Miyerkules, Hulyo 16, 2014

ANG POTENSYAL NG INUMAN BILANG DALUYAN NG PILOSOPIYA

Isa sa mga bagay na hindi marahil pwedeng mawala sa okasyong Pilipino ang pag-iinuman. Kapag may birthday hindi mawawala ang kantyaw na "magpainum ka naman!" Kapag nanalo sa isang paligsahan, inuman rin ang kasunod nito. Kapag nabigo sa isang bagay, "maboteng" usapan din ang hantungan. Kung baga, kasama na sa buhay ng mga Pilipino ang inuman.

Panahon pa raw ng ating mga ninuno ginagamit na ang inuman bilang "social lubricant". Nang dumating daw ang mga Kastila, alak ang inihain ng ating mga ninuno sa mga nakikipagkalakal na dayuhan. Palibhasa mistulang gumagaan ang usapan kung mayroong alak sa harapan. Pinapadulas nga marahil ng ispiritu ng alak ang mga inhibisyon na balakid sa mabuting usapan.

Ano nga bang meron sa penomenon ng inuman? Mayroon ba tayong makikitang kaisipan sa kalimitang tagpuan ng mga Pilipinong nagsasaya o gustong sumaya? Subukan nating sipatin at baka sakaling mayroon tayong makita.

Ang salitang "inuman" ay tumutukoy sa isang pangyayari kung saan pinagsasaluhan ang isa o marami pa sa isang inumin na kalimitan ay nakakalasing. Hindi matatawag na "inuman" kung nag-iisa ka lamang. Kung nag-iisa ka lamang, ikaw ay "nag-iinom" at hindi "nag-iinuman". Samakatuwid, ang isang "inuman" ay nangangailangan ng kasama. Isa itong gawain na pwedeng bumuo ng samahan.

Ang salitang "inuman" din ay tumutukoy sa isang lugar na pinangyayarihan ng pag-iinuman tulad ng "beer house", bar, o kung saan mang lugar-tagpuan ng magkakabarkada. Ang hulaping "-an/-han" kapag idinikit sa salitang ugat ay nagpapakita ng pinangyarihan. Halimbawa, hunta + han (huntahan) ay tumutukoy sa lugar ng paghuhuntahan; inum + an ay lugar kung saan nag-iinuman.

Mahihinuha natin sa dalawang nabanggit na kahulugan ng salitang "inuman" ang sosyal (pakikipagtagpuan o paghaharapan) na aspekto ng inuman. Kaya nga malimit itinatanong kung "sino ang mga kaharap mo?" o "sino ang mga nakainuman mo?" Isa itong pagtatagpo ng mga tao, sabi nga "tao sa tao". Behikulo ang "inuman" upang makabuo ng relasyon (o di kaya ang makawasak din nito). Kalimitang tinutunaw pansamandali ang "ako" upang makabuo ng "tayo" (samahan o barkadahan ng nag-iinuman).

Kung ito ay sosyal na gawain, mahalaga dito ang pagsasalitaan/pag-uusap. Kung may problema ang isang kaibigan at gusto mong pagsalitain siya tungkol sa kanyang hindi masabi-sabing pinagdadaanan sa buhay, solusyon dito ang tinatawag na "maboteng usapan". Kalimitan lumalabas ang laman ng ating damdamin kung tayo ay nakainom ng alak. Kung ganun, potensyal kaya ang "inuman" upang dumaloy ang mga kaisipang pilosopikal? Mayroon bang mga konseptong pilosopikal na nububuo sa penomenon ng inuman? Sipatin muna natin ang mga hindi nakasulat na batas sa inuman.

Palasak ang sinasabing ILAGAY SA TIYAN ANG ALAK AT HUWAG SA ULO. Napaka-pilosopikal nito lalo na kung tinatanggap mo ang konsepto ni Platon tungkol sa dibisyon ng kaluluwa ng tao: ulo, dibdib, at tiyan. May kanya kanya silang trabaho. At ulo o katwiran dapat ang mamayani. Ganito rin sa "batas ng inuman"; ang alak ay inilalagay lamang sa tiyan at hindi dapat makontrol ng ispiritu ng alak ang utak ng taong umiinom. Ang ulo dapat ang nagmemeron sa kanyang pagkatao kung ayaw niyang magwala sa inuman. Samakatuwid, matingkad ang pagpapahalaga sa kontrol ng katwiran sa okasyon ng inuman.

Malamang maririnig din sa inumang Pilipino ang MAGTAGAL NA SUSO, HUWAG LANG SA BASO. Isa itong pabirong-paalaala na hindi lamang siya ang gagamit ng baso. Palibhasa, sa inuman ng masang Pilipino malimit isa lamang ang ginagamit na tagayan (inuman), hindi maaaring sasarilinin mo ang baso. Pwedeng dahil nagtitipid ng huhugasang baso, pero ito din ang mas nagpapatatag ng samahan-- kung magkakasama sila sa ginagamit na tagayan. Maging sa ginagamit na sawsawan ng pulutan ay iisa rin ang ginagamit. Nagpapakita ito na kapag ikaw ay nakisawsaw ay nakikibahagi ka na rin sa kanilang buhay.

Kasunod na marahil ng naunang palasak na sinasabi sa inuman ang PAIKUTIN ANG BASO. Dito mahalaga ang tungkuling ginagampanan ng isang "tanggero". Siya ang may responsibilidad na gawing patas ang sukat ng inuman. Alam dapat niya kung nasaan na ang ikot ng baso upang walang makaulit o malamangan sa inuman. Ito ang dahilan kung bakit mariring kung minsan ang mga katagang "nagdadaya" o "nakakauna" sa okasyon ng inuman. Buhay na buhay ang konsepto ng pagiging patas o sa madaling salita ay hustisya sa inumang Pilipino.

Kaugnay din ng pagpapaikot ng baso ang pagtingin ng mga Pilipino sa buhay. Gulong ang buhay ng tao, sabi nga. Umiikot ito at hindi permanente. At, sa pag-ikot ng baso (at maging sa pag-ikot ng buhay ng tao) pwedeng tahimik ka lamang na naghihintay o di kaya ay nakikibahagi ka sa kwentuhan ng buhay ng mga kasama mo sa inuman.

Maririnig din sa inumang Pilipino ang HUWAG GAWING KANIN ANG PULUTAN. Isa itong pabirong-paalala na naglalaman ng pagpapahalaga sa kahinahunan (moderation). Ang pulutan, na pinagsasaluhan din ng mga nag-iinuman, ay hindi dapat sarilinin. Kaya marahil ito tinawag na "pulutan", pinupulot lamang at hindi dinadakot. Hindi ito dinadamihan (o ginagawang kanin) dahil kalimitan kaunti lamang ang pinagsasaluhang pulutan. Samakatuwid, matingkad ang aspekto ng pag-iisip ng kapakanan ng iba sa okasyon ng inumang Pilipino. Ito rin ang tinatawag na prinsipyo ng "subsidiarity" sa pagpapahalagang moral.

Hindi na rin bago ang sinasabing KAPAG MAY ALAK, MAY BALAK. Isa itong paalala, lalo na sa mga kababaihan, na mag-ingat sa mga kaharap sa inuman. Madadalumat natin sa nasabing konsepto na hindi naman minamasama ang pag-inom ng alak. Subalit, dapat kang maging mulat sa mga negatibong maaari nitong maidulot. Nagmumungkahi ang kasabihan na magkaroon ng "moderation" at maging laging handa sa anumang posibleng mangyari sa gitna o pagkatapos ng inuman.

Bilang panghuli, masasabi nating napakahalaga ng okasyon ng inuman bilang daluyan ng pilosopiya. Ang salitang "daloy" ay may pagkakaugnay sa salitang "kilos". Isang pagtatangka ang sulating ito na tingnan ang penomenon ng inuman bilang "lugar kung saan kumikilos" (dumadaloy) ang pilosopiya. At kinakitaan natin ng pilosopiyang buhay ang penomenon ng inuman kung saan maaaninag ang kaisipang Pilipino. Harinawa ay nabuksan nito ang interest ng mga mambabasa na mas titigan pa ang mga ordinaryong pangyayari sa kanilang pang-araw araw na buhay; Mamilosopiya pa sa larangan ng ordinaryo ngunit kumplikadong aspekto ng buhay ng tao. Sa ganitong paraan lamang uunlad ang pag-iisip ng mga Pilipino sa kanilang dapat pag-isipan, ang totoong buhay na siyang tumatalab sa hinahabol nating mailap na Katotohanan.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento