Ang salitang ugat ng “pagsúsúlit” ay
“súlit”. Isa itong sinaunang tagalog na, ayon sa UP Diksiyonaryong Filipino ay
mayroong limang kahulugan. Una, “súlit” ang tawag sa anumang itinakdang
pamantayan na dapat lampasan. Nagsasagawa ng pagsúsúlit pagkatapos ng mahabang
pagsasanay (sa paggamit ng kamagong halimbawa) upang masukat kung talagang
umabot sa itinakdang pamantayan. Dumadaan din sa “pagsúsúlit” ang isang
diyakono bago siya ordinahang pari upang talagang makilatis kung pasado siya sa
criteria na itinakda ng Simbahan.
Pangalawa, ang “súlit” ay nangangahulugan
ring “paliwanag o pagpapaliwanag”. Kaya, kapag sinabi sa iyong “magsúlit ka!”,
maaaring ibig sabihin nito ay “magpaliwanag ka!”
Pangatlo, ang “súlit” ay maaari ding
mangahulugang “pagsasauli nang maliwanag sa anumang hiniram”. Sa aspekto ito,
kapag sinabi sa iyong “magsúlit ka!”, ibig sabihin nito ay “isauli mo nang
maliwanag ang bagay na iyong hiniram!” Kapag halimbawa ipinahiram sa iyo ang
taxi at nagkasundo kayo sa isang presyo (P1,500 sa isang araw halimbawa), nagsúsúlit
ka sa may-ari dahil sa bagay na iyong hiniram.
Pang-apat, ang “súlit” ay may
kahulugan ding “antas ng pakinabang sa puhunan”. “Súlit” ang iyong nagastos o
ipinamuhunan kung patas naman ang iyong napakinabangan mula dito.
At, panghuli, ang salitang “súlit” ginagamit
rin bilang pantukoy sa “pagsasanay sa komedya, o sa ibang mga bagay”.
Mayroong sala-salabid na kahulugan
na maaari nating maunawaan mula sa sinaunang paggamit ng salitang “pagsusulit”.
Sa pilosopiya ng wika, hindi lamang kahulugan ang karga-karga ng isang salita;
sa halip, mayroon din itong aspekto ng kairalan. Ibig sabihin, maaari nating maunawaan
ang kairalan o diwang sinauna mula sa paraan ng pagpapakahulugan nila sa
salita. Maaari nating maunawaan ang nakaraan upang malaman natin kung ganito pa
rin ito umiiral sa kasalukuyan. Maaari din nating maunawaan ang kasalukuyan sa
pamamagitan ng isang penomenolohiya ng wika. Ano ba ang dating ngayon sa atin
ng salitang “pagsúsúlit”? Ano ba ang kahulugan ng salitang ito sa ating kasalukuyang
kairalan?
Sa ngayon, bahagi pa rin ng
kamalayang Filipino ang kahulugan ng pagsúsúlit bilang “itinakdang pamantayan
na dapat lampasan”. Kaya nga naririnig pa rin natin hanggang ngayon ang mga
salitang pasado na ibig sabihin ay “nakalampas
sa pamantayan” at bagsak na ibig
sabihin naman ay “mababa o hindi nakalampas sa pamantayan”. Mayroon din tayo
ngayong naririnig na katawagang pasang
awa o “pasado dahil sa awa” na hindi natin naririnig sa sinaunang kahulugan
ng salitang pagsúsúlit. Ibig sabihin ng “pasang awa” ay mababa ang kalidad o hindi
talaga nakalampas sa itinakdang pamantayan, subalit, dahil sa emosyon ng awa,
binulag nito ang tagapagsúlit upang palampasin na lamang. Hindi mahirap
maunawaan kung bakit umiiral ang ganitong kalakaran ng “pasang awa” sa lipunang
Pilipinas dahil na rin sa konsepto ng “hiya” at “pakikisama”. Wika nga minsan, “palampasin
mo na lamang”; kahit hindi tama sa pamantayan ang ginawa. Kung minsan, sa
lipunang meron tayo ngayon, mas mahalaga
ang konsepto ng samahan kaysa konsepto ng hustisya. Maraming tao ang handang
ikumpurmiso ang tama (ang itinakdang pamantayan), dahil nasanay na rin sigurong
palampasin sa maliliit na pagsúsúlit sa paaralan. Kaya, pagdating sa mas
malalaking pagsúsúlit sa buhay, lusot pa rin ang hinahanap upang makalampas sa
itinakdang pamantayan, at hindi ang tamang daan.
Tungkol sa pangalawang kahulugan ng pagsúsúlit
bilang “paliwanag o pagpapaliwanag”, bihira na itong ipakahulugan sa
kasalukuyang kairalan na maaaring ugatin natin sa sistema ng edukasyon na
masyadong nakapanig sa kabisoteng pagsúsúlit. Ulitin mo lamang ang itinuro ng
propesor at sigurado na ang pagpasa. Subukan mo namang pagpaliwanagin kung
bakit naging ganoon ang sagot, at bakit hindi ganito, malamang iba na ang
magiging resulta. Sa kasalukuyang kairalan, ang salitang “pagsúsúlit” ay bihira
nang mangahulugang “pagpapaliwanag”; mas madalas ito ay pagmememorya.
Tungkol naman sa pangatlong
kahulugan ng pagsusulit bilang “pagsasauli nang maliwanag sa anumang bagay na
hiniram”, bihira na rin itong ipakahulugan sa kasalukuyang kairalan na maaari naman
nating ugatin malakas na sense entitlement (patatawarin sa ginamit kong salita)
ng mga tao ngayon. Hindi na marahil tinitingnan bilang “hiram” o “utang na loob”
sa guro ang kaalaman sapagkat, unang-una ay bayad naman ang mga ito. Sa taas
nga naman ng tuition fee at kung ano-ano pang “other fees”, sino bang
mag-aakalang ang itinuturo ay pahiram lamang kahit may bayad?
Kaya, may kaugnayan dito ang
pang-apat na kahulugan ng “súlit” bilang “antas ng pakinabang sa ipinamuhunan”.
Sinusukat ng guro ang antas ng pakinabang sa kaniyang ipinamuhunang pagod,
oras, at talino sa pamamagitan ng pagsúsúlit. Subalit, aspektong ito, hindi na
lamang guro ang nagbibigay ng pagsúsúlit, maging ang mga estudyante na
namuhunan sa tuition fee ay sinusukat din kung nasúlit nila ang kanilang
ibinayad.
Sa limang kahulugan ng salitang “pagsúsúlit”,
malamang ang pinakahindi masyadong nakarating sa kasalukuyang kairalan ay ang
kahulugan nito bilang “pagsasanay sa komedya…”. Malamang, unang dahilan na nito
ay ang pagkalaos na ng komedya sa kasalukuyan. Dahil sa pagsulong ng
telebisyon, mistulang kapalaran ng entablado na mapaglumaan, at kasama nitong
napaglumaan ang panlimang kahulugan ng pagsúsúlit.
Sa bandang huli, ang hirap sulitin
ng salitang “pagsúsúlit”. Napakaraming bagay na maaari nating mahugot mula
dito. Tama na muna siguro; aral na muna tayo at baka wala tayong maisagot sa
mga nakatakdang pagsúsúlit. Ang sigurado lamang natin: numero lamang ang kalimitang
nakikitang resulta ng ating pagsúsúlit, hindi ito ang sukatan ng ating
pagkatao.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento