Monday
morning, 7:03. Male-late na ako sa una kong klase. Kasalanan ito ni Tim Cone na
trip na trip talagang talunin ang Barangay Ginebra. Napuyat na naman ako.
Kabisado ba talaga niya ang galaw ng mga player ng Ginebra o mas magana
talagang manalo kapag mas marami kang napapalungkot? Kung anuman ang dahilan
niya, kailangan ko nang maglaman ng tyan bago pumasok ng trabaho. Lunes ngayon
at siguradong kalbaryo na naman ang trapik. Katulad noong nakaraang lunes,
inabot ako ng siyam-siyam sa may V. Mapa. Ilang beses nang nagpalit-palit ang
kulay berde, orange, at pula ng traffic light, hindi pa rin makatawid ng
intersection ang sinasakyan kong dyip.
Malupit
pala kapag inabutan ka ng rush hour sa may area na yun. Bukod sa maraming
sasakyan, marami ring commuters na nag-uunahang makasakay. Kapag tumigil ang
jeep o fx, parang mga piranha na nakikipag-agawan. Kung ako sa kanila,
gagamitin ko na ang diskarte ni Shaider sa pagsakay. Yung tipong tatalon ka na
parang sasakay sa Babilos patungon time-space warp.
Sa
awa ni Bathala umusad rin ang aming byahe. Sa unahang bahagi ng jeep ako
napasakay. Libre ang amoy ng alimuom. Buti na lang at hindi na masyadong
matrapik sa Aurora Blvd. Epektibo rin naman kahit paano ang Bus ban sa Maynila.
Nabawasan ang mga G. Liner (Gapang Liner daw ibig sabihin nun) na ginagawang
terminal ang kalsada. Kaso sobrang lakas ng sound sa jeep. Sa aking palagay,
kung nasa kabilng jeep ako, malamang eksakto ang lakas ng sound. Imaginin nyo
na lang kung gaano kalakas yun para sa amin na nakasakay sa loob. Kinabog ang
nananahimik kong tutuli.
Humanga
ako sa drayber na kayang kayang marinig ang "bayad po!". Agad agad
naka-akma ang pag-abot ng barya. Kaya nga lamang sa tuwing may sumisigaw ng
"Ma, sukli ko po?", mahirap ata marinig dahil sa lakas ng sound. Sa panahon ngayon, kahit ang pandinig ay may
double-standards na rin.
Kailangan
ko na talagang magmadaling kumain. Nagproprotesta na rin ang mga alaga ko sa
tyan. Binuksan ko ang refrigerator. May natira pang adobo na ulam namin kagabi.
Mayroon ring itlog na nag-aanyayang iprito. Mahilig ako sa scrambled egg. Yung
lalagyan mo ng sibuyas at kamatis. Ganyan ang omelet ng mga ninja. Mahal kasi
ang keso at corned beef para mag-inarte.
Binuksan
ko ang radyo at nagpatugtog ng Rico Blanco. Napayugyog ang ulo ko habang
nagluluto ng kinamatisang itlog. ♩♪ “Umaaraw, umuulan. Ang buhay ay
sadyang ganyan….”♩♪ Paborito ko ang swabeng tunog ni
Rico Blanco. Pagdating naman sa lyrics ng kanta, talagang mapapaisip ka rin.
♩♪
“Bukas sisikat rin muli ang araw, ngunit para lang sa may tyagang maghintay.”♩♪
Sa
unang tingin, may mali sa lyrics ng kanta. Hindi naman natin sigurado kung
sisikat muli ang araw sa kinabukasan. Kung baga, hindi yan bagay na
siguradong-sigurado at hindi mapagdududahan. Paano kung hindi pasikatin ng
Diyos ang araw bukas? Hindi ba’t posible yun? Pero, sa tingin ko, ang sinasabi
lamang naman sa kanta ay manabik sa panibagong umaga. Muling imulat ang mga
mata at danasin ang kahiwagaan ng karanasang iyon.
Siguro
nga ay napakalalim ng kahulugan ng karanasan ng pagmumulat kaya napakaraming
pilosopo ang nag-isip tungkol dito. Ako, halimbawa, na nagluluto ng
kinamatisang itlog at kumakanta-kanta sa harap ng lutuan habang natatalsikan ng
ilang atoms ng mantika, conscious ba ako o mulat sa mga bagay-bagay na ginagawa
ko? Baka naman nananaginip lamang ako o hindi kaya ay niloloko ng isang
matalinong demonyo. Ganyan marahil ang pagtatanong ng pilosopong pranses na si
Rene Descartes noong 1630’s. Karamihan sa atin ay hindi na inuusisa ang ganyang
mga bagay. Dahil kalimitan tayo ay minamadali ng modernong panahon, wala na
tayong oras para usisain muna ang isang bagay upang makasigurado. Ang simpleng
paggising sa umaga ay hindi lamang pisikal na pangyayari. Isa rin itong
pilosopikal na karanasan. Isang tuwirang pakikipagtagpo sa reyalidad ng
pag-iral at pagiging mulat dito.
Ganyan
marahil ang sitwasyon ng umaga ni Thales. Bilang mapag-usisa, marahil tanong
siya ng tanong. Masid siya ng masid. Kung makakasabay ko kaya siyang kumain ng
almusal, mag-uusisa kaya siya tungkol sa hyle
ng itlog? Ipapaliwanag siguro niya sa akin na kaya tumatalsik ang mainit na
mantika sa sandaling ihalo ko dito ang bagay na aking piniprito ay ang “tubig”.
Tubig ang dahilan ng lahat. Ang weird siguro ng almusal ko kung magkakaganun.
Madalas
namang nababansagang “weird” ang isang pilosopo. Kapag hindi natin maunawaan,
malimit nating husgahang weirdo, sira-ulo, papansin, may sariling mundo, at
kung anu-ano pang panlalait. Hindi mo naman talaga masisisi ang ibang taong
matawa sa kalagayan ng mga pala-isip. Ayon sa kwento ng isang paring heswita na
si Roque Ferriols, si Thales daw na itinuturing na pinakaunang pilosopo sa
kasaysayan ng pilosopiyang kanluranin ay nagkaroon ng kakatwang karanasan.
Isang gabi, habang pinagmamasdan ng astrologong si Thales ang kagandahan ng
kalangitan, hindi niya namalayang mayroon palang balon sa kanyang nilalakaran.
Nahulog daw siya dito at isang magandang dalaga na taga-Thrakia ang talagang
natawa. Kung baga, minus pogi points.
Sa
sobrang hiya ni Thales at ayaw naman niyang maging nakakahiya ang pilosopiya,
naisipan niyang mag-astrolohiya. Tumingala raw ito sa langit at nakita ang mga
sinyales sa mga bituin na magkakaroon ng maraming ani ng olibo sa susunod na taglagas.
At dahil ang mga tao noon ay hindi nag-iisip tungkol sa hinaharap, binili daw
ni Thales ang mga gilingan ng olibo sa murang halaga. Kaya, noong dumating ang
taglagas, mataas ang pangangailangan sa gilingan ng olibo at naibenta niya ang
mga ito sa mas mahal na presyo. Ginawa raw ito ni Thales hindi para maging
isang matalinong negosyante. Sa halip, upang ipakita na hindi parating tanga
ang pilosopo.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento