Hindi mahalaga ang patutunguhan; ang mahalaga ay kung paano tayo tutungo dito
Bakasyon na naman ang karamihan. Kaya, hindi maiiwasang magkayayaang tumungo sa kung saan man. Maraming palabas sa telebisyon ang nanghahalinang bumyahe at tuklasin ang mga nakatagong paraiso sa ating bansa.
Subalit, hindi lamang "nakatagong paraiso" ang maaaring matuklasan sa pagbabyahe. Kung titingnan natin ng konti, may pagkakalinlang Filipino mula sa byaheng Filipino. Subukan nating pasukin.
Kahit dumarami na ang may kotse sa Pilipinas, na ibig sabihin ay dumarami na rin ang may utang dahil sa walang patumangging pagsunggab sa panghalinang murang downpayment, nananatiling pampublikong bus ang pangunahing sasakyan ng mga bumabyaheng Pilipino. Ano-ano ba ang madalas na eksena sa bus ng mga Pilipino? Syempre, hindi mawawala ang stop over na kahit hindi ka gutom ay mapapabili ka; o kahit hindi ka naiihi ay mapapaihi ka. Nariyan syempre ang mga magtitinda ng buko pie at pastilyas na may pakulong pamimigay ng "patikim" upang baka sakaling mabitag ka sa patibong ng pagtanaw ng "utang-na-loob" at "hiya" na magtutulak sa iyong bumili.
Habang tumatakbo ang bus, hindi rin mawawala ang huntahan na madalas naman ay tsismisan. Kung mag-isa naman, madalas ang trip ay tumanaw-tanaw sa mga tanawin sa daan. Ito marahil ang dahilan kung bakit naglipana ang mga billboard sa EDSA, NLEX, at SLEX sapagkat nabasa na ng matitinik na spin doctors ng industriya ng kultura ang sikolohiya ng mga dumaraan dito. Ang kalsada ay hindi lamang daanan ng sasakyan kundi isa ring highway of information. Ang kalsada ay isa ring pook ng dominasyon. Mas madali ang dominasyon kung pagod at nahihilo ang dinodomina.
Sa totoo lamang, nakakapagod talagang bumyahe. Bago ka pa man makarating sa paroroonan, sangkatutak nang lubak,
alikabok, alimuom na amoy ng katabi mo sa pila, bayad sa toll fee, holdap sa pagsasalin ng mataas na presyong gasolina,
hindi gumaganang aircon ng terminal, delayed sa oras na byahe ng bus, barko,
at eroplano, at marami pang iba. Ilan lamang ito sa mga dahilan kung bakit hindi
talaga patok sa mas nakakaraming pinoy ang turismo. Totoong maraming paraiso sa
Pilipinas. Subalit, bago ka makarating sa mga ito, dadaan ka muna sa byaheng impyerno. Subalit, hindi ito madalas ipinakikita sa "byahe ni Drew".
Tama ang winika sa isang kasabihan: "Hindi mahalaga ang patutunguhan; ang mahalaga ay kung paano tutungo roon". Napakaraming magandang puntahan sa Pilipinas. World class talaga ang mga ito. Subalit, nariyan nang pagod ka na byahe, pagkarating mo sa iyong destinasyon, lalo ka lamang mapapagod dahil, in fairness, parang nasa syudad ka pa rin na nais mong takasan kahit sandali lamang. Hinahabol ka ng iyong tinatakasang naglalakihang malls at Jolibee. Wala na ang nayon bilang "nayon", kinain na ng industriyalisasyon.
Totoo ngang ang pagbyahe ay pagbalik sa iyong sarili. Wika nga ni Albert Camus, "Dinadala tayo ng pagbabyahe tungo sa ating sarili". Ang pagbyahe na punong-puno ng tunggaliang pang-estado at pang-indibidwal ay kailangan natin upang mahimasmasan tayo sa reyalidad ng ating pagkatao. Kailangan ito upang malanghap natin ang hangin na malapit na ring sakupin, hindi ng mga alien kundi nina Ayala, DMCI, Sy, at Gokongwei. Kung ano man ang mapapala natin sa paglanghap nito, ayos lamang. Kanya-kanya lamang itong "road trip". Sana lamang ay hindi ito maging "bad trip".
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento