Ang
Katotohanan Bilang Gabay sa Buhay
(Isang Salamisim sa Mystery of Being Volume I)
Emmanuel C. de Leon
(Isang Salamisim sa Mystery of Being Volume I)
Emmanuel C. de Leon
Sa ikalawang yugto ng Mystery of Being
na may pamagat na “Wasak na Daigdig”, ipinamulat sa atin ni Gabriel Marcel ang
atin mismong kalagayan. Sinasabi niyang ang ating daigdig ngayon ay walang
puso, parang isang relo o orasan na natanggalan ng pangunahing makina. Walang
puso sapagkat nahihilig tayo sa pagkilos ayon sa idinidikta ng isang sistema.
Ang sistema na ang nagiging kabuoan ng ating pagkatao. Ginamit niyang halimbawa
ang talamak na paggamit ng mga dokumentong personal (bio-data, identification
card, etc) bilang pagkakakilanlan sa isang empleyado ng isang kompanya.
Naisasalin nga raw ang kabuoan ng ating pagkatao sa isang dokumento at nakalilimutan
na ang tao ay isang orihinal at hindi kailanman maikakahon sa isang papel ang
identidad ng isang tao sapagkat ito’y napakayaman.
Sa kabilang banda, mayroon ring
kulturang nagtataguyod naman sa katotohanang personal. Ito ay nangangalandakang
ang katotohanan ay ayon sa sarili lamang, na kung ano ang totoo para sa akin ay
siya na ngang totoo. May pagkahilig ito sa parte ng indibidwal na pribado.
Sa pagninilay ni Gabriel Marcel, nais
niyang sabihin na ang katotohanan ay lampas sa unibersal na matematiko at sa
indibidwal na pribado. Mayroong matinding pangangailangang igpawan o lampasan
ang ako-na-unibersal (universal ego)
at ang ako-ng-karanasan (empirical ego).
Sa paanong paraan?
Ginamit niyang halimbawa ang isang
alagad ng sining. Hindi lahat ay natatalaban ng sining sapagkat ang pagtalab ng
sining ay nakadepende sa kakayahan at kahandaan ng isang taong tatanggap.
Nangangahulugan lamang na hindi unibersal ang pagtalab ng sining. Subalit,
hindi rin naman personal o kanyang kanya lamang ang karanasan sa sining na
hindi na niya maaaring ibahagi ito sa iba. Hindi ito pansarili lamang o para sa
indibidwal na ako.
Gumagalaw ang katotohanan sa gitna ng
unibersal na matematiko at sa indibidwal na pribado. At mayroong matinding
pangangailangang lumampas o sumaibayo sa unibersal na matematiko at indibidwal
na pribado.
Paano natin nalalaman na ganito ang
katotohanan, ang merong matinding pangangailangang lumamapas? Sapagkat
nakakaramdam tayo ng kakitiran o kakulangan. Alam natin na hindi pa ito ang
totoo at nararamdaman nating may mas mataas pang halaga o value kaysa sa atin.
Tulad ito ng isang mag-asawa. Kailangan
ng lalaki ang kanyang asawa para magluto sa kanya at magbigay ng kaginhawaan
tuwing uuwi siya galing sa trabaho. Nguni’t dahil sa matinding pagmumuni-muni,
nalalaman niya na higit pa roon ang pagkatao ng kanyang asawa. Ang asawa niya
ay isang katuwang sa buhay, isang minamahal na kasama tungo sa mas
makatotohanang pagmamahalan.
Sa halimbawang nabanggit, mayroong
paglampas sa isang karanasan tungo sa mas mataas na karanasan. At gano’n rin sa
katotohanan. Ang katotohanan, ayon kay Marcel ay lampas sa atin at lampas rin
sa unibersal na matematiko. Hindi maikakahon ng unibersal na sistema o ng
personal na pagtanggap ang katotohanan sapagkat ito ay may pag-iral na kanya.
Ang katotohanan ay siyang gumagabay sa buhay. At ang mga taong nagpapagabay sa
katotohanan ay may pagkabukas sa ipinahihiwatig at ipinakikita ng katotohanan.
Gumamit tayo ng isa pang halimbawa.
Kahimanawari’y akayin tayo nito sa katotohanan. Mayroong isang seminarista na
malapit nang magpakasal sa Diyos. Pero, nagdududa siya sa kanyang bokasyon. May
mga facts o mga detalye sa kanyang
buhay ng tumuturo sa kaliwanagan. Una, siya ay nabigo sa pag-ibig at maaaring
isa ito sa mga dahilan ng pagpasok niya ng seminaryo. Pangalawa, mababa ang
tingin sa kanyang pamilya ng mga tao sa kanyang lugar at ang paggiging pari ay
magtataas ng pangalan ng kanilang pamilya. Pangatlong fact, masarap ang buhay sa loob ng seminaryo. Kaya mayroong
pagdududa ang seminarista sa kanyang bokasyon. Naliliwanagan ng mga facts (galing sa salitang latin na factum na nangangahulugang mga
naisagawa) ang pagdedesisyon ng seminarista. At kailangang maging bukas siya sa
kung ano ang kanyang nakikita. Kailangan ang pagtanggap sa katotohanan kahit na
ito ay masakit o taliwas sa ating kagustuhan.
Maaari rin namang maghintay pa sapagkat
hindi pa alam ang katotohanan. Kailangan pa ng panahon upang malaman kung ano
talaga ang totoo. Sapagkat hindi minamadali ang katotohanan. Minsan kailangan
ng panahon upang magkaroon ng kahandaan at pagkahinog.
Ang katotohanan para kay Marcel ay isang
gabay sa buhay. Nguni’t ito ay hinaharap at isinasabuhay. Nariyan nga ang
katotohanan pero kailangan itong hanapin. Kailangan rin ng pagkamalay at pagkamulat
rito. Kailangan tayong mulat sa kung ano ang gumagabay sa atin. At handa rin
tayong magsakripisyo para sa katotohanan kahit buhay pa man ang maging kapalit.
Naaalala ko ang aming bise alkalde na
kailan lamang ay pinaslang ng dalawang hindi pa nakikilalang mga tao (nangyari
sa bayan ng Naujan, sa probinsya ng Silangang Mindoro). Sinabi niya na handa
siyang mag-alay ng buhay para sa mga naaapi at para sa maliliit. May pagkamulat
siya na may naaapi at may mga maliliit na nangangailangan ng kanyang tulong.
Nguni’t mayroong mga taong masasagasaan, mga taong iba ang paniniwala sa buhay.
Handa siyang ialay kahit na ang kanyang buhay sapagkat mayroon siyang
nasumpungang katotohanan na dapat ipaglaban. At handa siyang magsakripisyo ng
pagod, lakas, talento, talino, at maging sariling buhay para sa katotohanan na
gumagabay sa kanya.
Tulad ng sinasabi ni Marcel, kailangan
tayong maging mulat sa katotohanan, na mayroong tawag na lumampas pa sa
makamundong pagnanasa kahit na ito ay masakit at kahit na kakaunti lamang ang
yumayakap sa katotohanan. Kung tayo ay nagpapagabay sa katotohanan, nararapat
lang na manatili tayo sa katotohanan at maging tapat dito. Sapagkat hindi tayo
ang tumatawag sa katotohanan, ang kabaligtaran ang totoo. Tayo ang tinatawag
nito. Tayo ang mayroong katungkulang tumugon at magsabuhay ng ating sinusundang
katotohanan. At dapat itong isagawa, sapagkat mistulang pader na hungkag ang
katotohanang hindi isinasagawa.
Binubulaga tayo ni Marcel sa ating hindi
pagkamulat sa katotohanan. Nakakatakot, Ngunit ganito talaga ang buhay. Ang
buhay na sumusunod sa kanyang gabay ay nangangahulugan rin ng hindi pagkapit
masyado sa buhay. Ang pananatili sa kung ano ang pinapakita ng katotohanan at
pagpapatuloy sa hamon ng kasaysayan ay isang malaking aral. Magmimistulan
lamang itong hangin kung hindi maisasabuhay.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento