Sabado, Disyembre 5, 2015

ISANG PENOMENOLOHIYA NG "HELL WEEK"


Kung isa kang estudyante, malamang nakaranas ka na ng “hell week”. Ito ‘yung panahon na nalalapit na ang midterms o finals, maraming ipinataw na requirements ang mga teacher, gagawa ka pa ng scrapbook, family tree, documentary film ng kunwaring tinulungan mong pulubi, research paper na kinopya sa internet, at marami pa.

Ito rin ang panahon na nagkukumahog kang makausap ang propesor mong hindi mo pinasukan ng matagal-tagal. Ito na ang tamang panahon para magmakaawa, umiyak sa kanyang harapan, mag-imbento ng medical certificate, o di kaya ay magpapicture sa propesor mo habang ang kalooban mo ay humihiling na dahil sa picture ay maka-uno ka.

Dahil sa dami ng ginagawa ng mga apektado ng “hell week”, mas nagiging pilosopikal at relihiyoso ang mga tao. Dumarami ang dumadaan sa chapel. Mataas rin ang pagmumuni-muni ng mga tao at sinasabing “walang permanente sa buhay”; parang si Heraclitus hindi ba. May sense of impermanence daw ang mga bagay-bagay. Matatapos din ang lahat.




Pakiramdam ng mga taong apektado ng “hell week” na kailangan itong malampasan. May gantimpala na nakatago sa dulo ng rainbow: GRADO. Grado ang nagiging panginoon. Handang ipagpalit ang dignidad at pagkatao alang-alang sa grado.

Hindi tinitingnan ng mga taong apektado ng “hell week” ang grado bilang ilusyon. Tinitingnan nila ito bilang reyalidad na nagbibigay ritmo sa kanilang buhay.

Kung minsan ay may manaka-naka namang natatauhan at sasabihin sa sariling “ano ba itong ginagawa ko sa aking buhay?”, “bakit ko ito ginagawa?”, “para saan itong paghihirap na ito?” Subalit, panandalian lamang ito. Babalik ka pa rin sa pag-aaral sapagkat ayaw mong mapag-iwanan sa itinatak sa iyong standards ng lipunan. Ang sikolohiya mo ay matagal nang siniksikan ng “fetish” sa grado. Simula kindergarten hanggang kolehiyo, grado ang panginoon kaya wala kang panahon upang sulyapan ang “greater scheme of things”—ang mas malaking katotohanan ng buhay.

Dahil malabo ang iyong sulyap sa mas malaking katotohanan ng buhay, mas nagiging posible ang tapusin na lamang ang requirements para lang matapos; at hindi para may makita kang sagot sa mga katanungan mo sa buhay. Tinitimbang mo ang kahalagahan ng iyong ginagawa base sa sinasabing mahalaga ng lipunan at hindi batay sa mismong pamantayan mo sa buhay.

Samakatuwid, ang “hell week” ay hindi totoo. Isa lamang itong ilusyon na ipinataw ng sistemang namamayani upang mas maging epektibo ang kontrol sa iyong pagkatao. Kaya nga ito isang “hell” dahil nasa utak lamang ito. Ang “heaven” at “hell” ay mga estado ng isipan. Wala silang totoo at konkretong lugar. Nagmemeron lamang sila sa iyong kalooban.

Dahil sa “fetish” sa grado nagiging mabisa ang emosyon ng “hell week”. Sa kultura ng “hell week” tanging ang mga masunurin lamang sa sistema ang makakarating sa langit. Pero, kung pagkatao mo naman ang kapalit, gugustuhin mo pa rin bang makarating sa langit?      

Sabado, Oktubre 24, 2015

ANG DOMINASYONG ALDUB: Isang Pabebe Post


Habang bumibili ng lulutuing ulam malapit sa Barangka Drive, napansin kong nagmamadali ang isang grupo ng mga kabataan. Mayroon palang konsyerto ang pinagkakaguluhang tambalan ngayon—ang AlDub. Binansagan itong “Ang Tamang Panahon”. Gustong-gusto nilang mapanuod. Hindi ito pwedeng palampasin.


Binuksan ko ang TV at talagang marami nga pala ang nanunuod. Halos nagkakaisa ang maraming Pilipino sa pagsigaw at pagkakaroon ng kilig (o “kaligayahan” sa termino ni Joey de Leon). Kahit paano ay ayos din kasi nagkaroon tayo ng “national sentiment” (gamit ang termino ni Jose Rizal). Mahalaga ang isang pambansang sentimyento para sa tinatawag ni Benidect Anderson na “imagined community” o ni Fredric Jameson na “glimpses of utopia”.  Subalit kung talagang mulat tayo sa nangyayari, mas lutang dito ang talagang pagkontrol ng mga nagpapatakbo ng negosyong ito sa sikolohiya ng mga manunuod. Mahusay ang pagkakagawa ng “emosyon” upang maramdaman nating “pangangailangan” na maging updated sa gawa-gawaang loveteam. Parang mga "willing victims" na naman tayo ng mga negosyanteng-bampira na walang ginawa kundi sipsipin ang dugo ng ating pagkatao.  

Dominasyon ang tawag dito. Sabi ng isang sosyolihista na si Theodor Adorno, “Domination of reason means domination of nature”. Sa ibang salita, kontrolin mo ang kanyang isipan, makokontrol mo ang kanyang buhay. Paano ‘yan? Dahil sa paulit-ulit na pamumudmod ng ideyang nakakakilig sila, tumatak ito sa sikolohiya ng mga fans. Kahit wala namang direkta at personal na relasyon ang mga ito sa dalawang pinasikat na artista, ang mga fans ay nakararamdam ng emosyonal o afektibong koneksyon sa mga ito. Ito ang dahilan kung bakit nagagawa nilang lumiban sa eskwela, suwayin ang kanilang mga magulang, makipag-away sa Twitter at FB sa mga komokontra sa tambalan, alang-alang sa iniidolong AlDub. Subalit, alam nating hindi naman libre ang kanilang pagtangkilik dito. Kailangan nilang magbayad ng tiket sa bawat konsyerto at pelikulang ilalako ng mga prodyuser. Ang kanilang pagtangkilik ay may kapalit na pagod at presyo. Subalit, dahil nga tumatak na ito sa kanilang kalooban at nadudulot naman ito sa kanila ng “kaligayahan”, hindi nila ito tinitingnan bilang pabigat o luho. Isa itong “pangangailangan”. Kung baga, tumatak na ito sa kanilang isipan (psyche), kaya halos walang lugar para matauhan sa pagiging nadodomina.


Malamang hindi tayo aangal sa pagiging nadodomina dahil pakiramdam naman natin ay nakinabang tayo sa panonood ng itinuring nating “kailangang mapanood”. Sa kasalukuyang lipunan na ang lohika ay ang paglago lamang ng tubo, at walang pagpapahalaga kung kapakanan at kahulugan man ng pagkatao ang masasakripisyo, nagiging posible ang mga ganitong pangyayari. Sa kahit ano mang lipunang pinatatakbo ng salapi, nasasakripisyo ang pagkatao. Pera ang nagiging panginoon habang nawawala ang halaga ng tao.


Reipikasyon at alyenasyon ang tawag dito ng mga Marxistang pilosopo. Reipikasyon sapagkat ginagawang walang buhay ang tao, ginagawang komoditi na magagamit lamang kung kinakailangan ng tubo. Alyenasyon naman dahil hindi na natin malaman ang talagang halaga natin bilang tao. Dahil sa “fetish” na binubuo ng mga industriya ng kultura sa ating mga sikolohiya, ang ating pagkatao ay handang ipagpalit para lamang sa hatak ng “huwad na pangangailangan”.

Hindi naman siguro tamang sabihin na “mababaw” at hindi nag-iisip ang mga nanunuod ng AlDub. Ang problema lang siguro ay hindi pa sapat ang ating “kalaliman”. Hindi pa tayo nakararating sa malalim na kaisipan dahil napakaraming ilusyon ang ipinamumudmod ng telebisyon. Ito na siguro ang tamang panahon upang maramdaman natin ang pagiging “paralisado ng ating mapanuring kaisipan”. Ito na siguro ang “tamang panahon” upang tayong mga inosenteng hindi nagtataka ay maghangad na wasakin ang ilusyon na nilikha at patuloy na nililikha ng industriya ng kultura. Sa pamamagitan ng mapanuring mentalidad at mapagpalayang sensibilidad, hihina ang dominasyon ng konsumerismong lipunan. Ito ang tamang panahon. Pabebe wave muna tayo mga Dabarkads! J

Linggo, Agosto 30, 2015

KUNG SABIHIN NI EDUARDO MANALO NA SAPAKIN MO ‘YUNG HINDI MO KILALA, GAGAWIN MO BA?



Seryosohin muna natin ng konti ‘yung pamagat. Kunwari ay utusan ka ni Eduardo Manalo na sapakin mo ang isang taong hindi mo naman kilala, gagawin mo ba? “Syempre, hindi ko gagawin!”, iyan kaagad ang malutong nating isasagot marahil. “Hindi ko pag-iisipan ng masama ang hindi ko naman kilala, lalo na ang sapakin pa siya.”

Ganyan siguro ang mga makatuwirang sagot, subalit nakakalungkot mang aminin maaaring hindi ito nangyayari sa totoong buhay. Una, maraming mga bagay na ginagawa natin kahit ayaw naman nating gawin—pagpasok sa trabaho o pagpasok sa eskwelahan kahit mas gusto nating humiga na lamang sa ating malambot na kama; o di kaya ay pagluluto at paghuhugas ng pinagkainan kahit na mas gusto nating manuod na lamang ng TV. Sa mga nasabing sitwasyon, ang tungkulin natin at pagiging “nasasakupan ng ating magulang, boss, at kung anu-ano pang otoridad” ay pumupwersa sa ating kumilos; at ang sarili nating “preferences” ay naisasantabi kung mayroon itong pagtunggali sa mga inaasahan sa atin. Pangalawa, malimit nating nararanasan ang malakas na social pressures kaya naman nagagawa natin ang isang bagay na labag sa ating mga pagpapahalaga. Mahalaga ang mga bagay na ito na nagpapakita kung gaano hinihubog ng mga institusyon sa lipunan ang ating pagtingin sa buhay, at maging ang ating mismong buhay.

Sa ganitong pagtingin maaari nating maunawaan ang rally o pagtitipon na ginawa ng mga kapatid nating myembro ng relihiyong Iglesia Ni Cristo (INC). Para sa marami, hindi natin ito maintindihan. “Nanggugulo” sila sa ating kaayusan. Nasasabi natin ito dahil nakamasid lamang tayo sa kanila na parang nasa loob sila ng “acquarium” at hindi tayo nakikibahagi sa kanilang mundo. Dahil pinapanuod lamang natin sila sa pamamagitan ng isang “one-way glass”, nagmumukha silang katawa-tawa sa ating mata. Sa ating makitid na interpretasyon, talagang sunud-sunuran lamang ang mga myembro nito sa idinidikta ng kanilang pamunuan. Pero, kung talagang ating titingnan, sino ba ang hindi?

Maaari siguro nating tingnan ang pagtaliwas na ito sa panlasa ng mga “mulat” kuno, "may pinag-aralan" at masusungit na kritiko bilang simula ng pagpapanday ng ating sarili mismo. Anong mga desisyon natin sa buhay ang nadidiktahan din lamang? Alin sa ating mga kaasalan, pagkilos, at mga pagpapahalaga ang bunga lamang ng mga pagsasanay na pwedeng mahinahon o pwersahang isiniksik sa atin ng mga institusyon tulad ng paaralan, simbahan, pamilya, at marami pang iba?

Maganda ang napakaraming pagpuna na makikita sa mga social-networking sites tungkol sa rally o pagtitipon ng INC. Mahalagang tanda ang pangyayaring ito  na nag-iisip talaga ang mga Pilipino. Subalit malimit nga lamang tayong mag-isip gamit ang nag-iisa nating rasyunalidad. Kaya, kung tatanungin tayong mga “inosenteng hindi nagtataka”: Kung sabihin ni Eduardo Manalo na sapakin mo ang isang hindi kakilala, gagawin mo ba? Ewan. Nakabitin ang sagot. Ito ang ating pagtakahan upang makarating tayo sa ating pinapangarap na Bayang Pilipinas.    

Miyerkules, Hulyo 8, 2015

Ilang mga Katanungan Ukol sa Pamimilosopiyang Pilipino: Isang Diskusyon Gamit ang Email


            Totoo ngang makapangyarihan ang teknolohiya sa panahong mayroon tayo ngayon. Halos hindi na natin maisip ang ating mga sarili labas at kalas sa mundong teknolohikal. Nguni’t sa halip na batikusin, bakit hindi natin ito pakinabangan upang mapalawak ang ating diskursong pilosopikal.
            Gamit ang kompyuter at internet, sumubok akong mag-udyok ng isang katanungan ukol sa matatawag na pilosopiyang Pilipino/Filipino. E-mail ang naging lunsuran ng nasabing malayang talakayan kaya mabilis at hindi na kinakailangang magkatagpo-tagpo nang personal ang mga kasali. Inilunsad ko ang katanungan sa ust-philodept@groupspaces.com, kung saan nagpapadala ng mensaheng elektronik sa mga kasapi ng Departamento ng Pilosopiya ng UST si Dr. Paolo A. Bolanos—ang Chairperson ng nasabing departamento. Sinimulan ko ang pagtatanong ukol sa pananaw nila sa “Pilosopiyang Pilipino/Filipino”. Mayroon ba nito? At, ano para sa kanila ang kahulugan nito?

Narito ang ilan sa kanilang mga kasagutan:


Pamimilosopiya at Pagsusulat ng mga Pilipino Bilang Pilosopiyang Pilipino



Dr. Romualdo E. Abulad, SVD

“Ang tanong ko ay ito: Mayroon bang mga Pilipinong nagpipilosopiya at sumusulat ng mga aklat at journal articles? Kung mayroon, ano pa ang maitatawag sa mga ito kung hindi Pilosopiyang Pilipino?”

Ang Pamimilosopiyang Filipino Bilang Kulang sa “Sulat-Basa-Debate”



Dr. Paolo A. Bolanos, PhD.

“Maraming salamat sa katanungan mo Emman. Sa gustuhin man natin o hindi, mananatiling buhay na katanungan ito para sa ating mga Pilipinong pilosopo. Kung ganoon nga, dapat nating bigyang pansin ang katanungan na ito. Meron nga bang pilosopiyang Pilipino? 

“1. Para sa akin, hindi na isyu kung meron o wala bang Pilipinong namimilosopiya. Alam na natin ang sagot dito. Sang-ayon ako kay Br. Romy sa aspeto na ito. Marahil pwede pa natin dagdagan ang kanyang sinabi.

“2. Ano nga ba ang pilosopiya? Paano nga ba ang mamilosopiya? Sa tingin ko, kinakailangan nating bigyan ng kahulugan kung ano sa tingin natin ang pilosopiya. Ang pilosopiya ba ay "sistematiko"—gaya ng mga karaniwang ginagawa ng mga taga Europa, Inglaterra, o Estados Unidos? Kinakailangan ba na ang pilosopiya ay katulad ng agham na may "sigurado" (ito ang paniniwala ng mga syentipiko) na metodo? Kung ganito lamang ang pilosopiya, paano natin maipapaliwanang ang relasyon nito sa relihiyon, literatura, at sining? Siguro kung mas naiintindihan natin kung ano ang relihyon, literatura, at sining, baka mas mauunawahan natin kung ano ang pilosopiya. Ano nga ba ang kanilang pagkakahalintulad?

“3. Katulad ng relihyon, literatura, at sining, ang pilosopiya ay isang uri ng "pag-tingin" sa mundo. Katulad ng mga ito, ang pilosopiya ay isang makataong pamamaraan sa pagbigay hugis o kahulugan sa kung ano ang "Meron"—parehong "pisikal" at "metapisikal." Mas mahirap patunayan ang metapisikal na realidad, ngunit marami ding mga pilosopo ang naniniwala dito. Sa kabilang banda, mas madaling patunayan ang pisikal, at sa tingin ko walang aangal (maliban na lamang kay Descartes) na ang "gutom" ay pisikal natin na nararamdaman. Ito ang dahilan kung bakit may ideya tayo ng gutom at nabigyan pa natin ito ng pangalan. Ito marahil ang ibig sabihin ni Spinoza sa "parallelism between mind and body," at hindi "dualism" (Descartes). 

“4. Ngunit ang isyu natin ay hindi si Descartes o Spinoza, kung hindi ang tanong: Ang mga Pilipino ba ay tumitingin sa mundo at sinusubukan nilang bigyang hugis at kahulugan ang kung ano man ang kanilang namamalasan? Dagdag dito, sa kabila ng namamalasan ng mga Pilipino (sa larangan ng politika, buhay-publiko, buhay-pribado, buhay-pansarili) nagiging aktibo ba ang pag-aasam nila ng kalayaan, hustisya, at ang pakiramdam ng pagkaka-sapi (sense of belonging)? Ito marahil ang dahilan kung bakit may relihyon, literatura, sining, at pilosopiya. Ang mga ito ay mga paraan ng "paghahanap." Ito marahil ang katangian ng tao. Tao nga ba ang Pilipino?

“5. Pwede rin naman natin tingnan ang pilosopiya sa kanyang "akademikong" anyo. Sa tingin ko, "akala" lang natin na may Griyego, Aleman, o Pranseskanong pilosopiya sapagkat meron ang mga kulturang ito ng kasaysayan ng kanilang "pagtining sa mundo." Ang kanilang intelektuwal na kasaysayan ay nababasa natin sa kanilang mga naisulat, at dahil meron silang mga naisulat, nagkaroon sila ng mga magbabasa. Dahil meron nagsulat, nagbasa, at nagsulat ulit, nagkaroon ng debate at diyalogo, humantong man ito sa pagkakasundo o hindi pagkakasundo. Ngunit ganoon talaga ang akademikong anyo ng pilosopiya. Tanungin natin ang mga sarili natin kung meron na ba tayong dinamikong kultura ng "sulat-basa-debate." Binabasa ba natin ang sinulat ng ating mga kapwa Pilipinong pilosopo at hindi ba tayo natatakot magbigay ng opinyon natin sa mga ito sa pamamagitan din ng pagsusulat? Kaakibat ng pamimilosopiya ang kasaysayan—ito ang dahilan kung bakit kailangan natin ang magsulat; and mga sinusulat natin ay galamay ng ating mga alaala. Bilang mga pilosopo, sa ganitong paraan lang tayo magugunita ng susunod na salinlahi. Kaya salamat sa mga estudyante nila Confucius, Buddha, at Socrates—kung hindi dahil sa kanila ang imahen at mga turo ng mga sinaunang guro na ito ay mabubura sa memorya ng sangkatauhan. Kung wala pa tayo sa lebel na ito (o kaya kulang pa), sa tingin ko mahabang panahon pa bago natin masasabi, na may tiwala sa ating sarili, na meron ngang pilosopiyang Pilipino.” 

Mapangilatis na Talakayan at Hindi Isang Sistematiko ng Pangangailangan ng Pamimilosopiyang Pilipino



Jovito V. Carino, Ph.D. Candidate

“Salamat Emman. Isinusulat ko ang e-mail na ito habang iniisip ko na kunwari ay may kaharap ulit tayong malamig na bote ng serbesa. :-)
“Mahirap dagdagan pa ang nauna nang sinabi ni Dr. Abulad at Dr. Bolaños. Higit pa sa sapat ang mahahalagang puntong inilahad nila. Nais ko na lamang magbigay ng komento sa tanong. 
“Una, saan ba nanggagaling ang tanong at ano ang layon nito? 
Ikalawa, ano kaya ang palagay na nakapaloob sa paggamit ng salitang "pilosopiyang Filipino/Pilipino"
“Kung ang diin ng tanong ay pilosopiya bilang pamimilosopiya, sa tingin ko ay wala namang masyadong problema. Mas mayaman ang sinabi ni Dr. Abulad at Dr. Dr. Bolaños tungkol dito. Panig ako sa lahat ng sinabi nila. 
“Sa isang banda, kung ang diin ng tanong ay "pilosopiyang Filipino/Pilipino" bilang sariling atin, ibig sabihin, bilang isang sistema ng kaisipan na magtatanyag ng ating identidad bilang Filipino, sa tingin ko, isang maselang usapin ito na kailangang isailalim sa masusi at palagiang talakayan. Gayunman, sabi nga ni Dr. Bolaños, ang ganitong talakayan, hindi ang sistema ng kaisipan, ang posibleng panggalingan ng pilosopiyang Filipino o, sa ganang akin, ng pamimilosopiyang Filipino. 
“Sa puntong ito, maaari na tayong umorder ng isa pang bucket ng serbesa upang masimulan na ang palitan ng kuro tungkol dito. 
“Sabi nga natin sa Matabungkay, tamang-tama...: -)”

Pagbabanggaan ng Ideya at Argumento Batay sa Kalagayan ng Sariling Lipunan



Dr. Oscar R. Diamante, Ph.D.

“Emman,
“Ayon sa napapansin ko sa mga pilosopong Aleman, Amerikano, Greek, Ingles, atbp, mga pilosopong binabasa natin, ang kanilang mga binabanggit ay mga bagay na nasa kultura at kasaysayan nila. Sila-sila rin mismo ang nagbabanggaan ng ideya at argumento. Kinikilala nila ang nagawang teorya at sistema ng pag-aaral ng kapwa nila Aleman, Amerikano, o Europeo. Halimbawa, hindi lingid kina Gadamer (at mga kaklase nito) ang mga ideya, kritikal na argumento at bagong pamamaraan nila Husserl, Kant at mga Neo-Kantian, Hegel at mga Hegelian, atbp. Kaya sila ang naging batayan ng mga kritikal na pag-iisip ng mga namimilosopiya ng sumunod na generasyon. Mga halimbawa na binabanggit nila ay hango rin sa kanilang karanasan sa loob ng kanilang milieu at karanasan. Kaya kitang-kita na hindi banyaga ang mga ideya, pamamaraan at halimbawa na kanilang binibigkas.
“Ang mga ganyan ang hindi pa lubos na nakikita sa mga Pilipinong namimilosopiya. At least, ang pag-order ng beer upang lalong ganahan sa diskusyon tungkol sa pilosopiya at anuman ay angking Pinoy.
“Iyan lamang po ang aking opinyon. Salamat.”

Katanungan Tungkol sa Kondisyon ng Posibilidad ng isang “Dalisay” na Paraan ng Pamimilosopiyang Pilipino

Dr. R. Abulad

“May isa lamang akong pahabol. Suspetsa ko lang naman ito. Hindi kaya ang tanong na: "Mayroon bang Pilosopiyang Pilipino?" ay nagbabadya ng isang nakatagong presuposisyon ukol sa pilosopiya—na ito ay buhat sa Griyego at kung gayo'y maka-Kanlurang katanungan? Ang kahigtan siguro nina Gautama ng Indiya at Confucius ng Tsina ay nag-iisip lamang sila buhat sa kanilang kinaroroonan sapagkat hindi pa nila naririnig ang mga sinasabi nina Platon at Aristoteles. Sa kabilang dako, tayong mga pilosopo ng kasalukuyang panahon ay tila hindi na maaaring mag-isip nang hindi nababahiran ng mga naunang pilosopo—taga-Kanluran man sila o taga-Silangan. Makatarungan bang umasa na may dalisay na paraan ng pamimilosopiyang Pilipino? Mayroon ba nito?”


Kaunting Paglalagom

May ilang mahahalagang kaisipan at mga katanungan ang maaari nating pagnilayan buhat sa mga kasagutan ng mga kasama ko sa departamento ng Pilosopiya. Magagamit natin ang mga ito sa mga susunod nating pagsusulat ukol sa pilosopiyang Filipino at pamimilosopiya sa Pilipinas.

Una, malinaw pa sa sabaw ng pusit na nanatiling walang nag-iisang depinisyon ang pagpapangalang “Pilosopiyang Filipino”. Kung sasabihin nating “Ang pilosopiyang Pilipino ay walang iba kundi ang pamimilosopiyang ang namimilosopiya ay Pilipino”, sapat na ba ang depinisyong ito para sa ninanais nating uri ng pamimilosopiya? Kailanga pa nating gumugol ng maraming oras ng pagmumuni-muni at balitaktakan ukol sa usaping ito.

Pangalawa, mahalaga ang kritisismo sa uri nating pamimilosopiya sa Pilipinas. Bukod sa hindi natin binabasa at pinag-uusapan ang mga sinulat ng mga naunang Pilipinong pilosopo, kung binabasa man natin sila at nagsusulat tayo tungkol sa kanila, kulang na kulang tayo sa kritisismo. Mistulang takot tayong makipag-balitaktakan at magbigay ng mahahalagang puna. Marahil ay epekto ito ng ating kultura ng “pakikisama”. Ayaw nating magbanggit ng puna, kahit alam naman nating dapat itong sabihin, sapagkat ayaw nating sumama ang loob ng pinupuna natin. Nabanggit ng mga kasamahan ko sa departamento ang kahalagahan ng kritisismo. Hindi uunlad ang mga bagay na ating pinag-uusapan kung puro na lamang pag-uulit at mga papuri sa kanilang mga nagawa ang ating gagawin. Alin bang aspekto ang hindi napag-usapan ng mga pilosopong nauna sa atin? San bang punto medyo sumablay ang kanilang mga teorya? Angkop ba ang kanilang mga naging pamamaraan base sa ating kinasasadlakang lipunan?

Pangatlo, lumilitaw sa diskusyon sa itaas ang katanungan tungkol sa isang “dalisay” na Pilipinong pamimilosopiya. Kailangan bang sariling-sarili natin ang istilo at mga konsepto upang matawag na Pilosopiyang Pilipino? Ibig ba nitong sabihin na hindi natin kailangang tingnan ang mga ginalugad ng mga banyagang palaisip? Maingat ngang itinanong ni Abulad, posible ba o meron ba nito? Dito mahalagang basahin ang mga tekstong nagpapaliwanag ng “pantayong pananaw” at maging ng mga komokontra dito. Tayong mga nagsisimula pa lamang sa larangan ng pamimilosopiyang Pilipino ay kailangan nang maghalwat ng maaalikabok na primaryang batis tungkol sa debateng ito. Andiyan ang mga sinulat nina Leonardo Mercado, Florentino Timbreza, Virgilio Enriquez, at Virgilio Almario ukol sa kahalagahan ng pagsisimula sa sariling atin. Mahalaga din ang mga nasulat nina Emerita Quito at Alfredo Co tungkol sa kahalagahan ng komparatibong analisis. Makatutulong din ang mga nasulat tungkol sa pagsasakonteksto ng ng pilosopiyang kanluranin na pinasimulan nina Leonardo de Castro, Rainier Ibana, Manuel Dy, Romualdo Abulad, at marami pang iba. Kailangan na rin nating sundan ang mga pagtitipon ng mga akdang naisulat ng mga nauna sa atin tulad ng ginawa nina Rolando Gripaldo, Romualdo Abulad, Alfredo Co, at F.P.A. Demeterio.

Pang-apat, mahalaga rin sa mga nabanggit sa diskusyon sa itaas ang pakikinig sa ibang larangan tulad ng agham-panlipunan at agham-tao. Hindi nakakulong sa departamento ng pilosopiya at mga komperensiyang pinasisinayaan ng mga dalubhasa sa pilosopiya ang mahahalagang kaisipan na makakatulong sa ating pamimilosopiya sa Pilipinas. Kailangan nating makipag-diyalogo sa ibang mga disiplina (interdisciplinary approach). Kailangan rin nating basahin ang mga pagsusuri ng mga konseptong Pilipino na ginawa nina Dionisio Miranda (Theology), Albert Alejo (Philosophy), Prospero Covar (Psychology), Reynaldo Ileto (South East Asian Study), Zeus Salazar (History), Virgilio Enriquez (Psychology), Virgilio Almario (Literature), Efipanio San Juan (Literature), at marami pang iba.

Samantalang ginagawa natin ang ating mga dapat gawin sa pagpapaunlad ng pamimilosopiyang Pilipino, halina at tayo muna ay makipagbalitaktakan sa mga diskursong may kinalaman dito, harap-harapan man o online.  
  

                 

Lunes, Mayo 4, 2015

Ang Patikim na Pagkakaisa Tuwing may Laban si Pacquiao

Kung mayroon mang magandang naipakita ang katatapos lamang na laro nina Mayweather at Pacquiao, ito ay ang pagkakaroon isang “patikim” ng pagkakaisa ng mga Pilipino. Kahit paano ay nagkaroon tayo ng isang “national sentiment” (gamit ang termino ni Jose Rizal) kahit na sa ilang oras lamang. Kailangan natin ang mga ganitong pagkakantaon para sa tinatawag ni Benedict Anderson na “imagined community” o ni Fredric Jameson na “glimpses of utopia”. Subalit kung talagang mulat tayo sa nangyari, mas lutang dito ang talagang pagkontrol sa sikolohiya nating mga Pilipino ng mga nagpapatakbo ng negosyong ito. Mahusay ang pagkakagawa ng “emosyon” upang maramdaman nating “pangangailangan” na maging updated sa gawa-gawaang rivalry nina Pacquiao at Mayweather. Parang mga "willing victims" na naman tayo ng mga negosyanteng-bampira na walang ginawa kundi sipsipin ang dugo ng ating pagkatao. 



Malamang hindi tayo aangal dahil pakiramdam naman natin ay nakinabang tayo sa panonood ng itinuring nating “kailangang mapanood”. 'Yan ang ating lipunan. Sa kasalukuyang lipunan na ang lohika ay ang paglago lamang ng tubo, at walang pagpapahalaga kung kapakanan at kahulugan man ng pagkatao ang masasakripisyo, nagiging posible ang mga ganitong pangyayari. Sa kahit ano mang lipunang pinatatakbo ng salapi, nasasakripisyo ang pagkatao. Pera ang nagiging panginoon habang nawawala ang halaga ng tao.



Reipikasyon at alyenasyon ang tawag dito ng mga Marxistang pilosopo. Reipikasyon sapagkat ginagawang walang buhay ang tao, ginagawang komoditi na magagamit lamang kung kinakailangan ng tubo. Alyenasyon naman dahil hindi na natin malaman ang talagang halaga natin bilang tao. Dahil sa “fetish” na binubuo ng mga industriya ng kultura sa ating mga sikolohiya, ang ating pagkatao ay handang ipagpalit para lamang sa hatak ng “huwad na pangangailangan”. Ano ang dapat nating gawin?
Kailangan nating wasakin ang ilusyon na nilikha at patuloy na nililikha ng industriya ng kultura. Sa pamamagitan ng mapanuring mentalidad at mapagpalayang sensibilidad, hihina ang epekto sa atin ng konsumerismong lipunan. Hindi ito simpleng solusyon. Hindi sapat na gustuhin lamang. Kailangan nito ng tunay na pag-alam sa kaso ng lipunan. Hindi sapat ang paminsan-minsang “pagkakaisa” tuwing may laban si Pacquiao o ang Gilas Pilipinas. Kailangan magkaisa rin tayo sa pagdama sa ating kinasasadlakang kalagayan.
Mangahas mag-isip. Maging mulat sa kalagayan ng bayan. Maging mapanuring mamamayan. Ito lamang ang solusyon upang umunlad ang lipunan.   

Martes, Marso 31, 2015

MAHAL AT BANAL: Pag-alaala Ngayong Mahal na Araw

Iba’t ibang katawagan ang ginagamit natin para sa linggong ito. Andiyan ang “mahal na araw” (tagalog), “holy week” (ingles), at “semana santa” (kastila). Kung nakikinig tayo sa mga pangalan na ibinibigay natin sa sagradong linggong ito, dalawang bagay ang umaalingawngaw: Mahal at Banal. Ang “mahal” at “banal” ay parehong mga katagang may karga-kargang kahulugan na may kinalaman sa kalooban. Isaisahin natin at baka sakaling mayroon tayong matagpuan.


Sabi nila, ang tunay na pagmamahal ay hindi makikita sa panlabas. Hindi masusukat sa pagbibigay ng bulaklak, tsokolate, kotse, o anumang bagay ang tunay na pagmamahal. Sa madaling salita, ang panlabas na ipinapakita ay maaaring isa lamang pagkukunwari. Sa tunay na pagmamahal, palaging may elemento na nakasangkot ang kalooban ng isang taong nagmamahal. Sabi nga, “Nahulog ang kanyang loob kay ganito”. Maaaring sa una ay parang wala kang magawa kundi ang mahulog ang loob sa kanya katulad ng natural na pagkukusa ng katawan na lumaki at mahubog. Subalit, pagkatapos ng pagkahulog na ito ay maaari nating mamalayan ang sitwasyon ng pagkahulog, pag-isipan, patubuin sa kalooban, at angkinin. Ito ang tinatawag nating “kusang-loob”, isang malayang pagpapasyang nanggaling sa kaloob-looban. Samakatuwid, kalooban ang tunay na nakikipagtagpo sa pagmamahal. Dumaraan sa pandama, subalit pinatutubo at ipinapasya ng kalooban.  
Ganito rin ang kabanalan. Wala sa panlabas ang kabanalan kundi isa itong tumutubong disposisyon sa kaloob-looban ng isang tao. Maaaring magkunwari at ipakita (panlabas) sa madla na isa kang “banal” sa pamamagitan ng pananalangin, pagpepenitensiya, pagbibigay ng abuloy sa simbahan, pagsisimba, at marami pang iba. Subalit, matatauhan tayo na posible namang mga panlabas lamang ito at walang pagkatotoo. Katulad ng kinukuwento sa kantang "Banal Aso, Santong Kabayo", maaaring dasal nang dasal subalit noong hindi maibaba sa gustong babaan, "mura pa rin nang mura ang Ale!" Tinatawag natin itong “pakitang-tao” sapagkat buhay na buhay sa konseptong Pilipino na sa kalooban talaga matatagpuan ang kabanalan. Ang kabanalan ay maaaring maramdaman sa panlabas, subalit isa talaga itong tumubong disposisyon sa kalooban ng isang tao.



Para mas maunawaan natin ito, pagnilayan natin ng konte ang buhay ni San Agustin at ang karanasan ng kanyang “pusong hindi mapalagay”. Sang-ayon sa kanya, ang talaga raw hinahanap niya ay ang kaligayahan. Hinanap daw niya itong kaligayahan sa labas. Sabihin na nating nambabae si San Agustin, nagpakasawa sa makamundong-aliw, namangha sa ganda ng mga gawa ng Diyos, at nagdulot ang mga ito sa kanya ng aliw. Subalit, sang-ayon sa kanya, ang mga ito ay panandaliang-aliw lamang. Walang tunay na kapanatagan. Nilibot niya ang buong sangnilikha ng Diyos, pero wala doon ang tunay na kaligayahan dahil hindi siya bukas sa pagtubo ng Diyos sa kanyang kalooban.
Naliwanagan si San Agustin na unang-una pa man (simula’t sapol) ay nasa kalooban na niya ang Tunay-na-Kaligayahan (ang Diyos) subalit hindi niya nararamdaman sapagkat nakatuon ang kanyang pansin sa mga panlabas na bagay. Nang binuksan ni San Agustin ang kanyang kalooban, doon niya natagpuan ang Diyos na sumasaatin (Emmanuel). Naranasan niya ang isang kaliwanagan na nanggagaling sa pagkabukas sa grasya ng Diyos—isang karanasang Mahal-Banal.
Ito ang dahilan kung bakit mayroong “mahal na araw” o “holy week” o “semana santa”. Hindi lamang ito panahon upang ipakita sa madla ang ating mga penitensya at tradisyon. Wala namang masama sa mga tradisyong ito. Subalit, kung hindi ito tutubo sa ating kalooban, magiging panandalian din lamang ang mga ito.


Ang linggong ito ay inilalaan ng Simbahan upang ipaalaala sa ating mga makakalimuting tao ang tunay na kahalagahan ng pagbubukas sa grasya ng Diyos. “Mahal na araw” ito sapagkat dito natin inaalala ang siksik-liglig-at-umaapaw na pagmamahal Diyos na matatagpuan sa mensahe ng Krus. “Holy Week” o “Semana Santa” rin ito sapagkat hinahangad nating makipagtagpo sa Banal. Hinahangad nating tumubo ito sa ating kalooban dahil alam nating walang-wala tayo kung wala ang Diyos sa atin.  Sabi nga ni San Agustin, Fecisti nos ad te et inquietum est cor nostrum donec in te requiescat. “Nilikha mo kami upang sa Iyo ri’y makauwi, at hindi mapalagay ang aming puso hangga’t hindi namamahinga sa Iyo”.  

Maligayang pagbabalik-loob at pagninilay sa Mahal-Banal! Matagpuan nawa natin ang Diyos na matagal nang nananabik sa atin! 

Lunes, Marso 16, 2015

Ilang Minuto tungkol sa Malikhaing Pagkatanga

        Mapanghamon ng pangalawang yugto ng Pambungad sa Metapisika. Pairalin daw ang pagtataka. Subalit, itong pagpapairal sa pagtataka ay parati daw hahantong sa pag-amin na ating katangahan. Noong una kong mabasa na ginagamit pala talaga ni Padre Roque ang katagang “tanga” at “katangahan” parang nagulat ako. Lumaki ako sa turo ng nanay kong public school teacher na dapat daw iwasan ang paggamit ng nasabing kataga. Subalit, epektibo ang pagbigkas ni Padre Roque sa “katangahan” sapagkat nagulat ako dito at hinamon akong mag-isip. Siguro, kung ang ginamit lamang niya sa kanyang akda ay “mangmang” baka sinabi ko lamang sa aking sarili, “Ang cute noong katagang mangmang”. Mas tumalab sa akin yung mistulang marahas na kataga, ginulat ako nito, at ako’y napaisip.


            Kapansin-pansin ito bilang istilo ni Padre Roque. Ginugulat niya ang kanyang mambabasa at inilalagay sa sitwasyon ng mga dapat pagtakhan. Sa mundong mabilis na ang lahat, mistulang pag-aaksaya na rin ng oras ang magtaka. Sinusunod na lamang natin ang mga nauna nang karanasan at paunang-hatol. Sabihin nating meron na tayong nakahandang sistema.
Magbigay tayo ng isang paghahalimbawa. Mahusay ang pagkakabenta sa mga sikat na artista katulad ng tambalang Kathryn Bernardo at Daniel Padilla. Sila rin ang tinatawag na KathNiel ng mga umiidolo at maging ng mga lumalapastangan sa kanila. Dahil sa paulit-ulit na pamumudmod ng ideyang nakakakilig sila, tumatak ito sa sikolohiya ng kanilang fans. Kahit wala namang direkta at personal na relasyon ang mga ito sa dalawang pinasikat na artista, sila ay mayroong emosyonal o afektibong koneksyon sa mga ito. Ito ang dahilan kung bakit nagagawa nilang lumiban sa eskwela, suwayin ang kanilang mga magulang, makipag-away sa mga komokontra sa tambalan, alang-alang sa iniidolong KathNiel. Subalit, alam nating hindi naman libre ang kanilang pagtangkilik dito. Kailangan nilang magbayad ng tiket sa bawat pelikulang ilalako ng mga prodyuser. Ang kanilang pagtangkilik ay may kapalit na pagod at presyo. Subalit, dahil nga tumatak na ito sa kanilang kalooban at nadudulot naman ito sa kanila ng kaligayahan, hindi nila ito tinitingnan bilang pabigat o luho. Isa itong “pangangailangan”. Kung baga, tumatak na ito sa kanilang sistema. At, dahil sa sistemang ito, walang lugar para matauhan tayo sa ating katangahan. Hindi malinaw na nakikita na pinatatakbo lamang ng panlabas na pwersa.



Noong nakaraang Byernes, sa klase namin tungkol kay Gilles Deleuze, napag-usapan ang rasyunalidad na nakapalood sa irasyunalidad. Pero, mas epektibo pa rin kung gagamitin ko ang salitang “katangahan”. Mas nakakatibo ito at baka sakaling masaktan tayo at hamuning mag-isip. Sabihin nating nakabubulag itong katangahan.
Subalit, kung talagang nakikinig tayo kay Padre Roque, mistulang sinasabi niya na lahat tayo ay mayroong katangahan (at dahil nga masakit itong tanggapin, itinatago lamang natin). Dapat tayong matauhan at laging itanong sa sarili, “Meron bang detalye na inimbento o hinulaan ko sapagkat hindi ako alisto sa mga nangyari at nahihiya akong umamin na meron akong pagkatanga?” (49). Nakukutuban akong napakahalaga nito at mahirap talagang tanggihan na ang pagkabukas ay nagmumula sa malalim na pag-unawa sa katangahan. Magdadalawang isip akong gawin, mag-iisip muna ulit ako bago ako kumilos, bago ako humusga, sapagkat bukas ako sa posibilidad ng aking katangahan. Subalit, dahil sa ating katamaran na mamuhay nang mulat sa ating katangahan, isinasantabi ito at kumikilos na para bang alam natin ang lahat. Ito daw ang pagtanggi sa meron.   
        Napakahalaga nitong pagpapamulat ni Padre Roque sa ating katangahan sapagkat malimit tayong humanga sa ating pinanggagalingang rasyunalidad. At, kapag hindi tumugma sa ating rasyunalidad, mabilis tayong magpasya at magsabing wala itong kwenta. Maaaring batay sa ating rasyunalidad, halimbawa, ay makatutulong ang isang all-out war upang malutas ang magulong sitwasyon sa Mindanao. Tanggap natin ito bilang makatuwiran lalo na kung hindi tayo apektado ng gyera. Parang napakarasyunal ng ating pagtingin dahil hindi tayo namumulatan na hindi natin alam ang buong katotohanan. Kaya, kung mamumulatan lamang siguro tayo at lalakasan ang loob na tanggaping palaging mayroong tayong katangahan, malamang mas matiwasay ang ating buhay. Isang mala-Sokrates na pagtanggap ang dapat nating paghandaan. Sabi ng pinakamatalino at pinakamoral na tao noon sa Athens, “Ang alam ko lamang ay ako’y tanga!” Hindi naman siguro mahirap sabihin ‘yan. Subalit, alam nating ibang istorya kung ating isasabuhay ang malikhaing-pagkatanga.


Sabado, Disyembre 27, 2014

Bulag ang Pag-ibig (Kasabihan na sa atin)

Noong bata pa ako, sumikat ang kantang "Lakas Tama". Ang rakistang banda noong 90's na Siakol ang nagpasikat nito. Punk ang tugtugan nila kaya patok sa kabataan noon (hindi pa naman ganoong katanda ngayon). Bulag daw ang pag-ibig, sabi ng kanta.

Bakit kaya nga sinasabing bulag ang pag-ibig? Ang dami nang taong naging mangingibig, nananatili pa rin naman ang kanilang paningin. Pero, bakit kalimitang sinasabi pa rin na bulag ito?

Ngayong ako ay nag-asawa, saka ko lamang naunawaan ang matandang kasabihan. Hindi naman sa walang nakikita talaga ang taong umiibig (hindi talagang bulag). Mas mainam sigurong sabihing mas kakaiba ang nakikita ng taong umiibig.

Nakikita ng mapanlait na mundo ang katabaan ng isang tao. Pero, sa isang taong umiibig "healthy" lamang siya. O di kaya para sa ibang tao, ulikba o nognog ang kulay ng balat ng isang tao. Pero, sa taong umiibig kumukutikutitap pa rin ang tingin niya dito.

Hindi naman sa hindi nakikita ng taong nagmamahal ang katakawan ng minamahal niya. Sa halip, ang nakikita niya ay ang pagiging "magana nitong kumain". Kaya hindi totoong "bulag" o walang nikikita ang taong nagmamahal. Sa tingin ko, maraming nakikita ang taong nagmamahal na hindi nakikita ng taong hindi "lakas tama".

Isang taon na rin kaming kasal (December 28) ng pinakamamahal ko at siyang nag-iisang dahilan. Buti na lamang at bumili ako ng maraming gayuma sa Quiapo. Sabi pa noong binilhan ko, dagdagan ko pa raw ng helmet para hindi matauhan kung mauntog. Lokong mama yun! Hehe! Sapat na siguro ang ilusyon at magic ng pag-ibig para makita niya ang "Emmanuel de Leon" sa akin na hindi marahil nakikita ng ibang tao.

Maraming salamat, Hun, sa walang kondisyong pagmamahal. Salamat sa pagbibigay mo kay Elle sa buhay ko. Mamahalin kita habang ako ay ako at ikaw ay ikaw. Ang pag-ibig ko sa iyo ay gustong magpatunay na mayroong FOREVER. Tiwala lang. :)

Happy anniversary, Hun! Hindi ko maipapangako ang isang marangyang buhay, isang magandang lahi lamang. Hehe! MAHAL KITA!