Martes, Marso 31, 2015

MAHAL AT BANAL: Pag-alaala Ngayong Mahal na Araw

Iba’t ibang katawagan ang ginagamit natin para sa linggong ito. Andiyan ang “mahal na araw” (tagalog), “holy week” (ingles), at “semana santa” (kastila). Kung nakikinig tayo sa mga pangalan na ibinibigay natin sa sagradong linggong ito, dalawang bagay ang umaalingawngaw: Mahal at Banal. Ang “mahal” at “banal” ay parehong mga katagang may karga-kargang kahulugan na may kinalaman sa kalooban. Isaisahin natin at baka sakaling mayroon tayong matagpuan.


Sabi nila, ang tunay na pagmamahal ay hindi makikita sa panlabas. Hindi masusukat sa pagbibigay ng bulaklak, tsokolate, kotse, o anumang bagay ang tunay na pagmamahal. Sa madaling salita, ang panlabas na ipinapakita ay maaaring isa lamang pagkukunwari. Sa tunay na pagmamahal, palaging may elemento na nakasangkot ang kalooban ng isang taong nagmamahal. Sabi nga, “Nahulog ang kanyang loob kay ganito”. Maaaring sa una ay parang wala kang magawa kundi ang mahulog ang loob sa kanya katulad ng natural na pagkukusa ng katawan na lumaki at mahubog. Subalit, pagkatapos ng pagkahulog na ito ay maaari nating mamalayan ang sitwasyon ng pagkahulog, pag-isipan, patubuin sa kalooban, at angkinin. Ito ang tinatawag nating “kusang-loob”, isang malayang pagpapasyang nanggaling sa kaloob-looban. Samakatuwid, kalooban ang tunay na nakikipagtagpo sa pagmamahal. Dumaraan sa pandama, subalit pinatutubo at ipinapasya ng kalooban.  
Ganito rin ang kabanalan. Wala sa panlabas ang kabanalan kundi isa itong tumutubong disposisyon sa kaloob-looban ng isang tao. Maaaring magkunwari at ipakita (panlabas) sa madla na isa kang “banal” sa pamamagitan ng pananalangin, pagpepenitensiya, pagbibigay ng abuloy sa simbahan, pagsisimba, at marami pang iba. Subalit, matatauhan tayo na posible namang mga panlabas lamang ito at walang pagkatotoo. Katulad ng kinukuwento sa kantang "Banal Aso, Santong Kabayo", maaaring dasal nang dasal subalit noong hindi maibaba sa gustong babaan, "mura pa rin nang mura ang Ale!" Tinatawag natin itong “pakitang-tao” sapagkat buhay na buhay sa konseptong Pilipino na sa kalooban talaga matatagpuan ang kabanalan. Ang kabanalan ay maaaring maramdaman sa panlabas, subalit isa talaga itong tumubong disposisyon sa kalooban ng isang tao.



Para mas maunawaan natin ito, pagnilayan natin ng konte ang buhay ni San Agustin at ang karanasan ng kanyang “pusong hindi mapalagay”. Sang-ayon sa kanya, ang talaga raw hinahanap niya ay ang kaligayahan. Hinanap daw niya itong kaligayahan sa labas. Sabihin na nating nambabae si San Agustin, nagpakasawa sa makamundong-aliw, namangha sa ganda ng mga gawa ng Diyos, at nagdulot ang mga ito sa kanya ng aliw. Subalit, sang-ayon sa kanya, ang mga ito ay panandaliang-aliw lamang. Walang tunay na kapanatagan. Nilibot niya ang buong sangnilikha ng Diyos, pero wala doon ang tunay na kaligayahan dahil hindi siya bukas sa pagtubo ng Diyos sa kanyang kalooban.
Naliwanagan si San Agustin na unang-una pa man (simula’t sapol) ay nasa kalooban na niya ang Tunay-na-Kaligayahan (ang Diyos) subalit hindi niya nararamdaman sapagkat nakatuon ang kanyang pansin sa mga panlabas na bagay. Nang binuksan ni San Agustin ang kanyang kalooban, doon niya natagpuan ang Diyos na sumasaatin (Emmanuel). Naranasan niya ang isang kaliwanagan na nanggagaling sa pagkabukas sa grasya ng Diyos—isang karanasang Mahal-Banal.
Ito ang dahilan kung bakit mayroong “mahal na araw” o “holy week” o “semana santa”. Hindi lamang ito panahon upang ipakita sa madla ang ating mga penitensya at tradisyon. Wala namang masama sa mga tradisyong ito. Subalit, kung hindi ito tutubo sa ating kalooban, magiging panandalian din lamang ang mga ito.


Ang linggong ito ay inilalaan ng Simbahan upang ipaalaala sa ating mga makakalimuting tao ang tunay na kahalagahan ng pagbubukas sa grasya ng Diyos. “Mahal na araw” ito sapagkat dito natin inaalala ang siksik-liglig-at-umaapaw na pagmamahal Diyos na matatagpuan sa mensahe ng Krus. “Holy Week” o “Semana Santa” rin ito sapagkat hinahangad nating makipagtagpo sa Banal. Hinahangad nating tumubo ito sa ating kalooban dahil alam nating walang-wala tayo kung wala ang Diyos sa atin.  Sabi nga ni San Agustin, Fecisti nos ad te et inquietum est cor nostrum donec in te requiescat. “Nilikha mo kami upang sa Iyo ri’y makauwi, at hindi mapalagay ang aming puso hangga’t hindi namamahinga sa Iyo”.  

Maligayang pagbabalik-loob at pagninilay sa Mahal-Banal! Matagpuan nawa natin ang Diyos na matagal nang nananabik sa atin! 

Lunes, Marso 16, 2015

Ilang Minuto tungkol sa Malikhaing Pagkatanga

        Mapanghamon ng pangalawang yugto ng Pambungad sa Metapisika. Pairalin daw ang pagtataka. Subalit, itong pagpapairal sa pagtataka ay parati daw hahantong sa pag-amin na ating katangahan. Noong una kong mabasa na ginagamit pala talaga ni Padre Roque ang katagang “tanga” at “katangahan” parang nagulat ako. Lumaki ako sa turo ng nanay kong public school teacher na dapat daw iwasan ang paggamit ng nasabing kataga. Subalit, epektibo ang pagbigkas ni Padre Roque sa “katangahan” sapagkat nagulat ako dito at hinamon akong mag-isip. Siguro, kung ang ginamit lamang niya sa kanyang akda ay “mangmang” baka sinabi ko lamang sa aking sarili, “Ang cute noong katagang mangmang”. Mas tumalab sa akin yung mistulang marahas na kataga, ginulat ako nito, at ako’y napaisip.


            Kapansin-pansin ito bilang istilo ni Padre Roque. Ginugulat niya ang kanyang mambabasa at inilalagay sa sitwasyon ng mga dapat pagtakhan. Sa mundong mabilis na ang lahat, mistulang pag-aaksaya na rin ng oras ang magtaka. Sinusunod na lamang natin ang mga nauna nang karanasan at paunang-hatol. Sabihin nating meron na tayong nakahandang sistema.
Magbigay tayo ng isang paghahalimbawa. Mahusay ang pagkakabenta sa mga sikat na artista katulad ng tambalang Kathryn Bernardo at Daniel Padilla. Sila rin ang tinatawag na KathNiel ng mga umiidolo at maging ng mga lumalapastangan sa kanila. Dahil sa paulit-ulit na pamumudmod ng ideyang nakakakilig sila, tumatak ito sa sikolohiya ng kanilang fans. Kahit wala namang direkta at personal na relasyon ang mga ito sa dalawang pinasikat na artista, sila ay mayroong emosyonal o afektibong koneksyon sa mga ito. Ito ang dahilan kung bakit nagagawa nilang lumiban sa eskwela, suwayin ang kanilang mga magulang, makipag-away sa mga komokontra sa tambalan, alang-alang sa iniidolong KathNiel. Subalit, alam nating hindi naman libre ang kanilang pagtangkilik dito. Kailangan nilang magbayad ng tiket sa bawat pelikulang ilalako ng mga prodyuser. Ang kanilang pagtangkilik ay may kapalit na pagod at presyo. Subalit, dahil nga tumatak na ito sa kanilang kalooban at nadudulot naman ito sa kanila ng kaligayahan, hindi nila ito tinitingnan bilang pabigat o luho. Isa itong “pangangailangan”. Kung baga, tumatak na ito sa kanilang sistema. At, dahil sa sistemang ito, walang lugar para matauhan tayo sa ating katangahan. Hindi malinaw na nakikita na pinatatakbo lamang ng panlabas na pwersa.



Noong nakaraang Byernes, sa klase namin tungkol kay Gilles Deleuze, napag-usapan ang rasyunalidad na nakapalood sa irasyunalidad. Pero, mas epektibo pa rin kung gagamitin ko ang salitang “katangahan”. Mas nakakatibo ito at baka sakaling masaktan tayo at hamuning mag-isip. Sabihin nating nakabubulag itong katangahan.
Subalit, kung talagang nakikinig tayo kay Padre Roque, mistulang sinasabi niya na lahat tayo ay mayroong katangahan (at dahil nga masakit itong tanggapin, itinatago lamang natin). Dapat tayong matauhan at laging itanong sa sarili, “Meron bang detalye na inimbento o hinulaan ko sapagkat hindi ako alisto sa mga nangyari at nahihiya akong umamin na meron akong pagkatanga?” (49). Nakukutuban akong napakahalaga nito at mahirap talagang tanggihan na ang pagkabukas ay nagmumula sa malalim na pag-unawa sa katangahan. Magdadalawang isip akong gawin, mag-iisip muna ulit ako bago ako kumilos, bago ako humusga, sapagkat bukas ako sa posibilidad ng aking katangahan. Subalit, dahil sa ating katamaran na mamuhay nang mulat sa ating katangahan, isinasantabi ito at kumikilos na para bang alam natin ang lahat. Ito daw ang pagtanggi sa meron.   
        Napakahalaga nitong pagpapamulat ni Padre Roque sa ating katangahan sapagkat malimit tayong humanga sa ating pinanggagalingang rasyunalidad. At, kapag hindi tumugma sa ating rasyunalidad, mabilis tayong magpasya at magsabing wala itong kwenta. Maaaring batay sa ating rasyunalidad, halimbawa, ay makatutulong ang isang all-out war upang malutas ang magulong sitwasyon sa Mindanao. Tanggap natin ito bilang makatuwiran lalo na kung hindi tayo apektado ng gyera. Parang napakarasyunal ng ating pagtingin dahil hindi tayo namumulatan na hindi natin alam ang buong katotohanan. Kaya, kung mamumulatan lamang siguro tayo at lalakasan ang loob na tanggaping palaging mayroong tayong katangahan, malamang mas matiwasay ang ating buhay. Isang mala-Sokrates na pagtanggap ang dapat nating paghandaan. Sabi ng pinakamatalino at pinakamoral na tao noon sa Athens, “Ang alam ko lamang ay ako’y tanga!” Hindi naman siguro mahirap sabihin ‘yan. Subalit, alam nating ibang istorya kung ating isasabuhay ang malikhaing-pagkatanga.


