Linggo, Setyembre 7, 2014

ANG ERASERHEADS AT ANG NOSTALGIA NG KANTANG "1995"

May bagong inilabas na kanta ang Eraserheads nitong nakaraang araw. Kaya ang tulad kong mananampalataya ng nasabing nabuwag na banda ay nagkukumahog maghanap ng kopya. Salamat sa mga rakistang mabilis pa sa alas kwatro na nag-upload ng dalawang kanta sa youtube.

"1995" ang una kong napakinggan. Isang nostalgia o paglingon sa nakaraan ang trip ng kanta. Binuksan ito ng pangungumustang-patanong: "Saan, saan na napunta kislap ng 'yung mata? May babalik pa ba?"

Hindi maiwasang mag-flashback ang ilang alaala ng 1995--katorse anyos pa lamang ako, usong-uso ang kantang "Alapaap" at "Halik ni Hudas", senador na rin noon si Tito Sotto, taon rin kung kailan tinalo ng diabetes ang tatay ko at kinuha ni Lord, unang beses akong naglakas-loob manligaw at syempre busted sa muse ng kabilang section namin noong high school, at syempre hindi rin makakalimutan na pinili ng Ginebra si EJ Feihl (over Duremdes and Cariaso) kaya 0-10 sila sa isang kumperensya.

Masarap lumingon sa nakaraan. Yung mga bagay na masakit dati, pwede mo nang tawanan na lamang ngayon. Kaya siguro ang kasunod na linya ng kanta ay "Ngayon ang langit ay bughaw at sya'y sumasayaw, ako'y nasisilaw...." Biglang flash-forward sa kasalukuyan. Tipikal na hirit ni Ely Buendia na hahamunin kang mag-isip kung anong koneksyon. Dahil sa pag-iisip ng koneksyon, mapapabuntong-hininga ka na lamang dahil hindi mo rin makita ang koneksyon ng "nostalgia trip" ng Eheads at Esquire Magazine. Malamang may kaugnayan sa pera at ano pa ba? Pera lang ang nagpapatakbo sa buhay ng tao ngayon.



Dinaan na naman tayo ng mga namumuhunan sa pa-effect ng nostalgia para makabenta. Dahil nag-iinvest ang mga namumuhunan sa mga bagay na tumatatak sa atin (unang halik, unang tikim, unang break-up, unang pagpunta sa mall, unang karanasan sa abroad: lahat ay may katapat na produkto), maging ang Eraserheads ay naging isang mabentang "commodity". At, kahit maaari na namang atakihin si Ely habang nakikihalubilo sa kinaiinisan niyang bandmates, mapapakanta pa rin ito sa ngalan ng alam mo na.

Pero, mararamdaman mo rin na nasusuka na rin ang nagsulat ng kanta sa kanilang ginagawa. Ito marahil ang kahulugan ng pinauulit-ulit sa gitna at sa huling bahagi ng kanta: "Pwede bang sunugin ang tulay? Ayaw kong sumabay. Sinong papatay? Ako'y naghihintay sa 1995."

Bakit nga ba binubuhay pa natin ang patay? Bakit kailangang magtanim ng huwad na memorya ng naagnas nang tunog at chemistry ng banda? Bakit ayaw pang ilibing ng Esquire Magazine ang pinaglamayan nang banda noong konsyertong pinamagatang "FINAL Reunion"? Hindi kaya tayong mga "inosenteng" hindi nagtataka ang pwedeng sumagot ng mga katanungang ito? ✌️

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento