Martes, Disyembre 12, 2017

ANG "SULIT" SA "PAGSUSULIT"

Ang salitang ugat ng “pagsúsúlit” ay “súlit”. Isa itong sinaunang tagalog na, ayon sa UP Diksiyonaryong Filipino ay mayroong limang kahulugan. Una, “súlit” ang tawag sa anumang itinakdang pamantayan na dapat lampasan. Nagsasagawa ng pagsúsúlit pagkatapos ng mahabang pagsasanay (sa paggamit ng kamagong halimbawa) upang masukat kung talagang umabot sa itinakdang pamantayan. Dumadaan din sa “pagsúsúlit” ang isang diyakono bago siya ordinahang pari upang talagang makilatis kung pasado siya sa criteria na itinakda ng Simbahan.

Pangalawa, ang “súlit” ay nangangahulugan ring “paliwanag o pagpapaliwanag”. Kaya, kapag sinabi sa iyong “magsúlit ka!”, maaaring ibig sabihin nito ay “magpaliwanag ka!”

Pangatlo, ang “súlit” ay maaari ding mangahulugang “pagsasauli nang maliwanag sa anumang hiniram”. Sa aspekto ito, kapag sinabi sa iyong “magsúlit ka!”, ibig sabihin nito ay “isauli mo nang maliwanag ang bagay na iyong hiniram!” Kapag halimbawa ipinahiram sa iyo ang taxi at nagkasundo kayo sa isang presyo (P1,500 sa isang araw halimbawa), nagsúsúlit ka sa may-ari dahil sa bagay na iyong hiniram.

Pang-apat, ang “súlit” ay may kahulugan ding “antas ng pakinabang sa puhunan”. “Súlit” ang iyong nagastos o ipinamuhunan kung patas naman ang iyong napakinabangan mula dito.

At, panghuli, ang salitang “súlit” ginagamit rin bilang pantukoy sa “pagsasanay sa komedya, o sa ibang mga bagay”.

Mayroong sala-salabid na kahulugan na maaari nating maunawaan mula sa sinaunang paggamit ng salitang “pagsusulit”. Sa pilosopiya ng wika, hindi lamang kahulugan ang karga-karga ng isang salita; sa halip, mayroon din itong aspekto ng kairalan. Ibig sabihin, maaari nating maunawaan ang kairalan o diwang sinauna mula sa paraan ng pagpapakahulugan nila sa salita. Maaari nating maunawaan ang nakaraan upang malaman natin kung ganito pa rin ito umiiral sa kasalukuyan. Maaari din nating maunawaan ang kasalukuyan sa pamamagitan ng isang penomenolohiya ng wika. Ano ba ang dating ngayon sa atin ng salitang “pagsúsúlit”? Ano ba ang kahulugan ng salitang ito sa ating kasalukuyang kairalan?

Sa ngayon, bahagi pa rin ng kamalayang Filipino ang kahulugan ng pagsúsúlit bilang “itinakdang pamantayan na dapat lampasan”. Kaya nga naririnig pa rin natin hanggang ngayon ang mga salitang pasado na ibig sabihin ay “nakalampas sa pamantayan” at bagsak na ibig sabihin naman ay “mababa o hindi nakalampas sa pamantayan”. Mayroon din tayo ngayong naririnig na katawagang pasang awa o “pasado dahil sa awa” na hindi natin naririnig sa sinaunang kahulugan ng salitang pagsúsúlit. Ibig sabihin ng “pasang awa” ay mababa ang kalidad o hindi talaga nakalampas sa itinakdang pamantayan, subalit, dahil sa emosyon ng awa, binulag nito ang tagapagsúlit upang palampasin na lamang. Hindi mahirap maunawaan kung bakit umiiral ang ganitong kalakaran ng “pasang awa” sa lipunang Pilipinas dahil na rin sa konsepto ng “hiya” at “pakikisama”. Wika nga minsan, “palampasin mo na lamang”; kahit hindi tama sa pamantayan ang ginawa. Kung minsan, sa lipunang meron tayo ngayon, mas mahalaga ang konsepto ng samahan kaysa konsepto ng hustisya. Maraming tao ang handang ikumpurmiso ang tama (ang itinakdang pamantayan), dahil nasanay na rin sigurong palampasin sa maliliit na pagsúsúlit sa paaralan. Kaya, pagdating sa mas malalaking pagsúsúlit sa buhay, lusot pa rin ang hinahanap upang makalampas sa itinakdang pamantayan, at hindi ang tamang daan.

Tungkol sa pangalawang kahulugan ng pagsúsúlit bilang “paliwanag o pagpapaliwanag”, bihira na itong ipakahulugan sa kasalukuyang kairalan na maaaring ugatin natin sa sistema ng edukasyon na masyadong nakapanig sa kabisoteng pagsúsúlit. Ulitin mo lamang ang itinuro ng propesor at sigurado na ang pagpasa. Subukan mo namang pagpaliwanagin kung bakit naging ganoon ang sagot, at bakit hindi ganito, malamang iba na ang magiging resulta. Sa kasalukuyang kairalan, ang salitang “pagsúsúlit” ay bihira nang mangahulugang “pagpapaliwanag”; mas madalas ito ay pagmememorya.

Tungkol naman sa pangatlong kahulugan ng pagsusulit bilang “pagsasauli nang maliwanag sa anumang bagay na hiniram”, bihira na rin itong ipakahulugan sa kasalukuyang kairalan na maaari naman nating ugatin malakas na sense entitlement (patatawarin sa ginamit kong salita) ng mga tao ngayon. Hindi na marahil tinitingnan bilang “hiram” o “utang na loob” sa guro ang kaalaman sapagkat, unang-una ay bayad naman ang mga ito. Sa taas nga naman ng tuition fee at kung ano-ano pang “other fees”, sino bang mag-aakalang ang itinuturo ay pahiram lamang kahit may bayad?

Kaya, may kaugnayan dito ang pang-apat na kahulugan ng “súlit” bilang “antas ng pakinabang sa ipinamuhunan”. Sinusukat ng guro ang antas ng pakinabang sa kaniyang ipinamuhunang pagod, oras, at talino sa pamamagitan ng pagsúsúlit. Subalit, aspektong ito, hindi na lamang guro ang nagbibigay ng pagsúsúlit, maging ang mga estudyante na namuhunan sa tuition fee ay sinusukat din kung nasúlit nila ang kanilang ibinayad.    

Sa limang kahulugan ng salitang “pagsúsúlit”, malamang ang pinakahindi masyadong nakarating sa kasalukuyang kairalan ay ang kahulugan nito bilang “pagsasanay sa komedya…”. Malamang, unang dahilan na nito ay ang pagkalaos na ng komedya sa kasalukuyan. Dahil sa pagsulong ng telebisyon, mistulang kapalaran ng entablado na mapaglumaan, at kasama nitong napaglumaan ang panlimang kahulugan ng pagsúsúlit.

Sa bandang huli, ang hirap sulitin ng salitang “pagsúsúlit”. Napakaraming bagay na maaari nating mahugot mula dito. Tama na muna siguro; aral na muna tayo at baka wala tayong maisagot sa mga nakatakdang pagsúsúlit. Ang sigurado lamang natin: numero lamang ang kalimitang nakikitang resulta ng ating pagsúsúlit, hindi ito ang sukatan ng ating pagkatao.

Martes, Abril 11, 2017

BYAHE NA!

Hindi mahalaga ang patutunguhan; ang mahalaga ay kung paano tayo tutungo dito

Bakasyon na naman ang karamihan. Kaya, hindi maiiwasang magkayayaang tumungo sa kung saan man. Maraming palabas sa telebisyon ang nanghahalinang bumyahe at tuklasin ang mga nakatagong paraiso sa ating bansa.  

Subalit, hindi lamang "nakatagong paraiso" ang maaaring matuklasan sa pagbabyahe. Kung titingnan natin ng konti, may pagkakalinlang Filipino mula sa byaheng Filipino. Subukan nating pasukin.

Kahit dumarami na ang may kotse sa Pilipinas, na ibig sabihin ay dumarami na rin ang may utang dahil sa walang patumangging pagsunggab sa panghalinang murang downpayment, nananatiling pampublikong bus ang pangunahing sasakyan ng mga bumabyaheng Pilipino. Ano-ano ba ang madalas na eksena sa bus ng mga Pilipino? Syempre, hindi mawawala ang stop over na kahit hindi ka gutom ay mapapabili ka; o kahit hindi ka naiihi ay mapapaihi ka. Nariyan syempre ang mga magtitinda ng buko pie at pastilyas na may pakulong pamimigay ng "patikim" upang  baka sakaling mabitag ka sa patibong ng pagtanaw ng "utang-na-loob" at "hiya" na magtutulak sa iyong bumili. 

Habang tumatakbo ang bus, hindi rin mawawala ang huntahan na madalas naman ay tsismisan. Kung mag-isa naman, madalas ang trip ay tumanaw-tanaw sa mga tanawin sa daan. Ito marahil ang dahilan kung bakit naglipana ang mga billboard sa EDSA, NLEX, at SLEX sapagkat nabasa na ng matitinik na spin doctors ng industriya ng kultura ang sikolohiya ng mga dumaraan dito. Ang kalsada ay hindi lamang daanan ng sasakyan kundi isa ring highway of information. Ang kalsada ay isa ring pook ng dominasyon. Mas madali ang dominasyon kung pagod at nahihilo ang dinodomina.

Sa totoo lamang, nakakapagod talagang bumyahe. Bago ka pa man makarating sa paroroonan, sangkatutak nang lubak, alikabok, alimuom na amoy ng katabi mo sa pila, bayad sa toll fee, holdap sa pagsasalin ng mataas na presyong gasolina, hindi gumaganang aircon ng terminal, delayed sa oras na byahe ng bus, barko, at eroplano, at marami pang iba. Ilan lamang ito sa mga dahilan kung bakit hindi talaga patok sa mas nakakaraming pinoy ang turismo. Totoong maraming paraiso sa Pilipinas. Subalit, bago ka makarating sa mga ito, dadaan ka muna sa byaheng impyerno. Subalit, hindi ito madalas ipinakikita sa "byahe ni Drew". 

Tama ang winika sa isang kasabihan: "Hindi mahalaga ang patutunguhan; ang mahalaga ay kung paano tutungo roon". Napakaraming magandang puntahan sa Pilipinas. World class talaga ang mga ito. Subalit, nariyan nang pagod ka na byahe, pagkarating mo sa iyong destinasyon, lalo ka lamang mapapagod dahil, in fairness, parang nasa syudad ka pa rin na nais mong takasan kahit sandali lamang. Hinahabol ka ng iyong tinatakasang naglalakihang malls at Jolibee. Wala na ang nayon bilang "nayon", kinain na ng industriyalisasyon. 

Totoo ngang ang pagbyahe ay pagbalik sa iyong sarili. Wika nga ni Albert Camus, "Dinadala tayo ng pagbabyahe tungo sa ating sarili". Ang pagbyahe na punong-puno ng tunggaliang pang-estado at pang-indibidwal ay kailangan natin upang mahimasmasan tayo sa reyalidad ng ating pagkatao. Kailangan ito upang malanghap natin ang hangin na malapit na ring sakupin, hindi ng mga alien kundi nina Ayala, DMCI, Sy, at Gokongwei. Kung ano man ang mapapala natin sa paglanghap nito, ayos lamang. Kanya-kanya lamang itong "road trip". Sana lamang ay hindi ito maging "bad trip".   



Huwebes, Enero 7, 2016

HINDI ITO REBYU NG "HONOR THY FATHER" NI ERIK MATTI

“Ang totoong pag-iral ng tao ay ang kaligayahan sa Pagtanggap ng kalungkutan ng buhay”
~Paul Ricoeur, Nagkakamaling Tao




“HONOR THY FATHER” ang pamagat ng pelikulang napanood ko kanina. Nakasentro ang kwento kay Edgar (John Lloyd Cruz) na napilitang bumalik sa dating modus ng “acetylene gang” upang makalusot sa kinasasadlakang gusot dahil sa pagsali sa isang “investment scam”. Sa unang tingin, ang pelikula ay isang direktang kritisismo sa institusyon ng simbahan. Maaari itong basahin sa ganoong klase ng panonood at panlasa, subalit, para sa akin, mas nais bigyang pansin ng istorya ang iba’t ibang kanser ng ating lipunan—mga kanser na nagpaparupok sa ating buhay. Una, marupok ang lipunan sapagkat pera ang nagpapatakbo sa ating buhay. Sa lipunang mayroon tayo ngayon, pera ang nagiging panginoon. Handa tayong ipagpalit maging ang ating dignidad alang-alang sa sinasambang pambili ng video game, magarang kotse, bagong iPhone, magarbong birthday party, at marami pang iba. Subalit, mistulang itinatanong ng pelikula para sa atin, ang pagkamkam ba ng maraming pera ay talagang nagdudulot din ng maraming problema?



Pangalawa, marupok ang ating lipunan sapagkat masyado tayong makitid mag-isip. Umiikot lamang ang ating pag-iisip sa makipot nating mundo: bahay, simbahan, eskwelahan, trabaho, at iba pang sirkulo. Dahil sa kitid ng ating ginagalawan, mabilis nating naiikot ang mga maaari nating maisip. Dahil dito, mabilis pa sa alas-kwatro kung tayo ay humusga. Epektibong naipakita ng pelikula na malimit tayong maging moralista sa halip na maging moral. Para sa akin, nais nitong sabihin na mayroong rasyunalidad kung bakit nagagawang magnakaw ng ilang myembro ng ating nabubulok na lipunan. Subalit dahil umiikot lamang tayo sa etika at moralidad na alam natin, mabilis tayong magpataw ng husga. Dapat nating tingnan ang mga bagay na ito lampas sa konsepto ng mabuti at masama (beyond good and evil). Nagagawa ng isang tao ang isang bagay dahil nanggagaling siya sa isang katwiran. At, nais ipakita ng pelikula na talagang masidhi ang pagkakaiba-iba ng pinanghuhugutan nating katwiran. Sa ating paghusga, pinasok ba muna natin ang mundo ng katwiran ng ibang tao?  



          Ang talagang nagustuhan ko sa “HONOR THY FATHER” ay ang tinatawag ng ibang “mimetic experience”. Ito ‘yung talab ng pelikula kung saan malikhain nitong nailalarawan ang iyong sariling buhay. Ito ‘yung pagkakataon na nakikita mo ang iyong sarili sa iyong pinapanood. At, hindi lamang ang iyong sarili ang nakikita mo sa tinatawag na “mimetic experience”; ang pinakamahalagang nakikita mo sa karanasang ito ay ang maling estado ng iyong buhay. Mahalaga itong pagkadama na mayroong “mali” sapagkat dito nagsisimula ang pagnanais kumawala sa nasabing sitwasyon. Para sa akin, ito ang talagang tungkulin ng anumang uri ng likhang-sining. Walang silbi o basura ang isang likhang-sining kung aliw lamang ang ipinamumudmod nito at hindi nailalantad ang negatibong diyalektiko.  
        Sa huli, mahusay na mahusay ang “HONOR THY FATHER” ni Erik Matti. Panoorin at danasin natin ito. Mabuhay ang Pelikulang Pilipino!  

  

Sabado, Disyembre 5, 2015

ISANG PENOMENOLOHIYA NG "HELL WEEK"


Kung isa kang estudyante, malamang nakaranas ka na ng “hell week”. Ito ‘yung panahon na nalalapit na ang midterms o finals, maraming ipinataw na requirements ang mga teacher, gagawa ka pa ng scrapbook, family tree, documentary film ng kunwaring tinulungan mong pulubi, research paper na kinopya sa internet, at marami pa.

Ito rin ang panahon na nagkukumahog kang makausap ang propesor mong hindi mo pinasukan ng matagal-tagal. Ito na ang tamang panahon para magmakaawa, umiyak sa kanyang harapan, mag-imbento ng medical certificate, o di kaya ay magpapicture sa propesor mo habang ang kalooban mo ay humihiling na dahil sa picture ay maka-uno ka.

Dahil sa dami ng ginagawa ng mga apektado ng “hell week”, mas nagiging pilosopikal at relihiyoso ang mga tao. Dumarami ang dumadaan sa chapel. Mataas rin ang pagmumuni-muni ng mga tao at sinasabing “walang permanente sa buhay”; parang si Heraclitus hindi ba. May sense of impermanence daw ang mga bagay-bagay. Matatapos din ang lahat.




Pakiramdam ng mga taong apektado ng “hell week” na kailangan itong malampasan. May gantimpala na nakatago sa dulo ng rainbow: GRADO. Grado ang nagiging panginoon. Handang ipagpalit ang dignidad at pagkatao alang-alang sa grado.

Hindi tinitingnan ng mga taong apektado ng “hell week” ang grado bilang ilusyon. Tinitingnan nila ito bilang reyalidad na nagbibigay ritmo sa kanilang buhay.

Kung minsan ay may manaka-naka namang natatauhan at sasabihin sa sariling “ano ba itong ginagawa ko sa aking buhay?”, “bakit ko ito ginagawa?”, “para saan itong paghihirap na ito?” Subalit, panandalian lamang ito. Babalik ka pa rin sa pag-aaral sapagkat ayaw mong mapag-iwanan sa itinatak sa iyong standards ng lipunan. Ang sikolohiya mo ay matagal nang siniksikan ng “fetish” sa grado. Simula kindergarten hanggang kolehiyo, grado ang panginoon kaya wala kang panahon upang sulyapan ang “greater scheme of things”—ang mas malaking katotohanan ng buhay.

Dahil malabo ang iyong sulyap sa mas malaking katotohanan ng buhay, mas nagiging posible ang tapusin na lamang ang requirements para lang matapos; at hindi para may makita kang sagot sa mga katanungan mo sa buhay. Tinitimbang mo ang kahalagahan ng iyong ginagawa base sa sinasabing mahalaga ng lipunan at hindi batay sa mismong pamantayan mo sa buhay.

Samakatuwid, ang “hell week” ay hindi totoo. Isa lamang itong ilusyon na ipinataw ng sistemang namamayani upang mas maging epektibo ang kontrol sa iyong pagkatao. Kaya nga ito isang “hell” dahil nasa utak lamang ito. Ang “heaven” at “hell” ay mga estado ng isipan. Wala silang totoo at konkretong lugar. Nagmemeron lamang sila sa iyong kalooban.

Dahil sa “fetish” sa grado nagiging mabisa ang emosyon ng “hell week”. Sa kultura ng “hell week” tanging ang mga masunurin lamang sa sistema ang makakarating sa langit. Pero, kung pagkatao mo naman ang kapalit, gugustuhin mo pa rin bang makarating sa langit?      

Sabado, Oktubre 24, 2015

ANG DOMINASYONG ALDUB: Isang Pabebe Post


Habang bumibili ng lulutuing ulam malapit sa Barangka Drive, napansin kong nagmamadali ang isang grupo ng mga kabataan. Mayroon palang konsyerto ang pinagkakaguluhang tambalan ngayon—ang AlDub. Binansagan itong “Ang Tamang Panahon”. Gustong-gusto nilang mapanuod. Hindi ito pwedeng palampasin.


Binuksan ko ang TV at talagang marami nga pala ang nanunuod. Halos nagkakaisa ang maraming Pilipino sa pagsigaw at pagkakaroon ng kilig (o “kaligayahan” sa termino ni Joey de Leon). Kahit paano ay ayos din kasi nagkaroon tayo ng “national sentiment” (gamit ang termino ni Jose Rizal). Mahalaga ang isang pambansang sentimyento para sa tinatawag ni Benidect Anderson na “imagined community” o ni Fredric Jameson na “glimpses of utopia”.  Subalit kung talagang mulat tayo sa nangyayari, mas lutang dito ang talagang pagkontrol ng mga nagpapatakbo ng negosyong ito sa sikolohiya ng mga manunuod. Mahusay ang pagkakagawa ng “emosyon” upang maramdaman nating “pangangailangan” na maging updated sa gawa-gawaang loveteam. Parang mga "willing victims" na naman tayo ng mga negosyanteng-bampira na walang ginawa kundi sipsipin ang dugo ng ating pagkatao.  

Dominasyon ang tawag dito. Sabi ng isang sosyolihista na si Theodor Adorno, “Domination of reason means domination of nature”. Sa ibang salita, kontrolin mo ang kanyang isipan, makokontrol mo ang kanyang buhay. Paano ‘yan? Dahil sa paulit-ulit na pamumudmod ng ideyang nakakakilig sila, tumatak ito sa sikolohiya ng mga fans. Kahit wala namang direkta at personal na relasyon ang mga ito sa dalawang pinasikat na artista, ang mga fans ay nakararamdam ng emosyonal o afektibong koneksyon sa mga ito. Ito ang dahilan kung bakit nagagawa nilang lumiban sa eskwela, suwayin ang kanilang mga magulang, makipag-away sa Twitter at FB sa mga komokontra sa tambalan, alang-alang sa iniidolong AlDub. Subalit, alam nating hindi naman libre ang kanilang pagtangkilik dito. Kailangan nilang magbayad ng tiket sa bawat konsyerto at pelikulang ilalako ng mga prodyuser. Ang kanilang pagtangkilik ay may kapalit na pagod at presyo. Subalit, dahil nga tumatak na ito sa kanilang kalooban at nadudulot naman ito sa kanila ng “kaligayahan”, hindi nila ito tinitingnan bilang pabigat o luho. Isa itong “pangangailangan”. Kung baga, tumatak na ito sa kanilang isipan (psyche), kaya halos walang lugar para matauhan sa pagiging nadodomina.


Malamang hindi tayo aangal sa pagiging nadodomina dahil pakiramdam naman natin ay nakinabang tayo sa panonood ng itinuring nating “kailangang mapanood”. Sa kasalukuyang lipunan na ang lohika ay ang paglago lamang ng tubo, at walang pagpapahalaga kung kapakanan at kahulugan man ng pagkatao ang masasakripisyo, nagiging posible ang mga ganitong pangyayari. Sa kahit ano mang lipunang pinatatakbo ng salapi, nasasakripisyo ang pagkatao. Pera ang nagiging panginoon habang nawawala ang halaga ng tao.


Reipikasyon at alyenasyon ang tawag dito ng mga Marxistang pilosopo. Reipikasyon sapagkat ginagawang walang buhay ang tao, ginagawang komoditi na magagamit lamang kung kinakailangan ng tubo. Alyenasyon naman dahil hindi na natin malaman ang talagang halaga natin bilang tao. Dahil sa “fetish” na binubuo ng mga industriya ng kultura sa ating mga sikolohiya, ang ating pagkatao ay handang ipagpalit para lamang sa hatak ng “huwad na pangangailangan”.

Hindi naman siguro tamang sabihin na “mababaw” at hindi nag-iisip ang mga nanunuod ng AlDub. Ang problema lang siguro ay hindi pa sapat ang ating “kalaliman”. Hindi pa tayo nakararating sa malalim na kaisipan dahil napakaraming ilusyon ang ipinamumudmod ng telebisyon. Ito na siguro ang tamang panahon upang maramdaman natin ang pagiging “paralisado ng ating mapanuring kaisipan”. Ito na siguro ang “tamang panahon” upang tayong mga inosenteng hindi nagtataka ay maghangad na wasakin ang ilusyon na nilikha at patuloy na nililikha ng industriya ng kultura. Sa pamamagitan ng mapanuring mentalidad at mapagpalayang sensibilidad, hihina ang dominasyon ng konsumerismong lipunan. Ito ang tamang panahon. Pabebe wave muna tayo mga Dabarkads! J

Linggo, Agosto 30, 2015

KUNG SABIHIN NI EDUARDO MANALO NA SAPAKIN MO ‘YUNG HINDI MO KILALA, GAGAWIN MO BA?



Seryosohin muna natin ng konti ‘yung pamagat. Kunwari ay utusan ka ni Eduardo Manalo na sapakin mo ang isang taong hindi mo naman kilala, gagawin mo ba? “Syempre, hindi ko gagawin!”, iyan kaagad ang malutong nating isasagot marahil. “Hindi ko pag-iisipan ng masama ang hindi ko naman kilala, lalo na ang sapakin pa siya.”

Ganyan siguro ang mga makatuwirang sagot, subalit nakakalungkot mang aminin maaaring hindi ito nangyayari sa totoong buhay. Una, maraming mga bagay na ginagawa natin kahit ayaw naman nating gawin—pagpasok sa trabaho o pagpasok sa eskwelahan kahit mas gusto nating humiga na lamang sa ating malambot na kama; o di kaya ay pagluluto at paghuhugas ng pinagkainan kahit na mas gusto nating manuod na lamang ng TV. Sa mga nasabing sitwasyon, ang tungkulin natin at pagiging “nasasakupan ng ating magulang, boss, at kung anu-ano pang otoridad” ay pumupwersa sa ating kumilos; at ang sarili nating “preferences” ay naisasantabi kung mayroon itong pagtunggali sa mga inaasahan sa atin. Pangalawa, malimit nating nararanasan ang malakas na social pressures kaya naman nagagawa natin ang isang bagay na labag sa ating mga pagpapahalaga. Mahalaga ang mga bagay na ito na nagpapakita kung gaano hinihubog ng mga institusyon sa lipunan ang ating pagtingin sa buhay, at maging ang ating mismong buhay.

Sa ganitong pagtingin maaari nating maunawaan ang rally o pagtitipon na ginawa ng mga kapatid nating myembro ng relihiyong Iglesia Ni Cristo (INC). Para sa marami, hindi natin ito maintindihan. “Nanggugulo” sila sa ating kaayusan. Nasasabi natin ito dahil nakamasid lamang tayo sa kanila na parang nasa loob sila ng “acquarium” at hindi tayo nakikibahagi sa kanilang mundo. Dahil pinapanuod lamang natin sila sa pamamagitan ng isang “one-way glass”, nagmumukha silang katawa-tawa sa ating mata. Sa ating makitid na interpretasyon, talagang sunud-sunuran lamang ang mga myembro nito sa idinidikta ng kanilang pamunuan. Pero, kung talagang ating titingnan, sino ba ang hindi?

Maaari siguro nating tingnan ang pagtaliwas na ito sa panlasa ng mga “mulat” kuno, "may pinag-aralan" at masusungit na kritiko bilang simula ng pagpapanday ng ating sarili mismo. Anong mga desisyon natin sa buhay ang nadidiktahan din lamang? Alin sa ating mga kaasalan, pagkilos, at mga pagpapahalaga ang bunga lamang ng mga pagsasanay na pwedeng mahinahon o pwersahang isiniksik sa atin ng mga institusyon tulad ng paaralan, simbahan, pamilya, at marami pang iba?

Maganda ang napakaraming pagpuna na makikita sa mga social-networking sites tungkol sa rally o pagtitipon ng INC. Mahalagang tanda ang pangyayaring ito  na nag-iisip talaga ang mga Pilipino. Subalit malimit nga lamang tayong mag-isip gamit ang nag-iisa nating rasyunalidad. Kaya, kung tatanungin tayong mga “inosenteng hindi nagtataka”: Kung sabihin ni Eduardo Manalo na sapakin mo ang isang hindi kakilala, gagawin mo ba? Ewan. Nakabitin ang sagot. Ito ang ating pagtakahan upang makarating tayo sa ating pinapangarap na Bayang Pilipinas.    

Miyerkules, Hulyo 8, 2015

Ilang mga Katanungan Ukol sa Pamimilosopiyang Pilipino: Isang Diskusyon Gamit ang Email


            Totoo ngang makapangyarihan ang teknolohiya sa panahong mayroon tayo ngayon. Halos hindi na natin maisip ang ating mga sarili labas at kalas sa mundong teknolohikal. Nguni’t sa halip na batikusin, bakit hindi natin ito pakinabangan upang mapalawak ang ating diskursong pilosopikal.
            Gamit ang kompyuter at internet, sumubok akong mag-udyok ng isang katanungan ukol sa matatawag na pilosopiyang Pilipino/Filipino. E-mail ang naging lunsuran ng nasabing malayang talakayan kaya mabilis at hindi na kinakailangang magkatagpo-tagpo nang personal ang mga kasali. Inilunsad ko ang katanungan sa ust-philodept@groupspaces.com, kung saan nagpapadala ng mensaheng elektronik sa mga kasapi ng Departamento ng Pilosopiya ng UST si Dr. Paolo A. Bolanos—ang Chairperson ng nasabing departamento. Sinimulan ko ang pagtatanong ukol sa pananaw nila sa “Pilosopiyang Pilipino/Filipino”. Mayroon ba nito? At, ano para sa kanila ang kahulugan nito?

Narito ang ilan sa kanilang mga kasagutan:


Pamimilosopiya at Pagsusulat ng mga Pilipino Bilang Pilosopiyang Pilipino



Dr. Romualdo E. Abulad, SVD

“Ang tanong ko ay ito: Mayroon bang mga Pilipinong nagpipilosopiya at sumusulat ng mga aklat at journal articles? Kung mayroon, ano pa ang maitatawag sa mga ito kung hindi Pilosopiyang Pilipino?”

Ang Pamimilosopiyang Filipino Bilang Kulang sa “Sulat-Basa-Debate”



Dr. Paolo A. Bolanos, PhD.

“Maraming salamat sa katanungan mo Emman. Sa gustuhin man natin o hindi, mananatiling buhay na katanungan ito para sa ating mga Pilipinong pilosopo. Kung ganoon nga, dapat nating bigyang pansin ang katanungan na ito. Meron nga bang pilosopiyang Pilipino? 

“1. Para sa akin, hindi na isyu kung meron o wala bang Pilipinong namimilosopiya. Alam na natin ang sagot dito. Sang-ayon ako kay Br. Romy sa aspeto na ito. Marahil pwede pa natin dagdagan ang kanyang sinabi.

“2. Ano nga ba ang pilosopiya? Paano nga ba ang mamilosopiya? Sa tingin ko, kinakailangan nating bigyan ng kahulugan kung ano sa tingin natin ang pilosopiya. Ang pilosopiya ba ay "sistematiko"—gaya ng mga karaniwang ginagawa ng mga taga Europa, Inglaterra, o Estados Unidos? Kinakailangan ba na ang pilosopiya ay katulad ng agham na may "sigurado" (ito ang paniniwala ng mga syentipiko) na metodo? Kung ganito lamang ang pilosopiya, paano natin maipapaliwanang ang relasyon nito sa relihiyon, literatura, at sining? Siguro kung mas naiintindihan natin kung ano ang relihyon, literatura, at sining, baka mas mauunawahan natin kung ano ang pilosopiya. Ano nga ba ang kanilang pagkakahalintulad?

“3. Katulad ng relihyon, literatura, at sining, ang pilosopiya ay isang uri ng "pag-tingin" sa mundo. Katulad ng mga ito, ang pilosopiya ay isang makataong pamamaraan sa pagbigay hugis o kahulugan sa kung ano ang "Meron"—parehong "pisikal" at "metapisikal." Mas mahirap patunayan ang metapisikal na realidad, ngunit marami ding mga pilosopo ang naniniwala dito. Sa kabilang banda, mas madaling patunayan ang pisikal, at sa tingin ko walang aangal (maliban na lamang kay Descartes) na ang "gutom" ay pisikal natin na nararamdaman. Ito ang dahilan kung bakit may ideya tayo ng gutom at nabigyan pa natin ito ng pangalan. Ito marahil ang ibig sabihin ni Spinoza sa "parallelism between mind and body," at hindi "dualism" (Descartes). 

“4. Ngunit ang isyu natin ay hindi si Descartes o Spinoza, kung hindi ang tanong: Ang mga Pilipino ba ay tumitingin sa mundo at sinusubukan nilang bigyang hugis at kahulugan ang kung ano man ang kanilang namamalasan? Dagdag dito, sa kabila ng namamalasan ng mga Pilipino (sa larangan ng politika, buhay-publiko, buhay-pribado, buhay-pansarili) nagiging aktibo ba ang pag-aasam nila ng kalayaan, hustisya, at ang pakiramdam ng pagkaka-sapi (sense of belonging)? Ito marahil ang dahilan kung bakit may relihyon, literatura, sining, at pilosopiya. Ang mga ito ay mga paraan ng "paghahanap." Ito marahil ang katangian ng tao. Tao nga ba ang Pilipino?

“5. Pwede rin naman natin tingnan ang pilosopiya sa kanyang "akademikong" anyo. Sa tingin ko, "akala" lang natin na may Griyego, Aleman, o Pranseskanong pilosopiya sapagkat meron ang mga kulturang ito ng kasaysayan ng kanilang "pagtining sa mundo." Ang kanilang intelektuwal na kasaysayan ay nababasa natin sa kanilang mga naisulat, at dahil meron silang mga naisulat, nagkaroon sila ng mga magbabasa. Dahil meron nagsulat, nagbasa, at nagsulat ulit, nagkaroon ng debate at diyalogo, humantong man ito sa pagkakasundo o hindi pagkakasundo. Ngunit ganoon talaga ang akademikong anyo ng pilosopiya. Tanungin natin ang mga sarili natin kung meron na ba tayong dinamikong kultura ng "sulat-basa-debate." Binabasa ba natin ang sinulat ng ating mga kapwa Pilipinong pilosopo at hindi ba tayo natatakot magbigay ng opinyon natin sa mga ito sa pamamagitan din ng pagsusulat? Kaakibat ng pamimilosopiya ang kasaysayan—ito ang dahilan kung bakit kailangan natin ang magsulat; and mga sinusulat natin ay galamay ng ating mga alaala. Bilang mga pilosopo, sa ganitong paraan lang tayo magugunita ng susunod na salinlahi. Kaya salamat sa mga estudyante nila Confucius, Buddha, at Socrates—kung hindi dahil sa kanila ang imahen at mga turo ng mga sinaunang guro na ito ay mabubura sa memorya ng sangkatauhan. Kung wala pa tayo sa lebel na ito (o kaya kulang pa), sa tingin ko mahabang panahon pa bago natin masasabi, na may tiwala sa ating sarili, na meron ngang pilosopiyang Pilipino.” 

Mapangilatis na Talakayan at Hindi Isang Sistematiko ng Pangangailangan ng Pamimilosopiyang Pilipino



Jovito V. Carino, Ph.D. Candidate

“Salamat Emman. Isinusulat ko ang e-mail na ito habang iniisip ko na kunwari ay may kaharap ulit tayong malamig na bote ng serbesa. :-)
“Mahirap dagdagan pa ang nauna nang sinabi ni Dr. Abulad at Dr. Bolaños. Higit pa sa sapat ang mahahalagang puntong inilahad nila. Nais ko na lamang magbigay ng komento sa tanong. 
“Una, saan ba nanggagaling ang tanong at ano ang layon nito? 
Ikalawa, ano kaya ang palagay na nakapaloob sa paggamit ng salitang "pilosopiyang Filipino/Pilipino"
“Kung ang diin ng tanong ay pilosopiya bilang pamimilosopiya, sa tingin ko ay wala namang masyadong problema. Mas mayaman ang sinabi ni Dr. Abulad at Dr. Dr. Bolaños tungkol dito. Panig ako sa lahat ng sinabi nila. 
“Sa isang banda, kung ang diin ng tanong ay "pilosopiyang Filipino/Pilipino" bilang sariling atin, ibig sabihin, bilang isang sistema ng kaisipan na magtatanyag ng ating identidad bilang Filipino, sa tingin ko, isang maselang usapin ito na kailangang isailalim sa masusi at palagiang talakayan. Gayunman, sabi nga ni Dr. Bolaños, ang ganitong talakayan, hindi ang sistema ng kaisipan, ang posibleng panggalingan ng pilosopiyang Filipino o, sa ganang akin, ng pamimilosopiyang Filipino. 
“Sa puntong ito, maaari na tayong umorder ng isa pang bucket ng serbesa upang masimulan na ang palitan ng kuro tungkol dito. 
“Sabi nga natin sa Matabungkay, tamang-tama...: -)”

Pagbabanggaan ng Ideya at Argumento Batay sa Kalagayan ng Sariling Lipunan



Dr. Oscar R. Diamante, Ph.D.

“Emman,
“Ayon sa napapansin ko sa mga pilosopong Aleman, Amerikano, Greek, Ingles, atbp, mga pilosopong binabasa natin, ang kanilang mga binabanggit ay mga bagay na nasa kultura at kasaysayan nila. Sila-sila rin mismo ang nagbabanggaan ng ideya at argumento. Kinikilala nila ang nagawang teorya at sistema ng pag-aaral ng kapwa nila Aleman, Amerikano, o Europeo. Halimbawa, hindi lingid kina Gadamer (at mga kaklase nito) ang mga ideya, kritikal na argumento at bagong pamamaraan nila Husserl, Kant at mga Neo-Kantian, Hegel at mga Hegelian, atbp. Kaya sila ang naging batayan ng mga kritikal na pag-iisip ng mga namimilosopiya ng sumunod na generasyon. Mga halimbawa na binabanggit nila ay hango rin sa kanilang karanasan sa loob ng kanilang milieu at karanasan. Kaya kitang-kita na hindi banyaga ang mga ideya, pamamaraan at halimbawa na kanilang binibigkas.
“Ang mga ganyan ang hindi pa lubos na nakikita sa mga Pilipinong namimilosopiya. At least, ang pag-order ng beer upang lalong ganahan sa diskusyon tungkol sa pilosopiya at anuman ay angking Pinoy.
“Iyan lamang po ang aking opinyon. Salamat.”

Katanungan Tungkol sa Kondisyon ng Posibilidad ng isang “Dalisay” na Paraan ng Pamimilosopiyang Pilipino

Dr. R. Abulad

“May isa lamang akong pahabol. Suspetsa ko lang naman ito. Hindi kaya ang tanong na: "Mayroon bang Pilosopiyang Pilipino?" ay nagbabadya ng isang nakatagong presuposisyon ukol sa pilosopiya—na ito ay buhat sa Griyego at kung gayo'y maka-Kanlurang katanungan? Ang kahigtan siguro nina Gautama ng Indiya at Confucius ng Tsina ay nag-iisip lamang sila buhat sa kanilang kinaroroonan sapagkat hindi pa nila naririnig ang mga sinasabi nina Platon at Aristoteles. Sa kabilang dako, tayong mga pilosopo ng kasalukuyang panahon ay tila hindi na maaaring mag-isip nang hindi nababahiran ng mga naunang pilosopo—taga-Kanluran man sila o taga-Silangan. Makatarungan bang umasa na may dalisay na paraan ng pamimilosopiyang Pilipino? Mayroon ba nito?”


Kaunting Paglalagom

May ilang mahahalagang kaisipan at mga katanungan ang maaari nating pagnilayan buhat sa mga kasagutan ng mga kasama ko sa departamento ng Pilosopiya. Magagamit natin ang mga ito sa mga susunod nating pagsusulat ukol sa pilosopiyang Filipino at pamimilosopiya sa Pilipinas.

Una, malinaw pa sa sabaw ng pusit na nanatiling walang nag-iisang depinisyon ang pagpapangalang “Pilosopiyang Filipino”. Kung sasabihin nating “Ang pilosopiyang Pilipino ay walang iba kundi ang pamimilosopiyang ang namimilosopiya ay Pilipino”, sapat na ba ang depinisyong ito para sa ninanais nating uri ng pamimilosopiya? Kailanga pa nating gumugol ng maraming oras ng pagmumuni-muni at balitaktakan ukol sa usaping ito.

Pangalawa, mahalaga ang kritisismo sa uri nating pamimilosopiya sa Pilipinas. Bukod sa hindi natin binabasa at pinag-uusapan ang mga sinulat ng mga naunang Pilipinong pilosopo, kung binabasa man natin sila at nagsusulat tayo tungkol sa kanila, kulang na kulang tayo sa kritisismo. Mistulang takot tayong makipag-balitaktakan at magbigay ng mahahalagang puna. Marahil ay epekto ito ng ating kultura ng “pakikisama”. Ayaw nating magbanggit ng puna, kahit alam naman nating dapat itong sabihin, sapagkat ayaw nating sumama ang loob ng pinupuna natin. Nabanggit ng mga kasamahan ko sa departamento ang kahalagahan ng kritisismo. Hindi uunlad ang mga bagay na ating pinag-uusapan kung puro na lamang pag-uulit at mga papuri sa kanilang mga nagawa ang ating gagawin. Alin bang aspekto ang hindi napag-usapan ng mga pilosopong nauna sa atin? San bang punto medyo sumablay ang kanilang mga teorya? Angkop ba ang kanilang mga naging pamamaraan base sa ating kinasasadlakang lipunan?

Pangatlo, lumilitaw sa diskusyon sa itaas ang katanungan tungkol sa isang “dalisay” na Pilipinong pamimilosopiya. Kailangan bang sariling-sarili natin ang istilo at mga konsepto upang matawag na Pilosopiyang Pilipino? Ibig ba nitong sabihin na hindi natin kailangang tingnan ang mga ginalugad ng mga banyagang palaisip? Maingat ngang itinanong ni Abulad, posible ba o meron ba nito? Dito mahalagang basahin ang mga tekstong nagpapaliwanag ng “pantayong pananaw” at maging ng mga komokontra dito. Tayong mga nagsisimula pa lamang sa larangan ng pamimilosopiyang Pilipino ay kailangan nang maghalwat ng maaalikabok na primaryang batis tungkol sa debateng ito. Andiyan ang mga sinulat nina Leonardo Mercado, Florentino Timbreza, Virgilio Enriquez, at Virgilio Almario ukol sa kahalagahan ng pagsisimula sa sariling atin. Mahalaga din ang mga nasulat nina Emerita Quito at Alfredo Co tungkol sa kahalagahan ng komparatibong analisis. Makatutulong din ang mga nasulat tungkol sa pagsasakonteksto ng ng pilosopiyang kanluranin na pinasimulan nina Leonardo de Castro, Rainier Ibana, Manuel Dy, Romualdo Abulad, at marami pang iba. Kailangan na rin nating sundan ang mga pagtitipon ng mga akdang naisulat ng mga nauna sa atin tulad ng ginawa nina Rolando Gripaldo, Romualdo Abulad, Alfredo Co, at F.P.A. Demeterio.

Pang-apat, mahalaga rin sa mga nabanggit sa diskusyon sa itaas ang pakikinig sa ibang larangan tulad ng agham-panlipunan at agham-tao. Hindi nakakulong sa departamento ng pilosopiya at mga komperensiyang pinasisinayaan ng mga dalubhasa sa pilosopiya ang mahahalagang kaisipan na makakatulong sa ating pamimilosopiya sa Pilipinas. Kailangan nating makipag-diyalogo sa ibang mga disiplina (interdisciplinary approach). Kailangan rin nating basahin ang mga pagsusuri ng mga konseptong Pilipino na ginawa nina Dionisio Miranda (Theology), Albert Alejo (Philosophy), Prospero Covar (Psychology), Reynaldo Ileto (South East Asian Study), Zeus Salazar (History), Virgilio Enriquez (Psychology), Virgilio Almario (Literature), Efipanio San Juan (Literature), at marami pang iba.

Samantalang ginagawa natin ang ating mga dapat gawin sa pagpapaunlad ng pamimilosopiyang Pilipino, halina at tayo muna ay makipagbalitaktakan sa mga diskursong may kinalaman dito, harap-harapan man o online.  
  

                 

Lunes, Mayo 4, 2015

Ang Patikim na Pagkakaisa Tuwing may Laban si Pacquiao

Kung mayroon mang magandang naipakita ang katatapos lamang na laro nina Mayweather at Pacquiao, ito ay ang pagkakaroon isang “patikim” ng pagkakaisa ng mga Pilipino. Kahit paano ay nagkaroon tayo ng isang “national sentiment” (gamit ang termino ni Jose Rizal) kahit na sa ilang oras lamang. Kailangan natin ang mga ganitong pagkakantaon para sa tinatawag ni Benedict Anderson na “imagined community” o ni Fredric Jameson na “glimpses of utopia”. Subalit kung talagang mulat tayo sa nangyari, mas lutang dito ang talagang pagkontrol sa sikolohiya nating mga Pilipino ng mga nagpapatakbo ng negosyong ito. Mahusay ang pagkakagawa ng “emosyon” upang maramdaman nating “pangangailangan” na maging updated sa gawa-gawaang rivalry nina Pacquiao at Mayweather. Parang mga "willing victims" na naman tayo ng mga negosyanteng-bampira na walang ginawa kundi sipsipin ang dugo ng ating pagkatao. 



Malamang hindi tayo aangal dahil pakiramdam naman natin ay nakinabang tayo sa panonood ng itinuring nating “kailangang mapanood”. 'Yan ang ating lipunan. Sa kasalukuyang lipunan na ang lohika ay ang paglago lamang ng tubo, at walang pagpapahalaga kung kapakanan at kahulugan man ng pagkatao ang masasakripisyo, nagiging posible ang mga ganitong pangyayari. Sa kahit ano mang lipunang pinatatakbo ng salapi, nasasakripisyo ang pagkatao. Pera ang nagiging panginoon habang nawawala ang halaga ng tao.



Reipikasyon at alyenasyon ang tawag dito ng mga Marxistang pilosopo. Reipikasyon sapagkat ginagawang walang buhay ang tao, ginagawang komoditi na magagamit lamang kung kinakailangan ng tubo. Alyenasyon naman dahil hindi na natin malaman ang talagang halaga natin bilang tao. Dahil sa “fetish” na binubuo ng mga industriya ng kultura sa ating mga sikolohiya, ang ating pagkatao ay handang ipagpalit para lamang sa hatak ng “huwad na pangangailangan”. Ano ang dapat nating gawin?
Kailangan nating wasakin ang ilusyon na nilikha at patuloy na nililikha ng industriya ng kultura. Sa pamamagitan ng mapanuring mentalidad at mapagpalayang sensibilidad, hihina ang epekto sa atin ng konsumerismong lipunan. Hindi ito simpleng solusyon. Hindi sapat na gustuhin lamang. Kailangan nito ng tunay na pag-alam sa kaso ng lipunan. Hindi sapat ang paminsan-minsang “pagkakaisa” tuwing may laban si Pacquiao o ang Gilas Pilipinas. Kailangan magkaisa rin tayo sa pagdama sa ating kinasasadlakang kalagayan.
Mangahas mag-isip. Maging mulat sa kalagayan ng bayan. Maging mapanuring mamamayan. Ito lamang ang solusyon upang umunlad ang lipunan.