Sabado, Disyembre 27, 2014

Bulag ang Pag-ibig (Kasabihan na sa atin)

Noong bata pa ako, sumikat ang kantang "Lakas Tama". Ang rakistang banda noong 90's na Siakol ang nagpasikat nito. Punk ang tugtugan nila kaya patok sa kabataan noon (hindi pa naman ganoong katanda ngayon). Bulag daw ang pag-ibig, sabi ng kanta.

Bakit kaya nga sinasabing bulag ang pag-ibig? Ang dami nang taong naging mangingibig, nananatili pa rin naman ang kanilang paningin. Pero, bakit kalimitang sinasabi pa rin na bulag ito?

Ngayong ako ay nag-asawa, saka ko lamang naunawaan ang matandang kasabihan. Hindi naman sa walang nakikita talaga ang taong umiibig (hindi talagang bulag). Mas mainam sigurong sabihing mas kakaiba ang nakikita ng taong umiibig.

Nakikita ng mapanlait na mundo ang katabaan ng isang tao. Pero, sa isang taong umiibig "healthy" lamang siya. O di kaya para sa ibang tao, ulikba o nognog ang kulay ng balat ng isang tao. Pero, sa taong umiibig kumukutikutitap pa rin ang tingin niya dito.

Hindi naman sa hindi nakikita ng taong nagmamahal ang katakawan ng minamahal niya. Sa halip, ang nakikita niya ay ang pagiging "magana nitong kumain". Kaya hindi totoong "bulag" o walang nikikita ang taong nagmamahal. Sa tingin ko, maraming nakikita ang taong nagmamahal na hindi nakikita ng taong hindi "lakas tama".

Isang taon na rin kaming kasal (December 28) ng pinakamamahal ko at siyang nag-iisang dahilan. Buti na lamang at bumili ako ng maraming gayuma sa Quiapo. Sabi pa noong binilhan ko, dagdagan ko pa raw ng helmet para hindi matauhan kung mauntog. Lokong mama yun! Hehe! Sapat na siguro ang ilusyon at magic ng pag-ibig para makita niya ang "Emmanuel de Leon" sa akin na hindi marahil nakikita ng ibang tao.

Maraming salamat, Hun, sa walang kondisyong pagmamahal. Salamat sa pagbibigay mo kay Elle sa buhay ko. Mamahalin kita habang ako ay ako at ikaw ay ikaw. Ang pag-ibig ko sa iyo ay gustong magpatunay na mayroong FOREVER. Tiwala lang. :)

Happy anniversary, Hun! Hindi ko maipapangako ang isang marangyang buhay, isang magandang lahi lamang. Hehe! MAHAL KITA!

Linggo, Disyembre 7, 2014

Nostalgia ng Ilaw Pamasko ng UST

Usong-uso sa ating panahon ang "throwback Thursday" at "flashback Friday". Isa itong paraan upang magpakita ng sabayang instans ng kahapon, ngayon, at bukas sa ating buhay. Ang tawag dito ay nostalgia. Para saan nga ba ang nostalgia? Bakit mahalaga ito sa atin?

Habang namamasyal ako sa UST kanina at pinagmamasdan ang makukulay na ilaw pamasko, napansin kong wari baga'y gusto nitong mag-throwback tayo. Ang istratehiya ng paglalagay ng makukulay na ilaw ay hihimukin kang tumanaw pabalik sa nakaraan--sa mga karanasan mo sa paaralan. 

Inilagay ang mga ilaw sa mga lugar na makakapanghimok tumangkilik (parang tindahan sa mall) sa pamamagitan ng nostalgia. Halimbawa, sa krus ng main building na sinasabing sentro ng unibersidad. Sa lovers' lane na malamang ang mga estudyante ay puno ng samu't saring karanasan. Sa arc of the century kung saan una silang pumasok noong freshmen walk na nilagyan rin ng kahulugan. Ang mga ito ay ilang simbolo na nagpapakita ng ugaling maka-kulturang popular. 

Kung baga, hindi na natin kailangang lumayo upang makita ang isang obvious na marka ng kulturang popular. Ang mga ilaw pamasko ng UST ay isa ring espasyo na may kaakibat ding interes sa kanyang pagkakaayos. Kung susuriin natin ang mga nakakabit na ilaw at mga palamuting pamasko ay mga marka rin ng modernidad, urbanidad, at kosmopolitanismo. Nakabatay rin sa kung ano ang uso at panlasa ng inaasahang titingin. Lahat nang ito ay bahagi ng kulturang popular, na kahit tayo ay skeptikal ay tinatangkilik o napapatangkilik din naman tayo.

Walang problema sa nostalgia at kulturang popular na iyan. Ang pagsanib ng kulturang popular sa porma at laman ng unibersidad ay delikado kung hindi tayo mulat dito. Pwedeng magmistulang droga ang karanasan ng pagmamasid sa mga ilaw na pamasko. Pwede itong maging pagtakas sa reyalidad. Na parang paglabas mo ng espasyo ng unibersidad ay nasa iba ka na ring dimensyon. 

May kakayanan itong patingkarin ang karukhaan ng ibang nakamasid lamang sa labas. Hindi man lang pwedeng pumasok at makihalubilo sa taas-noong namamasyal sa loob ng paaralan. Kung baga, kahit na ang primordial na mensahe ng pasko ay "paglaya ng tao", hindi rin naman lahat na palamuting pamasko ay naghuhudyat nito. Kung minsan, ito rin ay nagpapatingkad ng matinding pagkakasadlak ng mahihirap at kawalang pakialam ng nakakariwasa sa buhay.

Ito siguro ang matatawag na paradox ng nostalgia: na sa pag-igting ng pagnanasang makabalik, lalo lamang nabubura ang alaala ng pinagmulan. Lalong nawawala ang ispiritu ng pasko na matatagpuan sa napaka-abang sabsaban. Simple lamang naman noong unang pasko.

Ganun pa man, ang talagang itinuturo ng mga kulay ng paskong Tomasino, kung tama ang aking pagpapakahulugan dito, ay nakasentro sa krus ng main building. Ang mga ilaw ay ninanais tayong dalhin sa mismong dahilan ng pasko. Nililiwanagan tayo ng mga ito nang hindi tayo maligaw sa mga okasyong panandalian lamang. Iniilawan tayo upang pagkatapos ng mga party at concert ng Paskuhan hindi tayo manatili na lamang dito. Simple lamang ang mensahe nito: ang paskong tomasino ay nakasentro kay Kristo.

Huwebes, Oktubre 9, 2014

MAYROON BANG DIYOS?


Malamang naitanong mo na rin sa isang punto ng iyong buhay ang katanungan tungkol sa Diyos. Hindi ito malayo sapagkat parang natural na sa taong maghanap ng kasagutan dito. Para bang hindi malulubos ang pag-unawa ng isang tao sa kanyang pagkatao kung hindi niya mauunawaan ang katanungan tungkol sa Diyos. Kung si San Agustin naman ang tatanungin, mistulang itinanim ng Diyos sa kaibuturan ng tao ang kahiligang (inclination) hanapin Siya. 

Wala sigurong seryosong palaisip ang magsasabing madaling sagutin ang katanungang ito. Kaya nga hanggang ngayon ay isa pa rin itong malaking bugtong na mahirap sagutin. Sa aking palagay, nahihirapan tayong sagutin ang tanong dahil hindi natin nauunawaan ang ibig sabihin ng mismong katanungan. Kaya nga, hindi siguro tayo mag-aaksaya ng oras kung pagmumuni-munihan natin ang kahulugan ng mismong tanong tungkol sa Diyos. "Mayroon bang Diyos?" Ano ang ibig iparating ng nasabing katanungan? At, ano ang kondisyon ng posibilidad ng pagsagot natin dito? 

Ang salitang "mayroon" ay nakaugat sa mga salitang "may" at "roon". Tumutukoy ito sa pagka-naroon o pagka-narito. Karga-karga ng salitang "mayroon" ang pagiging nasa isang lugar o pagiging nanduroon at hindi nandirito. 

Sa konteksto ng nasabing kahulugan ng "mayroon" bilang nasasa-isang-lugar, maaari ba nating gamitin ito upang itanong ang "mayroon bang Diyos?"? Naroroon ba ang Diyos at hindi nandirito? O di kaya ang kabaliktaran nito, nandirito ba ang Diyos at hindi nandoroon? 

Sa ideya natin ng isang Diyos bilang walang limitasyon, hindi maaaring gamitin ang kahulugan ng "mayroon" bilang "nasasa-isang-lugar". Walang "roon" ang Diyos. Kapag nandoon Siya at wala dito, nagkakaroon Siya ng limitasyon. Kung magkaganoon, labag ito sa pagiging ng isang Diyos. Kaya nga, humanap pa tayo ng kahulugan ng "mayroon" na nababagay sa Diyos.

Ang salitang "mayroon" ay ginagamit din upang magpakita ng "pag-iral". Minsan itinatanong natin, "mayroon ka bang alagang pusa?" Ibig sabihin, inuusisa mo ang pag-iral ng isang alaga na kabilang sa kategorya ng mga pusa na inaari mo. Sasagot ka naman, "Oo, mayroon!" O hindi kaya, "Wala!" Kaya mo itong patunayan sa pamamagitan ng pagpapakita ng iyong tunay na alagang pusa. Pwede ring ipakita mo ang litrato ng iyong alagang pusa. O di kaya ay humanap ka ng katiwa-tiwalang tao upang magpatunay na "mayroon" (umiiral talaga) ang alaga mong pusa.

Ngayon, ganito ba ang kahulugan ng katanungang "mayroon bang Diyos?"? Ibig sabihin ba nito ay mayroon bang "pag-iral ang Diyos na pwede mong maipakita, o pwede mong ipakita ang litrato, o di kaya ay patunayan ng isang taong nakakita na sa Kanya? Malamang-lamang, hindi ito maaari. Kung ang Diyos ay umiiral, magiging kontradiksyon sa kanyang essensya ang pagkakaroon ng "hitsura". Kung Siya ay hitsurang lalaki, magkakaroon siya ng limitasyon. Sa ibang paliwanag, magkakaroon Siya ng "hindi". Kung ang Diyos ay nasa anyo ng isang lalaki, nalimitahan Siya at naging "hindi" babae. Kaya, hindi maaaring maipakita ang "hitsura" ng Diyos. Ang Kanyang uri ng pag-iral ay hindi maaaring maipakita. 

Samakatuwid, ang mga taong nagtatanong ng "mayroon bang Diyos?" na ang layunin ay mapatunayan ito sa nibel ng syentia ay hindi talaga nauunawaan tamang kahulugan ng tanong. Isang pagkakamali ng kategorya ang kanilang ginagawa. Wala sa kategorya ng mga "maipapakita" ang pagpapatunay sa Diyos. Hindi mo pwedeng ilagay sa laboratoryo ang Diyos at obserbahan sa paraang kontrolado. Kaya maghanap pa tayo ng posibleng kahulugan ng katanungan tungkol sa Diyos.

Makakatulong sigurong usisain muna natin ang pag-unawa natin sa uri ng ating mismong inuunawa. Ano ba itong "Diyos" na ating inuusisa? May kutob akong makakatulong kung banggitin sa puntong ito ang ibang katawagan sa "Diyos". Ginagamit rin ang katagang "Maykapal" na tumutukoy din sa Diyos. Isa itong nabuong kataga upang ihambing ang Diyos sa tao. Ibang-iba ang tao sa Diyos. Ang tao ay may mga limitasyon, samantalang ang Diyos ay wala. Ang tao ay may simula at katapusan, ang Diyos naman ay laging nananatili. Kaya ang tao ay "maynipis", samantalang ang Diyos ay "Maykapal".

Galing sa kahulugan ng Diyos bilang "Maykapal" maaari na nating itanong ang paraan ng pagtatanong na nararapat sa katanungan tungkol sa Diyos. Ano ba ay nilalayon ng pag-uusisa tungkol ng pagka-mayroon ng Diyos? Nilalayon ba nitong bigyan ng hangganan ang pag-unawa sa Diyos? Ang konsepto ba ng Diyos bilang "Maykapal" (o punong-puno kumpara sa manipis na posibilidad ng tao) ay may kung anong implikasyon sa ating kasalukuynang pag-uusisa? Kung ang pag-uusisa nga natin ng "Sino ako?" ay hindi pa rin malubos-lubos, paano pa kaya kung ang inuusisa natin ay lampas pa sa tao? Kaya nga, kung ang pagtatanong na "mayroon bang Diyos?" ay naglalayong malubos ang pag-unawa sa Diyos sa pamamagitan ng depinisyon, lalabas na hindi ito posible. Sapagkat, mistulang bahagi ng Kanyang pagka-Diyos ay hindi maikukulong. Kung tatangkain nating ikulong sa Diyos, lagi tayong hahantong sa "kulang-pa-rin" o "hindi-ko-pa-rin-sigurado". Ito ang tinatawag ni Roque Ferriols na "pagka-alanganin". Lalabas na ang mga nasabing paglalarawan sa Diyos ay "alangan" pa rin o hindi pa rin swak sa Totoong essensya Niya. 

Ngayon, balikan natin ang nakabitin nating mga katanungan. Paano nga ba itinatanong ang katanungang "mayroon bang Diyos?"? Ano ang ibig nitong iparating? At, ano ang kondisyon ng posibilidad ng pagsagot natin dito? Una,  lumalabas sa ating pag-uusisa na ang katanungan tungkol sa Diyos ay hindi maaaring itanong na para bang gusto mong ituro ang Diyos at sabihing "heto Siya." Taliwas sa pagka-Diyos ang pagiging naituturo. Kaya nga, kung ituturo nating "mayroong Diyos" sa paraang kaya mo Siyang ipakita o bigyan man lamang ng hitsura, lalabas na isa itong kahangalan kung hindi man katangahan. Pangalawa, matingkad ang karga-kargang kahulugan ng pangalan ng Diyos bilang "Maykapal". Ang Diyos bilang hindi malubos-lubos, siksik-liglig-at-umaapaw na pag-iral, at hindi mahuli-huli sa isang konsepto at depinisyon, ay dinadala tayo sa isang mapagkumbabang pag-urong. Dinadala tayo ng ating pagkaunawa sa Maykapal sa isang pag-amin na hindi natin Siya mauunawaan ng lubos. Sanakatuwid, itinutulak nitong iwanan ang mayabang na layuning maunawaan ang Diyos. Pangatlo, na may kaugnayan sa dalawang nauna, lumalabas na ang kahulugan ng katanungan tungkol sa Diyos ay itinatanong subalit malinaw na walang kongkretong sagot. Hindi mo ito pwedeng masagot ng "Oo, mayroon" o hindi kaya ay "Walang Diyos" at kaya mo itong mapatunayan gamit ang siguradong-siguradong lohika at ebidensya. Makukutuban natin sa mismong tanong ("mayroon bang Diyos?") na ipinakikita lamang nito ang halaga ng "hindi-ko-alam" o ng hindi masasabi. 




Kung tama ang ating mga pagninilay-nilay sa itaas, bakit hanggang ngayon ay marami pa ring nagtatanong ng katanungan tungkol sa Diyos? Bakit hindi na lamang ito iwanan at taguriang walang kwentang tanong? Babalik tayo sa kahalagahan ng katanungan. Mahalaga pa ring dumaan ang isang tao sa pagkabalisa na sagutin ang mismong tanong, maunawaan ang kahulugan at kawalang kahuhulugan ng nasabing katanungan upang siya mismo ang makaunawa ng kahiwagaan nito. Maaaring malaman niya sa mababaw ng pagkaalam na walang siguradong sagot sa katanungan tungkol sa Diyos, pero hindi pa rin ito pumasok sa kanyang pagkamalay (sa mayamang kahulugan nito). Mahalagang banggitin sa puntong ito ang kaibahan ng "kaalamang-larawan" at "kaalamang-karanasan". Ang una ay tungkol sa pagkakaalam galing marahil sa kanyang pagbabasa, pakikinig, naikwento sa kanya, o di kaya ay itinuro lang sa kanya. Ang pangalawa naman ay pagkamalay na nanggaling sa mismong karanasan. Ibig sabihin, siya mismo ang nakaalam noon at tumalab sa kanyang pagmamalay. Ibang-iba nga ang kaalamang-larawan sa kaalamang-karanasan. Kaya, sige, itanong at danasin ang pagtatanong tungkol sa Diyos. Mayroon bang Diyos? Ewan! Baka! Nakabitin ang sagot. Masasagot lamang ito ng mismong nagtatanong at nababalisa. 

ITUTULOY....

Lunes, Setyembre 22, 2014

Ang The Naked Truth ng Bench at ang Kultura ng Pagsalat

Kamakailan lamang ay pinagkaguluhan ang fashion show na may pamagat na The Naked Truth. Itinanghal dito ang ilang bagong produktong underwear ng Bench. Syempre, patok na patok ito sa mga kabataan. Pinatingkad ito ng pagpaparada sa mga hubad na katawan ng mga modelo (mga seksing babae't lalaki).

Hindi magkamayaw ang mga pumila at bumili ng tiket para lamang masaksihan ang mga hinahangaang modelo. Halos pumantay ang eksena sa phenomenon ng pista ng Poong Nazareno sa dami ng namamanata na nagnanais makita at makahaplos man lamang sa hubad na katawan.

Kung sa pista ng Poong Nazareno ay mayroong siksikan at gitgitan maipunas man lamang ang panyo sa imahe, sa The Naked Truth ay ganoon din. Sa parehong okasyon, nandoon ang pagpupursige.

Marami nang pag-aaral ang nagawa tungkol sa okasyon ng pista ng Poong Nazareno. Lumabas na mayaman ang okasyong ito sa mga sayn (sign) na kapupulutan ng mga konseptong panlipunan. Hindi rin naman siguro malayo na mayaman din sa sayn ang okasyong The Naked Truth na pwedeng kapulutan ng mga konseptong panlipunan.

Lutang na lutang sa nasabing okasyon ang "kultura ng pagsalat". Halos hindi magkamayaw ang pagnanais ng mga manonood na masalat ang mga modelo. Makikita ito sa mga taong nabigyan ng pagkakataong makaakyat sa entablado para mainterview. Carpe Diem (o seize the day) ang peg para makasalat. Kung sa Quiapo ay sa Poon, sa Araneta Coliseum naman ay sina Van Opstal at Ellen Adarna.

Ngayon, ano ba ang ibig sabihin ng "pagsalat". Ang pagsalat ay hindi padaplis. Isa itong paglapat sa PABALAT na tumatagos naman sa NILALAMAN.

Kapag sinabing "nasalat ko ang pyesa ng mahjong" nangangahulugan itong lumapat ang iyong pandama sa pabalat pyesa. Hindi lang dun natatapos sapagkat ang layunin ng pagsalat ay upang madama (at maunawaan) ang mismong nilalaman.

Samakatuwid, lumalampas sa pandama at umaabot sa pag-unawa ang pangyayari ng pagsalat. Kaya nga siguro kapag sinabing "na-touch ako sa sermon ng pari" ibig sabihin ikaw ay naliwanagan. Nanuot ito sa iyong kalooban.

Kung gayon, kung talagang mauunawaan natin ang kultura ng pagsalat, malaki ang maitutulong nito sa ating lipunan. Kailangang damihan pa natin ang ating pagsalat.

Ang mga taong gobyerno, halimbawa, ay hindi pwedeng puro padaplis lamang sa kanilang pag-alam ng pangangailangan ng taumbayan. Kailangan nilang salatin ang tunay na kalagayan. Kailangan nilang damhin nang mas malaliman ang pabalat ng mga problema upang mas maunawaan ang nararapat na solusyon.

Lumalabas ngayon na ang "naked truth" ay kulang pa tayo sa matinong kultura ng pagsalat. Ano ang dahilan ng magagaling nating lingkod-bayan at mistulang kulang ang pagnanasa (desire) nilang sumalat o magpasalat? Anong klaseng lipunan itong tumitingin lamang sa pabalat at kulang na kulang sa pagsalat? May magagawa ba tayo dito upang kahit paano naman ay umangat ang kalagayan ng mga "salat". ;)

Linggo, Setyembre 7, 2014

ANG ERASERHEADS AT ANG NOSTALGIA NG KANTANG "1995"

May bagong inilabas na kanta ang Eraserheads nitong nakaraang araw. Kaya ang tulad kong mananampalataya ng nasabing nabuwag na banda ay nagkukumahog maghanap ng kopya. Salamat sa mga rakistang mabilis pa sa alas kwatro na nag-upload ng dalawang kanta sa youtube.

"1995" ang una kong napakinggan. Isang nostalgia o paglingon sa nakaraan ang trip ng kanta. Binuksan ito ng pangungumustang-patanong: "Saan, saan na napunta kislap ng 'yung mata? May babalik pa ba?"

Hindi maiwasang mag-flashback ang ilang alaala ng 1995--katorse anyos pa lamang ako, usong-uso ang kantang "Alapaap" at "Halik ni Hudas", senador na rin noon si Tito Sotto, taon rin kung kailan tinalo ng diabetes ang tatay ko at kinuha ni Lord, unang beses akong naglakas-loob manligaw at syempre busted sa muse ng kabilang section namin noong high school, at syempre hindi rin makakalimutan na pinili ng Ginebra si EJ Feihl (over Duremdes and Cariaso) kaya 0-10 sila sa isang kumperensya.

Masarap lumingon sa nakaraan. Yung mga bagay na masakit dati, pwede mo nang tawanan na lamang ngayon. Kaya siguro ang kasunod na linya ng kanta ay "Ngayon ang langit ay bughaw at sya'y sumasayaw, ako'y nasisilaw...." Biglang flash-forward sa kasalukuyan. Tipikal na hirit ni Ely Buendia na hahamunin kang mag-isip kung anong koneksyon. Dahil sa pag-iisip ng koneksyon, mapapabuntong-hininga ka na lamang dahil hindi mo rin makita ang koneksyon ng "nostalgia trip" ng Eheads at Esquire Magazine. Malamang may kaugnayan sa pera at ano pa ba? Pera lang ang nagpapatakbo sa buhay ng tao ngayon.



Dinaan na naman tayo ng mga namumuhunan sa pa-effect ng nostalgia para makabenta. Dahil nag-iinvest ang mga namumuhunan sa mga bagay na tumatatak sa atin (unang halik, unang tikim, unang break-up, unang pagpunta sa mall, unang karanasan sa abroad: lahat ay may katapat na produkto), maging ang Eraserheads ay naging isang mabentang "commodity". At, kahit maaari na namang atakihin si Ely habang nakikihalubilo sa kinaiinisan niyang bandmates, mapapakanta pa rin ito sa ngalan ng alam mo na.

Pero, mararamdaman mo rin na nasusuka na rin ang nagsulat ng kanta sa kanilang ginagawa. Ito marahil ang kahulugan ng pinauulit-ulit sa gitna at sa huling bahagi ng kanta: "Pwede bang sunugin ang tulay? Ayaw kong sumabay. Sinong papatay? Ako'y naghihintay sa 1995."

Bakit nga ba binubuhay pa natin ang patay? Bakit kailangang magtanim ng huwad na memorya ng naagnas nang tunog at chemistry ng banda? Bakit ayaw pang ilibing ng Esquire Magazine ang pinaglamayan nang banda noong konsyertong pinamagatang "FINAL Reunion"? Hindi kaya tayong mga "inosenteng" hindi nagtataka ang pwedeng sumagot ng mga katanungang ito? ✌️

Huwebes, Hulyo 31, 2014

UNANG KABANATA: ALMUSAL NI THALES



Monday morning, 7:03. Male-late na ako sa una kong klase. Kasalanan ito ni Tim Cone na trip na trip talagang talunin ang Barangay Ginebra. Napuyat na naman ako. Kabisado ba talaga niya ang galaw ng mga player ng Ginebra o mas magana talagang manalo kapag mas marami kang napapalungkot? Kung anuman ang dahilan niya, kailangan ko nang maglaman ng tyan bago pumasok ng trabaho. Lunes ngayon at siguradong kalbaryo na naman ang trapik. Katulad noong nakaraang lunes, inabot ako ng siyam-siyam sa may V. Mapa. Ilang beses nang nagpalit-palit ang kulay berde, orange, at pula ng traffic light, hindi pa rin makatawid ng intersection ang sinasakyan kong dyip. 
Malupit pala kapag inabutan ka ng rush hour sa may area na yun. Bukod sa maraming sasakyan, marami ring commuters na nag-uunahang makasakay. Kapag tumigil ang jeep o fx, parang mga piranha na nakikipag-agawan. Kung ako sa kanila, gagamitin ko na ang diskarte ni Shaider sa pagsakay. Yung tipong tatalon ka na parang sasakay sa Babilos patungon time-space warp.
Sa awa ni Bathala umusad rin ang aming byahe. Sa unahang bahagi ng jeep ako napasakay. Libre ang amoy ng alimuom. Buti na lang at hindi na masyadong matrapik sa Aurora Blvd. Epektibo rin naman kahit paano ang Bus ban sa Maynila. Nabawasan ang mga G. Liner (Gapang Liner daw ibig sabihin nun) na ginagawang terminal ang kalsada. Kaso sobrang lakas ng sound sa jeep. Sa aking palagay, kung nasa kabilng jeep ako, malamang eksakto ang lakas ng sound. Imaginin nyo na lang kung gaano kalakas yun para sa amin na nakasakay sa loob. Kinabog ang nananahimik kong tutuli.
Humanga ako sa drayber na kayang kayang marinig ang "bayad po!". Agad agad naka-akma ang pag-abot ng barya. Kaya nga lamang sa tuwing may sumisigaw ng "Ma, sukli ko po?", mahirap ata marinig dahil sa lakas ng sound.  Sa panahon ngayon, kahit ang pandinig ay may double-standards na rin.

Kailangan ko na talagang magmadaling kumain. Nagproprotesta na rin ang mga alaga ko sa tyan. Binuksan ko ang refrigerator. May natira pang adobo na ulam namin kagabi. Mayroon ring itlog na nag-aanyayang iprito. Mahilig ako sa scrambled egg. Yung lalagyan mo ng sibuyas at kamatis. Ganyan ang omelet ng mga ninja. Mahal kasi ang keso at corned beef para mag-inarte.
Binuksan ko ang radyo at nagpatugtog ng Rico Blanco. Napayugyog ang ulo ko habang nagluluto ng kinamatisang itlog. ♩♪ “Umaaraw, umuulan. Ang buhay ay sadyang ganyan….”♩♪ Paborito ko ang swabeng tunog ni Rico Blanco. Pagdating naman sa lyrics ng kanta, talagang mapapaisip ka rin.

♩♪ “Bukas sisikat rin muli ang araw, ngunit para lang sa may tyagang maghintay.”♩♪

Sa unang tingin, may mali sa lyrics ng kanta. Hindi naman natin sigurado kung sisikat muli ang araw sa kinabukasan. Kung baga, hindi yan bagay na siguradong-sigurado at hindi mapagdududahan. Paano kung hindi pasikatin ng Diyos ang araw bukas? Hindi ba’t posible yun? Pero, sa tingin ko, ang sinasabi lamang naman sa kanta ay manabik sa panibagong umaga. Muling imulat ang mga mata at danasin ang kahiwagaan ng karanasang iyon.
Siguro nga ay napakalalim ng kahulugan ng karanasan ng pagmumulat kaya napakaraming pilosopo ang nag-isip tungkol dito. Ako, halimbawa, na nagluluto ng kinamatisang itlog at kumakanta-kanta sa harap ng lutuan habang natatalsikan ng ilang atoms ng mantika, conscious ba ako o mulat sa mga bagay-bagay na ginagawa ko? Baka naman nananaginip lamang ako o hindi kaya ay niloloko ng isang matalinong demonyo. Ganyan marahil ang pagtatanong ng pilosopong pranses na si Rene Descartes noong 1630’s. Karamihan sa atin ay hindi na inuusisa ang ganyang mga bagay. Dahil kalimitan tayo ay minamadali ng modernong panahon, wala na tayong oras para usisain muna ang isang bagay upang makasigurado. Ang simpleng paggising sa umaga ay hindi lamang pisikal na pangyayari. Isa rin itong pilosopikal na karanasan. Isang tuwirang pakikipagtagpo sa reyalidad ng pag-iral at pagiging mulat dito.
Ganyan marahil ang sitwasyon ng umaga ni Thales. Bilang mapag-usisa, marahil tanong siya ng tanong. Masid siya ng masid. Kung makakasabay ko kaya siyang kumain ng almusal, mag-uusisa kaya siya tungkol sa hyle ng itlog? Ipapaliwanag siguro niya sa akin na kaya tumatalsik ang mainit na mantika sa sandaling ihalo ko dito ang bagay na aking piniprito ay ang “tubig”. Tubig ang dahilan ng lahat. Ang weird siguro ng almusal ko kung magkakaganun.
Madalas namang nababansagang “weird” ang isang pilosopo. Kapag hindi natin maunawaan, malimit nating husgahang weirdo, sira-ulo, papansin, may sariling mundo, at kung anu-ano pang panlalait. Hindi mo naman talaga masisisi ang ibang taong matawa sa kalagayan ng mga pala-isip. Ayon sa kwento ng isang paring heswita na si Roque Ferriols, si Thales daw na itinuturing na pinakaunang pilosopo sa kasaysayan ng pilosopiyang kanluranin ay nagkaroon ng kakatwang karanasan. Isang gabi, habang pinagmamasdan ng astrologong si Thales ang kagandahan ng kalangitan, hindi niya namalayang mayroon palang balon sa kanyang nilalakaran. Nahulog daw siya dito at isang magandang dalaga na taga-Thrakia ang talagang natawa. Kung baga, minus pogi points.
Sa sobrang hiya ni Thales at ayaw naman niyang maging nakakahiya ang pilosopiya, naisipan niyang mag-astrolohiya. Tumingala raw ito sa langit at nakita ang mga sinyales sa mga bituin na magkakaroon ng maraming ani ng olibo sa susunod na taglagas. At dahil ang mga tao noon ay hindi nag-iisip tungkol sa hinaharap, binili daw ni Thales ang mga gilingan ng olibo sa murang halaga. Kaya, noong dumating ang taglagas, mataas ang pangangailangan sa gilingan ng olibo at naibenta niya ang mga ito sa mas mahal na presyo. Ginawa raw ito ni Thales hindi para maging isang matalinong negosyante. Sa halip, upang ipakita na hindi parating tanga ang pilosopo. 

Dito sa Pilipinas, sangkaterba rin ang walang pakialam at natatawa sa pilosopiya. Ang tingin ng marami sa konsepto ng pangalang “pilosopo” ay yung mga taong bastos sumagot at pabalang mangatuwiran. Hintayin nyo lamang akong matapos mag-almusal at baka mag-iba ang iyong pagtingin sa pilosopiya. Maglalaman lamang ako ng kaning-lamig at pritong itlog at maghahanda na akong pumasok sa Unibersidad ng buhay.