Lunes, Marso 10, 2014

Ilang Minuto sa Hustisya ni Plato

Alas nueve  na ng gabi natapos ang aming klase sa Graduate School. Pinag-uusapan namin ang konsepto ng “hustisya” sang-ayon kay Platon. Dahil ganadong ganado ang aming propesor, hindi namin namalayan na baka kami na ang magsarado ng UST.


Pero, sa hinaba haba ng usapin ng hustiya, paglabas mo ng classroom doon mo pala talaga mauunawaan ang ibig sabihin nito.
Napadaan ako sa Nagtahan. Maraming mga dalagita ang nagtitinda ng sampaguita. Siguro, sa sobrang bango ng inilalako nilang sampaguita, maging yung isang mistisang dalagita ay isinakay na rin sa tintadong tintadong kotse.
Hindi mo na kailangan ng Bagyong Yolanda para matauhan na may mga taong kailangang tulungan. Imumulat lamang natin ang ating mga mata, may mga taong walang makain, walang disenteng tirahan, walang wala. Mas malala ito dahil araw araw nila itong nararanasan. Routine kung baga. Pero, mukang wala tayong pakialam.
Ito siguro ang inilalarawan ni Platon na “highly partitioned nation” noong nilalait niya ang Athens nang panahon niya. Ang kawalan daw ng hustisya ay bunga ng pagkakawatak watak ng mga tao. Kawalan ng paki-alam.
Sa tingin ko, ganyan rin ang ating lipunan. Hindi naman siguro tayo bulag para hindi makita ang pangangailangan ng iba. Pero, ano ang ating ginagawa? Wala. O kaya, yung usong uso ngayon sa FB, "Ipagdadasal ko na lamang sila."
Hindi ko sinasabing masama ang magdasal. Mabuti ito. Pero, hindi sapat ang dasal lamang. Kailangan din ng aksyon. Hindi sapat ang lumuhod lamang sa harap ng krus o di kaya ay sa harap ng tabernakulo na may lamang wafer na pinaniniwalaang "body of Christ" para maibsan ang gutom ng iba. Sabi nga ng mga jejemon, kilos kilos din pag may time. Kung ayaw nating mapabilis ang pagsakop ng mga taga-Mars sa ating planeta, tumulong din tayo. :)


#PilosopiyaSaGilid #Plato #Justice #PilosopiyangPilipino

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento