung lalabas ka ng seminaryo at may plano ka pa pang bumalik, h’wag kang gagawa ng mga “irreversible”.
7. Hindi tayo nag-aaral ng pilosopiya dahil ito ay “cute”. Nag-aaral tayo ng pilosopiya dahil bahagi tayo ng sangkatauhan.
8. Pagtanda mo, makikita mo rin ang sinasabi ng mga matatanda. Matutong magpasensya dahil hindi pa tapos ang Diyos sa paglikha sa ‘yo.
Marami pa marahil akong nakalimutan. Kung hindi ko man masabi ang mga iyon, alam kong nakatatak na ang mga iyon sa aming pagkatao. Sabi nga, “ang pinakamahalaga ay hinding hindi masasabi”. Patuloy ko pa ring inaaral ang mga aral ng Sabado. Hindi ko man sila masa-ulo, sabi nga ng kaibigan kong si Joseph Cipriano, sana ay bumaba ang mga aral na ito sa aming puso. Maraming salamat po! Hanggang sa muling pagsa-Sabado. :)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento