Linggo, Marso 9, 2014

NinjaProblems


Gutom na gutom ako kanina pagkatapos ng klase (12-1pm). Pero nagsasawa na akong kumain sa Ate Eva’s. Memorized ko na ang lasa ng sisig at kung anu ano pang ulam doon na may corn and carrots sa gilid. Siguro ganun rin ang nararamdaman ng mga varsity player ng UST na libre kumain dun. 

Wala naman akong budget para kumain sa tokyo tokyo o kaya sa pancake house sa car park. Kung mapapadaan ka sa mga kainang yon, masasabi mong marami rin namang mayaman o nagyayaman yamanan sa USTe. Umuwi na lang ako. Mahirap kumain sa UST eh. Kung mayroon silang sossy problems, meron naman akong “ninja problems”. 

Pag-uwi, may nadaanan akong Chinese restaurant sa may Santa Mesa. Malapit lamang siya sa linya ng mga motel. Madalas tinatawag na “biglang-liko”, malamang dahil urban story na maraming biglaang lumiliko na lamang sa mga establishment doon para magpalamig, pwede ring para magpainit. Kung ano man ginagawa dun, bahala na sila dun. Ingat lang sana sila at baka ma-Bayola. 




Nakita ko sa simpleng resto ang tagline na “Mura na, masarap pa!” Dahil wala akong pera, bawal talaga ang magkunwaring mayaman. Pumarada ako sa gilid. Madaming kumakain. Karamihan nakamotor. Siguro naniningil sila ng pautang, naisipang magmerienda. Pwede ring nagkarera, nanalo yung isa ng 100 piso, inilibre yung mga natalo niya. Nakiupo na rin ako.

Masarap ang hitsura ng mami. Parang cheap na version ng Ma Mon Luk. Cheap rin yun, pero mas cheap pa dun. Tapos tumaas ulit ako ng kamay para humingi ng siopao bola bola. Paborito ko yung bola bola, tapos may itlog na medyo maalat. Swabe ang kombinasyon. 

Seryoso ang mga kumakain. Puro nakatungo at humihigop ng mainit na sabaw ng mami. Hindi na iniisip na baka sabaw iyon ng nilagang medyas. Binudburan ng chili sauce. Nakakagana kasi ang maanghang. Kaya siguro kada table mayroong chili sauce, para ganahan kumain at umorder pa lalo. 

Sa hapag-kainan ng mahihirap, siguro bawal maglagay ng chili sauce. Bawal ganahan dahil wala namang pambili. Dadaanin na lang sa inum ng tubig, didighay, at sasabihin sa sariling “salamat! busog na ako.” 

Nilagyan ko rin ng chili sauce yung mami ko. Dalawang patak lang, mapapasipol ka na sa anghang. Dahil gusto kong sumarap yung mami, lalong di ko makain dahil sa napasobrang anghang. Hehe. Bakit ba naman iba’t iba ang timpla ng chili sauce na yan. Sa iba, kahit ilang sandok na ang ilagay mo hindi pa tatalab. Ito naman, ilang patak lang iinit na ang katawan mo. Kaya siguro napaparami ang bumibiglang liko. Chili sauce ang may kasalanan. 

85 pesos ang binayaran ko. Mami, siopao, at maliit na RC cola. Libre na dun ang kalamansi, extra sabaw, at sound sa radyo na si Nikoleyala at papa jack ang nag-iingay. 

Sulit na sulit ang kain ko sa chinese chinesan na restaurant. Kahit mga Chinese ngayon kinokopya na. Bahagi pa rin ito ng aking paghahanda na maging isang ganap na ninja.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento