Huwebes, Hulyo 31, 2014

IKALAWANG KABANATA: PAGPASOK SA TRABAHO



Hindi pa ako natutunawan ng kinain ko kaninang almusal. Malamang naglalakbay pa lamang ang mga yon patungo sa aking large intestine. Sobrang init pa ng panahon. Kanina, habang naliligo ako, pinagpapawisan na agad ako sa sobrang init. Ano pa kaya kung lumabas ako nang alas-nuebe at sumakay sa siksikang dyip? Siguradong aktibo na naman ang mga protons, neutrons, electrons, at quarks sa aking katawan. Takbuhan sila ng takbuhan kaya pawisan.

            Minsan nang nabansagang “gates of hell” ang Maynila. Hindi naman natin masisisi ang mga stateside na komentarista na ilarawan sa ganitong paraan ang kapitolyo ng Pilipinas. Marahil, hindi lamang nila maappreciate ang ating kalagayan. Pero, hindi lamang dayuhan ang nasusuklam sa ating kalagayan. Dumarami na rin sa mga kaibigan ko ang nag-iisip mangibang-bansa. Marami sa mga ito ay mapagmahal naman sa bayan. Subalit, para sa kanila, pahirap na nang pahirap ang buhay sa sariling bayan. Kaya, hindi ko na rin masisisi ang mga taong gustong mangibang bansa. Sabi nga, ibon mang may laya, gugustuhin pa ring lumipad papuntang Dubai o Australia kahit tourist Visa, TNT ang labas. Walang rhyme. Kung sabagay, kailangan pa ba ang rhyme ng simurang kumakalam.

            Kung “gates of hell” man ang aking sasabanahin papasok ng trabaho, ayos lamang. Kasama yan sa training para maging isang ganap na ninja. At ito na nga, halos hindi umaandar ang sinasakyan kong dyip. Bakas sa mukha ng mga pasahero ang inip. May rally pala ngayon sa Mendiola ang mga miletanteng grupo. Malamang nagtaas na naman ng singkwenta sentimos ang tuition fee sa State University. O di kaya ay may darating na mataas na opisyal ng Estados Unidos. Siguradong pigtal-leeg na naman ang talumpati ng mga tibak.
           
            “Ang init!” reklamo ng mamang may dala-dalang basket na may lamang tandang na manok. Marahil, mayroong opisina ang mga sabongero ngayon. Sa tagal ng aming byahe, malamang nangangatog na sa excitement mapalaban ang sasabunging manok ni tatang.

            Bakit ba naman kung kailan matrapik saka walang enforcer? Sabay-sabay ba ang schedule ng kanilang pagkakape? O talagang kasama sa binabayaran sa kanila ang pagtambay sa ilalim ng puno?

            Pinaspasan ko na ang pagkain ng almusal kanina para hindi mahuli sa trabaho. Halos ngumunguya pa ako ng aking kinain habang naliligo. Yung kape ay ibunuhos ko na lamang sa kanin para two-in-one ang dating at makatipid ako sa oras. Ayaw na ayaw ko pa namang nale-late sa klase. Nakakainit tuloy ng ulo. Naalala ko na naman ang karibal ko noong grade 6 na nambully sa akin. Sa mga ganitong pagkakataon, naaalala ko ang pangaral ng nanay kong grade school teacher.     

Madalas daw tayong naiirita kapag nagbabyahe, lalo na sa pagko-commute, dahil masyado tayong naka-focus sa pupuntahan natin. Nawawalan ng kahulugan ang karanasan natin ng pagsakay sa dyip. Kahit daw ang mga kalsadang dinadaanan natin ay may mga kasaysayang may saysay para sa atin. Ang mga ilog na pinag-uugnay ng mga tulay ay punong-puno rin ng kwento at karunungan. Masyadong matalinhagang magsalita ang mga nanay.

Napagdiskitahan kong titigan yung dalang mga puting daga ng isang estudyante. Malamang-lamang bilang na ang oras ng mga kawawang dagang ito. Sa ngalan ng pagsulong ng syentia, kailangang magsakripisyo ng inosenteng buhay. Dahil hindi pa nila alam na nanganganib ang buhay nila pagdating sa laboratoryo, enjoy na enjoy sila sa pagtatakbuhan sa loob ng kulungan. Parang lumaklak ng Gatorade ang mga daga sa dami ng energy sa katawan. Nag-uunahan yata silang makuha yung nag-iisang kesong pagkain. Sa pag-uunahan nilang makuha ito, hindi na nila napag-iisipan na mahirap makarating sa pagkain kung dadaan sila sa isang wheel. Lalo silang mahihirapan kung mag-uunahan sila dahil lalong bibilis ang ikot ng wheel. Hindi kaya dapat bago titigan ang inaasam na bagay, dapat pagmasdan muna ang kinasasadlakan nilang sitawasyon?

            Aba! Ganyan din yata kadalasan ang eksena papasok sa mga pagtratrabahuhan, isang rat in a race. Papunta tayo ng trabaho pero hindi natin alam ang tunay na direksyon ng pagtratrabaho. Bakit nga ba tayo magtratrabaho? Kung ang pilosopo at ekonomistang si Karl Marx ang tatanungin, bahagi ng ating pagkatao ang pagtratrabaho. Sa pagtratrabaho natin naipapahayag ating pagiging malikhain. Oo nga at pinagtratrabahuhan din ng mga bubuyog ang kanilang mapag-iimbakan ng pulot, pero ibang iba ito sa pagtratrabaho ng tao na hindi lamang nakabase sa instinct. Kaso nga lamang, sang-ayon kay Marx, sa panahon natin ngayon, nawawala na ang pagiging malikhain sa loob ng pinagtratrabahuhan. Nagiging parang makina na lamang ang mga tao. At ito daw ang dahilan kung bakit hindi masaya ang mga tao sa panahong ngayon.

            Sa awa ng Diyos, nakarating din sa Legarda. Dito ako bababa para sumakay ulit ng trike papunta sa pamantasang pinagtuturuan ko. Malimit matindi ang trapik dito tuwing may rally o kung may baha. Bukas, malamang sagad-sagaran ulit yun. Nasasagad rin ang pasensya ng mga motorista. Pwede ring nasasagad ang pasensya ng mga uring manggagawa dahil sa taas ng buwis, kupad ng umento ng sweldo, at kay Janet Napoles. 

            “Sa tabi lang po!”

            “Sa babaan lang po, boss. May nanghuhuli."

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento