Huwebes, Hulyo 31, 2014

IKATLONG KABANATA: UNIBERSIDAD NG BUHAY



“Good morning, sir!” nakakunot ang noong salubong ni Pendong sa akin. “May tanong lamang po ako sa previous discussion natin tungkol sa determinism. Posible po kasi na sa simula ginawa ng Diyos ang lahat at pagkatapos iniwan na Niya tayo na parang wala na Siyang pakialam sa atin.”


“Hindi pa ba kayo nagsasawang pag-usapan ang Diyos? Baka napapagod na Siya dahil parati na lang Siyang tumatakbo sa utak ninyo,” pabirong sagot ko dito.



Matagal-tagal na ring kinikiliti ng tanong tungkol sa pag-iral ng Diyos itong si Pendong. Palibhasa ay malapit ang kanyang pamilya sa simbahan. Ayaw nitong papatalo sa debate pagdating sa usapin ng Diyos. 



“Anong masasabi ninyo sa argumento ni Pendong? Baka hindi ito makatulog, sagutin pa natin,” panimula ko sa klase.



Umupo ako bahagya sa Teacher’s table. Na-redefine tuloy ang konsepto ng table na dapat ay patungan ng mga gamit, pero pwede rin palang mapasama sa kategorya ng mga upuan. Isinabit ko na rin sa aking leeg ang aking School ID. Tumingin-tingin sa mga estudyante at naghihintay ng gustong magsalita. Naghihintay rin na makagawa ng isang silid-aralan na lugar para sa isang malaya at kritikal na talakayan. Dahil parang may nais pang sabihin si Pendong, pinatayo ko ito upang mas palawakin ang kanyang tanong kani-kanina lamang.



“Pendong, ano bang ipinaglalaban mo kanina? Parang hindi ka na naman pinatulog ng pagbabasa mo ng special relativity theory ni Einstein,” paglilinaw ko sa tanong ni Pendong.



“Pagpahingahin mo naman ang Diyos, Pendong. Lagi mo na lang siyang naiisip,” panglolokong sabat ng makulit nilang kaklaseng si Bitoy.



“Hindi napapagod ang Diyos,” tugon ni Pendong. “Ang gusto ko lamang pong linawin ay ang purpose kung bakit ginawa ng Diyos ang mga bagay bagay sa mundo.”



“Ang ipinapalagay mo ba ay sigurado na tayong mayroon ngang Diyos?”



“Upang mapag-usapan po natin ang tinatanong kung ‘purpose’ at tinatawag naman ng mga Griyegong telos, ipagpalagay po nating umiiral ang Diyos. Kung mayroong Diyos na pinaka-dakila at dahilan ng pag-iral ng lahat, mayroon ba siyang mapapala kung lilikhain pa Niya tayo? Ibig kong sabihin, nakakadagdag pa ba tayo sa Kanyang kadakilaan? Okey lang bang pag-usapan natin yun, mga classmate?”



“Basta ikaw, Pendong! Malakas ka sa amin eh,” nakangiting tugon ng mga kaklase. Palibhasa may naka-schedule na quiz sa araw na iyon at nakatunog ata ang mga ito mahirap na naman ang multiple choice exam.



“Naku! Mahaba-habang litaniya ang kailangan natin para masagot ang iyong tanong,” paunang paalala ko sa pursigudong makipagdebateng si Pendong. “Kailangan nating bulatlatin ang isyu ng free will, problem of evil, kaibahan ng being and non-being, at marami pang katanungan sa metapisika. Kulang ang oras natin para dyan.”



“Nagsisimula po ang aking argumento sa kaisipang ‘nilikha tayo ng Diyos’. Kung hindi Siya ang dahilan ng ating pag-iral, malamang hindi Siya matatawag na Diyos. Siya ang pinagmulan ng lahat. Ang mga bagay na nakikita at hindi nakikita, mga aktwal at potensyal, mga nakikita at naiisip pa lamang natin. At, sa Kanya rin hahantong ang lahat.”



“Ang heavy ng mga thesis mo, Pendong!” sabat naman ni Bitoy na mahilig sa matematika at syentia. “Ibig mo bang sabihin, alam ng Diyos na pag-uusapan natin Siya ngayon? Stalker pala ang peg ng Diyos?”



Malakas ang tawanan ng mga kaklase. Subalit, alam nilang may laman ang pagbibiro ni Bitoy. Binuhay nito ang mga kaisipan sa utak ng mga estudyante. Palibhasa ay nalilibang ang mga ito, malayang-malaya ang mga kaisipan. Iyan daw ang kahulugan ng salitang “school”, nakaugat sa salitang “schola” na ang ibig sabihin ay “paglilibang”. Ngunit dahil sa sistema ng paaralan na mas pinapaboran ang memorization at mas mataas ang ibinibigay na turing sa pag-uulit na lamang ng mga dati nang alam kaysa sa analisis ng mga ito, nawawala ang potensyal ng paaralan upang baguhin ang lipunan. Sino ba namang hindi pupurol ang utak kung sa araw araw na ginawa ng Diyos ang bungad parati ng teacher ay, “Erase the blackboard!” Dahil estudyante ka lamang, hindi mo naman masabing “wala po tayong gagamiting board kapag binura po namin.” At saka, white naman ang kulay, hindi black.



Kaya hinayaan ko na lamang muna ang malayang talakayan. Kailangan munang isuspende ang paniniwala sa kasalukuyang sistema ng edukasyon na para bang nagbubunyi sa pagpapa-gradweyt ng mga estudyanteng taga-sunod lamang. Ganitong klase ng gradweyt ang “in demand” sa komunidad. Kaya mahinahon at kung minsan ay sapilitang isinisiksik sa mentalidad ng mga estudyante ang pagiging masunurin. Kaya parang kapalaran din na magkaroon tayo ng isang lipunang sunud-sunuran din lamang.  



Natatawa rin si Pendong sa pabalang kritisismo ni Bitoy na maaari palang stalker ang Diyos. Pero naiisip niyang maaaring kasama ito sa pagiging Diyos Niya. Wala siyang magagawa kundi maging ganoon dahil iyon ang magdedefine sa Kanya.



“Tama ka, Bitoy! Alam ng Diyos ang mga nasa isip natin ngayon at mga iisipin pa bukas. Kaya nga siya Diyos. Nalalaman Niya ang lahat—ang mga nasa imahenasyon natin, ang pagpasok natin sa CR mamaya at kung anong urinal ang gagamitin natin, at maging ang nilalaman ng ating puso. Lahat nang iyan ay alam ng Diyos. Kung hindi Siya ang gumawa ng mga ito, eh sino?”



“Sino pa? E di tayo!” tugon ni Bitoy. “Bakit natin isisisi sa Diyos ang mga bagay na tayo naman ang gumawa? Para ka namang Presidente ng Pilipinas. Ibinabato parati ang sisi sa iba.”



“Pero, sino ang lumikha at nagdesenyo sa atin? Hindi ba’t ang Diyos? Ibig sabihin, alam niya ang lahat lahat sa atin. Maging ang bilang ng ating mga buhok. Kabisado rin Niya dapat lahat iyan.”



“Sinasabi mo ba, Pendong, na maging ang ginawa nating masasama ay Diyos din ang gumawa? Aba, anong klase namang Diyos ‘yan at mayroong tinta ng kasamaan? At saka minsan kapag nasa bahay lamang ako, kung anu-ano lamang naman ang naiisip. Ibig mo bang sabihin ay ginawa rin ng Diyos ang mga walang kwentang bagay?”



Medyo napaisip si Pendong. Mukhang may problema nga sa lohika ang sinasabi niya. Mukhang may kontradiksyon ang konsepto ng Pinakamakapangyarihan at Pinakamaawaing Diyos sa pag-iral ng masasamang bagay sa mundo.

  

“Konteng lohika lang, Pendong,” dagdag na argumento ni Bitoy. “Kung maawain ang Diyos, dapat nasa Kanya ang pagnanais na mawala ang kademonyohan sa mundo. Tama?”



“Oo naman.”



“Gayundin, kung pinakamakapangyarihan ang Diyos, dapat kaya Niyang alisin ang masasamang bagay sa mundo. Tama?”



“Tama pa rin.”



“Ngayon, h’wag mong sabihin na ang pagpatay, panggagahasa, pandarambong, pagsisinugaling, gyera, sakit, kalamidad, pagnanakaw, at marami pang ibang katulad nito ay hindi masasamang bagay. Samakatuwid, umiiral sa mundo ang kademonyohan. Paano mo ngayon papatunayan na mayroong Diyos na all-powerful at all-good?”



Naramdaman kong nasusukol ni Bitoy si Pendong. Ngayon, sa halip na bigyan ng pansagot, lalo ko pa siyang hinamong mag-isip.



Natatawa akong sumingit sa mayamang talakayan at nagbato ng ilang komento at tanong, “Lumalabas na posible ang non-existence ng Diyos pero hindi naman matatanggihan ang existence ng evil. Tama?  Ngayon, saan nanggaling ang kasamaan sa mundo? Nanggaling ba sila sa wala? At, kung Diyos ang gumawa ng masasamang bagay sa mundo, samakatuwid, Siya ang dapat sisihin sa lahat nang pagdurusa ng mundo. Iyan ba ang sinasabi mo, Bitoy?”



“Opo, Sir! Dahil kung kayang gumawa ng Diyos ng mga planeta at bituin, bakit hindi Niya alisin ang mga kalamidad na pumapatay sa maraming tao? Kung ang pagsabog na tinatawag ni Stephen Hawking na Big Bang ay posible sa Diyos, bakit hindi Niya mapakain ang milyon milyong tao sa mundo? At sinasabi ni Pendong kanina na alam ng Diyos ang mangyayari sa hinaharap, ibig sabihin alam ng Diyos na magkakaroon ng gutom sa mundo. Bakit hindi Niya iyon inalis sa mundo? Masaya ba Siya na mayroong naghihirap sa mundo?”



“Klasiko ang tanong mo, Bitoy!” papuri ko sa palabirong estudyante. “Matagal nang itinatanong iyan ng mga pilosopo at teologo. Theodicy ang tawag dyan.”



Humarap naman ako sa klase at nagbigay ng depinisyon, “Theodicy is a technical term for attempts to solve the theological problem of evil. It comes from Greek words theos which means God and dike which means righteous. Theologians often encounter difficulty in formulating their theodicies. In fact, St. Thomas Aquinas himself admitted that the existence of evil is considerably one of the best arguments against God’s existence. Pero, kung kayo ang tatanungin, ano ba ang depinisyon nyo ng ‘masama’? O di kaya, paano nyo masasabing ‘kademonyohan’ ang isang kilos?”



“Sir, sa palagay ko po, lahat nang imoralidad ay masama,” mabilis na tugon ni Pendong. Palibhasa ay pamilyar sa Christian Ethics. Pero, naalala niya ang argumento ni San Agustin.



“Natatandaan ko ang isang pilosopong Midyebal. Para sa kanya, wala naman talagang evil per se. Sinabi niyang ito ay kawalan ng presensya ng Diyos. Gumamit siya ng talinhaga ng apoy. Syempre, alam nating mainit ang apoy. Pero, habang lumalayo ang distansya sa apoy, nagkakaroon ng lamig. Hindi ibig sabihin nito ay mayroon nang existence ang lamig. Isa lamang itong absence ng init. Ganun rin daw ang ‘masama’. Nagiging masama lamang kung lumalayo tayo sa Diyos. Kaya, hindi dapat itinatanong ang source o efficient cause ng masama, dahil isa siyang deficient o kawalan ng presensya ng Diyos.



“Mukhang malabo ang sinasabi mo, Pendong,” sabat ng hindi pa rin nagpapatalong si Bitoy. “Maganda ang paggamit mo ng talinhaga ng apoy, mainit at malamig. Pero, sa totoong buhay, hindi madaling malaman ang ‘mabuti’ at ‘masama’. Kung gagamitin ko ang talinhaga mo, sa isang taong naiinitan, mabuti sa kanyang pakiramdam ang malamigan ng aircon. Pero, kung nilalagnat siya, hindi makakabuti sa kanya ang lamig ang aircon. Gayundin sa paghusga sa mabuti at masama. Iba’t iba yan, depende sa tao. Walang universal stardard of morality!”



“Oo naman! Related ang masama at mabuti eh. Parang ganito: hindi mo maiintindihan ang liwanag kung walang dilim; ang maganda ay naka-angkla rin sa konsepto ng pangit; ang pagiging busog ay malinaw kung alam mo ang kondisyon ng pagiging gutom. Laging magkabilaan ang lahat.”



“Pinapahanga ninyo ako sa mga argumento,” papuri ko intense na talakayan. “Pero, hindi nyo pa rin naipapaliwanag kung bakit parang hinahayaan ng Diyos ang masasamang bagay sa mundo. Kung talagang pinakamakapangyarihan ang Diyos, bakit hindi niya magawang idespatya ang sakit, pagdurusa, magnanakaw, karumal-dumal na pagpatay, pangungurakot sa kaban ng bayan, at marami pang iba?”



“Pwede ba dito, Sir, ipasok ang konsepto ng free will?” sagot ni Pendong.



“Ano yang sinasabi mong free will? Nakakain ba yan?” pabirong tanong ko kay Pendong.



“Ito yung kakayanan ng taong pumili at magdesisyon sa kanyang sarili,” paliwanag ni Pendong. “Binigyan ng Diyos ang tao ng kakayanang maging malaya. Isa yan sa kaibahan ng tao sa ibang mga nilalang. Mayroon tayong kakayanang mamili ng gusto natin. Kaya nga lamang, minsan nagkakamali ang pagpili natin. Minsan nahihilig tayo sa masama.”



“Pero, kung pinakamakapangyarihan ang Diyos, pwede naman Niyang pakialaman at ilayo tayo sa masama. Alam naman ng Diyos na mortal lamang tayo at nagkakamali sa pagpili, bakit hindi Niya itama ang ating mga maling pagpili?”



“Bitoy, sablay yan sa kahulugan ng kalayaan. Regalo ng Diyos sa atin ang kalayaan. Kung pakikialaman Niya ito, parang binawi na rin Niya ang regalong ito. Parang binago na rin niya ang essensya ng isang “malayang tao”. Hindi gagawin yan ng Diyos dahil parang kinalaban na rin Niya ang sarili niyang desenyo sa tao,” paliwanag ni Pendong.



“Maiiyak na sana ako sa paliwanag mong ‘regalo’ at ‘desenyo ng Diyos’,” pang-aasar na naman ni Bitoy. “Kung totoong may desenyo na ang Diyos, sablay naman yan sa sinasabi mong free will. Ibig sabihin nakalatag na ang mangyayari sa atin. Parang magiging puppet na lamang tayo ng Diyos. Kung totoong alam ng Diyos ang lahat na mangyayari sa atin at hindi maaaring magkamali ang Diyos dahil labag iyon sa Kanyang pagka-Diyos, ibig sabihin, malabo pa rin ang sinasabi mong free will.”



“Determinism ang tawag dyan, Bitoy,” paliwanag ko. “Pero, kailangan ba nating mamili sa pagitan ng ‘alam na ng Diyos ang mangyayari sa hinaharap’ at ‘pagiging malaya ng tao’? Hindi ba pwedeng pagsamahin ang konsepto ng dalawang iyan?”



“Para sa akin, Sir,” patuloy ni Bitoy, “mas nararamdamang kong malaya ako. May mga bagay na pinagsisisihan kong bakit ko ginawa. Bakit hindi na lamang yung isang choice ang ginawa ko? Ibig sabihin may choices talaga tayo. At, nararamdaman nating tayo mismo ang pumili nito. Kapag hindi ako nakapagbasa ng assigned reading materials, malamang ako dapat ang sisihin doon at hindi ang desenyo ng Diyos na sinasabi ni Pendong kanina pa.”



Biglang sumingit si Ayra na kinina pang nagrerebyu sa subject nilang physics. Palibhasa mayroon din silang quiz dito. “Pwede nating banggitin sa puntong ito ang ‘uncertainty principle’ sa quantum mechanics. Walang kakayanan ang taong malaman nang eksaktong-eksakto ang lahat ng bagay. Ganun din sa usapan natin. Kung pipilitin nating bigyan ng depinisyon ang free will at ang kontradiksyon nito sa foreknowledge ng Diyos, hahantong lamang tayo sa isang malaking HINDI-KO-ALAM. Hindi ko sinasabing walang kwenta ang ginagawa nating debate. Pero, dapat din nating tanggapin na bahagi ng ating pagkatao ang limitasyon. Mayroong mga bagay na hindi tayo makakasigurado. At walang masama doon.”



Parang sinadya namang tapos na ang isang oras na nakalaan sa subject. Hindi pa rin nila nasagot ang maraming tanong sa kanilang isipan. Tanong pa rin sila ng tanong. Palibhasa ay mga bata pa, hindi pa sarado ang kanilang isipan.


“Maganda ang ating naging talakayan,” pagtatapos ko sa klase. “Gaya ng lagi nating sinasabi, hindi natatapos dito ang ating pinag-usapan. Ang pilosopiya ang hindi nakakulong sa classroom. Subukan nyo ulit itanong ang mga naitanong kanina. Alalahanin ang sistema ng analisis sa pilosopiya. Iyan ay isang pag-unawang gumagawa at paggawang umuunawa. Subukan nyo ulit! Dahil dyan posible na kayong maging retarded. The more you become retarded, the more you become cute. Good luck!” :) 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento